Alas sais na naman ng umaga
Dali-daling maliligo at magbibihis dahil aarangkada na
Ang mga dyip na mabilis magkarga
Dito pag mabagal kang kumilos, maiiwan ka.
Bilis! Takbo!
Andiyan na ang dyip na huminto sa kanto
Hawak sa bakal, humanap ng pwesto
Hinga lang saglit saka sumigaw ng "Bayad ho!"
BIYAHE, anim na letrang nagbibigay ng imahe
Sa pasyalan, eskwelahan, trabaho o parke
Na sumasalamin sa iyong layunin sa bawat araw
Sa iyong paglakbay, saan ka ba laging naliligaw?
Sa mga kasiyahan ba na nakapagbubutas sa iyong bulsa?
O sa mga tungkuling napipilitan ka?
Makakarating ka din sa istasyon ngunit susubukin ka muna
Ng mga bako-bakong daan na patitibayin ka
Magpatuloy, huwag bumalik sa umpisa
Hanggang ang biyahe ay mananatiling alaala.