Anorwa, the another world. Mundo ng mga diwata na akala nati'y sa isang kuwentong pantasya lamang. Doo'y muling magtatagpo ang landas ni Nate at Chelsa. Ngunit sa kasamaang palad, sila'y nasa magkalabang pangkat. Ang pangkat ng kabutihan at pangkat ng kasamaan. A Fight For Love And Forever
MAGKAIBA MANG MUNDO na ang ginagalawan natin, pero pakiramdam ko narito ka lang sa tabi ko. Pero talaga namang hindi ka nawala kahit kailan – dahil nananatili kang nandito sa puso ko. Mahal na mahal kita, Chelsa…
~~~
NANG MAWALA SI Chelsa, naging tampulan ako ng tukso ng tropa. Mas emo pa raw ako kay Edward. Ang akala nila nasa ibang bansa lang si Chelsa, kaya bakit hindi ko sundan kaysa para akong nabalo na at iniwanan pa ng sandamakmak na utang.
Kung alam lang nila. At sana, puwede ko talagang ipaalam sa kanila. Nang mga panahong 'yon, para akong nasa loob ng isang bangungot. 'Yong tipong sumisigaw ka, pero walang boses na lumalabas sa bibig mo. 'Yong nag-iisa ka lang sa gitna ng dilim. At unti-unti ka pang lumulubog sa kinatatayuan mo. Gusto kong magkuwento, pero wala akong makuwentuhan. Ni wala ring mahingahan.
~~~
ARAW NG ANNIVERSARY namin ni Chelsa. Isang taon na kami. Narito ako sa tabing-dagat kung saan gusto niyang i-celebrate ang araw na 'to. Palubog na ang araw, nagkukulay pula ang kalangitan at lumalamig na ang simoy ng hangin. Napakapayapa ng paligid at ang sarap pakinggan ng musika ng paghampas ng maliliit na alon sa dalampasigan. Na sinasabayan na rin ng huni ng ihip ng hangin na mas lalong lumalamig sa unti-unting pagkagat ng dilim. At mas malamig dahil na rin siguro mag-isa lang ako – pero ayos lang ako. Wala namang nagsabing bawal i-celebrate ang anniversary n'yo ng GF mo na mag-isa ka lang, 'di ba? May isang bucket ng fried chicken ako at anim na can ng beer. Ayos na 'to.
"Happy anniversary, Chelsa," nakangiting sabi ko pagkalagok ko ng beer. Lumanghap ako ng sariwang hangin at payapang pinagmasdan ang karagatan. Miss na miss ko na talaga siya. Hindi pa rin pumapasok sa isip ko ang humanap ng iba. Siya pa rin talaga. Kung hanggang kailan? Hindi ko alam.
Malalim akong napabuntong-hininga. Pinagmasdan lang ang maganda't tahimik na paligid, hanggang sa –
May mga butil na kulay purple na liwanag na dumating – maliliit na ilaw na papalapit sa 'kin galing sa iba't ibang direksiyon. Nabuo ang mga liwanag sa tabi ko hanggang sa maging malaking purple na liwanag. Napanganga na lamang ako at 'di nakakilos. Nanatili akong nakaupo. Kilala ko ang liwanag.
Unti-unti siyang lumitaw mula sa liwanag. Puti ang kanyang kasuotan. Nakaupo siya ngayon sa tabi ko at nakangiting nakatingin sa 'kin. Unti-unting nawawala ang liwanag na nakapalibot sa kanya. At napagmasdan ko siya – ang maamo niyang mukha at matamis niyang ngiting sobrang na-miss ko.
"Oh, shit." Mahinang nasabi ko.
"Nahuli ba ako?" narinig kong tanong niya. Bumilis nang husto ang tibok ng puso ko – system malfunction mode.
"S-Sakto lang," sagot ko.
"Hi, Nate," sabi niya.
"Hi, Chelsa," sabi ko na nanatiling hindi makapaniwala sa nakikita ko.
Pinagmasdan ko lang siya. Natatanong ko ang sarili ko kung totoo ba 'to? Nasa harap ko ba talaga siya?
Hinawakan niya ang kamay ko. Naramdaman ko ang mainit na palad niya. Siya nga. My girl from nowhere. My love. Si Chelsa, nagbalik siya.
"Na-miss kita, Chelsa," nasabi ko kasabay nang pagpatak ng luha ko.
Ngumiti siya – at muli siyang nagliwanag. Sa pag-ihip ng hangin mula sa dagat, animo'y kumikinang na pulbos siyang inilipad – muli siyang naglaho sa harapan ko. Nablangko ako. Hindi nakakilos.
"Chelsa?" mahinang nasambit ko. At sa wakas, nagawa kong makabalik sa ulirat ko.
Tumayo akong nanlalambot ang mga tuhod at halos hindi ako makahinga. Ang daming katanungang gumugulo sa isip ko. Nagsisigaw ako. Tinatawag ko siya. Pero bumabalik lang sa 'kin ang sigaw ko. Nilibot ko ang paningin ko sa paligid – walang bakas niya ang natira – walang liwanag.
Napaluhod akong patuloy ang pagdaloy ng luha ko. Natatanong ko ang sarili ko kung totoo ba 'yon? Pero totoo 'yon, eh. Naramdaman ko ang init ng palad niya. At naramdaman siya ng puso ko.
~~~
DALI-DALI AKONG nag-drive papunta sa bahay nina Tito Chelo. Kailangan nilang malaman ang nangyari. Tinatawagan ko sila, pero walang sumasagot.
Kalahating oras ang biyenahe ko. At pagdating ko sa bahay nila, napakatahimik ng paligid. Madilim ang loob ng bahay at nakabukas ang harap na pinto – na ipinagtaka ko.
"Tito Chelo! Tita Melisa!" sigaw ko pagkapasok ko ng bahay.
In-on ko ang flashlight sa cell phone ko, tumambad sa 'kin ang magulong ayos ng bahay. May mga basag na vase at basag rin ang TV na nasa sahig. Kinabahan ako. Mukhang may matinding pagtatalong nangyari – at alam kong hindi iyon sina Tito Chelo at Tita Melisa. Masyado nilang mahal ang isa't isa at hindi nila magagawang guluhin nang ganito ang loob ng bahay kung sakali ngang nag-away sila. Si Ate Zhara naman, ang alam ko nasa trip siya.
Maingat akong naglakad hanggang sa marating ko ang kusina at nahagip ng ilaw ng cell phone ko si Tita Melisa na nakaupo sa sulok at umiiyak. Takot na takot ang hitsura niya. Agad akong niyakap ni Tita Melisa nang lapitan ko siya at mas naramdaman ko ang takot niya. Inalerto ko ang sarili ko sa paligid at nagmasid.
"Ano pong nangyari tita?" pabulong na tanong ko. "Nasaan si Tito Chelo?"
"Ano tito mo. Ang asawa ko." Mas lalong naiyak si Tita Melisa at napansin kong may mga pasa siya at may bakas ng dugo sa damit. "Si Chelo, kinuha siya. Kinuha siya ng mga diwata."
"Diwata?"
Hindi na ako nagulat sa kumuha kay Tito Chelo. Pero bakit siya kinuha?
"Mga itim na diwata. Itim ang mga pakpak nila… at nakakatakot ang anyo nila."
Napatulala na lamang ako sa sobrang kabang naramdaman ko. At 'di na kinaya pa ni Tita Melisa ang kung ano mang nararamdaman niya – nawalan siya ng malay.
~~~
DINALA KO SA ospital si Tita Melisa. Lumipas na ang ilang oras, wala pa rin siyang malay. Tinawagan ko na si Ate Zhara, nagulat siya sa ibinalita ko at agad bumiyahe papunta rito.
Hindi ko alam ang iisipin ko sa mga nangyari. Nagpakita si Chelsa – 'di ko na nasabi 'yon kina tito at tita. At si Tito Chelo, kinuha ng mga itim na diwata. Naninikip ang dibdib ko. Hirap akong huminga. At wala akong mapagsabihan ng mga 'to. Ang shit lang!
Nagpasya akong iwan muna si Tita Melisa para makalanghap man lang ako ng sariwang hangin sa labas. Para na kasing sasabog ang dibdib ko. Si Chelsa. Si Chelsa…
"Aaaaaaahhhhh! Shit! Shit! Shit!" malakas na sigaw ko. Nasa rooftop ako ng ospital. Bawal pumunta rito, pero walang nakapigil sa 'kin. Kailangan ko kasi talagang ilabas ang nasa loob ko. Na hindi ko alam kung ano ba talaga ang dapat na maramdaman ko!
May naaninag akong liwanag na sumulpot mula sa likuran ko. Paglingon ko, may dalawang lalaking diwatang tumambad sa 'kin. Kulay berde at asul ang patulis na mga pakpak nila, tulad ng hugis ng pakpak ni Kabahon. Nakahawi palikod ang mga antena nila. Nakasuot sila ng baluti at may espadang nakasuksok sa baywang nila. Pumasok sa utak ko na marahil ay mga sundalo sila o mandirigma sa mundo nila.
Napahakbang ako paatras. Natakot ako. Wala akong laban sa mga 'to.
"Huwag kang matakot. Hindi kami masama," sabi ng diwatang may berdeng pakpak. Malaki ang boses niya, 'yong tipong matatakot kang suwayin ang utos niya. Ang tangkad pa naman niya at ang laki ng katawan. Parang bouncer lang na naka-costume ng pang-fairy na balbas sarado. "Hindi ka namin sasaktan," sambit niya pa.
"A-Ano'ng kailangan n'yo?" tanong ko. Tuloy pa rin ang paisa-isa kong paghakbang palayo.
"Kailangan mong sumama sa 'min," ang may asul na pakpak ang nagsalita. Na sa tingin ko, base sa hitsura niya, matanda lang siya ng mga dalawang taon sa 'kin. Halos matangkad lang siya sa 'kin ng konti.
"Sumama? Saan? At bakit?" tanong ko.
"Sa Anorwa. At doon na namin ipapaliwanag ang lahat," ang may berdeng pakpak ang sumagot. Humakbang siya palapit sa 'kin.
"Anorwa?" tanong ko.
"Ang mundo naming mga diwata. Ang mundong kailangan ang tulong mo," sagot ng may berdeng pakpak. Bakas ang pagkaseryoso sa mukha niya. Na kahit tumanggi pa ako, wala akong magagawa.
Hindi ko agad naisip na sumama – pero 'di naman pumasok sa isip ko na tumanggi. Dahil maaring masagot ang katanungan ko sa pagpakita sa 'kin ni Chelsa. Nararamdaman kong buhay siya, at mas lumakas ang pakiramdam kong 'yon. At maaring matagpuan ko siya sa sinasabing mundo ng diwatang kaharap ko. At maaring mahanap ko rin do'n si Tito Chelo.
Nagpasya ako, puno man ng katanungan ang isip ko. Humakbang ako palapit sa dalawang ekstrangherong diwata – sasama ako sa kanila sa mungdong naiiba, sa mundo na kung tawagin ay ANORWA.
Ako si NATE.