"MARAMING salamat nga po pala ulit, Apung Magda, dahil pinayagan n'yo kaming dito muna tumuloy sa inyo habang wala pa kaming matitirhan," malumanay na wika ni Alex sa matanda habang sabay-sabay silang kumakain ng almusal.
Nasa harapan nila ang matanda at katabi naman niya si Leoron. Inihaw na bangus ang inihanda nitong ulam sa kanila na may sawsawang toyo at siling bundok. Ang gusto kasi ni Alex ay maanghang.
"Walang anuman mga hijo. Puwede kayong tumira dito hangga't gusto n'yo," magiliw na sagot sa kanila ng matandang Mangguguna.
"Ayoko na po kasing bumalik doon sa naiwang bahay namin. Wala na rin naman kasi akong uuwian doon, at siguradong lalamunin lang ako ng lungkot dahil lagi kong maaalala sina Nanay Ofelia at Tito Pisok doon." Muling gumuhit ang lungkot sa anyo ni Alex habang sinasabi iyon.
"Nauunawaan namin iyon, Alexander. Mabuti na ring dito tayo tumuloy upang hindi mo gaanong maisip 'yan. Batid kong masakit ang mawalan ng natitirang magulang at kamag-anak sa mundo. Ngunit huwag mo hayaang lamunin ka ng iyong emosyon ngayon. Lalo na't kailangan pa natin ang isa't isa."
Napalingon siya kay Leoron. "Huwag kang mag-alala. Hindi ko naman kinalilimutan ang tungkol doon. Nais ko pa ring ipaghiganti ang ginawa nila sa Nanay Ofelia ko pati kay Tito Pisok, lalong-lalo na sa Nanay Charito ko."
"Ngunit hindi ba't isa kang Ustuang?" singit ni Apung Magda sa usapan saka tumingin sa kanya.
"Opo, kaso hindi ko alam kung ito ba ang natatanging paraan para mapataob namin ang hukbo nina Mateo. Lalo na't buhay na ngayon ang paborito niyang kapatid na si Teodoro."
"Kung gagawin mo iyon, hindi lang sina Padre Mateo ang maaari mong mapatay. Pati na rin ang iba pang mga inosente rito," paalala sa kanya ng matanda.
"Pero sa tingin ko wala na hong inosente rito, Apung Magda," pakli naman ni Leoron. "Ginamitan na sila ng itim na mahika ni Teodoro. Lahat ng taong kinapitan niyon ay alipin na nila. Mabuti nga kayo ay hindi tinablan ng sumpa niya."
"Wala kasi ako rito noong maganap iyon. May pinuntahan akong kamag-anak sa bayan ng Masantol. Tama ka nga, kaunti na lamang dito ang mga inosente. Bilang na lang sila sa daliri. Dahil halos lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Teodoro."
"Ano po ba ang dapat nating gawin, Apung Magda? May naiisip po ba kayong paraan para madaig sila nang hindi ginagamit ang Kalam ko? A-Ayoko pa pong mamatay!" nangangambang wika ni Alex.
Saglit na napaisip ang matanda. Saka ito unti-unting napalingon kay Leoron. Binalot din ng pagtataka ang anyo ni Leoron sa kakaibang titig na pinakawalan sa kanya ng matanda.
GULAT na gulat si Alex nang makita sa paligid ang Sulat Kulitan. Lahat ng mga street signs pati na ang nakasulat sa ilang mga tarpaulin ay napalitan na ng alpabetong Kulitan. Hindi na niya ito mabasa at maintindihan.
Pinakita niya kay Leoron ang mga nakita sa labas. Maging ito ay nagulat din at bakas ang pagkabahala sa anyo. "Nagsisimula na…"
"A-Anong nagsisimula, Leoron?" kinakabahang tanong ni Alex dito.
"Nagsisimula na ang pananakop… Sinisimulan nang ikalat nina Mateo at Teodoro ang matagal na nilang plano noon pa man. Nais nilang baguhin ang buong baryo. Ikakalat na nila ang pagtuturo ng pagsulat ng Kulitan, paggamit ng Kalam, pagsamba sa sarili nilang relihiyon, at ang madilim na pamumuno sa ilalim ng kanilang mga kamay!"
Gumuhit ang sindak sa anyo ni Alex. "Ibig mo bang sabihin, heto na 'yung sinasabi nilang bagong kaayusan na gusto nilang gawin?"
"Tama ang iyong tinuran, Alexander. Nais na nilang gumawa ng sarili nilang mga batas, ekonomiya at pamahalaan dito. At kung sakali mang magtagumpay sila, hindi magtatagal ay gagawin din nila ito sa iba pang mga lugar, hanggang sa masakop nila ang buong Masantol! At di kalaunan ang buong probinsiya ng Pampanga!"
"Pero paano nila napalitan nang ganito kabilis ang lahat ng mga signs at sulat sa paligid?"
"Pareho silang Ukluban, Alexander. Nasa kanila ang lahat ng kapangyarihan. At ngayong nagsasanib-puwersa sila, mas napapadali nila ang proseso ng bagong kaayusan na nais nilang ipatupad sa buong baryo."
"Ano na ang gagawin natin?"
Sa pagkakataong iyon ay hindi agad nakasagot si Leoron. "Wala na tayong ibang magagawa. Siguro, kailangan na nating sundin ang sinabi sa atin ni Apung Magda."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Alex sa narinig. Hindi siya sigurado kung kaya niyang gawin iyon. Pero kung ito ang tanging paraan upang hindi matuloy ang masamang balak ng dalawang Ukluban, pipilitin na lang niyang tanggapin ang kapalaran.
Muli silang pumasok sa bahay ni Apung Magda. Wala roon ngayon ang matanda dahil namitas ito ng mga halaman sa labas.
"Kailangan nating gawin ang unang plano, Alexander. Lakasan mo ang loob mo dahil susugurin natin ang simbahan nina Mateo. Oras na sumugod tayo at nagpakita ng katapangan, nakatitiyak akong gagamitan nilang muli ng kanilang Kalam ang lahat ng mga tao rito para maging kakampi nila. Iyon ang dapat mangyari."
Panay lang ang tango ni Alex sa mga sinasabi nito. "E, paano naman 'yung mga inosente?"
"Kailangan mong puntahan ang lahat ng mga kakilala mo rito at palikasin sila pansamantala. Dalhin mo muna sila sa ibang lugar na alam mong ligtas upang hindi sila madamay sa gagawin natin."
Bahagyang napaisip si Alex. "Sa ngayon, tatlong tao lang naman ang kilala ko rito. Si Apung Magda, si Mary Jane, at 'yung matandang lalaking Magbantala na tumulong sa amin noon para makaganti sa mga kumulam sa Tito Pisok ko. Apung Iru yata ang pangalan niya."
"Kung ganoon, puntahan mo na ang Magbantalang sinasabi mo ngayon pa lang. Kumbinsihin mo siya na lumikas upang hindi siya madamay."
"Teka nga lang pala," biglang sambit ni Alex. "Nasaan na si Mary Jane?"
"Nasa Puti siya ngayon, doon sa bahay nina Apung Grasya na tumulong sa inyo ng Nanay Ofelia mo para alamin ang iyong nakaraan. Doon ko siya pansamantala pinatira habang hindi pa maayos ang baryong ito."
"P-Puwede ko ba siyang makita?"
"Sige. Sasamahan kita mamaya sa kanya. Basta't unahin mo muna ang Magbantalang sinasabi mo na tumulong sa iyo. At kung may iba ka pang mga kakilala rito na nais mong iligtas, puntahan mo na rin sila at paalisin pansamantala. Kailangan, wala kang mga mahal sa buhay na matitira dito."
"Pero paano si Mary Jane?"
"Huwag mo siyang alalahanin dahil nasa mabuti siyang kalagayan. Wala naman siya dito sa baryo, kaya ligtas siya at malayo sa kapahamakan. Ako na ang nagsasabi sa iyo…"
Doon pa lang napanatag ang loob niya. "Sige. Sa `yo ko na ipinagkakatiwala ang lahat, Leoron. Sana'y maging matagumpay tayo sa magiging plano natin."
SA LOOB ng isang masikip na eskinita ay nagkakagulo ang ilang mga binatilyo. Nag-aaway-away ang mga ito, tila nagpapalakasan ng mga kapangyarihan.
Isang binatilyo ang gumuhit ng tao sa pader gamit ang bato. At makalipas ang ilang saglit, idiniin niya ang palad sa bandang dibdib ng drawing na iyon.
Biglang sumikip ang dibdib ng isang binatilyong kaaway nito.
Isang binatilyo rin ang gumuhit ng malaking mukha sa pader. Pagkatapos ay idiniin nito ang hawak na bato sa bandang noo ng drawing.
Bigla naman ding sumakit ang ulo ng isa pang binatilyo.
Lahat sila roon, nagsasakitan. Tila wala silang balak huminto. Matira ang matibay. Matira kung sino ang may pinakamalakas na Kalam sa kanilang lahat bilang Mangkukulam.
Sa Baryo Cambasi, hindi lang mga matatandang babae ang may kakayahang mangulam. Pati na rin ang mga kabataan gaya ng mga binatilyong ito.
Mas madali lang mangulam sa naturang baryo dahil hindi na kailangan ng maraming proseso. Kailangan lang nilang isipin ang mukha ng taong nais nilang patawan ng sakit habang gumuguhit ng tao sa pader o sa papel. At oras na tusukin, lukutin o durugin nila iyon ay makakarating na ang sakit sa biktima.
Ganoon kalakas ang Kalam ng mga tagaroon. Kaya nga karamihan ng mga tao rito ngayon, nagpapatayan na para lang mas mapalakas pa ang taglay nilang Kalam. Mga nilalang na uhaw na uhaw sa kapangyarihan.
Nahinto lang ang mga binatilyong ito sa pag-aaway nang dumating sa kanilang harapan si Teodoro. Nagpaalam ito sa kapatid na lilibutin muna ang buong baryo bilang pampalipas ng oras.
"Labis akong natutuwa kapag nakakakita ng mga kabataang nag-aaway…" ngiti niyang sambit sa mga ito. "Sige lang… Ituloy n'yo lang ang ginagawa n'yo… Mag-away lang kayo… Magsakitan kayo! Ipakita n'yo sa isa't isa kung sino ang pinakamalakas mangulam!"
Nilapitan niya ang mga binatilyo at binigyan ng tig-iisang manika na kung tawagin ay antigwar. Isa itong maliit at kakaibang manika na ginagamit ng mga sinaunang mangkukulam para saktan ang kanilang kapwa.
"Mas masakit ang epekto ng kulam kapag iyang mga antigwar na 'yan ang ginamit n'yo… Kaya sige lang, ipagpatuloy n'yo pa ang inyong mga away!" pagkasabi ay nilisan na rin niya ang mga ito na parang walang nangyari.
Ginawa nga ng mga binatilyong iyon ang inutos nila. Habang nakatitig sila sa mata ng mga kaaway, pinipisil at binabali nila ang kamay ng hawak nilang manika.
Mas matindi nga ang epekto nito. Ang iba sa kanila bumaluktot ang mga kamay at paa. Ang iba naman ay nagsuka ng dugo. At ang iba ay nakalbo ang buhok o di kaya'y natanggalan ng mga mata!
Naging madugo ang pag-aaway nilang iyon dahil sa antigwar. Walang natira sa kanila kahit isa!
Nagpunta naman si Teodoro sa iba pang dako ng baryo para kamustahin ang bawat kalagayan ng mga tao roon.
Lahat din ng mga taong nakakasalubong niya ay ginagamitan niya ng kanyang Kalam upang mapasailalim ito sa kanyang kapangyarihan at gawin ang lahat ng kanyang ipag-uutos.
"Gusto kong saktan n'yo ang inyong mga sarili… Huwag kayong hihinto hangga't hindi kayo namamatay sa ginagawa n'yo!" makapangyarihang utos niya sa tatlong babaeng nakatambay sa gilid ng daan.
At sa isang ihip lang niya sa hawak na halaman, nag-iba na ang takbo ng isip ng mga ito. Nagsimula na silang suntukin, kalmutin, at sabunutan ang kanilang mga sarili. Sinadya pa nilang magpagulong-gulong sa daan, pukpukin ng bato ang sariling ulo, at paluin ng kahoy ang sariling mga hita.
Lahat ay ginawa nila para saktan ang kanilang mga sarili. Hindi na nila alintana ang nararamdamang sakit pati ang pagdurugo ng mga katawan. Ang tanging nasa isip lang nila ay saktan nang saktan ang sarili hanggang sa ito ang kanilang ikamatay.
Nakita ni Teodoro kung paano saksakin ng unang babae ang sarili nito gamit ang matulis na kahoy.
Tuwang-tuwa naman siya nang makita rin ang pangalawang babae na tumalon sa pinakamataas na gusali at pagbagsak nito sa lupa ay basag na ang ulo nito.
Lalo siyang nabaliw sa kakatawa nang makita naman ang pangatlong babae na nilunod ang sarili sa ilog na malapit lang doon.
Muling nilisan ni Teodoro ang lugar na iyon na parang walang nangyari. Inabuso na niya ang kapangyarihan. Lahat ng mga taong nadaanan niya ay inutusan niyang mag-away, magpisikalan, at saktan ang kanilang mga sarili.
Hanggang sa makauwi sa bahay ay hindi nawala ang tawa niya na halos magpasikip sa kanyang tiyan.
"Ano ang mayroon at bakit parang maiihi ka na sa kakatawa d'yan, Kapatid kong Teodoro?" tanong sa kanya ni Mateo na kasalukuyan muling nagsusulat ng ritwal sa mga papel gamit ang Sulat Kulitan.
"Pinaglaruan ko lang naman ang ilang mga taong nakasalamuha ko kanina, Kapatid. Kung nandoon ka lang siguro, tiyak na matatawa ka rin sa mga ginawa nila!" tumatawa pa niyang sagot na daig pa ang nagbibirong lasing.
Hindi na iyon pinansin ni Mateo. Ipinagpatuloy lang niya muli ang ginagawa. Sa mga papel na iyon nakasulat ang bagong patakaran at mga batas na ipapatupad nila sa buong baryo.
Ipapakalat niya iyon sa labas. Ipapadikit sa mga pader, gusali at ipamimigay sa bawat kabahayan.
Oras na matitigan iyon ng tao, awtomatiko silang mapapasailalim sa itim na mahikang inilapat niya roon, at wala silang ibang gagawin kundi sundin ang mga bagong batas at patakarang nais niyang mangyari.
NAPAYAKAP si Alex kay Mary Jane nang muli silang magkita. Sinamahan siya ni Leoron sa Puti kung saan pansamantalang nanunuluyan ang babae.
"Kumusta ka na? Akala ko kung napaano na kayo. Sobra akong nag-alala sa `yo…" Halos maiyak ang babae habang pinagmamasdan siya.
"Huwag kang mag-alala sa amin. Ginagabayan naman ako ni Leoron. Katunayan, nagpunta ako rito para kumustahin ka. Nais ko lang kasing makasigurado na nasa mabuti kang kalagayan bago ko gawin ang plano ko."
Biglang nag-iba ang timpla ng mukha ng babae. "A-Ano'ng plano ang ibig mong sabihin, Alex?"
"Tatapusin ko na ang kasamaan nina Padre Mateo rito."
"P-Paano? Alam mo naman sigurong isa siyang Ukluban 'di ba? Paano mo siya lalabanan? N-Nalaman mo na ba 'yung Kalam mo? Isa ka rin bang Ukluban? A-Ano ka ba? A-Ano ang ipanglalaban mo sa kanya?" parang ayaw pa ng babae na mawalay siyang muli rito.
"Huwag mo akong alalahanin, Mary Jane. Gagawin ko ito para iligtas kayong lahat dahil balak na nilang palaganapin ang kadiliman sa baryo. At kapag natuloy iyon, pati ang buong Pampanga ay madadamay rin."
"Pero paano mo nga siya lalabanan?" pangungulit sa kanya ng babae. Pahigpit nang pahigpit ang mga hawak nito sa kanya na parang ayaw na siyang pakawalan.
Doon na lumapit si Leoron at inawat ang babae. "Kailangan itong gawin ni Alexander dahil ito na lang ang tanging paraan para mapigilan sina Mateo at Teodoro. Sana'y maintindihan mo ito, Mary Jane."
Doon tuluyang napaiyak ang babae. Kahit hindi nito alam ang binabalak ni Alex, pakiramdam nito'y may kakambal iyong kapahamakan.
Tinabihan din ito ni Leoron sa pag-upo. "Kaya ka binisita rito ni Alex para makasigurado siyang ligtas ka. At para makapagpaalam din nang maayos sa `yo."
"Pero hindi ko kayang mawala siya… Si Alex lang ang naging kaibigan ko rito at naging kakampi ko. Ilang taon akong pinahirapan at inalipin nina Father Mateo. Dahil sa kanya kaya malaya na ako ngayon. A-Ayokong mawala si Alex sa akin… Siya lang ang kaibigan ko…" Sa pagkakataong iyon ay matindi na ang pag-iyak ng babae.
"Kailangan mo ring alalahanin na wala nang ibang paraan para madaig pa sina Mateo at Teodoro. Itong gagawin ni Alexander, ito lang ang tanging paraan para makamit ng baryo ang kapayapaan, at para hindi na madamay sa kanilang kasamaan ang iba pang mga lugar dito. Kung hindi niya ito gagawin, siguradong lahat kayo mapapahamak din dito. Gugustuhin mo ba iyon?"
"Bakit pa niya kailangang gawin kung anuman iyon? Kung puwede naman kaming tumakas na lang dito at magpakalayu-layo!"
"Malaki rin ang kasalanan nina Mateo kay Alexander. Sila ang pumatay sa tunay niyang ina, pati na rin sa inang nagpalaki sa kanya. Ito na ang tamang pagkakataon niya para maipaghiganti ang mga mahal niya sa buhay na pinaslang nina Mateo noon."
"Ano nga kasi ang gagawin niya? Paano nga niya lalabanan sina Father Mateo?"
"Malalaman mo iyan mamaya," matipid na sagot ni Leoron.
Hindi na nila sinagot ang mga sumunod na katanungan ni Mary Jane kaya naman lalo itong naglumpasay sa pag-iyak.
Awang-awa dito si Alex. Pati siya ay parang maiiyak na rin. Kitang-kita niya sa reaksyon ng babae kung gaano na kalaki ang kanyang bahagi sa buhay nito.
TO BE CONTINUED…