webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

xiunoxki · Tổng hợp
Không đủ số lượng người đọc
39 Chs

KABANATA 5

NAPABUNTONG-HININGA AKO matapos kong diligan ang mga sunflower gamit ang tabo't timba. Gusto kong patunayan sa multong si Sunshine na kalokohan ang iniisip niya at normal lang na namatay ang mga halaman dahil hindi na nadidiligan. Ipapakita ko sa kanya sa mga susunod na araw na may mga bagong halaman ng sunflower na tutubo mula sa mga butong nagkalat sa lupa. Pero nang mapagmasdan ko ang mga natuyong halaman, mukhang kakaiba naman ang pagkamatay nila? Parang hinigop ang nutrisyon at natuyo.

Papasok na sana ako sa bahay nang may narinig akong kakaibang tunog – parang nilulukot na tuyong dahon? Napaatras ako at nabitiwan ko ang hawak kong timba nang lingunin ko ang pinagmulan ng tunog – isang natutuyong halaman ng sunflower. Mula sa lupa, unti-unting natutuyo ang halaman at nahulog ang mga dahon nito, hanggang umabot sa maganda nitong bulaklak. Yumuko ang bulaklak nang matuyo tulad ng iba pang naunang natuyong sunflower. Napanganga na lang ako sa nasaksihan ko. Hindi ko alam kung normal bang gano'n matuyo ang sunflower?

***

UMUUNGOL NA NAMAN ang mga multo sa labas. Nagtatayuan na naman ang mga balahibo ko sa nakakakilabot nilang tinig. Hindi ko naririnig ang iyak ni Sunshine. Maghapon siyang hindi nagpakita sa 'kin at nagparamdam. Nakaupo ako sa sahig at nakasandal sa pader sa loob ng kuwarto at umiinom ng beer para pampatulog ko. Mukha kasing aabutin na naman ng madaling-araw ang ingay ng mga multo, kaya kailangan ko ng espirito ng alak. At ngayon, nararamdaman ko ang sinabi ni Sunshine, na parang hinihila ka ng panaghoy ng mga multo sa isang madilim na hukay. Madilim na pakiramdam na hindi na bago sa 'kin. Gumugulo rin sa isip ko ang mga sinabi niya. Tadhana nga bang nandito ako? Ako ba talaga ang sinag niya na sasagip sa kanya? Pero saan? Saan ko siya ililigtas? Nasaan ang katawan niya kung buhay pa nga siya? Pilit ko mang isiping kalokohan, hindi ko pa rin maiwasang pag-isipan. At bakit ba hindi siya mawala sa isip ko? Kanina pa, parang hinahanap ko siya, na sa paglingon ko sa kung saan ay bigla na lang siyang susulpot at hahaba ang leeg niya. Siguro dahil sa mag-isa lang ako rito kaya naiisip ko siya?

Dahil hindi naman ako malakas uminom, tinamaan ako sa tatlong lata ng beer na nainom ko. Nahilo ako at pangiti-ngiting tumayo, at napasandal sa pader. Lumitaw sa harap ko si Sunshine, nakaupo siya sa kama.

"Hoy, multo!" tawag ko sa kanya. Humakbang ako palapit sa kama. Sa kalasingan ko, hindi ko matitigan nang maayos ang mukha niya. Pero nakita ko ang pagluha ng kanyang mga mata. "Umiiyak ka?" tanong ko sa lasing kong boses.

"Natatakot ako, Lukas," matipid na sagot niya.

Nakatayo ako sa harap niya na hindi steady ang pagkakatayo ko dahil sa tama ng alak. Nakatingin kami sa isa't isa. Parang hinahaplos ang puso ko. Hindi ko alam ang nararamdaman ko? Kalasingan lang ba 'to? O talagang tumitibok nang mabilis ang puso ko? Dahil ba sa takot sa kaharap kong multo? Pero bakit parang gusto kong pawiin ang luha niya sa mukha at haplosin 'to? Nasobrahan ata ako sa alak.

Dahan-dahan kong inangat ang mga kamay ko para punasan ang mga luha niya sa mukha. Hindi ko alam kung posibleng magawa ko 'yon, dahil sa pagkakaalam ko base sa karanasan ko, hindi nahahawakan ng buhay ang multo dahil wala naman itong pisikal na katawan, at 'yon din ang rason kung bakit walang repleksiyon ang mga multo sa salamin. Enerhiya at matinding emosyon lang ang mga multo ng taong namatay noong nabubuhay pa ito. Kaya siguro kaya nilang umiyak o lumuha. At marahil, isang ilusyon lang ng mga multo sa mga taong nakikita sila ang pagpapakita nila ng luha... Iyon ang pagkakaalam ko – pero ano 'to?

Dumampi ang mga palad ko sa pisngi niya, ni Sunshine – ang multong si Sunshine. Hinaplos ko ang mukha niya para pahirin ang luha niya ng naginginig kong mga kamay. At nagliliwanag ang mga palad ko? Nawala ang tama ng alak sa katawan at utak ko. Napatitig ako sa kanya, gano'n din siya sa 'kin. Kapwa mababakas ang pagtataka sa 'ming mga mukha.

"Sunshine?"

"Lukas?"

"Bakit kita nahahawakan?" pagtataka ko.

"Hindi ko alam?" pagtataka niya. "Nawala ang takot ko... May biglang pumintig sa dibdib ko?" napahawak siya sa dibdib niya na mas napuno ng katanungan ang kanyang mukha.

Nakaramdam ako ng panghihina at muling bumalik ang sakit ng ulo ko, at nawalan ako ng kontrol sa katawan ko. Isang kalabog ang narinig ko at dumilim na ang lahat.

***

PAGDILAT KO, MALIWANAG na. Si Sunshine ang una kong nakita. Tulad nang una ko siyang makita sa kuwartong ito, nakahiga kami patagilid at nakaharap sa isa't isa. Iyong nga lang, nasa sahig kaming dalawa ngayon na ipinagtaka ko. Agad akong bumango at naupo sa gilid ng kama. Naramdaman ko ang sakit sa ulo at katawan ko. Bumalik sa alaala ko ang nangyari kagabi bago ako nawalan ng malay. Ngayon hindi ko masiguro kung nangyari ba talaga ang mga bagay na 'yon o panaginip ko lang? Pero ba't nasa sahig ako?

Naupo sa tabi ko si Sunshine. Ipinikit ko ang aking mga mata nang makita kong inangat niya ang kanyang kaliwang kamay. Naramdaman ko ang malamig na pagdampi ng kanyang palad sa kanan kong pisngi. Gusto kong malaman kong totoo o isa lamang panaginip na dala ng kalasingan ko ang nangyari kagabi nang mahawakan ko at haplosin ang kanyang mukha, kaya hinayaan ko siyang gawin ang gusto niyang gawin. Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa 'king mukha – nahawakan ko siya at may nakakasilaw akong naaninag – naramdaman ko ang lamig ng kamay niya na unti-unting uminit. Iminulat ko ang aking mga mata na sinabayan ng pagbilis ng tibok ng puso ko. Hindi multo ngayon ang nakikita ko, hindi iyon ang pakiramdam ko. Kung ano siya, 'di ko alam?

Bahagyang ngumiti sa 'kin si Sushine. Isang napakatamis na ngiting mas lalong nagpaliwanag sa umagang 'yon. Ngiting tila sikat ng araw na may kislap na nakakasilaw ngunit nakakaakit pagmasdan. Napatulala na lang akong pinagmasdan siya. Nakakahibang. Nakakaloko ng utak. Nakakabaliw sa pakiramdam.

***

NASA SALA KAMI ni Sunshine sa tapat ng natatakpang salamin. Inalis ko ang puting telang nakatakip dito. Bumungad ang repleksiyon ko at wala ang kay Sunshine na katabi ko lang sa gawing kanan ko. Sa mga kuwentong multo sa mga palabas sa TV at pelikula, maging sa mga babasahin, madalas magpakita ang mga multo sa salamin. Pero sa totoong buhay, hindi talaga nila kayang gawin 'yon. At maging ang humawak nga ng mga bagay ay hirap nilang magawa, puwera sa mayroong matinding emosyon.

Nagkatinginan kami ni Sunshine bago namin hinarap ang salamin. Inalok ko sa kanya ang kanang kamay ko para pagbigyan siya sa kahilingan niyang makita ang sarili niya. Inisip niyang baka posible 'yon dahil sa tuwing hahawakan ko siya ay tila nagkakaroon siya ng pisikal na katawan. Gusto kong malaman kung totoo ngang pisikal na katawan ang mayroon siya. Kapag nagkaroon siya ng repleksiyon sa salamin, totoo nga. Pero mukhang lalo akong maguguluhan sa mga nangyayari.

Umilaw ang mga palad namin ng maghawak ang aming mga kamay. Napanganga na lang ako. At nang tingnan ko ang salamin, nakita ko siya – may repleksiyon siya sa salamin – may katawan siya. Naluha si Sunshine nang mapagmasdan niya ang maganda niyang mukha sa salamin. Humakbang siya palapit sa salamin na 'di binitiwan ang kamay ko. Masusi niyang pinagmasdan ang kanyang sarili. Dahan-dahan niyang hinaplos ng isa pa niyang kamay ang kanyang mukha na mas nagpadaloy sa kanyang luha.

"Ako ba 'yan?" tanong niya na nakatitig lang sa sarili niya sa salamin.

"Um," sagot kong nakatingin din sa kanya sa salamin. "Ikaw 'yan, Sunshine."

Ilang saglit pa, nakaramdam ako ng panghihina. Napaluhod ako at nabitawan ko si Sunshine.

"Ayos ka lang?" pag-aalala niya nang mapaupo na ako sa sahig. Sinubukan niya akong alalayan patayo pero hindi niya ako mahawakan. Pero naramdaman ko ang lamig ng pagdampi ng palad niya sa aking braso. Nagkatinginan na lang kaming dalawa sa nangyaring 'yon.