Isang linggo nang nagpapabalik-balik si Marble sa kwarto ni Vendrick pero hanggang ngayo'y wala pa ring tao sa loob. 'Di tuloy siya makapaglinis ng kwarto nito. 'Di niya mabayaran ang kanyang utang.
Nagtataka na siya. Gano'n ba talaga ito kung umalis, pangmatagalan bago umuwi? Sabagay, mayaman naman ang mga magulang nito, walang problema kahit isang taon pa itong maglakwatsa.
"Tita, good morning!" Umalingawngaw sa buong sala ang boses na 'yon ni Chelsea, dinig kahit sa kinaruruonan niya.
Napansin niyang marami na namang nagde-decorate sa buong bahay, loob at labas niyon. Pati ang swimming pool ay nilagyan ng mga palamuti. Ano na naman kayang mangyayaring selebrasyon? Ah--baka ang sinasabi ni Manang Viola na engagement nina Vendrick at itong malditang Chelsea.
Sandali muna niyang inikot ng tingin ang buong bahay saka bumalik sa kwarto ng alaga.
"Nanay sige na, magpunta na tayong Luneta. Duon po tayo mangaroling para maipaputol na natin ang mga pangil mo," pagsusumamo ng matanda. Sa loob ng isang linggo, panay ang pangungulit nitong magpunta silang Luneta pero hanggang sa bermuda grass lang ang kanilang bagsak.
Ngayon, nangungulit na naman ito.
"Ano kaya kung magpaalam ka na lang kay madam na sasamahan natin si senyor sa Luneta nang makapamasyal din tayo?" susog ni Lorie.
Naipameywang niya ang kamay habang nakatayo't hinawakan na ng matanda ang laylayan ng kanyang damit, nangungulit hanggang sa pumayag na lang siya.
"Teka, magpapaalam ako kay madam," an'ya at muli na namang lumabas ng kwarto.
Pero nakita niya si Chelsea sa sala kausap ang hinahanap kaya sa halip na lapitan ang madam ay dumiretso siya sa labas ng bahay hanggang sa mapunta sa may swimming pool. Alam na niya kasi ang routine na ginagawa ng kanyang amo sa umaga.
Bago ito pumasok sa kusina at magluto ng pagkain ng kanyang alaga ay iniikot muna nito ang buong bahay kung seguradong malinis lalo na sa may bandang swimming pool. Minsan pa nga, do'n din ito naliligo pag ala na si Vendrick, kaya dun niya ito hinintay.
Subalit sa halip na ang amo ay si Chelsea ang taas noong nagawi sa kanyang kinaruruonan o sinadya talaga siya nitong sundan.
"What's this daylight vampire doing here?" nakataas ang isang kilay na wika nito, nakatingin sa kanya.
Ano daw 'yon? 'Di niya na gets kaya ngumisi lang siya rito.
"Ampangit mo talaga!" biglang singhal nito.
Lalong lumapad ang kanyang ngisi na ikinainis naman lalo ng dalaga pero maya-maya'y tila nang-uuyam itong ngumiti.
"Hayyy, ang sarap ng pakiramdam na mai-engage ka na sa lalaking mula pa noo'y habol na nang habol sa'yo," pagpaparinig nito saka nanunuyang pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa sabay ngiti.
"Ikaw Marble, may naghahabol ba sa itsura mong 'yan?" nang-iinsulto nitong tanong, humakbang pa palapit sa kanya hanggang sa isang metro na lang ang layo nila sa isa't isa.
"Naghahabol?" kunwa'y lito niyang balik-tanong.
"Oo naghahabol. Kasi sa'kin, andaming naghahabol pero si Vendrick lang ang napili ko," proud nitong sagot, nanatiling nakataas ang isang kilay at pailalim siyang tinitigan, curious seguro sa kanyang sagot.
"Awww meron! Naghahabol lang pala eh. May aso, may pusa, minsan pa nga ahas," painosente niyang sagot sabay ngisi dito.
Biglang naglaho ang nang-uuyam nitong ngiti, napalitan ng pagsasalubong ng kilay at panggagalaiti sa kanya.
"You idiot beast!"
Bigla nitong itinaas ang isang kamay sa ere.
"Marble! What are you doing here? I mean, ano'ng ginagawa mo rito?" takang tawag ng madam sa kanya.
Kumaway pa siya sa papalapit na amo.
"Madam, tinatanong po ako ni Senyorita Chelsea kung may naghahabol po sa'kin kasi daw madami naghahabol sa kanya pero si Senyorito Vendrick ang napili niya. Sabi ko po merung naghahabol din sa'kin, may aso, may pusa, minsan nga po ahas eh," sagot niya sa among babaeng tinakpan bigla ang bibig upang 'wag matawa sa sinabi niya.
"Sige na, bumalik ka na sa taas," utos nitong pigil ang pagtawa.
Ngumisi muna siya kay Chelsea bago naglakad at lumampas rito.
"Tita, I really don't like her. Hindi niyo ba pwedeng palayasin 'yan dito?"
Narinig pa niyang sumbong nito sa kanyang amo ngunit bigla ring natigil sa pagsasalita nang muli siyang humarap sa amo.
"Madam, magpapaalam lang po akong isasamang mamasyal sina Ate Lorie at ang alaga ko mamaya," nilakasan na niya ang boses nang marinig nito ang kanyang sinasabi, tatlong metro na kasi ang layo niya mula rito.
"Sige basta mag-iingat kayo," malakas din ang boses na sagot.
Napa-"yes" siya sa narinig at tumakbo na papasok sa loob ng bahay.
Pagkabukas lang ng pinto, narinig niyang bumubungisngis ang kanyang alaga sa tuwa.
Nakita niya ito't si Lorie na nagpakaupo sa sahig paharap sa center table habang ang matanda'y nakadukwang sa binubuksang supot ni Lorie.
Huh? Kilala niya ang supot na 'yon ah.
"Ayala Center? Sa Cebu 'yon ah!" lito niyang sambit, lalapit na sana sa dalawa nang biglang bumalandra sa mukha niya ang isang mahabang papel kasabay ng pagsara ng pinto at pag-click niyon, meaning ini-lock ang pintong pinasukan niya.
Duon lang niya naamoy ang pabangong si Vendrick lang ang alam niyang gumagamit.
Si Vendrick! Andito na si Vendrick? Bigla siyang nakaramdam ng 'di-maipaliwanag na saya.
"Namiss mo ako noh?" bulong ng binata sa kanyang likuran, nakadikit na pala ang mukha nito sa kanyang pisngi.
"Ano'ng namiss? 'Yang pagmumukha mong 'yan, mamimiss ko? Kahit ilang taon pa kitang 'di makita, 'di kita mamimiss!" walang gatol niyang sagot, dere-deretso ang bibig.
Napalingon sa kanila ang dalawang busy sa pagbubukas ng supot sa ibabaw ng center table.
Siya nama'y inirapan lang ang binatang humarap na sa kanya, nakaladlad pa rin sa kanyang mukha ang hawak nitong papel.
Kunwa'y inis na hinablot niya ang papel saka tinitigang mabuti. Tila 'yon resibo galing sa Ayala Center. Pagkahaba-haba ng listahang nakasulat duon, mula ata sa taas ng papel hanggang sa pinakailalim niyon.
"Ano 'to?" naduduling na siyang nakatitig duon.
"Utang mo," pasimpleng sagot ng binata't tumalikod sa kanya.
"Utang ko?!" sambulat niya, halos lumuwa ang mga mata sa gulat at muling inisa-isa ng tingin ang nakalista sa papel.
"Nandito lang ako sa bahay na 'to. Pa'no akong nagkautang sayo ng gan'to kahaba?" dismayado niyang tanong sa binatang nakade-kwatro nang nakaupo sa mahabang sofa.
Napatingin sa kanya si Lorie. Nagtataka sa naging asal niya sa harap ng binata.
Kinalabit ito ng matanda.
"Pulis, matagal pa po ba? Kanina mo pa po kasi binubuksan 'yan eh. Nagugutom na ako," reklamo nito.
"Ah, sandali na lang po 'to, Senyor." Bumaling na uli ang dalaga sa binubuksang supot.
Siya nama'y lumapit na sa binatang halatang masayang-masaya nang mga sandaling 'yon, nakangisi pa sa kanya. Irap lang ang kanyang isinagot.
"Ipaliwanag mo nga to," iniladlad niya ang papel sa harap nito.
"Utang mo nga. 'Yan ang nagastos ko nang magpunta sa inyo," pakaswal na uling sagot ng binata. " Kasali d'yan ang sahod ko no'ng gawin akong taga-halo ng semento ng nanay mo," tila nagmamaktol nitong dugtong.
"Ha?" 'di pa rin makapaniwalang bulalas niya sabay tingin sa supot na sa wakas ay nabuksan na rin ni Lorie.
Nagpunta ngang Cebu ang giatay na 'to. Heto nga't kumakain na ang kanyang alaga ng mga kakanin at ilang produkto galing duon.
Mula sa 33,700 madadagdagan na naman ang kanyang utang?
Tinitigan niyang maigi ang papel. Sa sobrang haba ng nakalista do'n eh talaga namang gusto na niyang bumulalas nang iyak ng mga sandaling 'yon.
"Pa'no ko mababayaran lahat 'to? Pagkahaba-haba nito? Bakit ka kasi napunta do'n? Ano ba'ng masamang hangin ang nagtulak sa'yo papunta do'n?" pagmamaktol niya at lupaypay ang balikat na tumabi sa pagkakaupo dito.
Nang may biglang pumasok sa kanyang isip saka nakangising bumaling sa katabi.
"Pwede ba'ng gawin mong one-way ang bayad mo bawat kalat sa kwarto mo?" pakiusap niya dito.
"Ano'ng one-way?" maang nitong tanong.
"Engot ka talaga! One-way, isandaan," nakairap niyang sagot.
Binatukan siya nito, 'di siya nakasigaw ng "Aray" kaya matalim na lang niya itong tinitigan.
"Puro ka kasi kalokohan. Ma-one-way ko ng suntok ang pagmumukha mong 'yan eh," asar na sambit ng binata.
"'Yon naman talaga ang englis ng isandaan ah. One-way," giit niya habang nakangusong hinihimas ang nasaktang batok.
Napahagikhik si Lorie sa kulitan nila.