webnovel

Fight Scene

KAPAG TUTOONG GALIT KA TALAGA, FEELING MO kaya mong gawin kahit ano. Tulad ngayon, nagngingitngit na halos takbuhin na ni Jack ang daan patungo sa likod ng school. Kay higpit ng kapit niya sa dala-dalang dos-por-dos. Kung tutuusin, wala naman talagang fighting skills si Jack. Kahit nga kapag minsang naglalaro sila ni Camille ng Tekken sa Xbox, nilalampaso lang ng Eddie ni Camille ang Hwoarang ni Jack. Pero ang naglalaro sa isip ni Jack ay kung paano niya ilalampaso sa kalsada si Brett. Syempre, in Jack's own version of events, ni hindi makakakibo si Brett—wala pang isang minuto, nagmamakaawa na ito kay Jack at nangangakong hinding hindi na ulit paiiyakin si Camille.

Pero ang tutoong nangyari, ibang iba sa na-imagine ni Jack. Nasalubong niya kasi si Brett sa may harapan ng school. Malayo pa lang ay nakangiti na ito sa kanya. "Dude," bati ni Brett, "Pumayag na ba si Thea na maka-date mo sa Prom? Maganda rin yung si Thea, jackpot ka rin dun." Tinapik pa siya sa balikat ni Brett. Consuelo de bobo, sulsol ng utak ni Jack.

"Anong ginawa mo kay Camille?" sabi ni Jack, ala-FPJ na pilit nilalaliman ang boses, pero dahil galit na, nauuwi pa rin sa Babalu. "Bakit siya umiiyak ha?"

"What? Wala akong ginagawa sa kanya!"

"Si Joanna," hindi nagbabago ang tono ni Jack. "Sino ba talaga, dude? Si Camille o Joanna?"

"Dude, hindi kita naiintindihan—" Muntik nang matumba si Brett sa biglang pagkakatulak ni Jack sa kanya. Namula ang mukha ng binata. Nawala ang ngiti sa mukha nito, napalitan ng daluyong. "Dude… Pre, huwag mo nga akong—"

Inulit pa ni Jack ang pagtulak. Dito na napikon si Brett. Gumanti na rin—sa lakas ng pagkakabalya niya kay Jack, na mas maliit naman talaga sa kanya, tumilapon lang ang dala nitong dos-por-dos. Pero imbes na masiraan ng loob, lalong nag-ala-tigre si Jack—patalon na sinugod si Brett, umaalagwa ang mga kamao. Panay salag lang si Brett nung una, pero nang isa sa mga suntok ni Jack ay tumama sa panga ni Brett, talagang nagbago na rin ang expression sa mukha nito. No more Mr. Nice Guy. Nang muling sumugod si Jack, madali lang na nasalag ni Brett ng isang braso ang suntok ni Jack, sabay bigwas naman ng isang kamao niya—kumonekta ang suntok sa panga ni Jack. Isa lang yun, pero solid. Yung tagos hanggang buto.

Nag-slow-mo ang mundo sa paningin ni Jack, umikot-ikot. Narinig niya pa si Brett na nagsabing, "That should teach you." Pero parang kaylayo ng pinanggalingan ng boses na yun, parang galing pa sa malayong tunnel. Anong palusot ko kay Nanay Rosing, ang huling nasa isip ni Jack, bago tuluyang nagdilim ang isip niya.