*SUNTUKAN SA MADALING ARAW At KUTIS "UDO"*
Nagdaan ang mga linggo, muli akong nagtinda ng pandesal at patuloy pa din naman akong pumupunta kila lola Ordonez, para maglinis sa kanilang bahay at para na din magkapera. Si Nestor at Teteng na mga kababata ko ay kasalukuyang noong nagtatrabaho sa Benson's Bakery bilang mga helper, sila na mga taga sa amin din.
Noong nawala si Teteng sa Bakery, ipinasok ako ni Nestor o Buboy bilang kapalit n'ya at ako'y nakapasok din agad. Stay in kami noon, pakain din at ang aming sahod sa isang buwan ay 1,200 pesos. May kababaan ang aming sahod noon kaya, bukod sa pagdedeliver ng mga pandesal sa madaling araw sa mga tindahan gamit ang bike ay naglalako din ako ng pandesal para may extra income ako panggastos ako.
Mahirap din ang trabaho doon lalo na't mautos si ate Betty. (amo naming babae) Lagi n'ya akong inuutusan bumili sa palengke (N.G.I) gamit ang bike. At kahit oras na namin ng pahinga ay inuutusan n'ya pa din kami.
Laging tuyo ang binibigay n'ya sa'min na pang-ulam tuwing umaga. Masuwerte na kami kapag ito'y may itlog na kasama. Sa tanghali naman, hindi nila kami sinasabay sa pagkain. Ang nagiging ulam namin 'don ay 'yung mga naging tira sa kanilang pagkain. Kadalasan konti lang nagiging tira kaya, malimit kaming mabitin ni Nestor sa tanghalian.
Kasama namin si kuya Buboy sa bakery, s'ya ang aming panadero. Malimit wala si kuya Buboy sa bakery kapag tapos na ito sa kanyang trabaho, bumabalik na lang s'ya sa gabi para sa paggawa ng pandesal. Mabait naman si kuya Buboy, s'ya ang aming naging kuyakuyahan doon. May mga pagkakataong nakukulitan s'ya sa'min lalong lalo na sa'kin. Lagi n'ya akong tinatakot noon na ipagbibili daw n'ya ako sa kanyang buyer kapag ako'y makulit.
Si kuya Manuel na aming among lalake ay mabait din naman. Maganda naman ang naging trato n'ya sa'min ni Nestor. Malimit din s'yang wala sa bahay, at halos gabi na din kung s'yay umuuwi galing trabaho bilang civil engineer. Nahirapan lang talaga kaming pakisamahan noon si ate.
Kapag wala ng gagawin sa bakery, pumupunta ako kila manang Inday para maglaro ng video games. Naggagala din ako gamit ang bike sa bakery. Minsan naman sa gabi, kapag tapos ng gumawa ng tinapay si kuya Buboy at wala na kaming linisin, lumalabas kami ni Nestor para magbasketball. One on one kami sa basketball court katabi lang ng St.Mary.
Malimit din kaming pumunta ni Nestor kay lola Ordonez, halos tapat lang din ng bakery. Kila lola nagpapalipas kami ng oras, nakikihiga sa kama habang nanunuod ng tv. Lagi namin noon sinasabihan si Bambino na "kutis udo", salitang bisaya. Hindi n'ya alam ang ibig sabihin ng udo!Sinasabi namin ni Nestor na "maganda" ang ibig sabihin 'non. Lagi din namin s'yang niloloko at pinupuri, tuwang-tuwa naman s'ya!.. At kami rin ay natutuwa sa kanya... Wala s'yang kaalam-alam sa salitang udo.
Magaling kumanta si Bambino at sumayaw. Kapag nasa mood 'yon, pasayaw-sayaw 'yon at pakanta-kanta. Pinapalakpakan namin s'ya ni Nestor na may kasamang hiyaw. Ang galing mo "Mega, kutis udo ka talaga!".. Sigaw namin sa kanya! At lalo n'yang ginaganahan 'non.
Noong panahon na nagpupunta kami kila lola ay may katulong na sila ulit noon na si ate Nene, (stay-out) na sinasahudan ng anak ni lola. Halos wala na din noong mga batang nagpupunta kila lola para maglinis dahil may kasambahay na sila. Pero kung may pupunta man ay pinapasok pa rin ni lola, kaya malimit kami na lang ni Nestor ang labas-masok sa kanila.
Nireto namin noon si kuya Buboy kay ate Nene, nu'ng una ay nahihiya pa si kuya Buboy. Nagkakilala din naman sila ngunit may asawa na pala noon si ate Nene.
Ang kasaysayan ng Benson's Bakery: Bago pa man sila ate Betty at kuya Manuel, naabutan ko na noon ang dating may-ari nito na si kuya Benson taong 1995. Hindi naglaon nailipat ito kay kuya Ed!Isang mabait at maka Diyos na pulis. Kasama ang pamilya ni kuya Ed, sila ang naging pangalawang may-ari nito. Panadero na nila noon si kuya Buboy, 'di naglaon pumasok naman dito si Nestor bilang kanyang helper. Nang mailipat ito nila kuya Ed kila kuya Manuel. Naging pangalawang amo nila ang mag-asawang Manuel at Betty na sila naman ang naging pangatlong may-ari nito.
Noong musmos pa lang ako, mga early 90s. Sa tuwing madaling araw sa aming lugar, naaalala ko ang mga sigaw ng "PANDESALLL" sa aming lugar na minsan ay gumigising sa'kin. Naaalimpungatan ako noon sa kanila. Natatandaan ko din dati na bumili si mama ng pandesal kay kuya Eigie noon.
Lumipas ang mga taon, ang mga dating nagtitinda na sila kuya Eigie ay napalitan na ng medyo mas bata sa kanila na sila Tatang o si pareng Joel, sila Rolly. At hanggang sa sila din ay tumigil na sa pagtitinda. Kami naman noon ang pumalit sa kanila pero inabot ko pa din sila Joel, Joey at iba pang mas may edad sa'min. Naging kasabayan ko noon sila Andong/Cazandro, Mandy/Erwin/, Raffy/Nunong, Eking/Ricky, Buboy/Nestor, Pusa/Kenneth, Lindol/Lyndon, Toklat/Lucky, Teteng Arbo at iba pang taga sa amin na halos kaedaran ko lang din.
Naging number 1 noon na pasimuno sila Tatang ng mga awayan sa labas ng bakery sa madaling araw. Naging matindi din noon sa pambubully sa mga mas batang nagtitinda din ng pandesal. Para kaming mga manok noon na pinapagsabong nila. Naging sila ang pasimuno sa mga suntukan doon, pinapag-away nila ang mga taga sa amin at mga batang taga ibang lugar gaya ng sa mga taga Marikina Village at bukana ng Daang Bakal.
One on one ang labanan noon at kapag matapos na ang unang suntukan ng mga kabataan ay meron na naman na silang isasalang. Mapapalaban ka noon sa gayong sitwasyon dahil bukod sa pambubully nila na, "duwag ka pala eh, sige nga hawakan mo ang tenga", maya-maya ay magsusuntukan na kayo ng ipinares sa'yo. At pataasan na rin ng pride 'yon dahil pagkatao mo ang nakataya doon.
Hindi ko makakalimutan noon na pinagsabong kami ni Dexter na kaklase ko ng elementary. Talagang tudo ang suntukan namin dalawa. Natigil na lang din 'yon ng kapwa na kami mga pagod at may mga tama na sa muka. Sa tingin ko naging patas ang labanan namin noon. And'yan na rin ng magsuntukan kami ni Omar/Puding sa loob ng Bakery na taga Marikina Village.
Si pareng Nestor noon ang naging kilabot sa suntukan sa bakery. Talagang palaban s'ya noon. Naalala ko ng maisabong sila ng pinsan ni Pawig na taga probinsya, talagang suntukan sila noon. Parehas silang bukulan ang mga mukha matapos ang suntukang iyon, habang sila Tatang ay tuwang-tuwa sa kakapanuod sa kanila. Minsan naman sila Kenneth o si Daga na taga sa'min laban sa mga kabataang taga ibang lugar. Sila Batibot at kung sinu-sino pa.
Naging intense ang mga labanang iyon at nasundan pa kada araw. Natitigil na lang ang mga suntukan kapag kami'y papasok na ng bakery upang kumuha na ng ititindang pandesal.
Dati sila Bugoy-Golem/Rommel kasama sila Joey/Tikol, Tatang/Joel, Buknoy/Alex at iba pang mga tropa namin na may edad sa'min. Pinagsabong nila noon si Nestor at Leonel sa Anastacia Village. Gabi na din noon ng magsuntukan silang dalawa sa kalsada. Ang daming rounds niyon at tumagal din ng ilang minuto. Tuwang-tuwa kami noon sa kakapanuod sa kanilang dalawa. Kasama ko noon si Eking o si pareng Ricky sa panunuod sa dalawa habang nagsusuntukan.
Naging pabor noon sila Bugoy kay Leonel, habang napupuruhan kasi ni Nestor ito ay inaaawat nila. At kapag si Nestor naman ang nasa alanganin ay hinahayaan lang nila. Nang matapos ang kanilang heavy fight. Kami ni Eking ay tawa ng tawa sa sinapit ng mukha ni Nestor, talagang bukulan noon ang mukha n'ya maging sa ulo ay maraming tama, habang si Leonel naman ay mga mga tama din sa mukha. Binilhan namin noon si Nestor ng yelo at tinulungan naming mapahupa ang mga bukol n'ya sa ulo at mukha. Samantalang sila Bugoy ay masayang masaya sa naganap na suntukan.
Noong nailipat na ang bakery kila kuya Ed sila Tatang noon ay lumaylo na sa pagtitinda. Kami naman noon ang pumalit sa kanila at kami rin ay minsan naging bully sa mga mas batang nagtitinda na kasama namin. Hindi ko noon makakalimutan ang ginawa sa'min ni kuya Ed noong kapaskuhan. Ginawan n'ya kami noon ng X-mas party, ipinasyal n'ya kaming mga kabataan sa "S" Mall sa Marikina Heights at ikinain kami sa Jollibee. Nakasama ko noon sila Nestor, Mandy, Lucky, Lindol at iba pang taga samin, at ilan ding taga ibang lugar. Binigyan kami noon ni kuya Ed ng mga regalo at pang pansitin kasama na ang lahok na karne ng baboy. Sa tuwing may handaan din sa kanila, iniimbitahan din kami nila na mga kabataan kahit may mga bisita pa silang malalapit sa kanila.
At kapag may pupuntahan si kuya Ed ay sumama kami sakay ng kanilang Owner type jeep at minsan naman ay sa kanyang Tamaraw fx. Mabait si kuya Ed ngunit minsan nakita ko ding nagalit s'ya sa'ming mga kabataan na may mga kakulitan noon.
Ilang taon din silang nagmanage noon ng Benson's Bakery hanggang sa maisalin na nila ito kila kuya Manuel na mga taga Pangasinan.
Nakasama din namin noon sa pagtitinda ang mga taga dulong taas sa'ming lugar na sila kuya Efren duling at magkapatid na Nunoy/Edgar. Pati na rin sila Tano/Raymond, Hika/Zander, Peping/Edwin, Taga/Bryan, Baluga/Argie at iba pa. Naging bata-bataan ko din noon sila Mack-Mack, Butbot at Iton na kapatid ni Kabag/Loreto. Noong babagong mapalipat kila kuya Manuel ang bakery madalas din kami noong imbetahan nila sa mga birthday-an ng kanilang mga anak. Doon sa bakery, kami'y kumakain ng mga masasarap nilang handa bago pa ako nakapasok sa bakery bilang helper noon.