webnovel

CHAPTER 6: Si Bangis, At Ang Nakaraang Buhay

MULING NARITO AKO sa isa sa mga tore ng palasyo sa mataas na bahagi ng beranda. Nakaupo ako sa sahig at nakasandal sa pader habang tahimik lang na pinagmamasdan ang kalangitan. Presko ang hangin at hindi pa gano'n kainit ang sikat ng araw. Hindi pa rin gano'n ka-stable ang tibok ng puso ko at ang paghinga ko. Shit kasing panaginip 'yon! Nagising akong sumisigaw at pawis na pawis. Naalimpungatan pa sina Rama at Shem-shem na kasama ko sa kuwarto. Sabi ko na lang isang masamang panaginip lang at hindi ko na ikuwenento pa.

Tumayo ako at muling pinagmasdan ang magandang paligid – ang nakakamanghang kagandahan ng Kaharian ng Ezharta. Kahit papaano nababawasan ng mga natatanaw ko ang pag-aalala ko. Pero bigla rin bubulusok sa dibdib ko ang pangamba – sa 'kin nakasalalay ang pananatili ng kaayusan at kagandahan ng kahariang ito. Sa pasya ko, nakasalalay ang kinabukasan ng lahat – maaring ako rin ang makasira ng ganda ng natatanaw ko kung magkamali ako sa pasya ko.

Kanina, hindi ako nag-almusal nang alukin ako ni Rama, bagkus nagpahatid ako sa kanya rito. Wala akong ganang kumain – at wala akong gana sa buhay ko ngayon. At sabi ko kay Pinunong Kahab, hindi pa ako handang magsanay ngayon. Nagsinungaling akong masama ang pakiramdam ko. Ang totoo, hindi ko alam ang nararamdaman ko. Hindi naman kasi gano'n kadali 'yon, eh. Magpapakabayani ako? Itataya ko ang buhay ko? Nang makita ko ang mga estatuwa ng mga bayani sa loob ng palasyo, namangha ako pero 'di ko naman pinangarap na malagay ako ro'n. Haist, shit!

Napaatras ako nang may mabilis na lumilipad papalapit sa 'kin. At lumapag ito sa harap ko.

NAEL…

Narinig kong boses. Pero wala namang nagsalita at kami lang dalawa rito ng arikon na si Bangis – siya ang mabilis na lumipad papalapit sa 'kin.

"Ha?" natanong ko. Nabigla ako sa pagdating niya pero 'di naman ako kinabahan.

TINUPAD MO ANG IYONG PANGAKO. NAGBALIK KA, KAIBAGAN.

Muling narinig kong tinig ng isang lalaki – malaking misteryosong tinig.

Itinuro ko si Bangis. "I-Ikaw? Ikaw ang nagsalita?" natanong ko. Hindi na bago sa 'kin ang gano'ng pakikipag-usap gamit ang isip dahil gano'n din si Chelsa. Pero arikon siya, isang kabayong may pakpak at sungay kaya medyo nakakapagtaka.

HUWAG KANG MATAKOT… NATE.

Muli na namang narinig ko. At nakompirma kong siya nga 'yon, si Bangis. Humakbang siya palapit sa 'kin at nakapikit siyang marahang idinikit ang noo niya sa noo ko. Parang hindi iyon ang unang pagkakataon? Ang weird?

HINDI AKO PUWEDENG MAGKAMALI. IKAW NGA IYAN, NAEL… TINUPAD MO ANG PANGAKO MONG BABALIK KA SA ORAS NANG KAGULUHAN AT MALAGAY SA PANGANIB ANG ANORWA. HINDI MO AKO BINIGO SA PAGHIHINTAY KO SA IYO NANG MAHABANG PANAHON, KAIBIGAN…

Pinasakay ako ni Bangis sa likod niya at inilipad niya ako. Ang sabi niya ipapaliwanag niya sa 'kin ang lahat. Batid niyang naguguluhan ako ngayon sa sitwasyon ko. At sabi niya, ito ang tadhana ko. Sumama ako sa kanya na walang tanong-tanong at walang alinlangan. Dahil batid kong 'yon ang dapat kong gawin.

Mabilis na lumipad sa himapapawid si Bangis at gumuhit sa labi ko ang ngiti. 'Yong pakiramdam na tamang daan ang tinatahak ko – isang tamang desisyong hindi ko pagsisihan. Napakataas ng lipad namin at halos galanggam lang ang makikita sa baba at abot na namin ang mga ulap. Tinutungo namin ang direksiyon kung saan matataas ang kabundukan na sayad na sa ulap ang tutok.

~~~

~ SA PALASYO NG EZHARTA ~

"SI BANGIS BA iyong nakita kong lumipad? At sakay niya si Nate?" hindi makapaniwalang natanong ni Shem-shem kay Rama. Natigilan pa siyang nakaturo ang hintuturo sa mga ulap. Nasa labas sila ng palasyo para sa pagsasanay ni Rama kasama ang mga kawal.

"Tumigil ka nga sa mga imahenasyon mo, Shem. Kung ano-ano talagang naiisip," komento ni Rama. "Gusto mo lang puntahan doon si Nate sa taas, eh. Hayaan mo na muna siyang mapag-isa. Kailangan niya pa ng panahon para matanggap ang pagparito niya. Kahit ako siguro, mahihirapan din."

Hindi na nangatuwiran pa si Shem-shem. Naisip niyang siguro'y namalik-mata lamang siya. Napailing-iling na lang siya at inintindi ang sinabi ni Rama tungkol sa pinagdaraanan ngayon ni Nate.

~~~

NAKAUPO SA TRONO niya si Reyna Kheizhara at palipad-lipad sa tabi niya ang saday na si Philip na hindi mapakali.

"Kamahalan, gusto ninyo bang ipatawag ko sina Lankaw Balsol at Lankaw Khayem at ang iba pang lankaw na sumang-ayon sa kanila kahapon sa pagpupulong? Hindi maganda ang inasal nila. Kailangan nilang mapagsabihan. Lalo pa't ginawa nila iyon sa harap ng binatang tao," mungkahi ni Philip sa reyna.

"Hindi na kailangan, Philip," pagtanggi ni Reyna Kheizhara. "May kasabihan, na hindi mo malalamang matapang ka, kung walang nakakatakot na bagay."

"Ano pong ibig ninyong ipahiwatig, mahal na reyna?" tanong ni Philip.

"Wala naman. Naibahagi ko lang ang kasabihang iyon."

Napakunot-noo ang nag-aalalang saday. "Mahal na Reyna?"

Natawa ang reyna sa reaksiyon ng matapat niyang tagapayo, pero bigla rin siyang naging seryoso at napabuntong-hininga. "Papatunayan ko sa kanila na karapatdapat akong maging reyna. Siguro nga'y nagkamali ako nang suwayin ko ang isa sa pinakabawal na utos ng ating mundo nang payagan kong magsama sina Chelo at ang tao. Pero ano ang mali sa pagsunod mo sa iyong puso? Ano ang mali na piliin mo ang umibig nang wagas? Hindi ko maunawaan iyon. Dahil ang pagmamahal ay walang pinipili. Kusa mo itong mararamdaman at hindi mo mapipigilan. Doon magiging masaya ang manggagamot na si Chelo sa piling ng babaeng tao, kaya't bakit ko siya hahadlangan? Lahat kayo na mga nasasakupan ko, lahat ng Ezhartan, mga anak ko na kayo, iyon ang turing ko sa lahat. Bilang ina, pipigilan ko bang maging masaya ang aking anak?"

"Pero mahal na Reyna."

"Papatunayan ko sa lahat na walang pinipili ang pagmamahal at walang masamang sundin ang itinitibok ng iyong puso," paninindigan ni Reyna Kheizhara.

"Pero paano kung mabigo ka, mahal na Reyna? Alam mong nagsinungaling tayo sa binatang iyon. Hindi natin sinabi sa kanyang ang kung ano talaga ang nasasaad sa Aklat ng Isi. At kapag nalaman niya iyon, maaring hindi niya tanggapin ang kanyang misyon. At ang isa pang nakakapangamba, maaring ang tagapagligtas ay maging tagawasak," puno ng pag-aalalang paalala ni Philip sa reyna.

"Naniniwala akong mananaig ang puso nila. Nasaksihan ko mismo kung paano nila minahal nang wagas at ipinaglaban ang isa't isa. Walang kamatayang makakapaghiwalay sa mga puso nila. Nananalig ako sa binatang iyon." Napahawak sa dibdib niya ang reyna. Bagama't malakas ang paniniwala niya, may pag-aalala pa rin siyang nararamdaman na hindi niya maitanggi.

~~~

~ SA BUNDOK NG HERRA ~

SA TUTOK NG isa sa pinakamataas na bundok ang nilapagan namin. May maliit na kuweba doon. Bumaba ako kay Bangis at sinabi niyang sundan ko siya.

ITO ANG BUNDOK NG 'HERRA'.

Pakilala ni Bangis sa bundok kung nasaan kami.

DITO KAMI MADALAS MAGTUNGO NI NAEL. AT ANG KUWEBANG IYON AY NAGSILBI NANG TAHANAN NAMIN.

"Nael? Ang bayaning si Nael?" tanong ko.

ANG MATAPANG AT MAGITING NA BAYANING SI NAEL…

Narinig kong tugon ni Bangis sa isip ko. At naglakad na siya papunta sa kuweba. Nakasunod ako sa kanya. Hindi naman siguro nag-aadik ang mga arikon na tulad niya. Kanina tinawag niya ako sa pangalang 'Nael'. At nagpapasalamat siya sa pagbabalik ko raw. Ang werdo lang.

Hindi ko inaasahan ang nakita ko pagkapasok ko ng kuweba. Maliit kung titingnan sa labas ang kuweba pero malaki ang loob nito at ang lamig. Maliban sa liwanag na nanggagaling sa labas, sa mga gilid nito ay may umiilaw na kung anong uri ng bato na may pagkapula kaya hindi ganoon kadilim. May napansin din akong isang malapad na bato na pahalang na puwedeng higaan.

IKAW AT SI NAEL AY IISA, NATE.

"Kanina ka pa. Ano ba talagang ibig mong sabihin?" tanong ko kay Bangis sa sinabi niya.

HAYAAN MONG IPAKILALA MUNA KITA SA KANYA.

Naglakad si Bangis. Huminto siya sa may malaking bato na may butas at may tubig do'n – parang lababong gawa ng kalikasan.

LUMAPIT KA.

Lumapit ako.

ILAGAY MO ANG IYONG KAMAY SA TUBIG.

Sinunod ko siya at nilublob ko ang kamay ko sa tubig. Malinaw ang tubig at napakalamig. Halos isang dangkal ang lalim nito.

IPIKIT MO ANG IYONG MGA MATA.

At pumikit ako.

Nakikita ko si Bangis sa isip ko na mabilis na lumilipad at may isang lalaking diwatang nakasunod sa kanya. Nakangiti ang diwatang iyon na may maikling balbas at bigote. Berde ang kulay ng mga pakpak ng diwata tulad kina Pinunong Kahab. Nakasuot ng brown na baluti ang diwata at may mahaba itong tungkod sa likod na may kung anong metal na kulay silver sa magkabilang dulo. Siguro isa siyang sundalo o mandirigma? Nagkakarera sila ni Bangis at makikita ang saya sa kanilang mukha.

MAY NAKIKITA KA BA?

"Oo. Ikaw at isang diwata. Mabilis kayong lumilipad na parang nagkakarera?" sagot ko sa tanong ni Bangis.

SI NAEL AT AKO. MADALAS KAMING MAGPALIGSAHAN SA PAGLIPAD AT MAG-UNAHAN. AT MADALAS SIYANG MANDAYA.

Nang sinasabi 'yon ni Bangis, may pulbos na inihip ang diwatang si Nael sa kanya at parang nag-freeze siya. Huminto sa ere si Bangis na walang galawan. At si Nael, napahalakhak at mabilis na lumipad paitaas at nagsisigaw.

GUSTONG-GUSTO NI NAEL ANG MATATAAS NA LUGAR. PAKIRAMDAM NIYA, SOBRANG LAYA NIYA AT NAILALABAS NIYA ANG MGA BAGAY NA BUMABAGABAG SA KANYA SA PAMAMAGITAN NG PAGSIGAW NG MALAKAS. PARA SIYANG HIBANG NA SIGAW NANG SIGAW. PARAISO NIYA ANG HIMPAPAWID. DOON SIYA PINAKAMASAYA. AT DOON DIN SIYA PINAKAMALUNGKOT.

"Gano'n din ako," nasabi ko.

HINDI NA AKO MAGTATAKA.

Isang pagsasanay sa labas ng palasyo na ng mga sundalo ang nakikita ko. Kasalukuyang nakikipaglaban si Nael sa kapwa niya sundalo. Gamit niya ang armas niyang tungkod at espada naman ang gamit ng kanyang katunggali. Naglaban sila sa ere at ang bilis nilang dalawa. Akala ko matatalo si Nael dahil parang lamang ang gamit na armas ng kalaban niya. Pero nagawa niyang mabitiwan ng kalaban niya ang espada nito sa paghampas niya ng kanyang tungkod. Ang bilis niyang kumilos at lahat napapahanga sa taglay niyang galing sa pakikipaglaban. Para akong nanonood ng fantasy-action movie at talagang napahanga rin ako at napangiti.

MAHUSAY NA SUNDALO SI NAEL. PUWEDE SIYANG MAGING PINUNO, NGUNIT MAS PINILI NIYA ANG MAGING SIMPLENG SUNDALO LAMANG NA TAGASUNOD. PERO HINDI NGA LANG SIYA SUMUSUNOD. PASAWAY SIYA AT HINDI NAKIKINIG SA PINUNO. MADALAS SIYANG MAGLIWALIW AT PUMUNTA SA KUNG SAAN KASAMA AKO. AT KAYA NAMIN NADISKOBRE ANG LUGAR NA ITO DAHIL SA PAGLALAGALAG NAMING DALAWA.

NOONG PANAHONG IYON, APAT NA DAANG TAON NA ANG NAKARARAAN, LAGANAP ANG KASAMAANG NAGBABANTANG SIRAIN ANG KAAYUSAN AT PAGIGING PAYAPA NG ANORWA. LAHAT NG KAHARIAN AY NAKAHANDA SA POSIBLENG PAGLUSOB NG MGA DIWATANG NAPASAILALIM NG ITIM NA MAHIKA – MGA DIWATANG IPINAGPALIT ANG KANILANG PAKPAK SA KULAY ITIM. TINAWAG SILANG MGA HABO, MGA INAYAWANG DIWATA. KARAMIHAN SA KANILA AY MGA TAKAS SA BILANGGUAN NA NASILAW SA KAPANGYARIHAN.

Isang labanan ngayon ang nakikita ko, diwata laban sa mga halimaw na may itim na pakpak. Maraming kabahayan ang nasusunog at maraming diwatang nakahandusay na sa tingin ko'y wala nang mga buhay. Maraming sundalo na rin ang nasawi. Halos makalbo na rin ang kagubatan dahil sa nagkalat na apoy at pagkasira sanhi ng labanan. May takot akong naramdaman sa mga nakikita ko at sumasagi sa utak ko ang napanaginipan ko kagabi – tulad sa nakikita ko ngayon, marami ang patay at nagdadanak ang dugo na halos maglawa na sa lupa.

NAGKAROON NG KAGULUHAN AT MALAWAKANG DIGMAAN – KABUTIHAN LABAN SA KASAMAAN – ITIM NA MAHIKA LABAN SA MABUTING KAPANGYARIHAN. NAIS NG MGA HABO NA SAKUPIN ANG ANORWA AT ARIIN ANG LAHAT NG MGA MAHIWAGANG PULBOS NA TINATAWAG NA MARHAY. MAKAPANGYARIHAN ANG MARHAY KAYA'T KAPAG GINAMIT ITO SA KASAMAAN, POSIBLENG KATAPUSAN NA NG LAHAT.

Nakakalamang ang mga diwatang may itim na mga pakpak na nag-anyong halimaw sa digmaan, at may mga kakaibang kapangyarihan silang ginagamit. Kakaiba rin ang mga armas nila na 'di hamak na mas malalaki at mahahaba sa mga sundalong ipinagtatanggol ang Anorwa kapalit man ng kanilang buhay. May mga kapangyarihan din pinapamalas ang mga sundalo pero mas malakas talaga ang kalaban. May mababangis pang mga hayop na halimaw na hindi ko alam kung anong uri ang mga 'yon – basta, nakakakilabot ang anyo at laki nila. Parang 'yong mga napapanood ko lang sa pelikula. Inaatake nila ang mga sundalo, nilalapa nang buhay at sinasakmal ang mga pakpak. May kakamping mga hayop na halimaw rin ang mga sundalo, may ilang arikon at ibang parang pinagsamang liyon at tigre. At may parang dragon. May ilang ugpok din na nakikipaglaban gamit ang mahika sa kanilang patulis na sombrero. May karamihan man ang bilang ng kabutihan, mas marami pa rin ang kampon ng kasamaan. Kita ang kalamangan ng mga itim na diwata.

NAKAHANDA NOON ANG LAHAT NG KAHARIAN. PERO HINDI NILA INASAHAN ANG PLANONG PAGLUSOB NG MGA HABO. TANGING EZHARTA LANG ANG NILUSOB NILA AT HINDI ANG IBANG KAHARIAN – BUONG PUWERSA NG HABO SA IBA'T IBANG KAHARIAN AY SA EZHARTA NAGTIPON UPANG MANAKOP. MAHINA ANG HUKBO NG EZHARTA KUMPARA SA IBA. DAHIL KARAMIHAN SA EZHARTAN AY MGA MANGGAGAMOT NA TAGAPANGALAGA NG KALIKASAN, MGA PUNO'T HALAMAN AT MGA HAYOP. MALAYO ANG EZHARTA SA IBANG KAHARIAN KAYA HINDI SILA AGAD NASAKLOLOHAN. ILANG SUNDALO LAMANG ANG MAY KAKAYAHANG MAGBALTAS O MAKAPUNTA AT MAKALIPAT SA IBANG LUGAR GAMIT ANG ISIPAN, AT HINDI NAGING SAPAT ANG BILANG NA IYON PARA AGARANG MASUGPO ANG KAMPON NG DILIM.

Nakikipaglaban si Nael kasama ang iba pang sundalo. Konti ang bilang nila kumpara sa kalaban, pero buong tapang pa rin silang nakikipagsabayan sa digmaan sa himpapawid – nagtatagisan sila ng lakas hawak ang kani-kanilang mga sandata. Si Bangis ay naroon din at nakikipaglaban. Sumasakay siya kanya si Nael, lilipad sila paitaas at mabilis na bubulusok paibaba at susugod sa mga kalaban. Tungkod ang armas ni Nael, pinapaikot-ikot niya ito sa kanyang katawan at inihahampas sa mga kalaban. May magic na ginagamit din siya, may green na ilaw na lumalabas sa kanyang mga kamay at sa tungkod niya na pinapang-atake sa kalaban. Nagagawa niya ring kontrolin ang mga puno at mga dahon. Ang ilang sundalo na siguro'y mula sa ibang kaharian dahil sa ibang kasuutan nila at kulay ng pakpak, gumagamit din ng kapangyarihan.

PERO DAHIL SA KAGUSTUHANG MAIPAGTANGGOL ANG KAHARIAN, NAGAWA NINA NAEL AT MGA KASAMAHAN NAMIN SA PAKIKIPAGLABAN NA MATALO AT MAPAATRAS ANG MGA ITIM NA DIWATA. PINAMALAS NI NAEL ANG KAKAYAHAN NIYANG GUMAMIT NG KAPANGYARIHAN NA HINDI INASAHAN NG LAHAT – GINAMIT NIYANG SANDATA ANG MGA PUNO'T HALAMAN. NAGAMIT NIYA ANG MGA DAHON PARA IPANG-ATAKE NA ANIMO'Y DAANG-DAANG PATALIM. NAGAWA NIYA RING KONTROLIN ANG MGA PUNO, PARA IPANGHAMPAS SA KALABAN. SA KUMPAS NG TUNGKOD NIYA, NAGING MADALI SA KANYA ANG MGA BAGAY NA IYON. AT DAHIL NA RIN SIGURO NASA GITNA SIYA NG DIGMAAN KAYA NAGAWA NIYA ANG DATI AY HINDI NIYA MAKONTROL NA MAHIKA. PASAWAY SIYA, SEKRETO SIYANG PUMUPUSLIT NG MARHAY AT PINAG-AARALAN ITONG GAMITIN KAYA NAGKAROON SIYA NG KAPANGYARIHAN.

Nagdiwang at nagbunyi ang mga sundalong nanalo sa labanan. Binati ng lahat si Nael dahil sa husay niya.

PERO HINDI DOON NAGTAPOS ANG LABANAN. MAKALIPAS ANG ILANG BUWAN, BUMALIK ANG MGA KALABAN. AT NAGING PUNTERYA NILA SI NAEL. PALIHIM ANG PAG-ATAKING IYON. KASAMA NI NAEL NOON ANG DALAGANG SI LORIES, ISANG NAPAKAGANDANG DIWATANG TAGAPAGSILBI SA PALASYO – ANG BABAENG KAISA-ISANG MINAHAL NI NAEL SA BUONG BUHAY NIYA. WALA AKO SA TABI NI NAEL NANG PANAHONG IYON DAHIL AYAW NIYANG MAY MAKAISTORBO SA KANILA.

Nasa kagubatan si Nael, may kasama siyang magandang babae. Siya siguro si Lories? At parang nakuha ko na kung bakit ayaw na may kasama ni Nael – torpe siya. Hindi siya makatingin sa babae at nakayuko lang – kitang nahihiya siya. Hinampas siya ni Lories at pinagtawanan siya nito – parang si Chelsa sa 'kin. Napa-aray si Nael, pero natawa na lang at nagtawanan sila. At habang masaya silang nagtatawanan, may mga kulay itim na bagay na mabilis ang kilos na pinalibutan sila – mga itim na diwata. Prinotektahan ni Nael si Lories – nakipaglaban siya pero wala siyang nagawa dahil sa dami ng kalaban.

NAMATAY SI LORIES SA PAG-ATAKENG IYON – ANG PINAKAMAMAHAL NI NAEL. MAHUSAY SI NAEL SA PAKIKIPAGLABAN GAMIT ANG TUNGKOD NIYA, PERO HINDI SAPAT IYON PARA MANALO SIYA SA BATALYON NG ITIM NA MGA DIWATA. WALA NA SIYANG HAWAK NA MAHIWAGANG PULBOS NOON, DAHIL NAGING MAHIGPIT SA KANYA ANG PALASYO. KAHIT PA MAITUTURING NA SIYANG BAYANI DAHIL SA NAGAWA NIYA PARA SA EZHARTA AT SA BUONG ANORWA, PINATAWAN PA RIN SIYA NG PARUSA NG PALASYO SA PAGPUSLIT NG MARHAY. AT KAPAG MULI NIYANG GINAWA IYON AT MAHULI SIYA, IPAPATALSIK SIYA SA PALASYO. KAYA WALA SIYANG NAGAMIT NA MAHIKA PARA MAIPAGTANGGOL SILANG DALAWA NOONG ARAW NA IYON – ANG PINAKAMASAKIT NA ARAW SA BUHAY NG KAIBIGAN KONG SI NAEL.

NABALOT NG GALIT AT PUOT SI NAEL – NAIS NIYANG MAGHIGANTI! GINAMIT NG MGA HABO ANG KALUNGKUTANG IYON NI NAEL. BAKIT DAW BA KASI HINDI MAARING GUMAMIT NG MARHAY ANG LAHAT NG DIWATA? AYAW RAW BA NG MGA REYNA AT HARI NG MGA KAHARIAN NA MAGING KASING LAKAS NILA ANG ISANG PANGKARANIWANG DIWATA? GUSTO BA NG MGA REYNA AT HARI NA SILA LANG ANG TITINGALAIN AT MAY MAHIKA?NILASON NG MGA HABO ANG UTAK NI NAEL. NA SANA KUNG MAY MARHAY SIYA, HINDI MAMAMATAY ANG PINAKAMAMAHAL NIYANG SI LORIES. GUSTO NG MGA HABO NA MAGALIT SI NAEL SA KABUTIHAN.

BINIGYAN SI NAEL NG MGA HABO NG ITIM NA MARHAY, MAHIWANG PULBOS NA MAY LASON NA NG KADILIMAN. PANLILINLANG IYON. NA KAPAG GINAMIT DAW NI NAEL, MAGIGING MALAKAS SIYA AT MAKAKAPAGHIGANTI. AT HIHINTAYIN DAW NILA ANG PAGHIHIGANTING IYON NI NAEL. PERO ANG GUSTO NILA TALAGANG MANGYARI, GAMITIN NI NAEL ANG MARHAY PARA MABALOT SIYA NG KASAMAAN AT ANG MGA KASAMAHAN NIYA ANG MISMONG KALABANIN NIYA AT PATAYIN NIYA ANG REYNA – GUSTO NG MGA HABO NA MAGING MASAMA SI NAEL. MAY LASON ANG ITIM NA PULBOS AT IYON ANG KUKONTROL SA PAGKATAO NIYA.

Ginamit ni Nael ang pulbos sa harap mismo ng wala nang buhay na si Lories sa pag-aakalang magagamit niya iyon para ipaghiganti ang kamatayan ng kanyang pinakamamahal. Ibinubulong ko sa isip ko na 'wag niyang gawin 'yon. Naging itim ang mga mata ni Nael at naging pula na kakulay ng dugo ang mga berde niyang pakpak. Naglabasan ang ugat sa kanyang buong katawan at nagmistulan siyang diwatang halimaw – nagmistulang sungay ang dalawang antena niya sa noo.

NAGING HALIMAW SI NAEL NANG GINAMIT NIYA ANG ITIM NA MARHAY. PERO NAGKAMALI ANG MGA HABO. HINDI SIYA TULUYANG NAGING MASAMA. NABALOT MAN NG GALIT ANG PUSO NIYA, PERO NANDOON PA RIN ANG LIKAS NA KABUTIHAN SA KANYA. SA MGA HABO NIYA GINAMIT ANG BAGO NIYANG LAKAS. NAGHIGANTI SIYA AT PINATAY LAHAT NG HABONG MAKITA NIYA NANG LUSUBIN NIYA ANG MGA KUTA NITO. NAGTAGUMPAY SIYANG MALIPOL ANG MGA ITIM NA DIWATA. WALANG NAKATAPAT SA LAKAS NIYA. NAWALA ANG BANTANG DALA NG MGA HABO SA KAAYUASAN NG KAHARIAN NG EZHARTA…

Isang napakalakas na sigaw ang pinakawalan ni Nael at nagliparan lahat ng mga ibon sa kagubatan kung nasaan siya na pinangyarihan ng madugong labanan. Nakahandusay ang mga bangkay ng mga itim na diwata. Nagkulay pula ang lupa at nagkalat ang pira-pirasong katawan ng mga bangkay.

PERO… MAS NAGING MAPANGANIB PA PARA SA LAHAT…

Naging mas malungkot ang tinig ni Bangis sa pagkukuwento niya.

下一章