webnovel

March 2020/1 (Tagalog Boys Love Story)

Synopsis/Introduction: Paano kung isang araw, paggising mo, wala na ang taong pinakamamamahal mo? Oo, alam ko. Masakit, at mas gugustuhin mo pang mawala nalang din kaysa mabuhay nang hindi siya kasama. Pero, paano kung mayroong paraan? Paano kung may paraan para baguhin ang nakatadhana? Handa ka bang harapin at isugal ang buhay mo para sa buhay ng taong pinakamamahal mo? Ito ay isang kwento na ang simula ay tungkol kay Jin na nakatanggap ng isang balita na namatay na ang pinakaimportanteng tao sa kanyang buhay — si Chris. Namatay si Chris noong March 21, 2021. At simula noong araw na iyon, wala nang ibang ninais si Jin kundi ang makabalik sa oras at panahon upang mailigtas niya si Chris mula sa hindi nito inaasahang pagkasawi. Gamit ang isang time machine, isang proyekto ng company na siyang pinagtatrabahuhan ni Jin, naniniwala siya na sa wakas, may sagot na sa kanyang mission na mailigtas si Chris sa pangalawang pagkakataon. 6 years ang itinagal bago natapos ang time machine. Tumanda na rin ang itsura ni Jin. Ngayon, 27 years old na siya. Sa araw na ito, naka-set na ang lahat at handa na siyang bumalik muli sa March 21, 2021 upang iligtas si Chris, at makabalik sa kasalukuyang buhay niya kapiling ang buhay na Chris. Nagsimula na ang pagpapaandar sa time machine. Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon, nabago ang pagkakaset ng oras nito. Imbis na mapunta si Jin sa tamang panahon at oras, ay napunta siya sa maling timeline. Dinala siya ng kanyang time machine sa March 21, 2020, isang taon bago nangyari ang insidente. Dahil maling oras ang kanyang napuntahan, nais niyang i-set ulit ang time machine sa March 21, 2021, ngunit may isang malaking problema at ito ang hindi napaghandaan ni Jin. Hindi siya makakaalis dahil wala pa ang time machine sa panahon na ito. Ang buong akala ni Jin ay kasama niya ang time machine kahit saan mang oras niya nais pumunta. Makakaalis lamang siya sa oras na mabuo muli ang time machine. Napagpasyahan niya na lamang na manatili at maghintay, hanggang sa dumating ang oras na kanyang ikinatatakot. Naisip niya, dahil mas matanda na siya kay Chris sa mga panahong ito, hindi siya pwedeng makilala nito o ng kahit sino pa man. Kung magkataon, may malaking epekto ito sa kasalukuyan. Maaari ring may mangyaring hindi maganda sa kanya, at tuluyan na siyang hindi na makabalik sa tunay niyang oras. At dahil mananatili siya sa taong 2020, hindi maiiwasang magtagpo silang dalawa ng batang Jin sa taong 2020. Aaminin niya sa batang Jin na siya ito mula sa hinaharap upang tulungan siya, ngunit hindi niya rin maaaring sabihin ang lahat ng mangyayari upang protektahan ang kanyang sarili. Magpapanggap silang dalawa bilang magkapatid, at magtatago siya bilang si Jon, ang nakatatandang kapatid ng batang Jin. Sa isang taon na kanyang ilalagi, marami siyang bagay na matutuklasan sa pagkamatay ni Chris na hindi niya inaasahan.

Gonz0 · LGBT+
Không đủ số lượng người đọc
36 Chs

Chapter 26: Lost Memories

Date: June 16, 2020

Time: 11:30 A.M.

Music Box playing in background.

Isang linggo na ang nakalipas nang ipinadala ni Mr. A. si Chris sa Japan upang hawakan ang business nila. Nasa isang kwarto lamang si Chris sa bahay na tinutuluyan niya sa Japan, nakahiga at nakatitig lamang siya sa isang kalendaryo na nakasabit sa wall.

June 16, 2020 - Day 7

"Kamusta na kaya si Jin? Okay lang kaya siya? Ano na kaya nangyayari sa kanilang lahat? Namimiss ko na sila." Nagsasalita si Chris mag-isa sa kanyang kwarto habang nakahiga sa kama at patuloy na lumuluha ang kanyang mga mata sa pagkabalisa. Dahil nalulungkot si Chris, tumayo siya mula sa pagkakahiga, sinara ang music box na bigay sa kanya ni Jin, at naisipang lumabas sandali upang magpahangin.

Bago niya isara ang kanyang gate, napatingin siya sa kanyang mailbox at napansin na may nakasingit na letter dito. Kinuha niya ito at binasa.

June 13, 2020

Hi Chris,

Si Jin 'to! Nakaabot ba sa'yo itong letter ko? Wala ka na kasing Fb, Messenger, maski Viber or kahit anong app na pwede kitang macontact. Kaya ito na lang ang huli kong pag-asa. Kung mabasa mo 'to, 'wag mo kalimutan mag reply ah? Okay lang kami dito Chris, 'wag ka mag alala.

Alam mo ba, may project tayo na gagawin, 'yung time machine! Na-approved na! Gulat ka 'no? Akala mo nagjo-joke ako? Totoo 'to! May picture akong sinama sa letter para maniwala ka. Haha!

Sana nga nandito ka, siguro mas mapapadali kami sa paggawa. Kailangan namin ng tulong mo! Haha! Pero kakayanin namin 'to. Kinakamusta ka pala din ni "Sir Jon" mo! Hmmp! Magpadala ka daw ng pictures mo d'yan.

Nakakatawa, para tayong nasa old times noong hindi pa uso internet at snailmail pa lang ang mayroon. Pero wala na kong choice! Hihintayin ko 'yung letter mo pagkatapos nito ah? Hintayin kita bumalik! Pagbalik mo, gawa na 'tong time machine. Mababalikan na natin 'yung mama mo, tsaka makikita mo na siya. Kasi sabi mo noong nanalo ka sa contest, gusto mo siya makita 'di ba? O sige, Bye Chris!

-Jin

Hindi ito inaasahan ni Chris, kaya halos maiyak siya sa tuwa nang mabasa niya ang letter ni Jin. Tiningnan niya rin ang sinasabi niyang picture na sinama nito sa letter. Bumuhos ang luha niya habang tumatawa dahil wacky picture ang pinadala nito kung saan kasama sina Jin, Jon, Rjay, Luna at Jade. Dahil dito, nagpasya siyang pumasok muli sa kanyang bahay at nagsulat ng letter para sagutin si Jin at agad na maipa-abot ito.

June 16, 2020

Hi Jin,

Nabasa ko 'yung letter mo! Nakakatawa nga 'no? Para tayong mag-penpal nito! Haha! Okay lang ako dito, Jin, mababait ang mga tao dito. Tapos, 'yung mga taong hinahawakan ko sa company, lahat sila mababait sa akin kaya wag ka mag alala sa akin dito. Lahat nga sila binabantayan ako. Hindi nila ako hinahayaang magutom o mapagod. Baka pagbalik ko d'yan mas malaki na katawan ko sa'yo! Haha!

Sorry pala, Jin, hindi ako pwede mag activate ng account ko ngayon. Ayoko kasi na mahuli ako ni papa. Alam mo naman na maraming connection 'yun at malalaman niya na nag-uusap pa rin tayo kumpara sa ganito. Hindi niya na siguro 'to maiisip 'no? 'Pag nabasa mo 'to, mag-reply ka ah? Hihintayin ko kahit gaano katagal.

Natutuwa naman ako na ginagawa niyo yung time machine! Gusto ko 'yan! Sabay natin puntahan si mama, ipapakilala kita sa kanya. Matutuwa 'yun sa'yo! Okay, Jin, hanggang dito na lang muna. Bye! :)

-Chris

Pagkatapos niya maipadala kay Jin ang kanyang letter, walang araw na hindi nag abang si Chris na dumating ang reply nito. Kada araw, bago siya pumasok o umuwi galing trabaho, lagi niya tinitingnan ang kanyang mailbox kung may dumating na ba na sulat.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

July 2020

Isang buwan na ang nakalipas nang huling magpadala ng sulat si Jin, ngunit hindi napagod maghintay si Chris at naniniwala siyang makakabasa muli siya ng sulat galing kay Jin. Bibili sana si Chris ng pagkain para sa kanyang dinner, ngunit nang makalapit na siya sa kanyang gate, napansin niya agad ang letter na nakaipit sa mailbox. Labis ang ngiti niya nang nakita niya na may sulat na dumating sa para sa kanya. Dali-dali niyang kinuha ito at agad na binasa ang sulat.

July 14, 2020

Hi Chris,

Hindi mo ba nabasa 'yung sinulat ko? Hehe! Baka hindi nakarating sa'yo? Pero susulat at susulat pa rin ako sa'yo at baka sakaling mabasa mo 'to. Ayon, okay pa rin kami! Nagsisimula pa lang kami na gawin 'yung time machine! Nakakatuwa pala gumawa ng ganito.

Alam mo ba 'yung likod ng bahay namin? Ginawa ng Laboratory! Hahaha! Dito namin gagawin 'yung time machine. Nakakatuwa kasi kalahati ng operations team, nandito madalas sa bahay namin.

Tapos, itong si 'Sir Jon' mo parang baliw! Pinapainom niya ng beer 'yung mga workmates natin! Haha! Noong isang araw, nalasing si Ms. Jade, biglang nag interpretative dance! 'Pag laging may drinking session, laging gabi na kami natatapos, tapos tulog na lahat at kami na lang ni 'Sir Jon' mo ang gising! Haha!

Sana nandito ka, tingin ko matutuwa ka din. Parang katulad nung dati lang pag gumagawa tayo ng mga group projects natin, 'yung tayong dalawa na lang matitira dahil lahat ng groupmates natin nakatulog na. Nakakamiss 'yung mga times na gano'n 'no? Alam mo ba nakakalungkot kumain sa Jinny's 'pag kaming dalawa lang ni 'Sir Jon' mo magkasama. Mas masaya 'pag nandoon ka, tapos kakanta ka ulit para lahat ng tao napapabilib mo! Hintayin ko yung sulat mo ah?

P.S. May pictures ulit akong sinend, 'yung nagsasayaw si Ms. Jade. Haha!

—Jin

Tiningnan muli ni Chris ang picture pagkatapos niya magbasa at tumulo na naman ang kanyang luha dahil labis niya namimiss ang lahat ng kaibigan niya at lalo na si Jin. Ngunit, nagtaka siya dahil alam niya ay nag-send siya ng reply kay Jin. Naisip niya na baka hindi ito natanggap, kaya naman ay nagsulat ulit siya ng letter at nagbabakasakali na matanggap na ito ni Jin sa pagkakataong ito.

July 27, 2020

Hi Jin,

Nagsulat ako pero baka hindi napadeliver sa'yo. Pero ito ulit ako, magsusulat. Sana makuha mo na 'to. Sana nga nand'yan ako para matulungan ko kayo sa paggawa ng time machine. Kinukwento mo pa lang parang naeexcite na ko!

Gusto ko makita 'yung mga happy moments! Lalo tuloy ako nate-tempt na umuwi na agad. Gusto ko na kayo makita lahat. Namimiss ko na rin pagkain sa Jinny's! Pagbalik ko, ubusin natin lahat ng menu nila at kakanta ako hanggang magsawa ka!

Dito naman, maganda 'yung takbo ng business na hinahawakan ko. Alam mo ba, nakakatuwa kasi yung business na hinahawakan ko is electronics! Kaya 'pag may kailangan ka para sa time machine, sabihin mo sa akin, ipapadeliver ko d'yan!  Advanced mga gamit dito sa Japan at tingin ko makakatulong 'yun para sa time machine. At saka, nag aaral din ako tungkol sa pagbuo ng time machine dito, para matulungan kita kung makauwi ako. Hihintayin ko ulit 'yung reply mo, Jin. Sana sa susunod makuha mo na.

—Chris

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

August 2020

Habang nasa kwarto si Chris at nakasilip lamang sa bintana, napansin niya na may mailman na dumating sa tapat ng kanyang gate. Tuwang tuwa siya dahil ang inaabangan niyang sulat mula kay Jin ay nakarating na sa mailbox niya. Agad siyang lumabas at pinutahan agad ang kanyang mailbox upang tingnan at basahin agad ang letter.

August 13, 2020

Hi Chris,

Pangatlong sulat ko na 'to. Hindi ba nadedeliver sa'yo 'yung mga letters ko? Sayang naman kung gano'n. Pero 'wag ka mag-alala, hindi ako titigil magsulat hanggang mag reply ka! Haha! Susulat lang ako ng susulat sa'yo, kahit makulitan na 'yung nasa post office sa akin!

Nagkaroon kami ng problema habang binubuo 'yung time machine. May equipment kami na nasira! Haha! Buti na lang nagawan ng paraan at buti alam ni 'Sir Jon' mo kung paano ayusin 'yung time machine! Haha!

Anyway, sana okay ka lang kung nasaan ka man ngayon at masaya ka. May mga new friends ka na ba? 'Wag ka mahihiya sa kanila ah? Tsaka, pakilala mo ko sa mga bago mong kaibigan ah?

Sabihin mo makikipag-inuman ako sa kanila! Tapos, mag-iipon ako para pumunta d'yan para magbakasyon, pero, 'pag natapos na namin itong time machine siguro. Kaya ihanda mo na 'yung mga lugar na pwede nating puntahan ah? Tagal ko na rin gusto pumunta sa Japan. Okay Chris, hintayin ko sulat mo!

—Jin

Naiyak si Chris habang binabasa niya ang sulat ni Jin. Nalulungkot siya dahil hindi na naman nakarating ang sulat niya kay Jin. Kaya naman pumasok siya agad  sa kanyang kwarto at nagsulat muli. Nagbabakasali ulit na sa pagkakataong ito ay makukuha na ni Jin ang sulat niya.

August 27, 2020

Hi Jin,

Hindi ko alam kung mababasa mo 'to, pero, nagrereply ako sa lahat ng sulat mo. Hindi ko alam kung bakit hindi dumadating sa'yo, pero, nakukuha ko lahat ng letters mo, Jin. 'Wag ka titigil magsulat, please? Hindi rin ako titigil hanggang makarating 'to sa'yo.

Ayoko sana maging malungkot sa letter dahil ayaw ko isipin mo na hindi ako okay. Pero 'wag ka magalala, okay ako dito.

Natutuwa ako na masaya ka dyan at oo may mga kaibigan na ako dito. Mababait sila sa akin! Mga malalakas din sila sa inuman kagaya mo! Kinukwento kita sa kanila at gusto ka daw nila makilala. Tsaka mga japanese sila at nakakatuwa sila kausap. Bilib na bilib sila sa'yo 'pag kinukwento kita sa kanila. Sana makarating to sa'yo, Jin. Hindi talaga ako titigil!

—Chris

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

September 2020

Kakauwi lang ni Chris galing sa trabaho at bago siya pumasok sa bahay, nakita niya na agad ang letter sa mailbox. Kinakabahan siya dahil nasa isip niya, sana sa pagkakataong ito ay makuha na ni Jin ang sulat niya.

September 12, 2020

Hi Chris,

Sabi ko sa'yo hindi ako titigil hanggang sa makuha mo 'yung letter ko at mabasa 'to. Hehe! Kaso, mukhang hindi mo na ata nakukuha? Nababasa mo ba 'to o tinatamad ka na lang mag reply? Haha! Joke lang! Pero mas gusto ko na hindi mo na lang makuha kaysa malaman ko na tinatamad ka magbasa at mag reply.

Ayun, gusto ko lang sabihin na so far so good kami sa project namin! Although hindi pa siya talaga gawa at marami pang dapat ayusin, unti-unti ay nagagawa namin.

Oo nga pala Chris, kinakamusta ka pala nila Luna at Ms. Jade. Sabi ko kasi sinusulatan kita, sabi nila ibati ko daw sila sa'yo. Miss na miss ka na daw nila kaya pasalubong daw nila! Haha! Mga bags and shoes daw ang gusto nila, tsaka mga yaoi mangas daw 'wag mo kalimutan.

Ano 'yung "Yaoi"? Alam mo ba 'yun? Namimiss na kita, Chris! Wala na kong makulit dito! Nabuburyo na ko sa 'Sir Jon' mo. Haha!

—Jin

Masaya si Chris dahil may natanggap siyang sulat muli, ngunit sa kabila nito ay disappointed na naman siya dahil bigo na makarating kay Jin ang kanyang letter. Ngunit, hindi pa rin siya tumigil na magsulat at desidido siya na magsulat nang magsulat hanggang sa makuha at mabasa ito ni Jin.

September 26, 2020

Hi Jin,

Nababasa ko lahat ng sulat mo! Hindi ako tinatamad magreply! 'Pag nababasa ko mga letters mo, agad ako nagsusulat para agad makarating sa'yo. Hindi ko alam kung saan may problema.

Tinanong ko 'yung post office dito sa amin, pero sabi naman daw ay successful daw na naipapadala sa'yo 'yung mga sulat ko. Nagtataka ako bakit hindi napupunta sa'yo? Hindi kaya kinakain ni Bullet? Haha!

Namimiss ko na din sila Luna at Ms. Jade! Oo, sa tuwing nakakakita ako dito ng shoes at bags, sila agad naalala ko. Tsaka yung "Yaoi"? Hahaha! I-search mo na lang, Jin!

Ay oo nga pala! Nakita ko si Julian dito noong isang araw dahil may tour daw sila. Nagulat siya hindi niya daw inaasahan na makita ako dito. Nakakatawa lang kasi inamin niya sa akin na crush niya daw ako dati, tapos biglang noong nakilala ka daw niya, ikaw daw yung naging crush niya! Hindi niya daw alam kung bakit, naiinis daw siya. Natawa ako sa kwento niya pero okay na siya ngayon. May boyfriend na nga siya na italian. Masaya ako para sa kanilang dalawa. Pero nalulungkot ako, kasi hindi mo pa rin nakukuha ang mga sulat ko. Kaya naman magsusulat ako ng magsusulat hanggang sa makuha mo tong sulat ko.

—Chris

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

October 2020

Nag jo-jogging sa labas si Chris at pabalik na sa kanyang bahay nang maabutan niya ang mailman na naglalagay ng letter sa kanyang mailbox. Kaya naman, tumakbo siya ng mabilis para makapunta sa kanyang gate upang mabasa agad ang letter.

October 10, 2020

Hi Chris,

Kamusta ka na kaya? Sana okay ka lang d'yan ah? Baka mamaya masyado ka nagpapagod d'yan? Okay lang kami dito. Sa ngayon hindi ko pa rin talaga nakukuha 'yung mga messages mo, pero tinanong ko sa post office kung nakukuha mo ba, sabi nila oo daw. Sinigawan pa nga ko kasi parang pinapamukha ko daw na sinungaling sila! Haha! Pero tiwala ako na nakukuha mo nga 'to. Hindi ko lang alam kung bakit hindi ko narereceive 'yung mga sulat mo.

Nagkaproblema kami sa paggawa ng time machine. Sumabog 'yung isang part ng equipment namin! Naghahanap tuloy kami ng replacement parts.

Hirap na hirap kami sa paghahanap kasi hindi namin alam kung saan kami makakahanap ng magagandang quality. Ang iniisip namin, paano kung bumalik kami ng oras tas hindi na makabalik, nakakatakot diba? Hahaha!

Gaya ng hindi namin pagsuko sa time machine, hindi rin ako susuko sa pag message sa'yo. Susulat lang ako ng susulat sa'yo Chris. Hihintayin Kita.

—Jin

Nalungkot na naman si Chris dahil hindi nakuha ni Jin muli ang kanyang sulat. Gumawa ulit siya ng letter habang naluluha ang kanyang mga mata at pumapatak ang mga luha sa papel na sinusulatan niya, kaya ang ink ng mga letra na natuluan ng luha niya ay kumakalat.

October 26, 2020

Hi Jin,

Nalulungkot ako kasi hindi mo pa rin nakukuha 'yung mga letters ko. Sana this time makuha mo na talaga.

'Yung sa time machine, matutulungan ko kayo, Jin, sabi ko sa isang letter ko na advanced 'yung mga electronics dito kaya kung mabasa mo 'to, sabihin mo sa akin 'yung kailangan mo para maibigay ko agad sa inyo. Hindi mo na kailangan bayaran 'yun, Jin. Kung pag-uusapan 'yung pagbalik sa oras, 'wag ka mag-alala, alam ko ang sagot d'yan. Marami akong natutunan dito na tingin ko makakatulong ng malaki sa pagbuo ng time machine.

Sorry kung medyo makalat 'tong sulat ko, kasi naiiyak ako, hindi mo nakukuha 'yung mga sulat ko. Naniniwala ako na isang araw na mababasa mo lahat ng letters na sinsend ko sa'yo, Jin. Namimiss na kita, gusto na kita makita ulit. May gusto akong sabihin sa'yo pagbalik ko. Hindi ko nasabi sa'yo 'to. Gusto ko personal para makita ko ang reaksyon mo.

—Chris

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

November 2020

Hawak na ni Chris ang letter na galing kay Jin. Huminga muna siya ng malalim bago niya buksan ang letter na natanggap niya, at nagbabakasakali na ang letter na ito ay nagsasabi na nabasa na ni Jin ang sulat niya.

November 7, 2020

Hi Chris,

Ano na kaya ang nangyayari sayo d'yan? Sana hindi ka nahihirapan o nalulungkot ha? 'Pag nalulungkot ka na d'yan, uwi ka dito. Dito ka na lang sa bahay ko! Itatago kita sa papa mo! Haha!

Oo nga pala, wala pa rin akong nakukuhang letter galing sa'yo, Pero naniniwala ako na isang araw makakareply ka din. Galit ka ba sa akin? Kasi wala akong ginawa? 'Wag ka magalit sa akin, Chris. Ginagawa ko ang lahat. Gusto ko mapatunayan sa papa mo na hindi ako isang walang kwentang tao. Makikita niya rin na hindi ako patapon.

Malapit na pala ang Christmas, Chris, malapit na rin Birthday mo. Sayang hindi natin macecelebrate ang birthday mo sa December 2. Pero anong gustong mong regalo? Alam ko na! Sour Apple Tapes! Kaso baka pag dumating dyan sa'yo, baka masira. Kaso hindi ko alam kung aabot sa'yo, kasi mismong letter ko nga hindi ko alam kung nakakarating sa'yo! Haha!

Pero naniniwala ako na nababasa mo 'to. Oo may tiwala ako sayo Chris. Sana lang talaga ay hindi ka galit sa akin kaya hindi ka nagrereply. Kasi 'pag nalaman kong galit ka sa akin, pupuntahan kita! Mangungutang nga lang ako ng pamasahe kay 'Sir Jon' mo! Hahaha! Ingat Chris... Hihintayin kita.

—Jin

Nanghina si Chris at labis ang kanyang disappointment dahil wala na namang nakuha si Jin na sulat mula sa kanya. Nahihirapan siya dahil ang nasa isip ni Jin ay galit siya. Kaya naman sumulat agad siya para magpaliwanag at nagbabakasakali pa rin na makukuha ito ni Jin.

November 27, 2020

Hi Jin,

Unang una, hindi ako galit sa'yo. Never akong nagalit sa'yo, Jin. Pero kung ang galit ko ang magpapapunta sa'yo dito, magagalit ako ng lubusan! Nalulungkot ako kasi kahit isang letter ko, walang nakarating sa'yo. Pero kahit habambuhay ako magsulat ng letter makuha mo lang, gagawin ko!

Ito na siguro 'yung pinakamalungkot na birthday at pasko para sa akin. Isa lang naman ang regalo na gusto ko. Gusto ko lang naman na makita ka ulit, kaso mukhang malabo. Umaasa pa rin ako na isang araw, makakatanggap ako ng letter na nabasa mo na lahat ng sulat ko sa'yo. Lagi ka magsulat ng letter para sa akin, Jin, para alam ko na okay ka pa d'yan.

Malapit na rin ako bumalik. Makikita na kita, kaya lang, hindi rin ako magtatagal. Pero lulubusin ko ang mga oras na 'yun! Excited na ko sa pagbabalik ko!

Hintayin mo ko sa March ah? Magugulat ka na lang pag-uwi mo nasa bahay niyo na ako.

—Chris

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

December 2020

Pabalik pa lang si Chris sa kanyang bahay galing sa surprise birthday party na ginawa para sa kanya ng kanyang mga friends sa Japan at mga tauhan na hawak niya.

Masaya si Chris ngunit habang naglalakad papunta sa kanyang bahay, unti-unti napapawi ang ngiti sa kanyang mga labi dahil naaalala niya si Jin, ninanais na sana ay siya ang kasama niya ngayon.

Nang makarating na siya sa gate ng kanyang bahay, nakita niya ang isang letter sa mailbox. Agad niya itong kinuha at pumasok sa bahay upang basahin. Umupo siya sa kanyang table, huminga muna ng malalim at saka binasa.

December 1, 2020

Chris,

'Wag ka nang umasa na mababasa ni Jin ang mga sulat mo. Kahit ilang sulat pa ang ipadala mo, hindi 'to makakarating sa kanya. Hinaharangan ko ito! Walang makakapuntang sulat kay Jin, kaya 'wag mo na siyang sulatan at mapapagod ka lang kayong dalawa sa kahihintay.

Pinapunta kita sa Japan para hawakan ang business natin. Ayokong dahil sa Jin na yan ay masira lang ito! 'Wag mong hayaan na may gawin ako sa kanya! Alam ko kung saan siya nakatira, at anumang oras, kaya kong gawin ang gusto ko! Kaya 'wag ka ng magsulat sa kanya.

Wala ka ring matatanggap na sulat kay Jin ngayon at wag ka nang umasa. Nag-usap na kami at hindi na siya magpapadala sa'yo kahit kailan. Mag-focus ka sa business natin!

—Papa

Napaiyak at napahagulgol si Chris sa nabasa niyang sulat galing sa kanyang papa. Labis ang paghihinagpis niya at higit sa lahat, nalungkot siya dahil hindi man lamang naalala ng kanyang papa na birthday niya ngayon at imbis na batiin siya ay ang business pa rin ang inisip nito.

Nawalan ng gana si Chris at kumuha ng beer na nakalagay sa kanyang ref. Naglalagay siya ng beer sa ref ngunit hindi niya ito iniinom. Tinitingnan niya lang ito dahil naaalala niya si Jin 'pag nakakakita siya ng beer. Ngunit sa pagkakataong ito, iinom si Chris dahil sa bigat na kanyang nararamdaman.

Ininom ni Chris ang isang bote ng beer at kaagad itong nilaklak. Nang maubos niya ito, napahiga siya sa sahig at umiiyak, walang kasama at walang karamay. Ang tanging ginagawa niya lamang ay niyayakap ang kanyang sarili kasama ang isang bote ng beer na walang laman habang binabanggit ang pangalan ni Jin. Sinasabi niya sa kanyang sarili na sana ay nandoon si Jin sa tabi niya.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Date: December 29, 2020

Time: 7:00 P.M.

Nasa isang Cafe si Jin, nakaupo, at hinihintay niya na dumating si Mr Jill dahil sa pinag-usapan nilang magkikita silang dalawa. Nang makita niya na kakapasok lang ni Mr. Jill sa loob ng cafe, ay sinensyasan niya ito na siya namang agad nakita ni Mr. Jill.

Tumungo na si Mr. Jill sa pwesto na inuupuan ni Jin at umupo sa harap nito.

"Sir Jin, ano ang gusto mo na pag-usapan?"

"Mr. Jill, gusto ko po sabihin niyo sa akin ang totoo. Kayo na lang po ang pwede kong tanungin at alam ko na sa inyo ko makukuha ang sagot."

"Tungkol saan ba ito?" nagtatakang tanong ni Mr. Jill.

"Mr. Jill, naalala niyo po ba 'yung sinabi niyo sa akin na kayo na 'yung butler ni Chris simula pagkapanganak niya?"  tanong ni Jin.

"Siyang tunay, Sir Jin. Anong mayroon?"

"Matagal na po ba kayo nag seserve sa family ni Chris?" tanong ni Jin.

"Oo, matagal na rin, Sir Jin. Bata pa lang ako ay sa kanila na nagtatrabaho ang parents ko. Doon na rin ako tumira at lumaki. Ang tatay ko ang butler ni Ms. Agatha, ang mama ni Chris. Parang matalik na kaibigan na ang turing ko kay Ms. Agatha dahil sabay kaming lumaki at malaki ang tiwala niya sa akin, hanggang sa mapangasawa niya si Mr. A."

"Mr. Jill, may kilala po ba kayong Althea at John Torres?"

Nagulat si Mr. Jill sa pangalan na binanggit ni Jin.

"Paano mo sila kilala, Sir Jin? Si Ms. Althea at Mr. John ay bestfriends nina Ms. Agatha at ni Mr. A. simula pa lang noong highschool sila. Matatagal na silang magkakaibigan hanggang sa tumanda. Bakit Sir Jin, kilala mo ba sila?"

Tiningnan ni Jin si Mr. Jill sa mga mata nito at seryoso niyang sinabi—

"Mr. Jill, ako po ang anak nina Althea at John."

Nanlaki ang mga mata ni Mr. Jill sa nalaman niya. Naluha siya at biglang nag sorry kay Jin na siyang ipinagtaka at ikinagulat nito.

"Sorry, Sir Jin, hindi ko alam na ikaw ang anak nila Ms. Althea at Mr. John. Hindi kita natulungan gaya ng bilin sa akin ni Ms. Agatha. Patawarin mo ako." Biglang yumuko si Mr. Jill.

"Sorry po saan, Mr. Jill? Tsaka bakit po kayo nagso-sorry? May alam po ba kayo sa pagkamatay nila mama at papa? Alam niyo po ba ang nangyari?" tanong ni Jin.

"Pasensya na, Sir Jin, kung mas maaga ko lang nalaman, hindi ka sana malilito. Patawarin mo ko at hayaan mo kong sabihin kung ano ang buong pangyayari upang maliwanagan ka."

Flashback

Mr. Jill's POV

Matagal ng magkakaibigan sina Mr. John, Ms. Althea at Ms. Agatha. Madalas pumupunta sina Ms. Althea at Mr. John sa bahay nila Ms. Agatha upang mag bonding. Noon pa man, magkaibigan na ang pamilya nilang tatlo.

Madalas din silang tatlo sa bahay na nagkukwentuhan, at habang ako nakatayo lang sa tabi nila at nakikinig sa mga kwentuhan nila, hindi nila ako nakakalimutan isali. Kaya pakiramdam ko, kahit isa lang akong butler ay pinamukha nila sa akin na para rin silang mga normal na tao, normal na kaibigan at hindi pinapansin ang estado ng kung sino sino.

Ang pamilya ni Ms. Agatha ang nangunguna noon pagdating sa isa mga pinakamakapangyarihang business at pamilya. Ngunit kahit ganoon ay pinalaking mapagkumbaba si Ms. Agatha ng kanyang mama. Kung anong nakikita mo kay Sir Chris, gano'n ang ugali ni Ms. Agatha. Kaya naman ay mahal na mahal siya ng lahat ng nakatira sa bahay.

Isang araw ay napagalaman ng papa ni Ms. Agatha na magkakaroon ng fixed marriage sina Mr. John at Ms. Althea, sa kadahilanang gustong ng mga magulang nila na umangat ang kanilang mga pamilya, at mas maging makapangyarihan kaysa sa pamilya nina Ms. Agatha.

Bagamat gano'n ang pangyayari, hindi pa rin nasira ang pagkakaibigan nilang tatlo. Alam ng bawat isa ang kani kanilang mga lugar. Wala silang magagawa kung hindi sumunod sa kanilang mga magulang. Ngunit ayos lang ito kay Ms. Agatha kung matuloy ang marriage nina Mr. John at Ms. Althea, dahil alam niya na malapit naman ang dalawa sa isa't isa.

Para kay Ms. Agatha, mas mahalaga ang pagkakaibigan nila kaysa sa kapangyarihan. Kaya naman kung maungusan ang pamilya nila ay wala siyang pakialam basta hindi masisira ang pagkakaibigan nilang tatlo.

Nang ikasal sina Mr. John at Ms. Althea ng mga taong November 1994, naramdaman ng papa ni Ms. Agatha na unti-unti na sila nauungasan at hindi ito natuwa. Kaya naman ay ipinakasal niya si Ms. Agatha sa pamilya ni Mr. A. na siyang isa rin sa mga pamilyang makapangyarihan sa panahon na iyon. Para sa papa ni Ms. Agatha, si Mr. A. ang napili niya dahil sa angking katalinuhan nito, na siya namang namana ni Chris.

Sa kagustuhan ng papa ni Ms. Agatha na manguna ulit sila pagdating sa estado, nakipag-partnership siya sa pamilya ni Mr. A. at inasikaso ang kanilang fixed marriage. Kinasal naman sina Mr. A. at Ms. Agatha noong October 1995.

Nagdaan ang ilang mga taon ngunit hindi sapat ang partnership ng pamilya nina Mr. A. at Ms. Agatha. Ang pamilya mo Jin, ang pinakamayaman noon at kayo ang tinitingala ng lahat. Ngunit, kahit ganoon, ang pagkakakilala ko kina Mr. John at Ms. Althea ay hindi nagbago. Kahit gaano pa sila karangya o makapangyarihan,  hindi sila nakalimot at lagi silang masayahin at mapagkumbaba. Parang ikaw sir Jin, nakuha mo ang pagiging laging masayahin ng mga magulang mo, kaya madalas, gustong kasama ni Ms. Agatha ang dalawang iyon dahil palagi lang siyang masaya pag magkakasama sila.

Hindi nagtagal ay nagkaanak sina Mr. John at Ms. Althea at ikaw nga iyon, Sir Jin. Ipinanganak na ang susunod na tagapagmana sa pinakamakapangyarihang pamilya kaya naman lahat ay natutuwa para sa'yo.

Ngunit may isang tao na hindi natutuwa, at ito ay ang papa ni Ms. Agatha. Kaya naman ay inutusan niya si Mr. A. na kailangan ay magkaroon na rin sila ng tagapagmana at doon nga nabuo si Sir Chris.

Dahil ang pamilya niyo ang nangunguna, lahat ng attention ay nasayo. Wala ka pang kamalay-malay noon dahil bata ka pa lang, at hindi mo pa alam ang mga pangyayari. Tuwing may event at magkakasama ang mga pinakamakapangyarihang pamilya, Ikaw lagi ang pinagtutuunan ng pansin at napapagwalang bahala si Sir Chris. Kaya lalong hindi natutuwa ang papa ni Ms. Agatha at ibinuntong ito kay Mr. A dahil wala siyang ginagawa upang manguna ulit sila. Kaya naman ay madalas na pinepressure ng papa ni Ms. Agatha si Mr. A., dahil pakiramdam niya ay wala itong kwentang tao sa paningin niya at walang ginagawang mga hakbang

Upang mapatunayan ni Mr. A. ang kanyang sarili, pinagplanuhan niya lahat kung paano pababagsakin ang pamilya niyo, sa tulong ng papa ni Ms. Agatha.

At ito na nga ang hindi inaasahan. Nalaman ni Ms. Agatha na planong pabagsakin ni Mr. A ang pamilya mo, Sir Jin, ngunit hindi niya alam kung anong gagawin niya. Dahil mga kaibigan niya ang pinaguusapan, isa pa, kaibigan rin ni Mr. A. sina Ms. Althea at Mr. John, labis siyang nag alala para sa lahat.

Isang araw ay may event na ginawa si Mr. A., pero ang event na 'to, hindi alam ng lahat, ngunit ito na ang ginawa niyang patibong para pabagsakin ang pamilya niyo. Bata pa kayo ni Chris ng mga panahong ito, mga 6 years old pa lang kayo nang mangyari itong event na 'to. 

Habang wala sila Mr. A. sa bahay dahil sa event, ay nagbabantay lang ako at nagiikot-ikot, nang may narinig ko na may boses na sumisigaw sa kwarto ni Ms. Agatha. Mahina, dahil makapal ang dingding ng kwarto niya, ngunit nang papalapit ako nang papalapit sa kwarto niya, may naririnig akong sumisigaw na babae.

Ang alam ko ay wala si Ms. Agatha dahil nga sa event, at baka may tao na nalock sa kwarto niya, kaya kinatok ko ito.

Biglang gumalaw ang pinto na tila parang may gustong lumabas dito. At ang naririnig ko na sigaw ay-

"Tulong! Tulungan niyo ko!"

Naririnig ko ang boses ni Ms. Agatha, kaya nagmadali ako agad at humingi ako ng tulong sa mga kasama ko.

Noong araw na iyon, si Mr. A. ang huling taong nakita ko na nanggaling sa kwarto ni Ms. Agatha, kaya tingin ko ay ikinulong niya ito sa kwarto at kinuha ang phone para hindi ito makatawag o makahingi ng tulong.

Sinira namin ang pintuan at nakita namin si Ms. Agatha sa loob ng kanyang kwarto, pawis na pawis at nanghihina na sa pagod dahil sa kakasigaw.

"Jill, tulungan mo ko. Dalhin mo ko sa event. Iligtas natin sina Althea at John, pati ang anak nila. May hindi magandang mangyayari sa kanila." naghihingalong sinabi ni Ms. Agatha.

Dahil sa kaibigan na ang turing ko sa mga magulang mo, nagmadali at binuhat ko si Ms. Agatha papunta sa kotse. Agad kaming pumunta sa event kung saan magaganap ang isang lunch party ng mga makapangyarihang pamilya sa Pilipinas.

Umiiyak si Ms. Agatha habang papunta kami, dahil natatakot siya sa mga posibleng mangyayari at sa mga aabutan niya.

Nang makarating kami sa lugar, ay wala ng mga tao. Hinanap namin kung nasaan sina Ms. Althea at Mr. John, pati na rin ikaw. Habang hinahanap namin kayo, may naririnig kaming bata na umiiyak at sumisigaw sa isang kwarto. Nakalock ang kwarto kung saan narinig namin ang isang bata na umiiyak at sumisigaw.

"Mama! Papa! Gumising na kayo! Wala na mga tao, umuwi na sila! Uwi na din tayo! 'Wag na kayo matulog, mama papa!" sigaw ng isang bata at tila umiiyak ito.

'Yun ang narinig namin kaya kinatok namin ni Ms. Agatha ang pintuan at lumapit ang batang umiiyak sa pintuan.

"Anong nangyari sa'yo? Bakit nand'yan ka sa loob? Sinong kasama mo?" tanong ni Ms. Agatha sa bata.

"Mama tsaka papa po, hindi sila gumigising. Tulog lang sila. Gusto ko na umuwi! Nililinis ko sila mama at papa, bumubula 'yung bibig nila kaso hindi sila gumigising. May pinakain sa kanila tapos bigla bumula 'yung bibig nila, ayaw nila gumising. Tulungan niyo po ako, uuwi na po kami sa bahay." sigaw ng bata sa loob habang umiiyak.

"Saglit lang ah? Hahanap kami ng susi para makapasok. Hintayin mo kami ah? Anong name mo? Dito ka lang sasamahan kita." sinabi ni Ms. Agatha sa bata at tumahan ito. Tila gumaan ang loob ng bata nang marinig niya ang boses ni Ms. Agatha.

"Jin po. 'Wag niyo po ko iiwanan ah? Tulungan niyo po kami makauwi nina mama at papa."

Nalaman namin na ikaw pala ang nasa loob ng nakalock na kwarto kasama ang mga magulang mo.

Hindi makapagsalita si Ms. Agatha at tinatakpan niya ang kanyang bibig, pinipigilan niyang umiyak dahil ayaw niya na mag alala ka sa loob kung marinig mo siyang umiiyak. Ikaw pa rin ang inisip niya dahil kung iiyak siya ay baka matakot ka bigla.

Habang hinihintay namin ni Ms. Agatha ang susi para sa room, iyak siya nang iyak ngunit hindi niya ipinaparinig sa'yo. Nalulungkot ako para kay Ms. Althea at Mr. John ngunit wala kaming magawa parehas.

"Kayo po? Ano po pangalan niyo? Para ikukwento ko po kina mama tsaka papa pag gising nila na sinamahan niyo po ako." bigla mo sinabi at tumatawa ka pa noon habang naghihintay kami ni Ms. Agatha na mabuksan ang room.

Sa pagkakataong ito, hindi na napigilan ni Ms. Agatha  at napahagulgol na siya dahil sa bigat ng loob na kanyang nararamdaman, dahil ang nasa isip mo ay natutulog lang sila at gigising din sila mamaya habang si Ms. Agatha na ang nasasaktan para sa'yo.

"Miss, Bakit po kayo umiiyak? 'Wag po kayo umiyak! Samahan ko na lang din po kayo para hindi kayo malungkot!" 

Imbis na ikaw ang i-comfort ni Ms. Agatha, ikaw pa ang nagpresenta sa kanya. Kaya mas lalo niyang hindi napigilan ang kanyang pag iyak. Naaalala niya sa'yo ang kanyang mga kaibigan, dahil pag malungkot siya, ang mga kaibigan niyang sina Ms. Althea at Mr. John ang laging nasa tabi niya upang pagaanin ang kanyang loob.

Ito ang unang beses na nakita ko si Ms. Agatha na umiyak ng labis dahil sa bigat na nararamdaman niya. Hindi dahil nasaktan siya physical, pero pakiramdam niya ay dinudurog ang puso niya. Hindi niya man lamang naabutan ang kanyang mga kaibigan para iligtas sila.

Habang hinihintay ang susi ay nakaupo lang si Ms. Agatha sa sahig at nakasandal sa pintuan, umiiyak. At ikaw naman, pinapatahan mo si Ms. Agatha at nagkukwento ka ng kung ano-ano. At alam mo kung ano ang kwento mo na nag paantig sa puso ni Ms. Agatha?

"Alam mo po ba, kanina? Habang kasama ko sina mama tsaka papa kumain, sabi nila may namimiss daw silang kaibigan nila. Sana daw kasama nila 'yung friend nila kasi marami daw mangga na hinanda. Wala daw umubos at kung nandoon daw yung friend nila na 'yun, ubos daw 'yun! Tinanong ko kung sino siya, sabi nila sa akin, siya daw 'yung bestfriend nila for life... ay mali, kapatid na daw nila 'yun! Sabi ko paano magiging kapatid eh hindi naman sila parehas ng nanay at tatay. Sabi nila sa akin, kahit daw hindi parehas ng magulang basta mararamdaman mo na lang daw 'yun para sa isang tao 'pag labis mo daw love 'yung tao na kahit hindi kadugo. Gusto ko makita 'yung friend nila! Sasamahan ko siya kumain! Malakas pa naman ako kumain! Sabi nila mama at papa maganda daw siya at napakabait at magaling din daw kumanta! Gusto ko siya makilala para may isa pa kong mama at marinig ko boses niya!"

Sa sobrang sakit ay hindi na talaga kinaya ni Ms. Agatha at iyak pa rin siya nang iyak. Kahit ako, hindi ko na rin napigilan, dahil sa murang edad, ay hindi mo pa alam ang mga nangyayari at naaawa kami para sa'yo.

"Umm, inaantok na po ako.  Pwede po ba matulog muna ako saglit? Dito lang po ako sa tabi pintuan para 'pag binukas niyo, hindi po ako matatamaan. Magsleep lang po ako ah? Dito lang po ako, 'wag niyo po ako iiwan! Gisingin niyo po ako 'pag nakapasok na kayo."  'Yan ang huli mong sinabi kay Ms. Agatha dahil nakatulog ka na sa pagod.

May lalaking napaka amo at nakaputing damit, ang tumayo sa harap namin habang inaabot niya kay Ms. Agatha ang susi ng kwarto. Nang mabuksan na namin ang pintuan, agad tumakbo si Ms. Agatha papalapit kina Ms. Althea at Mr. John at umiiyak. Kinarga kita pagpasok namin ngunit hindi ka na nagising dahil sa pagod at antok.

Galit na galit si Ms. Agatha sa nangyari. Kinuha ka niya mula sa akin at kinarga. Niyakap ka niya ng mahigpit at nagso-sorry siya sa'yo. Iyak nang iyak si Ms. Agatha dahil sa sinapit ng pamilya mo at hindi niya mapatawad ang sarili niya dahil wala siyang nagawa.

"Nandito na ko, Jin. Ako 'yung pangalawa mong mama. 'Wag ka magalala, hindi kita iiwanan. May isa ka pang kapatid. Matutuwa si Chris sa'yo. Nandito na ako, Althea at John... pangako, hindi ko pababayaan si Jin."

Si Ms. Agatha ang nag-asikaso sa lahat ng papeles mo at ang last will and testament na ginawa nila Ms. Althea at Mr. John para sa'yo. Lahat ng pera at kayamaman nila ay iniwan nila sayo. Ang sinabi din sa akin ni Ms. Agatha, ayaw niya na mabuhay ka sa sakit ng nakalipas kaya itinago niya ang totoo at itinatak sa isip mo na nagkasakit ang mga magulang mo. Pasensya ka na dito, Sir Jin, dahil alam namin na labis kang masasaktan kung malaman mo man ang totoo. Nagsinungaling si Ms. Agatha, pero ginawa niya ito dahil mahal na mahal ka niya at tinuring ka na niyang parang tunay na anak.

Ngunit alam niya na nasa panganib pa rin ang buhay mo, kaya naman inasikaso ni Ms. Agatha ang lahat para sa'yo. Sinubukan niyang itago ka kay Mr. A. hangga't maaari. Siya ang naghanap ng bago mong titirahan at kinuhaan ka niya ng magaalaga sa'yo sa tuwing wala siya at hanggang sa kaya mo na ang sarili mo. Itinago ka ni Ms. Agatha kay Mr. A. dahil 'pag nalaman nito na buhay ka pa, malamang, gagawa ito ng paraan para mawala ka.

Isa ka lang bata noon kaya mas madali para kay Mr. A. na gawin ang lahat, ngunit sa awa ng Diyos, hindi niya nalaman ang tungkol sa'yo. Ang akala niya ay patay na kayong lahat.

Araw araw pinupuntahan ka ni Ms. Agatha, kasama si Chris. Ngunit sa paglipas ng panahon, napapansin niya na sa tuwing pupunta siya sa'yo ay parang nababalot ka ng takot. Sa tuwing natutulog ka ay umiiyak ka daw at tila nagkakaroon ng masamang panaginip, kaya kinakantahan ka niya para mapanatag ang loob mo.

Title: Kasama at Pangako (Agatha's Lullaby)

Composer and Singer: Gonzo

Agatha's Humming

Sa mga mata,

madarama ang 'yong lungkot.

Nakikita ko na mayroon kang

tinatago.

Tahan na at kasama mo

ako dito sa mundo.

Hinding hindi

bibitawan ang pangako ko sayo

Huwag mag alala

may bukas pang naghihintay.

Sabay haharapin

ang ganda ng mundong ito.

Basta't may

kasama ka lagi sa buhay,

'wag kang matakot sabihin,

dadamayan kita.

At pag gumigising ka naman daw ay hindi ka nagsasalita at tila wala kang maalala sa mga napapanaginipan mo. Kapag tinatanong ka niya kung bakit at ano ang nangyayari sa'yo, ang sagot mo lang ay "Hindi ko po alam. Wala akong maaalala. Sorry po."

Ang sabi sa akin ni Ms. Agatha noong pinatingin ka niya sa isang specialist ay nagkaroon ka daw ng localized dissociative amnesia, kung saan nakalimutan mo ang mga nangyari sa buhay mo dahil sa mga masasakit na alaala o dahil sa trauma.

Halos isang taon ka pinupuntahan ni Ms. Agatha. Ngunit, dahil sa depression at stress ay nagkasakit si Ms. Agatha at naging malubha ito. Sa kasamaang palad, doon na nga siya nawala.

Noong nawala si Ms. Agatha ay labis kaming nag hinagpis at wala na kaming magawa kung hindi sumunod kay Mr. A.

Ako lang ang nakakaalam na buhay ang anak nila Ms. Althea at Mr. John dahil ang alam ni Mr. A. ay namatay na rin ito. Ngunit sa paglipas ng panahon, ibinaboon ko na ito sa limot, dahil pag nalaman niya ito ay mapapahamak ka at pati rin ako. Kaya patawarin mo ko, Sir Jin, kung hindi na kita natulungan.

End of Mr. Jill's Flashback

"Mr. Jill." biglang sinabi ni Jin at hinawakan niya ang kamay nito, "Thank you po sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo at hindi niyo naabutan si Ms. Agatha sa kanyang kwarto, ay malamang wala na rin ako dito sa mundo, kaya thank you po. 'Wag kayo mag sorry. Ako po dapat ang mag-sorry dahil muntik ko na ilagay ang buhay niyo sa alanganin dahil sa pagtatago sa akin." nakangiting sinabi ni Jin kay Mr. Jill.

Naiyak si Mr. Jill at hindi niya na mapigilan ito at may kinuha siya sa kanyang bag.

"Sir Jin, ito na lang ang maitutulong ko sa iyo. Sana ay gumaan ang loob mo dito."

Inabot ni Mr. Jill ang 6 na letters na galing kay Chris. Ang mga letters na hindi dumating kay Jin at halos lahat ay crumpled.

Tiningnan ni Jin isa isa ang mga inabot sa kanya at laking gulat niya, "Mr. Jill, mga letters po galing kay... Chris?" tanong ni Jin at gulat na gulat ito.

"Nakita ko kasi itong mga letters habang naglilinis ang isang maid. Pinakita niya sa akin na para sa'yo daw dapat ang mga ito pero hindi niya daw alam kung bakit nasa basurahan ni Mr. A. Binigay niya sa akin para ibigay ko daw sa'yo dahil baka importante daw 'yun. Kasi, kada buwan daw si Chris nagpapadala ng sulat, kaso tinatapon lang daw ni Mr. A., kaya inipon ito ng maid na naglilinis sa office room." paliwanag ni Mr. Jill.

Binuksan ni Jin ang isa sa mga letters. Binasa niya ang letter ni Chris na sinend nito noong June 2020. Tumulo ang luha niya nang mabasa ito, ngunit nakangiti habang dinadamdam niya ang bawat letra at salitang nakasaad. Hindi niya na napigilan at binasa niya lahat ng letter ni Chris na hindi niya nabasa simula pa noon.

Nakangiti si Mr. Jill at pinapanood niya si Jin habang nagbabasa. Iniisip niya na ang tinatago nilang bata ni Agatha noon ay nasa harap niya na at malaki na.

"Matutuwa sina Ms. Agatha, Ms. Althea, at Mr. John kung makita nila na lumaking maayos si Sir Jin at napakabait na bata. Matutuwa din sila siguro kung malaman nila na ang mga anak nila ay sobrang lapit sa isa't isa. Akong bahala sa kanilang dalawa, utang ko sa inyo ang buhay ko." nasa isip ni Mr. Jill.

Pagkatapos ni Jin magbasa ay nag request siya kay Mr. Jill.

"Mr. Jill, pwede po ba ako mag request sa inyo?".

"Ano 'yun, Sir Jin, basta para sa'yo"

"Wait lang po Mr. Jill ah?"

Kumuha si Jin ng papel at nagsulat ito. Pagkatapos ay inabot niya ito kay Mr. Jill.

"Pwede po ba na kayo ang magpadala nito kay Chris?" pakiusap ni Jin.

"Makakaasa ka, Sir Jin. Maalala ko nga pala, noong sinundo namin kayo ni Sir Chris galing sa office niyo noong nanalo siya ng pageant, may kasama kayong isa pa. Kung hindi ako nagkakamali, kung natatandaan ko siya, kamukhang kamukha siya ni Mr. John. Sabi mo kapatid mo 'yun?" tanong ni Mr. Jill.

Ngumiti si Jin at sinabi niya kay Mr. Jill, "Siya na po ang magsasabi sa'yo Mr. Jill. Hintayin niyo na lang po." nakangiting sinabi ni Jin.

Nagpaalam na si Mr. Jill kay Jin at umalis na siya ng cafe.

Pagkaalis ni Mr. Jill ay huminga ng malalim si Jin. Ngumiti siya habang nakatingin sa mga wall glass ng cafe at pinagmamasdan si Mr. Jill na nasa labas habang naglalakad ito papalayo.

"Thank you ulit, Mr. Jill. Thank you rin sa pag-aalaga sa amin ni Chris. Para kina mama at papa 'to, maraming salamat sa'yo, Mr. Jill. Salamat sa paglalahad sa akin ng katotohanan." nasa isip ni Jin.

Tumayo na siya sa kanyang inuupuan at lumabas na rin ng cafe. Tumingin muna siya sa kalangitan at pinagmamasdan ang mga bituin at ngumiti.

"Chris, sorry kung dumating ako sa point na nasisi kita sa pagkamatay nina mama at papa. Salamat sa mama mo, Kay Ms. Agatha, na hindi ako iniwan. Malinaw na sa akin ang lahat. Natatandaan ko na rin ang boses ni Ms. Agatha, ang boses niya na nagpagaan sa loob ko noong araw na kasama ko sina mama at papa sa loob ng room na 'yun at ang magaan na boses ni Ms. Agatha na katulad ng boses mo. Kaya pala sa tuwing naririnig kita na mag hum, iyon ang kinakanta sa akin ni Ms. Agatha kapag nahihirapan ako makatulog noong bata pa ako. Ngayon, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko para sa papa mo, pero ang masasabi ko lang, hindi na ko makapaghintay sa pagbabalik mo." bulong ni Jin sa kanyang sarili habang nakatingala sa kalangitan.

Umalis si Jin ng nakangiti, magaan ang loob at bumalik na sa bahay niya.

Date: January 29, 2021

Time: 6:30 A.M.

Normal na araw para kay Chris ang kanyang paggising, malungkot at walang gana. Nilalakasan na lang niya ang kanyang loob para mabuhay at hinihintay ang pagkakataon na makabalik kay Jin.

Habang nagtitimpla siya ng kape, napansin niya na may naglalagay ng letter sa kanyang mailbox, kaya agad siyang lumabas at kinuha ito.

Nakita niya ang sulat na galing kay Jin, kaya agad niyang binuksan ang letter.

December 29, 2020

Hi Chris,

Gulat ka 'no? Akala mo hindi na ko magsusulat? Hehe! Siempre hindi naman pwede 'yun. Alam mo ba, nadelay 'yung mga sulat mo! Nabasa ko lahat! Andami kong namiss!  Alam mo ba, kung hindi dahil kay Mr. Jill tsaka doon sa isang maid niyo, hindi ko makukuha itong letters mo! Tinatapon pala ni Mr. A! Malas siya, walang nakakatakas sa akin!

Sorry Chris kung inaaway ko ang papa mo ah? Naiinis kasi ako! Haha! Ang dami kong kailangang i-catch up sa mga letters mo pero hindi ko alam kung pano pagkakasyahin dito.

Kausap ko ngayon si Mr. Jill, pero nahihiya ako kasi baka hinihintay niya ko matapos magsulat. Pero Chris, may nalaman ako tungkol sa pagkatao ko. Hindi ko alam kung anong mararamdamam ko o kung matutuwa ako. Pero ikukwento ko sa'yo lahat pagbalik mo! Andami kong sasabihin sa'yo! Hindi na ko makapaghintay.

Ay oo nga pala, hindi ko alam kung kailan mo 'to matatanggap. Pakiramdam ko, baka mga January 2021 mo na 'to makuha kaya belated Happy Birthday! Merry Christmas! Happy New year! Baka kasi lumampas na yang mga araw na 'yan bago mo pa 'to makuha. Haha!

Tsaka, Oo! Kailangan namin 'yung mga electronics para sa time machine! Sabi mo 'yan ah walang bayad, aabangan namin yan! Haha! Kailangan din namin ng utak mo Chris, parang awa mo na! Hahaha!

Thank you sa'yo, Chris, at thank you sa mama mo, kay Ms. Agatha. Thank you sa pagiging kaibigan niya sa mama at papa ko. Pagbalik mo dito, may sasabihin din ako sayo. Ready na ko!

—Jin Pogi

Bumuhos ang luha ni Chris nang mabasa niya ang sulat ni Jin. Lahat ng lungkot niya ay nawala at napalitan ito ng sigla. Biglang nagkaroon ng liwanag sa buhay ni Chris at bumalik ang dati niyang sigla. Hindi na siya makapaghintay na bumalik na sa Pilipinas upang aminin ang nararamdaman niya para kay Jin.

"Nito ko na lang din nalaman, Jin, na magkakaibigan sina mama at ang parents mo. Sayang lang dahil hindi gano'n kalinaw 'yung mga naalala ko noong bata pa tayo, pero gagawa tayo ng bagong memories. Memories na wala tayong aapakan na tao o pamilya. Babaguhin natin ang nakasanayan. Tulungan mo ko, Jin. Babaguhin natin si papa." nakangiting sinabi ni Chris habang nakatitig lamang siya sa sulat ni Jin.

End of Chapter 26