webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · Thanh xuân
Không đủ số lượng người đọc
60 Chs

Kabanata 8

K a b a n a t a 8

"Na-miss ko po 'to!"

Kahit may nginunguya akong otap sa bibig ko'y hindi matigil ang pagsasalita ko. Tinawanan naman ako ni Itay bago siya humigop ng kape niya.

"Palagay ko'y 'di ka nakakakain ng ganyan doon, ano?" tanong pa niya sa'kin at inilapag muli sa mesa ang tasa niya.

"Puro mamahaling tinapay lang ang nandoon, Itay," sagot ko naman sa kanya. "Tapos, Itay, alam mo ba? Ang galing ng pangtimpla ng kape! Grabe talaga mayayaman ano? Pagsasaing, paglalaba, paggawa ng kape—lahat nalang may tulong ng mga kagamitan!"

"E, ganoon talaga," tugon naman niya sa'kin. "Kamusta naman nga pala ang mga amo?"

Bahagya akong napatigil sa pagsasalita nang itanong niya 'yon. Humigop ako ng kape at pasimpleng nag-iwas ng tingin kay Itay. Nang mga sandaling 'yon kasi ay naalala ko si Sir Zeus at ang nararamdaman ko sa kanya. Naku, Itay, sinuway ko ang bilin mo!

"A-Ayos naman po sila. Hindi naman po sila mga mapang-api," sagot ko na lamang.

"Mabuti naman." Humigop siyang muli ng kape. "Ayokong mabalitaang inaapi ka ng mga 'yon, ha?"

"Opo, Itay," sagot ko at binigyan ko pa siya ng isang matamis na ngiti. Kumuha naman ako ng isa pang otap sa supot nito at isinawsaw iyon sa kape.

"Sabi ni Aling Choleng pogi daw 'yong amo mo, a."

Sa pangalawang pagkakataon ay napatigil ako. Marami nga palang kakilala si Itay sa palengke, dahil kadalasan ay nasasakay niya ang mga 'yon. Kung minsan, doon din siya nakapila. Pero pakiramdam ko ba'y may ibig ipahiwatig sa akin si Itay.

"Ah—anak mayaman ho kasi, Itay," sagot ko na lamang.

"Sinamahan mo raw mamalengke? Bakit 'di nalang ikaw mag-isa? Tutal, katulong ka naman nila," sunod-sunod pang mga tanong niya.

Habang dumarami ang tanong niya ay lalo akong kinakabahan. Ayokong malaman ni Itay na binigo ko siya. Kapag nalaman niya 'yon, tiyak na magagalit siya at paaalisin ako doon.

"Ang kulit po kasi, Itay. Gusto raw po, e, siya ang pumili ng mga hipon na bibilhin niya," paliwanag ko naman. Pinilit ko ang tignan si Itay nang diretso sa kanyang mga mata.

"Hmm. Hindi ka naman siguro napapalapit sa mga amo mo, ano?" tanong pa niya.

"Hindi po, Itay," sagot ko naman. Sana nga, e. Sana lang ay malapit ako kay Sir Zeus. Sana lang ay magagawa niya akong tignan nang higit pa sa isang katulong. Kaya lang ay hindi.

Tango lang ang isinagot sa akin ni Itay bago siya tumayo habang dala ang tasa niya. Sinundan ko lang naman siya ng tingin habang mahigpit ang kapit ko sa tasa ko. Dumiretso siya sa lababo namin at inilagay ang tasa niya roon.

"Papasada lang muna 'ko," sabi pa niya sa'kin sabay kuha ng jacket niyang nasa papag namin. "Tiyak na may mamamalengke ngayon."

"S-Sige po," sagot ko at hinatid siyang muli ng tingin.

Nang wala na siya'y napabuntong-hininga nalang ako. Hindi naman nagkulang si Itay sa pagpapaalala sa'kin na magkaiba ang mundo ng mahihirap at mayayaman. Pero bakit? Bakit nagawa ko pa rin ang magkagusto sa tulad ni Sir Zeus?

Napakataksil naman ng puso ko.

* * *

Kinahapunan ay tumambay ulit kami ni Danica sa upuan sa labas ng bahay namin. Hindi namin kasama si Jacob dahil nasa mansyon siya. Iba kasi ang day off niya sa day off namin ni Danica.

"Uy, thank you dito sa halo-halo ah," nakangiting sabi niya sa'kin habang naghahalo siya ng halo-halo niya.

"Wala 'yun," tugon ko naman.

Inilibre ko kasi siya ng sampong pisong halo-halo. Ganoon din naman ang sakin. Masarap nga sana kung 'yung tig-bente pesos. Kaya lang ay ito lang ang kaya ng pera ko sa ngayon. Sa katapusan pa kasi ang sweldo namin sa mansyon.

"Ayos na ayos 'to! Ang init pa naman ngayon," sabi niya pa.

Hindi naman ako nakasagot at nanatili lang na naghahalo nang marahan. Ang totoo'y naiisip ko nang sabihin sa kanya ang tungkol sa damdamin ko. Ang hirap kasing sarilinin lang. Sobrang nahihirapan ang kalooban ko.

Kaibigan ko naman si Danica. Kasama ko na siya sa lahat simula pa noong bata ako. Siguro naman ay mapapangalagaan niya ang sikreto ko at maiintindihan niya ako.

"Ahm. . . D-Danica. . ." pagtawag ko sa kanya.

"Hmm?" Tumaas ang kilay niya ngunit nanatili ang paningin niya sa halo-halo niya.

"May s-sasabihin sana a-ako sa'yo. . ." mautal-utal ko pang sabi.

Natawa naman siya nang bahagya. "Ano ba 'yon? Nauutal ka pa d'yan!"

"Ano kasi—" Napabuntong-hininga ako at napasuklay sa buhok ko. "Hindi ko rin alam kung paano sasabihin sa'yo."

Napatigil naman siya sa pagkain ng halo-halo at kunot-noo niya akong tinigan. "Ano ba'ng nangyayari sa'yo, ha, Maureen? Bakit nagkakaganyan ka? M-May bumabagabag ba sa'yo? May problema ka ba? Ano?"

"D-Danica, sandali nga!" awat ko sa kanya dahil sunod-sunod na ang mga tanong niya.

"P-Pasensya na." Napanguso siya. "Ikaw kasi eh. Ibang-iba 'yang kinikilos mo."

"Ipangako mo sa'kin, 'di mo ako tatawanan kapag sinabi ko sa'yo," sabi ko pa sa kanya.

"Pangako." Itinaas pa niya ang kanang kamay niya at ngumiti.

"Sabi mo lang 'yan, e. Sigurado ako tatawa ka." Napayuko naman ako at napanguso.

Natawa na naman siya. Tignan mo nga, 'di ko pa man din sinasabi sa kanya, e, tinatawanan na niya ako!

"Hindi nga eh! Ano ba kasi 'yon?" tanong pa niya.

"Danica, pakiramdam ko kasi—" Napalunok ako. "G-Gusto ko na si. . . Si Sir Zeus."

Napayuko ako at nag-iwas ng tingin, pagkatapos ay muli rin akong bumaling sa kanya. Pero nahihiya akong tumingin sa kanya.

Siya naman ay nanlaki ang mga mata—bubuka ang bibig at muling iikom. Parang hindi mahagilap ang gustong sabihin.

"Maureen! Totoo ba 'yan?" hindi makapaniwalang tanong niya sa'kin nang makapagsalita na siya.

Marahan akong tumango-tango habang kagat-kagat ang ibabang labi ko.

"Naku! Sabi ko na eh! Lagot ka kay Tito Jose!" Dinuro pa niya ako habang tumatawa.

"Pakiusap, 'wag mong sasabihin kay Itay!" kaagad ko namang sabi. Kung makatawa siya, akala mong wala nang bukas! Ako naman ay kinakabahan dito!

"Biro lang!" sabi naman niya. "Pero pa'no 'yan? E, mukhang gusto niya si Marquita?"

"Yon nga din ang iniisip ko, e. Isa pa, kahit wala namang Marquita, hindi pa rin niya 'ko magugustuhan," malungkot kong sabi.

"Kaya nga. Ang hirap maging mahirap. . ." sang-ayon naman niya.

"Ano'ng gagawin ko, Danica?" tanong ko pa sa kanya. Sigurado akong problemadong-problemado na ako ngayon.

"Gawin mo, kainin mo muna 'yang halo-halo mo." Itinuro pa niya ang hawak kong baso. "Kasi nalulusaw na 'yung yelo oh!"

"Danica! Seryoso kasi," inis kong sabi. Napaayos naman ako ng upo at sinimulang kainin ang halo-halo ko.

Sumubo muna siya ng halo-halo niya bago magsalita. "Ano nga ba'ng dapat mong gawin, e, wala naman tayong magagawa? Kung sana wala 'yang Marquita na 'yan."

Bumuntong-hininga naman ako. "Alam mo kahapon—" Sumubo ako ng halo-halo at nginuya 'yon bago magpatuloy. "Narinig ko sila na nag-uusap n'ong Blake tungkol kay Marquita."

"Oh? Ano'ng sabi?" tanong naman ni Danica sa akin.

"May gusto rin pala si Blake kay Marquita. At ngayon, parang hinahamon niya si Zeus," pagkukwento ko.

"Aba! Ang ganda naman pala talaga ng Marquita Maldita na 'yan!" naiinis na sabi niya. "Biruin mo? Blake at Zeus, pag-aagawan siya? Edi siya na!"

"Siguro ititigil ko na 'tong nararamdaman ko, kasi mukhang handa rin siyang ipaglaban ni Zeus," malungkot kong sabi.

Wala rin naman akong karapatang gustuhin si Sir Zeus. Isa lamang akong hamak na katulong nila. Kung sana ay naging mayaman ako, magkakaroon ako kahit paaano ng karapatan na ibigin siya. Kaya lang ay hindi. . .

Siya naman ang napabuntong-hininga ngayon. "Siguro karma mo 'yan dahil sa panenermon mo sa'kin lagi."

Tinignan ko naman siya nang masama. Nahihirapan na nga ako sa sitwasyon ko tapos mang-aasar pa siya.

"Biro lang!"

"Danica, ayoko sana na makarating pa 'to kay Jacob ah? Siguradong tatawanan din ako noon," paalala ko naman sa kanya. Madaldal pa naman 'tong si Danica. Tiyak na mababanggit niya 'to kay Jacob.

"Bakit naman?" takang tanong niya.

"Dahil nilabag ko ang sarili kong batas," sagot ko naman. "Basta! Sa'ting dalawa nalang sana 'to."

"May nalalaman ka pang batas," natatawang sabi niya. "Oo, sige. Pangako, sa ating dalawa lang 'to."

"Salamat, Danica." Ginantihan ko naman siya ng isang tipid na ngiti.

Kinagabihan, bago ako tuluyang matulog ay ipinangako ko sa sarili na iiwasan ko na ang mahumaling kay Sir Zeus. Inisip ko na ngang umalis na sa mansyon, pero hindi pwede. Hindi pwede dahil mawawala naman ang pangarap kong makapag-aral. Titiisin ko nalang ang paghihirap ng kalooban ko kaysa ganoon.

* * *

Kinabukasan, 'di pa man din sumisikat ang araw ay nagtungo na kami sa mansyon ng mga Lorenzino. Kaagad din kaming nagbihis ng uniform namin at naghanda na ng umagahan ng mga Lorenzino. Linggo kasi ngayon at tiyak na magsisimba sila.

"Gisingin niyo na si Zeus," utos ni Ma'am Helen pagkababa palang niya. Nauna naman nang bumaba sa kanya si Sir Apollo.

Napatingin sa akin si Danica. Tinugon ko naman siya ng isa ring makahulugang tingin at saka ako umiling-iling. Ayokong ako ang tumawag kay Sir Zeus ano! Kakalimutan ko na nga ang pagkagusto ko sa kanya, e.

"Sige po, Ma'am."

Mabuti at si Ate Regine na ang nag-presintang tumawag kay Sir Zeus. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil doon.

Mayamaya pa'y bumalik na si Ate Regine na mukhang problemado ang mukha.

"Ma'am, ayaw daw pong sumama ni Sir Zeus," sabi niya kay Ma'am Helen.

"What? Bakit daw?" takang tanong ni Ma'am Helen. Parang may bahid pa nga ng inis.

"E, Ma'am, wala raw po sa mood," sagot naman ni Ate Regine.

Nagpakawala ng malalim ng hininga si Ma'am Helen bago muling magsalita. "I'll talk to him."

Pagkatapos noon ay tumayo na siya sa kinauupuan niya at dire-diretsong umakyat sa kwarto ni Sir Zeus. Dinig na dinig pa ang tunog ng takong niya sa bawat pagtapak niya sa sahig.

"Maureen. . ."

Napalingon ako kay Sir Apollo nang tawagin niya ako. Nginitian naman niya ako bago sabihin ang utos niya.

"Pagtimpla mo 'kong kape."

"Ah. S-Sige po," sabi ko at nagmadali nang kumilos upang maigawa siya ng kape.

Mabuti nalang at medyo gamay ko nang gamitin ang coffee maker nila. Kaya ilang segundo rin ay naigawa ko na siya ng kape.

"E-Eto na po," sabi ko at inilapag malapit sa plato niya ang kape.

"Thank you," sabi niya sa akin. Sa gulat ko ay hinawakan niya ang tasa kahit 'di ko pa inaalis ang kamay ko roon. Naglapat tuloy ang mga kamay namin.

Napatingin ako sa kanya at kaagad akong nailang sa paraan ng pag-ngiti niya sa akin, kaya't kaagad kong inalis ang kamay ko. Mabuti at hinayaan niya ako. Inilagay ko naman ang mga kamay ko sa likuran ko.

Habang pabalik ako sa pwesto ko ay siya namang pagbaba ni Ma'am Helen kasama si Sir Zeus. Dinig na dinig ang malakas niyang boses habang kinakausap niya ang anak niya.

"Ano naman ba'ng pinag-awayan niyo ni Blake at nagkakaganyan ka? My God! Ilang araw nalang, debut na ni Marquita, tsaka pa kayo gaganyan!"

"Siya ang problema, Ma!" sagot naman ni Sir Zeus na pasigaw.

"What? I don't get it! What was 'really' your problem ba?" tanong pa naman ni Ma'am Helen.

Palapit na sila dito ngayon, kaya nakita ko na ang mukha ni Sir Zeus na katulad noon ay akala mong pasan ang buong mundo. Magkasalubong ang dalawang kilay niya, nakatingin lang sa sahig, at nakapamulsa ang dalawang kamay sa shorts.

Teka! Heto na naman ako at napapatitig sa kanya. Nakakainis! Umiwas nalang ako ng tingin pero narinig ko pa rin ang sagot ni Sir Zeus.

"Ma, gusto ni Blake si Marquita."

Hindi ko mahulaan kung malungkot ba o inis si Sir Zeus sa sinabi niya. Parang parehas kasi. Pero sabi ko na nga ba at 'yon ang problema niya, e.

"Oh my God," reaksyon ni Ma'am Helen. Maya-maya rin ay nagsalita pa. "W-Well, i-if that's the problem, I believe maaayos niyo rin naman 'yan! As for Marquita, alam naman nating lahat na ikaw ang gusto niya, 'di ba? Nothing to worry about."

"Pero, Ma!" giit pa ni Sir Zeus na halatang hirap na hirap ang kalooban.

"Come eat with us. Ipagdasal mo nalang 'yang problema mo mamaya," sabi naman ni Ma'am Helen at muling umupo sa upuan niya.

Pasimple akong napasulyap kay Sir Zeus. Tahimik lang siyang umupo sa upuan niya. Tanging pag-usad nga lang ng mga paa noon sa tiles ang narinig.

"Bro code huh?" sambit naman ni Sir Apollo nang magkaharap sila. Hindi ko alam kung ano ba'ng ibig sabihin noon.

Mukha namang hindi sumagot si Sir Zeus dahil nagsalitang muli si Sir Apollo.

"You know what? You shouldn't feel bad kasi hindi mo naman kasalanan na ikaw ang gusto ni Marquita," sabi nito. "Ang may kasalanan, si Blake. Kasi alam naman niyang may gustong iba, ginusto pa niya."

Hindi ko alam kung bakit tila parang napatingin sa gawi ko si Sir Apollo sa mga huling sinabi niya. Oo, natamaan ako sa sinabi niyang 'yon, pero sinasadya kaya niya 'yon?

Hindi naman siguro. . .

* * *

Nang umalis ang pamilya ay nautusan naman kami ni Manang Guada na labhan ang mga damit nila Ma'am Helen. Ang iba naman ay naglinis ng bahay at sila Manang Guada ang nagluto ng tanghalian.

"Di ko na talaga keri 'yang kagandahan n'yang Marquita'ng 'yan ah!" sabi ni Danica habang naghihiwalay siya ng mga dekolor sa puti. Ako naman ay nakatayo sa gilid ng washing machine at nakabantay doon.

"Baka marinig ka nila Ate Regine," paalala ko sa kanya.

"Pero isipin mo, ang hirap din talaga ng kalagayan ni Sir Zeus ano? Biruin mo, masisira ang pagkakaibigan nilang tatlo dahil lang sa pag-iibigan nila ni Marquita?" sabi pa niya.

Hindi nalang ako umimik. Ano ba naman 'yan! Wala nga si Sir Zeus sa paligid, heto at binibigkas naman siya ng madaldal kong kaibigan! Hindi talaga mapapatigil ang bibig nitong si Danica!

"Hay! Ikaw nalang sana ang mahalin ni Sir Zeus! Maganda ka rin naman. Mas mabait pa!" dagdag pa niya.

"Danica!" suway ko sa kanya.

"Bakit? Kinikilig ka ano?" tudyo niya sa'kin.

Humalukipkip ako. "Imposible 'yang hinihiling mo."

"Na hinihiling mo rin naman?" makahulugan pa niyang tanong habang may ngisi sa kanyang mga labi.

Inis akong napaayos ng tayo. "Sana pala hindi ko nalang sinabi sa'yo!"

"P-Pasensya na!" sabi niya na halatang nagulat sa reaksyon ko. "To naman. Hindi mabiro."

"Pwede ba, 'wag na natin siyang pag-usapan, Danica?" pakiusap ko sa kanya.

"Oh sige na nga," sabi naman niya.

Hindi naman na siya nagsalita pa ulit pagkatapos noon. Nang mapuno na ng tubig ang washing machine ay pinatay ko na ang gripo.

"Ay, Maureen!" bigla namang sabi ni Danica, kaya napalingon ako sa kanya.

"Hmm?" tanong ko.

"Nakalimutan ko palang kunin 'yung mga damit ni Sir Apollo!" sagot niya. "Pwede pakikuha?"

"Sige, kukunin ko," sagot ko at lumabas na roon sa kinaroroonan namin. Para ring banyo, pero puro batya, palanggana, at washing machine ang nasa loob.

Dumiretso naman ako sa kwarto ni Sir Apollo sa itaas. Unti-unti ko pang pinihit ang door knob ng pintuan noon. Natutunan ko kay Jacob ang salitang 'yon.

Mayamaya pa'y bumukas ang pinto. Mabuti naman at hindi ito naka-lock. Mukha namang may tiwala sila sa amin na mga katulong nila, e. Sa bagay, hindi naman sila mananakawan dahil may mga camera sa bahay nila.

Kaagad ko rin namang nahanap ang laundry basket na pinaglalagyan ng mga maruruming damit ni Sir Apollo. Palabas na sana ako sa kwarto nang may nakita akong isa pang pulang T-shirt na nasa mesa niya. Lumapit ako upang kunin iyon, ngunit napatigil ako nang makita ang nasa ilalim ng T-shirt na 'yon.

Isa iyong larawan—iginuhit na larawan ng isang babae. Halatang 'di pa masyadong tapos ang drawing na 'yon dahil kulang pa ng ibang detalye. Pero bakit. . .

Bakit kahawig ko ang babaeng nasa drawing?

Itutuloy. . .