webnovel

Kissing Booth

NAUUBUSAN NA NG PASENSIYA SI CAMILLE. Malapit na siyang sumabog. Hindi kasi sumipot si Marissa, na dapat sana ay "host" ng kissing booth. Ibig sabihin ng host ay ikaw ang hahalikan ng mga taong magbabayad at pipila sa kissing booth. Nung isang araw ay game na game si Marissa—may pangarap yata itong maging prostitute balang-araw—at siya pa ang nagprisinta na tatao sa kissing booth. Wala daw siyang pakialam kung boy o girl ang ki-kiss sa kanya. Basta para sa charity—para kasi sa barangay feeding program ang kikitain ng mga booths—game siya. Ngayon namumuti na ang mga mata ni Camille ay wala pa rin si Marissa. May suspetsa siyang dahil ito sa nangyari kahapon—bakit naman kasi bigla niyang idinamay si Marissa sa away nila ni Jack, nabuko tuloy na Dora the Explorer pala ang paboritong panties ni Marissa. Wala namang masama dun kung naibulgar yun sa isang normal na context—kaso nasa gitna sila ng asaran at panlalait na may kinalaman sa underwear, kaya syempre hindi kinaya ni Marissa ang pang-aasar sa kanya ng mga kaklase.

"Tinext mo na ba?" tanong ni Camille kay Analyn, ang class auditor nila.

"Kanina pa nga e. Hindi nagre-reply," sabi ni Analyn.

"Tawagan mo na kaya?"

"Naku, wala akong load! Hindi ako unli!"

Lalong umusok ang tenga ni Camille—siya rin walang load. Dahil sa Foundation Week at sa dami ng mga tao, naubusan yata ng mga cellphone load ang mga tindahan sa paligid ng school. Bakit kasi hindi niya naalalang magpaload kanina sa malapit sa bahay nila.

"Kapag hindi sumipot si Marissa, pwede ba ikaw na lang ang host nitong booth?" Hindi talaga tanong yun kundi utos.

"Ngeee!" with matching Jimmy Santos reaction pa si Analyn. "Hello? Ako magpapahalik sa kung kani-kanino? Huwag na oy!"

"For charity naman ito eh."

"Eh bakit ikaw? Ikaw na lang! Tutal idea nyo iyan!"

Kung hindi lang talaga krimen na manakal ng kaklase, kanina pa niya ginawa. Pero hindi uubra ang violence dito, naisip ni Camille. Dapat diplomasya. "Analyn, sige na. Tulungan mo ako. Ikaw lang ang pwedeng mag-host nitong booth. Ikaw kaya ang pinakamaganda sa buong classroom natin!"

Narinig ang salitang "pinakamaganda," biglang nagliwanag ang mukha ni Analyn, pumalakpak ang tenga. "Talaga?"

"Oo!" Todo hard-sell na si Camille. "Kaya nga ikaw ang una kong tinanong eh."

Napakunot-noo si Analyn. Tila gusto nitong sabihin, Eh kaya mo lang ako tinanong kasi ako ang nakatayo dito at wala nang iba. Parang nag-isip ito. "Sige, payag ako. Pero sa isang kundisyon."

Si Camille naman ang napakunot-noo. "Anong kundisyon?"

"Payag ako mag-host basta hati tayo. Ako ngayon, tapos ikaw naman mamaya. Para hindi naman mabugbog ang mga labi ko 'no."

Ang arte, akala mo naman kagandahan, ngitngit ni Camille. Pero ang nasabi na lang niya ay, "Sige. Game ako diyan. Hati tayo."