> CHELSA'S POV <
PAGPASOK KO PA lang ng gate sumalubong na sina mama at papa. Ramdam ko ang pag-aalala nila. Pero di ko sila pinansin, dinaanan ko lang at diretso lang ako pasok sa bahay. Suot ko pa rin yung damit na pinahiram ni Nate. Bitbit ko ang plastic bag na pinaglagyan ng basang mga damit ko at hawak ko sa isang kamay ang regalong bigay niya.
"Saan ka ba nanggaling? Nag-alala kami sa 'yo. Di ka man lang nagpaalam na aalis ka." Si mama, at niyakap niya ako.
"Pasok na po ako sa kwarto ko." Sagot ko lang. Tinalikuran ko sila at naglakad na ako paakyat ng hagdan.
"Nagkita ba kayo ni Nate?" tanong ni papa. Nilingon ko si papa at tiningnan ko lang siya nang walang emosyon. Muli ko silang tinalikuran at umakyat na ako ng hagdan patungo sa aking kwarto ko.
Ngayon ko lang nagawa sa kanila yun. Alam kong ramdam nila na di ako okay. At gusto ko talagang iparamdam sa kanila yun. Dahil nagagalit ako sa kanila. Akala ko di darating ang araw na mararamdaman ko 'to kina mama at papa. Ni di nagalit si mama kung sakaling kasama ko nga si Nate? Pumapayag na ba siya sa relasyon namin? Pumayag ba siya dahil sa sinabi ni papa? Alam kong kalagayan ko lang ang iniisip nila at ayaw nila akong mawala. Pero di ko gusto ang paraan nila para mabuhay ako. Pakiramdam ko ngayon pa lang, sila na mismo ang pumapatay sa 'kin.
Pagkapasok ko sa kwarto, agad akong napaupo sa kama ko at di ko na napigilan ang maluha. Parang gusto ko na lang mamatay na ako agad-agad para matapos na 'to. Para wala na akong iisipin pa at para di na ako masaktan pa. Ayaw kong maging masamang tao ang magulang ko. Ayaw kong gawin nila yun. Lalo pa sa pinakamamahal ko. Ayaw ko nang mabuhay kong yun lang naman ang kapalit.
~~~
***FLASHBACK
"DIYOS KO, CHELO, ano bang sinasabi mo?" narinig kong boses ni mama pagkatapat ko sa kwarto nila. Napahinto ako sa paglalakad, patungo sana ako sa kusina para dalhin ang baunan ko na ginamit ko kanina.
"May paraan pa para mabuhay si Chelsa. Ang buhay at dugo ng wagas na umiibig. Alam kong mahal ni Chelsa ang binatang iyon. At nararamdaman kong mahal ng binatang yun ang anak natin. Paubos na ang oras ng anak mo. Iilan na lang ang natitirang paruparo. Ilang araw na lang ang natitirang araw ng buhay niya. Ayaw kong mawalan ng anak. Kailangan natin ang buhay ng binatang yun, para sa buhay ng anak natin." Boses ni papa. Mahina lang ang usapan nila pero malinaw ko yung naririnig dahil sa bahagyang nakabukas ang pinto.
"Pero papatay ka ng inosenteng tao." Iyak ni mama. Napatakip ako ng bibig para di ako lumikha ng ingay. Dahil talagang nanlaki ang mga mata ko at napanganga sa gulat sa narinig ko.
Si Nate ang binatang pinag-uusapan nila. Ano bang ibig nilang sabihin? Buhay ni Nate kapalit ng buhay ko? Yun ba ang sinasabi ni papa na paraan para di ako mawala sa mundo? Di ko na napigilan ang maiyak kasabay nang mga katanungang nagsulputan sa utak ko. Natakot ako. Ni di ko magawang kumilos. Nanghina ang mga tuhod ko.
"Pero mabubuhay ang anak natin, Melissa. Yun ang isipin mo. Ang buhay ng anak mo."
"Pa'no naman ang magulang ng batang yun?" humagulhol na si mama.
"Wag sila ang isipin mo. Ang isipin mo ang kaligtasan ng anak mo. Makasarili na kung makasarili. Pero gagawin ko 'to para kay Chelsa. Ayaw mo bang mabuhay ang anak natin?" Umiiyak na rin si papa.
"Syempre gusto ko. Kung pwede nga lang na ako na lang ang mawala, mailigtas lang siya. Ganun ko kamahal ang anak natin. Pero mali pa rin ang iniisip mo."
"Alam kong mali. Pero mas mali na hintayin na lang ang kamatayan ng anak natin kahit may paraan naman para mabuhay siya."
"Pa'no mo nasisigurong mahal ng binatang yun ang anak natin? Pa'no kung pinaglalaruan lang nun ang anak ko?"
"Nag-imbestiga na ako at ilang araw ko na rin sinusubaybayan ang binatang yun. Alam kong mahal niya si Chelsa."
"Kaya ka ba pumayag na magmahal siya, dahil dun? Sabi mo mahal siya ng anak mo, sa tingin mo papayag ang anak natin?"
"Yun lang ang paraan. Hindi niya kailangan malaman. Kailangang ilihim natin 'to sa kanya. Kailangan kita sa labang 'to. Kailangan ka ng anak mo." Hindi sumagot si mama, pag-iyak na lang niya ang narinig ko. "Mahal, mabubuhay ang anak natin. Hindi tayo mawawalan ng anak. Gagawin ko ang lahat-lahat ng paraan para kay Chelsa. Hindi ako papayag na mawala siya sa piling natin. Kayo ang dahilan kong bakit ako naririto. Kung bakit patuloy akong nabubuhay. Dahil kayo ng mga anak ko ang buhay ko. Patawarin ako ng Diyos sa gagawin ko. Pero di ako papayag na mawala ang ni isa man sa inyo."
Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Pinilit kong ihakbang ang mga paa ko at tahimik akong naglakad palabas ng pinto ng bahay. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko? Mabubuhay ako, pero buhay ng lalaking mahal ko ang kapalit. Sana hindi na lang nangyayari 'to.
***END OF FLASHBACK
~~~
Hawak ko ang gift na bigay ni Nate. Kinalas ko ang tali nito, pinunit ang balot at binuksan ang kahon para makita ang regalo niya. Napangiti ako sa nakita ko, pero patuloy pa rin ang pagpatak ng mga luha ko. Ang kulit talaga ng taong yun. Naisip niya talagang ganito ang ibigay sa 'kin? Mga pictures niya ang gift niya sa 'kin. Siguro nasa 50 pieces na may iba-ibang sizes. At may apat na 2x2 pa? Sira talaga siya. Iba't iba ang pose niya. May wacky, serious, may pa-cute at may hole body pictures pa. Siguro para siyang tanga sa studio nito?
"Nakakainis ka, Nate. Mas lalo mo ang pinapahirapan." Iyak ko. Makakaya ko kayang iwan siya? Pero yun ang dapat. Para mailigtas ko ang buhay niya, kailangan kong layuan siya. Nagpunas ako ng luha nang may nakita akong notes.
~KAPAG DI NA AKO GWAPO SA MGA PICTURES NA YAN, WALA NGANG FOREVER. KORNI BA? ITO MAS KORNI PA.
HANGGA'T GWAPO AKO SA MGA PICTURES NA YAN, LOVE KITA.
SAME HERE! DAHIL ALAM KONG SASABIHIN MONG 'I LOVE YOU'~
Naluluhang napangiti ako. Parang di ako makahinga nang mabasa ko ang notes niya. Gusto kong humagulhol sa iyak dahil sa sakit na nararamdaman ko. Pero pinigilan ko baka marinig ako nina mama. Ayaw kong puntahan nila ako, dahil ayaw ko muna silang makita.
"I love you. I love you, Nate… I love you so much. But I have to say goodbye." Iyak ko at napahiga ako sa kama yakap ang mga pictures niya. Mahal na mahal ko siya. At alam kong mahal niya ako. Pero dahil sa pagmamahal na yun, mapapahamak siya. "I'm sorry. I'm so sorry… sorry, talaga. Sorry, Nate…"
Ba't di na lang true love's kiss ang lunas sa sumpa, tulad ng sa mga fairytale? Meron lang naman lunas sa sumpa ng pagkatao ko, ba't di pa yun? In reality ang saklap nga talaga ng buhay. Di lang pala forever ang di totoo. Pati pala happy ending.
"Aaaaaaaah! Aaaah! Aaaaaaaaaaaahhh!" napasigaw ako nang may bigla akong naramdamang sakit sa ulo at likod ko. Minsan ko nang naramdaman 'to. Pero halos triple ang sakit ngayon. "Aaaaaaaaaaahhhh!" parang may dalawang tumutusok sa noo ko. May bagay na gustong lumabas. Ang likod ko naman parang hinihiwa. Napasakit. Sobrang sakit. Nararamdaman ko na may kung anong mga bagay na lalabas sa katawan ko.
Pumasok sa utak ko ang antena at pakpak ko noong bata pa ako. At naalala ko ang sinabi ng Reyna sa 'kin. Na kasabay nang mga kakayahang matutuklasan ko, ang pagbabago ng anyo ko.
Narinig ko ang pagkatok nina mama at papa kasabay ng pasigaw nilang tawag sa 'kin. Marahil narinig nila ang pagdaing ko. Paghiyaw ko lang ang naging tugon ko dahil sa sakit. Naka-lock ang kwarto kaya di sila makakapasok. Di naman ako halos makakilos. Namimilipit na nakahiga lang ako sa kama habang yakap pa rin ang mga pictures ni Nate. Ang iba naman ay nagkalat na maging sa sahig. Pilit kong nilalabanan ang sakit. Hinalikan ko ang isa sa mga pictures niya. Napakatamis ng ngiti niya sa picture. Naiibsan nun ang sakit. Dahil siya ang nasa isip ko kaya nakakaya ko.
Narinig ko ang pagbukas ng pinto. Marahil kumuha ng susi sina papa kaya sila nakapasok. Niyakap ako nina mama at papa. Napahagulhol nalang ako. Nagagalit ako sa kanila. Pero nagpapasalamat akong nandito sila ngayon sa tabi ko. At nararamdaman ko ang labis nilang pagmamahal.
Di ko na talaga napigilan ang pag-iyak ko. Sumisigaw ako sa paghiyaw. Pero di lang yun dahil sa sakit ng ulo at likod ko. Kundi sa sakit na nararamdaman ko sa puso ko na kanina ko pa pinipigilan. Nilabas ko ang galit ko, ang sakit, ang hapdi, ang halos lahat ng emosyon ko. Pero di pa rin ako okay. Hindi talaga. At di ko alam kong magiging okay pa ba ako?
Napapapikit na ako. Yung pakiramdam na gusto ko na lang isuko sa kamatayan ang buhay ko. Nararamdaman kong may di na normal sa katawan ko. Na may parting nadagdag na dito. Nagbabago na nga ako ng anyo.
"Diyos ko, Chelo, ang anak natin." Narinig kong iyak ni mama. Sa pagdilat ko nakita kong gulat na gulat siya.
"Tumutubo na ang mga antena at mga pakpak niya." sagot ni papa at niyakap niya ako. "Patawarin mo si papa, 'nak." Iyak ni papa.
Mas lalong nadagdagan ang sakit na nararamdaman ko sa narinig kong katagang binitawan ni papa. Gusto kong yakapin sila ni mama pero di ko na maigalaw ang katawan ko. Hanggang sa magblangko na lamang ang lahat.
~~~
> NATE'S POV <
PAGMULAT KO NAKAHINTO na ang kotse. Nakatulog pala ako? Kinusot-kusot ko ang mata ko para mahimas-masan ako. Wala na si Manong Billy. Di man lang ako ginising? Kinuha ko ang mga gamit ko at ang gift sa 'kin ni Chelsa. Gumuhit ang ngiti sa labi ko. Na-excite ako kung ano ba ang laman ng kahon? Natawa ako ng konti. Naalala ko kasi yung gift ko sa kanya. Ano kayang reaksyon niya? Pero in fairness, pinag-isipan ko ang gift kong yun na mga pics ko. Nagpaka-cheap ako dun at nagsulat ng cheesy na notes para sa kanya.
Pababa na ako ng kotse nang maramdaman ko ang pag-uga. Kinabahan ako at agad akong bumaba. Nahulog ako at nabitawan ko ang mga gamit ko at ang regalo. Pero buti nakakapit ako sa pinto ng kotse. Napatingin ako sa baba at sa paligid. Nasa bangin ako? Pa'no ako napunta rito? Umusog ang kotse. Nahulog ito kasabay ko at nakabitaw ako.
"Aaaaaahhhhh!" sigaw ko habang nahuhulog ako. Takot na takot ako. Nararamdaman ko na ang kamatayan ko. "Chelsaaa!" nasigaw ko. Dahil siya ang nasa isip ko. Sana niyakap ko na siya nang mahigpit. Sana di ko na siya pinauwi pa. Sana wala ako rito at magkasama pa rin kaming dalawa. "Sheeeeeeeeeeettttt!"
NATE!
Narinig kong boses sa utak ko. Boses niya yun. Si Chelsa, tinatawag niya ako. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko siyang lumilipad palapit sa 'kin. May pakpak siya tulad ng sa paruparo. Purple ang pakpak niya na kakulay ng paruparong nakikita kong madalas na dumapo sa kanya. May mga antena rin siya sa kanyang noo. Isang napakagandang diwata tulad ng sa mga fantasy movies. Alam kong iba ang hitsura niya ngunit di ako natakot sa kanya. Masaya akong nakikita ko siya.
Sinalo niya ako at niyakap. Nawala ang takot sa dibdib ko. Nakangiti siya sa 'kin. Nakaganda niya. "Anghel ka ba?" tanong ko.
Ngumiti siya. "Hindi." Sagot niya. Alam ko naman yun. Dahil di ganun ang anyo ng anghel na alam ko at nakikita ko sa mga libro. Pero sa ganda niya, para siyang anghel na padala mula sa langit para iligtas ako.
"Ano ka?" muling tanong ko.
"Halimaw." Matipid na sagot niya. Ngumiti na lang ako. Hindi ako makapaniwalang nangyayari 'to. "I'm sorry, Nate." Malungkot na sabi niya.
"Saan?" pagtataka ko.
"Sorry." Muling paghingi niya ng tawad. Nakita ko sa mga mata niya ang kakaibang ekspresyon. Napakablangko na walang emosyon. At bigla niya akong binitawan.
"Aaaaaaahhh! Chelsaaaaaa!" sigaw ko habang unti-unti akong nahuhulog. Napagmasdan ko ang mga mata niya. Lumuluha siya. Alam kong di niya gusto ang ginagawa niya. "Chelsaaaaaaaaaaaaaaaaa!" takot na takot na sigaw ko.
~~~
"CHELSAAAAAAAAA!"
"Sir, Nate! Sir, Nate!" narinig kong pagtawag ni manong Billy habang niyuyogyog ang katawan ko. Pagdilat ko nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha. "Nananaginip ata kayo, sir? Nandito na po tayo sa bahay."
Naupo ako mula sa pagkakahiga ko at lumingat-lingat sa paligid. "Okay, po. Salamat." Tugon ko. Hangos pa rin ako at malinaw pa rin sa alaala ko ang napanaginipan ko. At nararamdaman ko pa rin ang labis na takot ko. Akala ko talaga totoo na. "Manong Billy, wala ba tayo sa bangin?" tanong ko kahit pa nakikita ko na ang bahay namin mula sa sasakyan.
"Sir?"
"Wala, po."
"Ayos lang po kayo, sir?"
"Ayos lang po ako." Ngiti ko. Lumabas na ng kotse ang driver naiwan pa ako sa loob ng kotse. Kinuha ko ang regalo ni Chelsa sa 'kin. Himinga ako ng malalim. Pinakalma ko ang sarili ko. Panaginip lang yun. Siguro kung ano-ano lang ang iniisip ko gaya kanina habang magkasama kami ni Chelsa kaya nanaginip ako ng ganun.
Haist! Shit ka, Nate! Tumigil ka na kasi sa pag-iisip! Sita ko sa sarili ko at lumabas na rin ako sa kotse nang nakangiti. Nai-excite akong buksan ang kahon. Wala akong idea kung ano ang gift niya sa 'kin. Napangiti ako nang maalala ko ang gift ko sa kanya. Ano kaya ang reaksyon niya? Natatawa talaga ako sa ka-jologan ko kanina habang nagpapa-pictures. At may ka-cheesyhan pa akong notes na sinulat. Haist! Ang love nga naman.
Tumuloy ako sa kwarto ko at naligo muna ulit ako. Pagkabihis ko di maalis ang ngiti sa labi ko habang binubuksan ko ang regalo ni Chelsa sa 'kin. Para akong nakikipagbuno sa pagpunit ng gift wrap. Pagbukas ko ng kahon, abot tainga ang ngiti ko. Ashtray na collection ko ang gift niya sa 'kin. Yung ashtray na bibilhin ko sana nang minsan gumala din kami sa mall na yun. Pirate ship ang designed ng ashtray. Napaka-astig ng designed at ang ganda ng detalye. May mga bungo pa at barya. Kaya pala sinaway niya akong bilhin ito. Dahil siya mismo ang gustong bumili nito at ibigay sa 'kin. Napakasaya ko at napakagaan ng pakiramdam ko. Niyakap ko ang ashtray na parang tanga lang. Papangalan ko 'tong 'Forever'. Humanda kayo, korni 'to. Sakay sa pirate ship na 'to, hawak kamay kang lalakbay patungong forever. Shit, kalimutan n'yo na.
Tumayo ako at nilagay si Forever sa kabinet na may malapad na glass door na lalagyan ko talaga ng mga collection ko. Pwenisto ko ito sa pinakasentro. Di talaga mawala ang ngiti ko. Pinagmasdan ko pa yun nang ilang minuto kasama ng iba ko pang collection na nagpapagaan ng loob ko sa tuwing may problema ako.
Habang nililinis ko ang nagkalat na gift wrap, nakita ko sa kahon na may notes pala. Sobrang na-excite kasi ako kaya di ko napansin kanina. Nakatupi ang kaperaso ng maliit na papel. Napangiti ako. Naisip niya rin magsulat ng notes tulad ng ginawa ko. Talaga ngang meant to be kami.
Nawala ang ngiti sa labi ko at napaupo ako nang mabasa ko ang nakasulat. Nilukot ko ang papel. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko alam kong ano ang iisipin ko?