webnovel

Kabanata Apat [2]

NAPALINGON SI MYCEANA, sa huling pagkakataon ay pinagmasdan niya ang paligid na tadtad ng mga taong abala sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Nang mapansing walang nakasunod na mga taong kasuspe-suspetsa ay tumuloy siya at pumasok sa coffee shop.

Nakabuntot lamang siya sa kaniyang kasamahan na tinutungo ang isang bakanteng mesa na may sapat na upuan para sa kanilang grupo. Diretso silang nagsiupo sa malambot na upuang nakalaan at bawat isa'y tahimik, okupado ng sariling iniisip dahil sa nangyari.

"May nakasunod ba sa 'tin, Cyan?" tanong niya upang siguruhing ang kanilang kaligtasan.

"Wala naman," sagot kaagad nito, "Malinis ang paligid Myceana."

"Hindi ko alam kung ligtas pa ba tayo rito sa publiko," nag-aalalang tanong ni Arlette at napatungo sa mesa, unang pagkakataon na nakita ng grupo na nababahala ito ng lubos.

"Wala na tayong mapagtataguan." nanlulumong saad naman ni Valtor at saglit na binalingan ng tingin si Renie, "Hindi na tayo puwedeng bumalik sa apartment ko."

"Pasensya na kayo, Renie at Valtor kung nadamay pa kayo rito." malungkot na pahayag ni Myceana sa dalawang lalakeng magkatabi.

"Walang problema, buo ang tiwala ko sa inyo at handa rin akong tumulong upang matigil na 'to---para sa 'ting kalayaan." paliwanag ni Valtor at tipid na napangiti, "Pagod na akong magtago at balewalain ang mga kaganapan."

"Ako rin," sabi ni Renie, "Siguro, bago pa ako mamamatay ay malalaman ko pa kung saan ako nanggaling at sino ang tunay na pamilya ko. Ngunit, 'di yun mangyayari kung may naghahabol sa 'ting Herozoan."

"Salamat kung gano'n," nagagalak na saad ni Arlette na napaupo ng maayos at sumandal sa kinauupuan.

"Isa pa, kailangan talaga nating magsama-sama at magtutulungan. Mas malakas ang puwersa na 'tin, mas madali natin silang mapapabagsak." pahayag ni Cyan na ikinatango ng lahat.

"Kailan pa kaya 'to mata---"

"Guys, tignan n'yo 'to." tawag ni Renie na nakatitig sa direksyon ng telebisyon ng coffee shop.

Napatingin din silang lahat sa gawi nito at nanlamig ang bawat isa sa kanilang narinig. Hindi nila maintindihan ang takot na biglang umusbong sa kaniya-kaniyang sistema dahil sa napanood.

"...isang kaguluhan ang nakunan ng video footage ng isang netizen sa 3156, Zenith street kung saan sa ikalawang palapag ng apartment ay nagkaroon ng malaking butas matapos itong gumuho." ulat ng babaeng nasa kalsada na direktang kaharap ng gusali.

At nagimbal sila nang ipakita ang isang video footage ng kanilang pagtalon, hindi nila inaasahang may nakakuha nito, at base sa anggulo ay isa sa mga naantala sa byahe ang kumuha ng video.

"...ayon pa sa nakasaksi ay nakita may limang binatilyo na tumalon pababa ng gusali gamit ang lagusan, bagay na nagbigay kuro-kuro na sila ang may-gawa nito. Ngunit, isang palaisipan sa kung paano nakalapag ng maayos ang grupo sa lupa, sa kabila ng mataas na gusali ay hindi man lang ito napano."

"Isa yung patibong, dinidiin tayo ng Herozoan,"

At hindi na sila nakapagsalita pa nang ipaskil sa balita ng kaniya-kaniyang mga larawan, mga larawang kuha pa no'ng mga araw na nasa ilalim sila ng Herozoan; hawak-hawak at nakakulong, kontrolado. Aligagang-aligaga silang napapatingin sa paligid, balisang-balisa na baka may nakakakilala sa kanila.

"...delikado po ang mga binatilyong 'to. Pero, h'wag po kayong maalarma, bagkus kung sakaling makikita n'yo sila ay itawag n'yo kaagad sa mga otoridad gamit ang mga numerong nasa baba ng inyong TV screens."

"Hala, 'di ba sila yun mommy?" napatingin sila sa kabilang mesa at namutla sila nang makitang naroon nakaturo ang isang bata sa kanilang direksyon.

"Lagot na,"

"Tara na," aya ni Arlette at napatayo.

Sa isang aya lang ni Arlette ay biglang nagsitigil ang mga taong nasa loob ng coffee shop; hindi sila gumalaw animo'y tumigil na sa pagtakbo ang oras, lahat ay natulala maliban sa kanilang grupo na nagsitayuan.

"A-Anong nangyari?" nagtatakang tanong ni Valtor na kung saan-saang direksyon napapatingin.

"Gawa 'yan ni Arlette," sagot Myceana.

"Bilisan n'yo, saglit ko lang 'tong makokontrol."

Hindi man sinasabi ay manghang-mangha pa rin si Myceana sa kung paano nagawa ni Arlette na kontrolin ang katawan ng mga tao rito. May kakayahan din naman siyang manipulahin ito ngunit iba talaga ang sa babae, iba ang atake nito, bagay na gumugulat din sa kaniya kung gaano nga kalawak ang saklaw ng lakas nito.

Dali-daling lumisan ang grupo at diretsong tinungo ang nakabukas ng pintuan ng coffee shop. Malalaki ang hakbang nila at nilagpasan lang ang mga taong nanigas sa kaniya-kaniyang kinauupuan.

Nang makaapak sa labas ay sinalubong naman sila ng maalisangan na panahon at ng abalang kalsada, hindi naman ito alintana sa grupo, bagkus, sa pangunguna ni Arlette ay nagsitungo sila sa katabing parking lot ng shop.

"Anong plano mo Arlette?" tanong ni Cyan nang makalapit sila sa isang asul na kotse na halatang mamahalin.

"Nanakawin natin 'to,"

"Ako na," agad namang dumalo si Myceana at lumapit sa kanang pinto ng sasakyan, marahan niyang hinawakan ang salamin nito at napapikit.

Dinama niya ang kabuoan ng sasakyan at hinayaang dumaloy ang puwersa ng kaniyang kakayahan at ipinabalot sa kotse. Ilang saglit pa, kahit hindi nahahawakan at nakikita ay damang-dama niya ang malamig hawakan ng pinto sa loob. At isang hilaan lang ay diretsong bumukas ito, napangiti na lang siya't naisip na kapaki-pakinabang din pala ang karahasan ng Herozoan.

"Paano mo yun nagawa?"

"Hindi ko alam. Itanong mo na lang sa Herozoan, sila ang nagturo no'n." natatawang pahayag ni Myceana kay Valtor.

Unang pumasok at sumakay si Renie na nagpresentang magmamaneho, nang makapuwesto siya sa loob ay nagsipasok naman ang natitirang miyembro at inukupa nito ang mga bakanteng upuan sa passengers seat, maliban kay Arlette na piniling pumuwesto sa shotgun seat.

"Saan tayo pupunta?" tanong ni Renie matapos buhayin ni Myceana ang makina ng kotse gamit ang sariling kakayahan.

"Xyron Mall," sagot ni Arlette, "Do'n tayo magpapatuloy."

▪ ▪ ▪

SAKTONG PAGTIGIL NG KOTSE ay umayos kaagad si Myceana, umalis siya sa pagkakasandal sa katabing bintana at masusing inobserbahan ang paligid ng kinalulugaran nila. Kasalukuyang tahimik at walang katao-tao ang underground parking lot ng Xyron Mall; mapayapa, bagay na kinakailangan nila sa mga oras na 'to.

"Simulan mo na Cyan, subukan mong suyurin ang paligid magmula rito." utos ni Arlette, "Sana lang ay may mahahanap tayo."

"Sana nga,"

"Sa paglipas ng mga araw ay mas lalong tumitindi ang desperasyon ng Herozoan na mapatay o madakip tayo. Gumagamit na sila ng altered ngayon. Hindi puwedeng tatakbo lang tayo palagi, kailangan din nating palakasin ang ating puwersa laban sa kanila."