webnovel

AGNOS

Ako si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang dahilan at sinapit ko ang mga bagay na ito. Kaparusahan ba ito? Kaparusahan sa anong kadahilanan? Tunghayan natin ang kuwento mula sa mga mata ni Cateline. Ang kuwento ng pamilya, pag-ibig, poot, inggit, paghihiganti, trahedya -ang kuwento sa loob ng agnos. (WATTY'S STORYSMITHS WINNER)

mjtpadilla · 历史言情
分數不夠
18 Chs

DAMDAMIN

Unti-unti nang kinain ng dilim ang ginoo nang bumalik na siya sa loob ng kuwebang aking pinaglabasan. Sinundan ko lang ang tanaw na parte ng Bahay Pamahalaan at naglakad na ako pauwi. 'Di ko alam kung bakit, ngunit 'di ko maialis sa aking isip ang hitsura at hubog ng ginoo, pati na rin ang kakaibang lukso ng aking damdamin nang siya'y aking makasama. Kay ligaya ko't 'di ko mapigilan ang aking sarili na ngumiti. Namumula ang aking mukha at patalon-talon pa ako bahagya habang naglalakad. Ngunit, ang pinagtataka ko ay kung bakit mag-isa itong naninirahan sa ganoong lugar. Makalipas ang ilang minuto, mapalad ako at nakauwi naman ako nang ligtas sa aming bahay. Tila isang anghel ang ginoo na nagbabantay sa aking kaligtasan.

Malalim na ang gabi ngunit bukas pa ang mga ilaw at ang pinto ng aming tahanan. Pumasok na ako at nagmadali sa pagpanik patungo sa aking kuwarto nang marinig ko ang boses na tila mula sa aking ama. Pansamantala akong huminto sa tapat ng pinto dahil tila may masinsinang usapan ang nagaganap.

"…palihim kaming nakapag-usap ng pinuno. Naghahanda na kami at pumayag ito sa panukala ko. Pagsasamahin ko ang mga taumbayang nais sumama at lilikas tayo 'pag natapos ang linggong ito." mga salita sa likod ng pinto na tiyak kong sa aking ama nagmumula.

"Sige, pagbibigyan kita. Ngunit, ipangak—" Napatigil si ina sa kaniyang pagsasalita. "Sandali."

"Sh."

Dahan-dahang nagbukas ang pinto. Tumambad sa akin si ama kaya't pinakita ko ang buong lugod kong pagsalubong sa aming muling pagkikita. "Ama!" sigaw ko sa pagkasabik, "Ang tagal kitang hinintay bumalik!"

Bukas-kamay rin niya akong sinalubong at niyakap. 'Di ko maikubli ang aking ligaya kaya't mas hinigpitan ko pa ang aking pagyakap. Sa loob ng kuwarto, napansin ko na tila seryoso ang mukha ni ina at ni Christine. Kakaiba dahil kay tagal nang panahon ang lumipas bago muling nakauwi si ama.

"Narito na pala siya." umirap si Christine habang nakahalukipkip.

"Ah! Anak!" pinalo-palo ni ama ang aking kamay. Mukha atang napasikip ng sobra ang aking yakap. Hinawakan niya ang aking balikat at kinamusta ako, "'Di mo ba alam na ngayong gabi ako uuwi? Kanina pa kita hinahanap saan ka ba nagsususuot? At, bakit basa ka?" Kumuha ng pamunas si ama. Matapos niyang punasan ang aking buhok ay niyakap niya akong muli.

"Mukhang sabik na sabik na kayong makita ako muli. Ako rin po." tugon ko. Naalala ko tuloy ang nangyari kanina. Salaysay ko, "Muntik na po kasi akong mapahamak. Buti nga po ay may ginoong nagligtas sa akin." Napangiti na lang ako sa aking gunita.

"Kanina ay may narinig kaming putok ng baril sa 'di kalayuan. Nagpapasalamat ako't walang nangyaring masama sa iyo. Ngunit, bakit nasa labas ka pa sa kalaliman ng gabi?" pag-aalala pa ni ama. Pinapasok na niya ako sa aking kuwarto at pinaupo sa isang mahabang upuan.

"Ligtas naman po ako. Nagdako po ako sa palengke sa utos—"

"Ganitong oras?" bumaling ng lingon ang aking ama kay ina. Napansin kong nataranta ng bahagya si ina.

"Aba! Ako pa ang may kasalanan?" palingon-lingon si ina kung saan-saan, "Nasaan na ang mga pinamili mo?"

"Wala po akong naisalba," nakatungo ako sa pagkadismaya, "pasensiya na po."

Napahalukipkip si ama at kinausap ng mahinahon sina ina at Christine. "Bigyan niyo muna kami ng sandali upang mag-usap ng anak ko."

"Aba!" pabalang na wika ni ina. Tumayo na sina ina at Christine mula sa kanilang kinauupuan at nagpatuloy nang lumabas. Naiwan na kami ni ama sa aking kuwarto.

"Sabik na sabik po talaga akong makita kayo muli." laking galak ko.

"Ako rin naman, anak." Tinitigan niya ang aking mukha at bahagya siyang ngumingiti, tila nang-aasar, "Napapansin ko tila may iba sa iyo ngayon. May kung anong ligaya at kislap sa iyong mga mata."

"Ama naman!" napayuko ako sapagkat halatang namula ang aking mukha. Sa sobrang saya ko kahit itago ko ito'y pilit palang lumalabas. "Maiba lang po. Ano po 'yung narinig ko kanina na naghahanda po kayo sa paglikas?" usisa ko para ilihis ang usapan.

Naging seryoso ang hitsura ni ama, "Malala na ang panahon ngayon. May nakatakas na taong gumawa ng karumaldumal na krimen. Maliban pa roon ay may nakabadyang pag-atake sa atin mula sa kalaban nating bansa. 'Di natin sila kayang labanan sa oras na sila'y muling tumuntong sa ating lupa kaya't sinang-ayunan ng pinuno ang aking mungkahing maglikas ng mamamayan. Naghahanda pa kami sa ngayon ng mga maliliit na bangka. Magsisimula ang paglikas pagkatapos ng paghahanda."

"Ganoon pala ama." aking pangamba. Muli kong naalala ang sinapit ni ama labing-limang taon na ang nakalilipas noong bumalik ang mga mananakop sa aming isla. Halos malunod siya noon. Ayaw ko nang maulit muli ang ganoong pangyayri.

Napansin ni ama ang aking pag-aalala. Iniangat niya ang aking ulo at nginitian ako nang bahagya. Nagdagdag pa siya ng paalala, "Para ito sa kaligtasan natin. Ipangako mo sa akin na hindi ka makikihalubilo sa 'di mo kilala't ipangako mo rin sa akin na parati kayong mag-iingat nina Christine. Minsan, ang mga taong tila wangis anghel ay may tinatagong demonyo sa kaibuturan."

"Opo, ama." sagot ko bagamat 'di ko lubusang maintindihan ang kaniyang mga tinutukoy.

Nag-iba ng tono bigla si ama. Nakangiti siya sa akin subalit kay tamlay ng mukha. "Kamusta ka naman? Pagpasensiyahan mo na ang ina at kapatid mo anak." Tumabi siya sa aking kinauupuan.

Alam kong nahihirapan si ama sa aming lagay, sa aming pakikitungo sa isa't-isa. Nadagdagan pa ata ang pagkabalisa niyang iyon dahil mas kailangan siya ng bansa ngayon at parating wala sa aming tahanan. "Wala pong kaso ama." nginitian ko siya.

Nagkaroon ng pansamantalang katahimikan. Lumapit siya sa akin at nagsabing, "Matulog ka na anak, gabi na. 'Wag mong kalimutang magbanlaw baka magkasakit ka. Matulog ka ng maaga at bukas …" Unti-unting lumalawak ang matamis ngunit mapang-asar niyang ngiti.

"Ano po iyon ama?" laking tuwa ko. Napakislot pa ako sa aking inuupuan. "'Ano po iyon? 'Wag niyo na 'ko paghintayin!"

Tumayo si ama sa aking harapan at bahagyang yumukod, "… mamamasyal tayo!" Inilapat niya ang kaniyang palad sa aking ulo.

"Sige po, ama!"

Tumayo na si ama. Lumingon pa siya bago tuluyang lumabas sa aking silid. "Tutungo na ako sa aming kuwarto. Magbanlaw ka ha, anak."

Nahiga na ako sa aking kama matapos maligo. Bigla na namang pumasok sa aking isip ang ginoo. Nakatulala lang ako habang inaalala ang mga naganap. Ina, ano kaya itong aking nararamdaman? 'Di pa rin mawala sa aking isip ang ganda ng hitsura at kakisigan ng ginoong nagligtas sa akin. Wari ko ay nabighani nga ako. "Umiibig?" tanong ko sa aking sarili. Ito ba ang sinasabi nilang pag-ibig, ina? Sabik ako sa pagpasyal namin bukas ngunit tila mas sabik akong masilayan muli ang ginoo.

Sa dami ng pumapasok sa aking isip, 'di ko namalayan ako'y nakatulog na pala. Parang palabas kasi na mula sa aking iniisip, ay nagtransisyon ito sa aking panaginip. Dumating na nga ang umaga at agad akong nag-ayos. Hinanda ko ang damit na iniregalo sa akin ng aking ama noong ako'y tumuntong sa pagiging isang ganap na dalaga. Kulay asul ang bestida, gawa sa koton, at hanggang tuhod ang haba. Alam talaga ni ama na bestida ang aking hilig. Kay tagal ko na ring hindi nakapaglagay ng kolorete sa aking mga labi. Hindi na ako makapaghintay pa na mamasyal kasama ang aking pamilya.

Tinitigan ko ang sarili sa salamin. Umikot-ikot upang tignan kung pulido ang aking ayos. Siguro'y matutuwa ang ginoo sa muli naming, kung sakali ngang…, pagkikita.

"Cateline! Tayo na!" sigaw ni ama mula sa labas ng aming tahanan na lalo pang nagpasabik sa akin.

"Nariyan na po ako ama." kumaripas ako sa paglabas sa bahay. Handa na pala sina ama, ina, at Christine. Bumungad sa akin ang maayos nilang pananamit. Nakapulang bestida sina ina't Christine. Talaga nga namang agaw pansin. Nakakatuwa dahil mukha silang kambal 'pag pinagtabi. Mas mahaba nga lang ang suot ni ina. Si ama nama'y nakadamit lamang at pantalon. "Tagal ko na pong 'di nakapamasyal. Sabik na talaga ako lalo't kasama kayo nina ina, ama." pambungad kong bati.

Umirap si Christine. Itong kapatid ko talaga, 'di na napagod ang mata sa pag-ikot.

Puri ko, "Napakaganda mo ngayon Christine, mukha kang prinsesa sa gitna ng hari't reyna."

Napangiti ako nang bumaling ng lingon si Christine. Halatang nahiya siya't namula ang kaniyang mukha.

"Sandali," biglang pasok ni ina sa usapan. "Kunin mo nga Cateline 'yung pitaka ko. Naiwan ko sa kuwarto ko. Nako! Muntik ko pang maiwan."

"Opo, kukunin ko na po ina. Sandali lang po." muli akong pumasok ng bahay.

Kumento ni Christine, "Iwan na kaya natin 'to, ang bagal."

"Narito na po ina." sigaw ko nang makalabas na ako muli mula sa bahay. Napayukod ako sa hingal.

"Ang bilis, bagay ka ngang maging magnanakaw." tukso pa sa akin ni Christine. 'Di ko gaanong nagustuhan ang tono niya ngayon.

"Tigil!" nagsisimula nang mainis si ama. "Gawin na lang nating masaya ang pamamasyal nating ito." Kumalma siya at muling ngumiti. "Pupunta tayo sa karnabal, pamilihan, at maglalakad sa dalampasigan upang masilayan ang paglubog ng araw."

Karnabal> Pamilihan? Dalampasigan? Sigurado akong magiging napakasaya ng araw na ito. 'Di ko mapigilan ang saya sapagkat nanamnamin ko ng husto ang kaligayahan ngayong araw. Ano kaya ang aming mga masisilayan, mapamimili, at matutunghayan?

Naglakad na kaming mag-anak. Nasa kanan ni ama si ina, at sa kaliwa naman si Christine. Ako nama'y naglalakad sa likod nila. Laging lumilingon sa likod si ama upang ako'y kamustahin. TIniyak ko naman sa kaniya na ayos lang ako sa pamamagitan ng isang ngiti, para na rin mabigyan ng oras sina ina na makasama si ama sa paglalakad. Alam ko namang sabik rin ang dalawang iyon, 'di lang nila pinapahalata. Natutuwa ako dahil muli kong nakita ang mga ngiti nina ina at Christine na kay tagal na nilang ikinubli. Mukhang hindi lang kami ang nasiyahan sa pagbalik ni ama, maging ang aming mga kapit-bahay ay nagbigay ng kanilang maliligayang bati at pagsalubong. Tunay ngang kinagigiliwan ng nakararami si ama.

Namili kami ng napakarami sa pamilihang pambayan. Laking tuwa ni ina na muli na niyang matutupad ang matagal na inaasam na makapaghanda muli ng putahe mula sa pinakamahal na parte ng baka. Siguradong dadagsain na naman kami ng mga parokyano nito. 'Di na ko makapaghintay sapagkat alam kong makakatikim rin ako noon. Ngunit, 'di rin maalis sa aking isip ang dami ng aking huhugasan. Pinamili rin kami ng damit ng aking ama. Nagpaubaya ako na kay Christine na ang karamihang maipamimili dahil hindi naman ako gaanong mahilig sa magarbong damit, at taon na lang ang bibilangin ay magdadalaga na siya. Makikita ang ligaya sa aming mga mukha. Minsan lang mangyari na kaming lahat ay nagkakasundo. Muli kaming bumalik sa aming bahay upang itabi ang mga naipamili.

Matapos, dumiretso kami sa karnabal lulan ng sasakyan ni ama. Makikita ang saya sa mga tao rito, halatang hindi nila alam ang maaaring mangyayari. Nanood kami ng mga taong nagpapakitang gilas sa tabi ng lansangan, sumakay sa mga sakayang panlibang, kumanta, sumayaw, at maraming pang napakasasayang gawain. Kay sarap tignang muling nabuhayan sina ina't Christine. Talagang maligaya kami tuwing nariyan si ama. May nadaanan kaming patayaan. Tumaya sina ina at Christine. Laking galak namin nang magsunod-sunod ang pagtama nila sa patayaan. Napatalon pa sila ni Christine. Sa tuwa'y nagpaiwan na lang sila roon pansamantala dahil sayang nga naman kung hindi pa nila ipagpatuloy ang pagkapanalo. Kami na lang ni ama ang muling sumakay sa sasakyan at nagpatuloy mamasyal sa dalampasigan.

"Hay, iyang mag-ina ko talaga." pabuntong-hiningang wika ni ama habang tahimik kaming naglalakad sa ibabaw ng pinong buhangin ng dalampasigan.

"Hayaan niyo na po, minsan lang naman." pabungisngis kong dugtong.

"Tagal ko nang hindi nakita ang pagbungisngis mong ganyan an—"

"Ama, tignan mo hugis pusong kabibe!" pinulot ko ito. Ipinatong ko sa aking mga palad at laking galak na ipinakita kay ama. Siguradong magugustuhan ni Av—.

"Napakaganda nga anak." kumento niya. "Ikuwento mo naman sa akin ang pinanggagalingan ng saya na iyan." usisa pa ni ama. "Dahil ba sa malapit na ang ka-a-ra-wan ni He-len?"

Napakaganda nitong kabibe. Halos kulay rosas rin ito. Ano? Pinanggagalingan ng aking saya? Ano itong nangyayari at bakit parang bumabagal ang mga tunog na aking naririnig? Mabilis akong nagpipikit nang may lalaking sumulpot sa aking harapan. G-ginoo? Nagulat na lamang ako nang muling naglinaw ang aking paningin, "Ah, David, narito ka pala." Nakapaling patagilid ang kaniyang mukha sa aking harap. "Magbihis ka nga!" sigaw ko nang makita kong wala siyang suot na pang-itaas.

"Cateline? Kay ganda mo ngayon." nakangiti niyang sambit. Aaminin ko, natuwa ako sa aking narinig. Agad rin niyang isinuot ang kulay puti niyang damit na may mahabang manggas. "Kanina pa kita kinakausap. Anong nangyayari sa'yo?" kumunot ang kaniyang noo. "Kakadaong ko lang matapos akong mangisda kaya't nagtampisaw ako sandali."

Bumungisngis naman si ama, "Bagay nga kayong dalawa." Humarap naman siya kay David at nagpatuloy, "Kanina lang ay pinag-uusapan ka namin. Aba, kay bilis at narito ka na."

"Pinag-uusapan?" sabay naming sambit ni David.

"Sabay pa kayo. Bagay talaga kayo sa isa't isa." tumawa na naman si ama. Dagdag pa niyang pangangantiyaw, "Kagabi lang ay nagkuwento ang aking anak. Mukhang umiibig ang aking dalaga. Sa tagal ng panahon aba'y nakapuntos ka na rin sa aking anak." Kahit kailan talaga itong si ama. Ang hilig kaming tuksuhin ng aking kaibigan.

"Totoo bang umiibig ka na, Cateline?" tanong ni David na nanatili sa aking tainga.

"Umiibig?" napatingala ako sa kagiliran. Ipinaglapat ko ang aking mga palad at inilapit sa aking mga labi habang inalala ang aming pagtatagpo. "Niligtas ako ng ginoong ito noong isang gabi. Pinagtanggol niya ako laban sa mga may balak na masama sa akin. Nasilayan ko ang kaniyang hitsura na para bang kumikislap sa liwanag ng buwan. Narinig ko rin ang kaniyang boses na tila musika sa aking tainga. 'Di ko iyon makakalimutan."

Pabulong namang may iwinika si David kasabay ng kaniyang pagyuko.

"A-ano?" usisa ko.

Udyok ni ama, "Mukha atang may dapat kayong mapag-usapan."

Pinigilan ko si ama nang subukan niyang maglakad papalayo. "'Di na po, ama. Minsan lang tayo magkasama at aalis ka pang muli."

"Oo nga po, Tito. Ako na lamang po ang mauna." nawala ang sigla ni David at tila kay panglaw na niya ngayon.

"Ah, sandali lang David. May pabor sana akong hihingiin." biglang paanyaya ni ama.

"Ano po iyon, Tito?"

"Malapit na kasing simulan ang palihim na operasiyong ito. May nakabadyang panganib sa ating lugar dahil naghahanda nang umatake ang ating kalabang mananakop. Gusto kong tulungan mo ang iyong pamilya. Kami na ang bahalang magpakalat ng balita sa lahat na tayo ay lilikas sa kalaliman ng gabi pagkatapos namin maiayos ang plano. Isa-isa, bahay-bahay, upang 'di magdulot ng kaguluhan. Ang mga bangka ay ihahanda sa likod ng bangin na iyon. Ang hamog at ang mismong bangin ang magtatago sa mga bangka laban sa mga mata ng kalaban. Mamayang gabi, magkikita kami ng pinuno upang muling makapag-usap." Tumuro si ama sa mataas na bangin sa kanluran.

"Sa-sa bangin?" bumilis ang tibok ng aking puso't biglang 'di ako mapakali, "Sandali ama, mauna na ako."

"Samahan na kita." hiling ni David at inalok niya ang kaniyang kamay.

Kumaripas na ako sa pagtakbo. 'Di maaring malaman nila ama ang tinitirhan ng ginoo. "Paalam!" sigaw ko kina ama at David bago tuluyang makalayo.