webnovel

Si Thea

AHH, PAG-IBIG NGA NAMAN. NAKAKASUKA.

Yun ang naisaloob ni Jack habang para syang nanonood ng laro ng tennis—titingin sya kay Camille, lilingon kay Brett sa kabilang sulok ng classroom, tapos pabalik kay Camille, balik ulit kay Brett. Kapag nakatalikod kasi si Mrs. Santos—ngayon ay ubod ng bagal itong nagsusulat sa board, at malamang ay bandang year 2054 pa ito matapos magsulat—nagpapalipad ng flying kiss si Brett kay Camille. Sinasalo naman ito ni Camille: actual na dadakmain nya ang hangin, saka ilalapat sa mga labi ang flying kiss.

Ang sarap magsuka, naiisip ni Jack. Sinubukan nyang umubo ng malakas kaya napahinto sa pagsusulat si Mrs. Santos, nilingon ang mga estudyante. Sakto namang nagpapakawala ulit ng isa pang flying kiss si Brett—huli ka!

"What are you doing, Mister Gomez?" Kunot ang noo ni Mrs. Santos.

"Nothing, Ma'am!" Pamatay na Close-up smile. "Pinapagpag ko lang po yung dust dito sa harap ko po."

Tumango-tango si Mrs. Santos, saka binalingan ang buong klase. "Make sure you all copy this. Lalabas ito next exam."

Nasulyapan ni Jack na nakatitig sa kanya si Camille. Nginusuhan sya—alam nito kung ano'ng ginawa ni Jack. Kibit-balikat. Kati ng lalamunan ko e, muwestra ni Jack. Hindi yun binili ni Camille. Humanda ka, sabi ng matalim na titig ng dalaga. Mamaya lagot ka sa akin. Pinapahamak mo ang love ko!

Ngisi na lang si Jack. Kahit sa loob nito, nai-imagine niyang magwala. Lapitan niya kaya bigla si Brett saka bigla niya itong tadyakan sa mukha? Makabawas lang ng frustration? Sarap sana gawin nun kaso mas matangkad sa kanya si Brett, mas malalaki ang mga braso—baka siya pa ang magmukhang parang pinitpit na lata ng sardinas pagkatapos.

Pero teka nga, bakit nga ba galit na galit sya? Ano ba'ng interest nya sa love story ni Camille?

Yun nga rin ang paulit-ulit na tanong niya simula pa nung isang gabi. Hindi siya pinatahimik ng mga makukulit na tanong na ito. Bandang madaling-araw, nakapag-decide rin siya sa wakas: kaya siya galit kasi walang integrity si Camille. Susumpa-sumpa na hindi na nya papansinin ang mokong na Brett, kesehodang maglulupasay ito sa kalsada. Tapos ngayon—ewan kung anong magic ang ginawa ni Brett at bigla na lang nasa kamay na ulit nya si Camille—akala mo hindi nangyari yung nangyari nung isang gabi. Wala lang ba yun? Wala bang consequence ang ginawa ni Brett?

Nasaan ang bwiset na hustisya?

At dahil halos walang tulog, hirap na hirap bumangon si Jack kaninang umaga. Kung pwede lang huwag na siyang pumasok, kaso mahirap ipaliwanag yun kay Nanay Rosing. Yung mga "bakit?" ni Nanay Rosing ay daig pa ang tren—dugtong-dugtong, tuloy-tuloy, at malamang masagasaan siya. Na-late siya ng dating sa school—umpisa na ang klase, naglalampaso na sa pasilyo ang janitor nilang si Mang Kiko, kaya parang ninja na nagtatakbo si Jack na nakayuko patungo sa classroom nito—nakakahiyang madaanan niya ang ibang rooms at makita ng madla kung gaano siya ka-late. Buti na lang nakatalikod nga at nagsusulat sa board si Mrs. Santos nung dumating siya.

Nang umalingawngaw ang bell, naunang tumalilis ng room si Jack—ayaw niyang makita ang kaligayahan sa pagmumukha ni Camille o ni Brett. Tila siya sinasampal. May pa-sumpa-sumpa ka pa, naisaloob ni Jack habang naglalakad palayo sa classroom, patungo sa isang sulok ng canteen. Nun niya lang naalala na nalimutan niya pala'ng hingiin ang baon niya kay Nanay Rosing—ni siopao nga wala siya ngayon. Nasa kalagitnaan ng init at siksikan ng school canteen si Jack ay litong-lito siya—saang sulok ng mundo ba siya magtatago para maiwasan ang dalawang "love birds" na yun? Ayaw niyang maglakad-lakad sa mga pasilyo ng school—obvious na mag-isa lang siya, samantalang dati'y halos araw-araw ay kasama niya si Camille. Tiyak may magtatanong sa kanya ng, "O, asan ang bestfriend mo?" Napapagod siyang mag-isip ng palusot; nahihiya naman siyang aminin ang tutoo.

Sa botanical garden kaya? Dun na lang, malamig pa, sariwa pa ang hangin. Masarap mag-isip-isip, magplano ng next move. Baka dun ako makatagpo ng lakas ng loob na tanggapin ito, naiisip ni Jack.

Ang school botanical garden ay isang simpleng loteng kinatataniman ng kung anu-anong halamang gamot. Ang bakod nito ay kawayan na kinakapitan ng mayabong na alugbati. Masarap tumambay dito dahil may privacy—hindi ka masyadong kita mula sa labas. Yun nga lang, kung may makakakita sa iyo dito na nakatambay ka mag-isa, alam agad nila na "loser" ka, o kaya nagse-senti—mga sitwasyong parehong aani ng pambubuska. Yun ang risk, pero walang choice si Jack. Siguro naman walang mokong na maliligaw dito.

May mga upuan na gawa sa semento na nakakalat sa botanical garden. Pinili ni Jack na maupo sa pinakasulok, yung bandang hindi ka agad makikita kapag may pumasok. Pasalamat siya dahil walang katao-tao sa garden—may konting simoy ng hangin na nakaka-antok, medyo malamig dahil malayo sa sikat ng araw. Pero hindi pa nag-iinit ang puwet niya sa pagkakaupo'y may narinig na siyang boses—pamilyar, tila humahalinghing, boses ng isang lasing sa kaligayahan.

Si Camille. Si Brett. Magkaakbay pa na pumasok sa garden. Bwiset! Napayuko si Jack, nagtago sa likod ng isang mayabong na puno ng kalamansi (100 tiyak ang grade ng nagtanim nito). Napalingon siya sa tarangkahan ng botanical garden—malabong makalabas siya ng hindi dadaan sa harapan ng dalawa.

"Ang sweet mo talaga," narinig niyang sabi ni Camille. "Huwag mo nga akong binobola!"

Ang ibig niyang sabihin, isip ni Jack, bolahin mo pa raw siya nang husto!

"Hindi kita binobola, Cam!" sabi ni Brett. "Mukha ba akong nambobola?"

Ulul! singit ng isip ni Jack. Nakalamang ka lang sakin ng limang ligo.

"Sobra ka na ha," sabi ni Camille. "Over na iyan. Baka maniwala na ako niyan."

Napa-face-palm si Jack. Grabeng Camille, bigay na bigay naman!

"Promise," sabi ni Brett. "Ikaw lang talaga ang ka-date ko sa Prom natin."

Date? Prom? Noon lang biglang naalala ni Jack kung nasaang bahagi siya ng mundo, kung anong petsa na, kung nasa anong lugar siya sa ilalim ng araw: Pebrero na nga pala, at ilang linggo na lang at Prom na nila.

"Hindi si Joanna?"

"Hindi ah! Hindi ko nga kilala kung sino yung Joanna na tinutukoy mo. Nagsisinungaling lang yung Jack na yun eh."

Muntik nang mabunot ni Jack ang buong puno ng kalamansi sa gigil niya. At ako pa ang sinungaling? Eh di wow?

"Susunduin mo ako sa amin?" May halong pag-asam ang boses ni Camille. "Ipapakilala kita sa parents ko."

"Syempre susunduin kita!" sabi ni Brett. "Naka-limousine pa!"

"Ang sweet naman talaga ng boyfie ko!"

Mahabaging Diyos! Boyfie? Nagdurugo na yata ang tenga ni Jack. At ang kawawang puno ng kalamansi, nakakalbo na sa higpit ng pagkakasakal niya dito. Isang hirit pa ni Camille o ni Brett, sasabog na talaga siya. Ewan, pero pikon na pikon si Jack sa mga naririnig niya. Kinikilabutan siya. Nagngingitngit. Pero teka nga, bakit ba siya nagtatago?

"Bakit ka ba nagtatago diyan?"

Actual na salita yun, na actual na binigkas ni Thea, isa sa mga kaklase niya. May hawak itong plastic na pandilig. Nakapameywang, nakataas ang mga kilay.

Tila natuklaw ng ahas si Jack.