Isang Realtor and boss nila ni Cathy. Magkaiba nga lang sila ng trabaho, siya bilang receptionist at si Cathy bilang sekretarya ng Finance Department na sa tingin niya ay ang lalaking kasama nito na sumundo sa kanya sa bus station, ilang araw ang nakalipas.
Na-orient naman ng maayos kay Karissa ang mga gagawin niya sa trabaho araw-araw. Normal naman ang trabaho ng receptionist. Kukunin ang IDs ng bisita at papalitan iyon ng visitor pass. Taga-sagot ng tawag sa telepono at mga katanungan at kung anu-ano pa.
Dalawa ang mahalagang rule sa trabaho nila. Ngumiti ng matamis at sundin ang utos ni Wei Chan, assistant ni Bruce Wang.
Si Bruce Wang ang may-ari ng Scraper building, kung saan siya nagtatrabaho at boss nila. Hindi niya pa nakita ang boss nila sa iilang oras na naroon siya at nagtatrabaho pero nasabihan na siya na posibleng maagang pumasok ng opisina ang boss nila at na-stick na iyon sa trabaho sa opisina nito.
Mabait ang supervisor niya na si Mam Mona at Kakai na kasama niya rin na receptionist, kabalitaran ng dalawa niya pang kasama na si Aria at Becca. Masasabi ni Karissa na kapwa sila magaganda. Yes??? Basta maganda siya with exclamation point. Hindi naman siya matatanggap ni Mam Mona kung hindi, di ba?
Iyon nga lang, napansin niya na peke ang ilong ni Aria at peke naman ang cleft chin at boobs ni Becca. O well, sa panahon ngayon ay uso na ang retokada kaya hindi naman ganoon ka-big deal. Walang ginawa ang dalawa kun'di ang pag-usapan ang mga magagandang damit, lipstick, make-up at kung ano pa sa Lazada at Shopee.
Kakaiba naman ang ganda ni Kakai. Makinis at maputi ang balat nito na parang alaga sa lotion, matangos ang ilong, mas matangkad sa kanya dahil nasa limang talampakan at pitong pulgada ang dalaga at balingkinitan pa ang katawan nito.
Naririndi na nga si Kakai sa kaartehan ng dalawa pero nananatili naman na normal si Karissa. Ayaw niya kasi na magkaroon ng 'bad blood' agad sa unang araw pa lang ng trabaho. Iyon nga lang, nasobrahan sa tsismisan ang dalawa kaya panay ang utos ng mga ito sa kanya. Kaya naman pagod na pagod na katawan niya kahit pa kalahating araw pa lang siya sa trabaho.
Nag-ring ang telepono sa kinap-pwestuhan ni Aria. Ngunit napansin niya na silang dalawa na lang ni Kakai ang natira doon dahil naglunch break ang dalawa. Tumayo si Karissa saka tinungo ang telepono.
"Hello Good afternoon, Scraper Building, this is Karissa. How may I help you?" sagot niya.
"Hello, this is Wei. come up here sa 32nd floor. I need you to buy some coffee sa Starbucks na nasa tabi ng building"
Napaisip si Karissa. Sa tingin niya ito ang Wei Chan na sinasabi ni Mam Mona. Malamig at malinis sa pandinig ang boses nito.
"Are you still there?" tila naiinip na tanong nito
"Ahh.. ahh.. Yes po!" natatarantang sagot niya saka niya na lang nadinig ang pagputol nito sa kabilang linya.
'Suplado'
Ibinaba niya lang ang telepono saka hinarap ang kasama. "Kakai, I need to go upstairs. May inuutos si Assistant Wei. Okay lang ba kung mag-isa ka lang dito?"
"Walang problema. Kakaunti lang naman ang bisita na darating." sagot nito habang tinatanggap ang ID ng isang bisita.
Matapos ang pag-sang-ayon nito, dali-dali siyang umakyat sa 32nd floor kung saan naroon si Assistant Wei at ang opisina ng boss. Pero mayroon siyang problema -- hindi niya kilala kung sino si Assistant Wei. Dyosko day!
Plano niya na suriin na lang ang lalaki base sa pangalan nito saka doon sa boses nang kausapin niya ito sa telepono. Kinakabahan si Karissa habang papaakyat ng elevator hanggang sa bumukas na nga iyon at bumungad ang isang malinis at malawak na kwarto. Opisina lang iyon ng boss pero para siyang nasa opisina ng hotel.
May anim na malalapad na computer table na sa tingin niya ay ang pwesto ng sekretarya ni Bruce Wang. Apple green at violet ang kombinasyon ng kulay ng pintura ng pader. At sobrang linis na para bang ayaw mamasyal ng bacteria o ng alikabok doon sa lugar.
Malawak ang opisina ng Boss na halos sakop ang buong floor. kalahati doon ay nahahati rin sa tatlong conference room. Ang one fourth ay ang opisina ng presidente na si Bruce Wang at ang malawak na iyon na kinatatayuan ni Karissa ay ang lugar ng Assistant at sekretarya nito.
"Why are you here?" tanong mula sa malinaw at malamig na boses na daig pa ang cube ice. Halos tumalon ang puso ni Karissa dahil sa gulat saka inikot ng unti-unti ang katawan.
'Dahan-dahan lang... Dahan-dahan lang...' umaawit pa si Maja Salvador sa isipan niya.
====
Napalunok si Karissa nang magtama muli ang mata nila ng lalaking 'snatcher'. Ayaw niyang isipin na ang lalaki si Assistant Wei dahil hindi nito ka-boses ang kausap niya sa telepono. Saglit siyang napatigil sa kagwapuhan ni kuya.
'La la la la la….' para bang may anghel na umaawit sa paligid niya habang napatigil sa pagtitig dito.
Ngunit naningkit ang mata nito kaya naman parang sinaksak ng mga alien na kamukha nito ang mga anghel niya sa paligid.
Bubuka na sana ang bibig niya para magtanong nang biglang may lumabas na lalaki mula sa isang pintuan ng conference na nasa bungad.
"B-boss, sorry! Pinatawag ko siya para utusan dahil parating si Madam Ana" mabilis itong lumapit sa gawi ni Karissa at hinila siya nito sa small pantry na naroon sa parehas na floor.
Kaboses ng lalaki si Assistant Wei at tinawag nitong Boss ang unang lalaki. Kung ganoon, ang lalaking iyon ay si… Bruce Wang???
Napasabunot si Karissa sa mahaba niyang buhok matapos niyang ma-analisa ang lahat. 'Tales of Mother Goose, what the hell?!'
Pinagbintangan pa man din niya ang lalaki na stalker, snatcher, rapist at kung anu-ano pa. Sigurado siya na nakatatak ang lahat ng iyon sa lalaki na salubong ang makapal na kilay. Naalala niya pa ang matalim na mata nito at kung paano nito tingnan ang 'Hello Kitty' niya.
"O… M… G" usal niya na nanlalaki ang mata.
"Ano ba ang nangyayari sa iyo? Umayos ka!" nagagalit na saad ni Assistant Wei.
Hinarap niya ito saka hinawakan ang dalawang kamay nito na para bang magdadasal siya dito. "S-sorry po Assistant Wei, pero magreresign na po ako! A-ayoko na!!! Babalik na ko sa probinsiya! Magdidildil ng asin, ibebenta ang kitty ni Mandy. Mapapa--"
Tinakpan nito ang bibig niya dahil nasa pintuan ng pantry ang Boss.
Dahil sa ginawa nito lalong tumalim ang mga mata ng Boss nito kaya binawi nito ang kamay na tumatakip sa bibig niya.
"B-boss sorry, may kailangan po ba kayo sa akin?" tanong ni Assistant Wei saka siya nito tiningnan ng masama na para bang gusto siya nitong itulak sa 32nd floor paibaba.
"Umayos ka" bulong nito sa kanya.
Napayuko naman si Karissa saka kinagat ang labi.
"Is she the new secretary?" tanong ng lalaki sa assistant nito.
"No, no Boss. She is the new receptionist"
Tumango lang ito bilang sagot saka umalis. Nang masiguro na wala na ang boss saka siya hinarap ni Assistant Wei.
"Alam ko na nakakatakot si Boss pero para isipin na magbebenta ka na lang ng tilapya dahil lang sa tinanong ka niya kung ano ang ginagawa mo dito, is not a good impression my dear"
Kinutkot ni Karissa ang mga kuko sa kamay, medyo na-guilty siya sa mga pinagsasasabi niya. Hindi pa nga niya nababayaran si Cathy sa utang niya ay nagmamaganda na siya para umatras sa bagong laban.
Bigla niyang naisip. 'Hmp! Bakit nga ba ako ang aatras?'
E, sa kanilang dalawa ni Bruce Wang, ang lalaki ang nagwarak ng kandado at pinilit na binuksan ang kanyang 'Pintuang-daan (1)' na nag-iingat sa kanyang gumamela.
"Here's the card. Bumili ka ng isang gatas, tall macchiato saka espresso" tapos ay hinila na siya nito sa elevator para hindi na siya umatras pa sa utos nito.
=====
Gulong-gulo ang utak ni Karissa habang nasa isip ang Boss niya. Sinunod pa rin naman niya ang utos ni Assistant Wei. Habang naghihintay na makuha ang kape, kumulo ang tiyan niya, noon niya naalala na hindi pa nga pala siya nagtatanghalian. Bumili na muna siya ng tubig para gumaan ang pakiramdam niya.
Matapos i-abot ang kape sa kanya, nagmadali siya na lumabas ng tindahan para maiakyat na ang kape sa opisina ng presidente at maabutan ang lunch break niya.
Eksakto na lumabas siya nang mapansin ang may-edad na babae na nahilo sa daan. Humawak ito sa isang salamin na haligi ng tindahan para kumuha ng suporta. Nakapula ito ng bestida na cheongsam. Medyo may katabaan pero mestisa.
Unang gumana ang instinct niya na lapitan ito.
"Okay lang po ba kayo?" nag-aalala na tanong niya. Ngunit tuluyan na itong nawalan ng malay at bumagsak sa sahig.
"Ahhhh!!! I-I didn't kill her!!!" eksaherada niyang sabi. iyon agad ang mga salitang lumabas sa bibig niya.
Tatakas na nga sana si Karissa dahil baka mapagbintangan pa siya na may ginawa sa may-edad na babae ngunit mas nanaig ang kalooban niya na tulungan ito.