•••
Bigla akong natuod sa kinatatayuan ko ng marinig ko ang tanong na 'yon mula sa kaniya.
Paano ko sasagutin ang tanong niya?
Napalunok ako.
Hindi ko inaasahan na ang isang gaya ni Ryouhei pa ang magtatanong sa akin ng bagay na 'to. At kahit na hindi ko alam kung paano ko sasagutin 'yon ay sinagot ko na lang kahit hula lang.
Nagbabakasaling... baka mawala ang kuryusidad niya sa mga bagay-bagay.
"B-Bakit mo naman naitanong yan?" Balik kong tanong sa kaniya.
Hindi ko man direktang sinagot, gusto ko munang malaman kung bakit interesado siyang malaman kung naniniwala ba ako sa kanila.
*Kahit na isa ako sa... kanila.*
Nagkibit-balikat siya at tumingala sa madilim na langit sa itaas namin.
"Gusto ko lang malaman, nahihiwagaan kasi ako sa kakayahan nila." Sagot niya at muling tumingin sa akin.
'Yung tingin na para bang... may gusto siyang malaman mula sa akin.
Pumikit ako at nauna ng maglakad.
"Likha lang sila ng utak natin. Kagaya ng mga nababasa natin sa ng libro, sa mga kwento." Sabi ko at pagtapos ay lumingon ako sa kaniya.
"Hindi sila totoo, kathang isip lang natin sila." Sagot ko sabay ngiti sa kaniya.
Tahimik kong nilunok ang katotohanan. Na totoo sila... at ang isa sa kanila ay nasa harap mo na Ryouhei.
"So tara na? Para maaga tayong makauwi agad." Pag-anyaya ko dito at naglakad na muli.
Ganito rin ba ang dahilan kung bakit mo ako kinakausap ngayon? Kasi may gusto kang malaman sa akin? Kasi curious ka sa kung sino ako?
Hindi dahil sa sinabi ko 'yon ay iyon na ang totoo. Bawat tao may kaniya-kaniyang paniniwala, tungkol sa mga lamang lupa, multo at kung ano-ano pa. Kung itatanong niyo ang mga 'yon sa akin.
Isa lang ang isasagot ko.
Oo. Totoo sila.
"Yuki?" Tawag niya muli sa akin pero hindi ko na siya nakuha pang sagutin.
Dahil tila nakalutang ang utak ko sa mga iniisip kong bagay.
*Kailan ko kaya ulit makikita ang mga kagaya ko?*
Matagal pa siguro. Simula kasi ng magising ako ng araw na 'yon na uhaw-uhaw, sila ang agad na hinanap ko, pero dahil sa uhaw na nararamdaman ko, hindi ko na nagawa pa silang hanapin muli.
Hanggang sa lumipas ang maraming taon... at ngayon lang ako muling nakakita ng mga gaya ko.
Hindi nga lang parehas ng kung ano ako ngayon sa kung ano sila ngayon.
Dahil sila pumapatay sila ng tao... ako hindi.
"Yuki?" Napahinto ako sa paglalakad ng hawakan ako ni Ryouhei sa braso ko.
Napalingon ako sa kaniya na nagtataka. Nagtataka rin siyang nakatingin sa akin. Ano 'to parehas kaming nagtataka sa isa't-isa?
"Bakit?"
"Kanina pa kita tinatawag, hindi mo ako pinapansin. Mukhang ang lalim ng iniisip mo ah?" Tanong niya sa akin.
"Wala ka ng pakialam doon." Sagot ko at narinig ko na lang siyang nagreply ng sungit sa akin habang binabaybay namin ang gilid ng kalsada na magpupunta sa amin sa eskinitang 'yon.
Ilang minutong walang nagsasalita sa amin, ang naririnig ko lang ay ang tunog ng pag-apak ng sapatos namin sa lupa, ang tunog ng kuliglig at ang mahinang simoy ng hangin.
Siguro pasado 10PM na ng gabi. Tumingin ako sa madilim na langit, makikita ko pa ba 'to pagtapos ng gabing 'to?
"10:15PM na, parang mas maaga tayong makakapunta doon ah?" Masaya niyang sambit.
Bakit ang saya-saya niya? Dahil doon, hindi ko mapigilang itanong 'yon sa kaniya.
"Ryouhei, bakit ang saya-saya mo ngayon? Dahil ba sa curious ka sa lugar na 'yon?" Tanong ko dito.
Hindi ko siya nagawang tignan pa, dahil naghihintay lang ako sa sagot niya.
"Hmm... well, sabi mo nga curious ako. At hindi lang 'yon, curious ako kung bakit may nangyari ganito ngayon." Sagot niya sa akin.
"Hindi naman kasi natin malalaman kung ano ba talaga ang mga mangyayari sa isang araw, o sa susunod na mga araw. Kumbaga kung anong nangyari ngayon, siguro ganun rin mangyayari bukas." Balik ko naman sa kaniya.
"Parang cycle, kaso may sumira ng cycle na 'yon. Dahan-dahang natatakot ang mga taong lumabas dahil sa mga nangyayari."
"Kaya ba dahil curious ka? Gusto mong malaman kung sino o paano nasira ang cycle na sinasabi mo?" Tanong ko dito.
Ilang minuto kong hinintay ang sagot niya hanggang sa mapahinto kami parehas dahil sa sigaw na biglang umalingaw-ngaw sa tahimik na gabi.
Biglang nanlaki ang mga mata ko, hindi na ako nag-isip at mabilis na tumakbo kung saan nagmula ang tili na 'yon. Ayoko na muli pang may mamatay ulit dahil sa kagagawan nila.
Ayoko na muli pang matakot sa pinag-gagagawa nila. Hindi dahil natatakot akong malaman nila na isa ako sa kanila, kundi natatakot ako dahil sa ginagawa nila at malaman ng mga taong malapit sa akin na isa akong... Bampira.
Sisimulan nila akong layuan, at ang kinatatakutan ko ay ang matakot sila sa akin hanggang sa... gustuhin na nila akong mamatay at mawala.
*Hindi pwede 'yon... hindi pwede.*
Ngunit pagliko ko ay nakita ko ang dalawang taong halos magdikit na ang katawan dahil sa sobrang lapit nila sa isa't-isa.
Narinig ko ang hagikhikan nilang dalawa at sumunod doon ay ang malanding sigaw ng babae. Parehas na parehas ng sigaw na narinig namin kanina.
"Babe! Hihi! Wag dyan... may kiliti ako dyan! Wag! Hahaha!" At nagharutan nanaman silang dalawa punyeta.
Hinihingal akong nakatingin lang sa kanila, kahit na nasa dilim sila ay kitang-kita ko kung paano sila maglampungan sa dilim.
Parang gusto ko silang paghiwalayin dalawa at wag ng paglapitin pa.
Nangigigil ako.
"Oh? Mukhang... ibang klaseng sigaw ang narinig mo kanina ah?" Pang-aasar ni Ryouhei sa akin.
Inilapit niya pa ang mukha niya sa akin kaya inis kong itinulak ang mukha niya palayo sa akin.
Mga... nakakabwiset. Napagod pa akong tumakbo para hanapin 'yon tapos ang tagpong 'yon pa ang maabutan ko? Nakakainis.
Nauna akong maglakad at hindi na inabala pa ang tawang naririnig ko mula kay Ryouhei. Isa pa siya, hindi niya ba na mapanganib itong gagawin namin at parang ang saya-saya niya pa.
Gusto ko talaga siyang balaan pero alam kong hindi naman siya makikinig sa akin. Kaya pinilit ko na lang na samahan siya, dahil kung hindi... baka siya pa ang mabalitang sunod na mamatay bukas.
Pero dahil nandito ako, hindi ko siya hahayaang mamatay. Medyo magulo lang talaga, kasing gulo ng mga pag-iisip ni Ryouhei.
Nagpatuloy ako sa paglalakad at hindi na muli pang inintindi si Ryouhei na kanina pa nang-aasar. Kapag mas lalo akong nagalit iiwan ko 'tong isang ito dito.
Bahala siya pumunta mag-isa.
Pero maya-maya ay naramdaman ko ang braso niyang pumatong sa balikat ko.
"Hay! Nagtatampo ka ba?" Gago ba siya?
"Bakit naman ako magtatampo? Katampo-tampo ka ba?" Inis kong sagot dito at huminto sa paglalakad at saka inalis ang braso niyang nasa balikat ko. "Atsaka tanggalin monga yang braso mo sa balikat ko. Hindi mo ba alam na mas malaki ka sa akin?" Naiinis ko pa ring turan dito.
Wala pa kami doon pero bumi-binggo na siya sa akin. Ang bigat-bigat kaya niya.
Bigla naman siyang ngumiti sa akin at hindi ako agad nakahanda ng bigla niyang ilapit ang muka niya sa akin.
Nanlaki bigla ang mga mata ko at aatras na sana sa harap niya ng maramdaman ko ang paghawak ng kamay niya sa likod ko upang mas lumapit pa ako lalo sa katawan niya at sa mukha niya.
"A-Anong ginagawa--" mas lalong nanlaki ang mga mata ko ng maramdaman ko ang pagpulupot ng isang braso niya sa bewang ko.
At ngayon ay nakangisi na siya sa akin.
Literal na nakatingala na ako sa kaniya dahil sa ginagawa niya. Noong una hindi ko alam ang gagawin ko kaya... mabuti na lang ay napigilan ko ang lalo niyang paglapit sa akin gamit ang pagtulak ko sa dibdib niya.
"Ano b-bang ginagawa mo! Bitawan mo nga--" bigla na lang akong napalunok ng maramdaman ko ang daliri niya sa baba ko na tila pa mas pinapatingala ako para mas magtagpo ang mata naming dalawa.
Hindi niya ba alam kung anong ginagawa niya?!
"Matangkad ako kaya... kayang-kaya kong gawin sayo ito." Bulong niya at wala na akong nagawa kung hindi ang mapapikit ng mariin dahil mas lalo niya pang inilapit ang mukha niya sa akin.
At sa isang iglap... isang malambot na bagay ang dumikit sa noo ko, muli ko ring naamoy ang matamis na dugo niya. Ngunit saglit lang 'yon dahil pagtapos kong maramdaman ang bagay na 'yon, ay siya ring pagtanggal ng kamay niya sa bewang ko at ang paglayo niya mula sa akin.
"Deretso na tayo doon, maaga ka pa bukas hindi ba? Tapusin na natin 'to." Sagot niya at saka ginulo ang buhok ko.
Nauna na siyang naglakad sa akin at ako ay natuod lang sa kinatatayuan ko. Napahawak ako sa noo ko.
*Wag mong sabihing...*
Biglang uminit ang pisngi ko at sumabay ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Bigla akong kinabahan... normal lang bang makaramdam ng ganito kahit na nasa gitna na kayo ng panganib?
Nang marinig kong tinawag niya ako ay saka lang ako muling naglakad palapit sa kaniya. Nang makarating ako sa kaniya ay hinawakan niya ako sa braso ko at masayang nagkwento ng kung ano-ano.
Hanggang sa makarating na kami sa eskinita na 'yon.
Wala ng dumadaan sa gilid ng daan kung nasaan kami nakatayong dalawa at sinisilip ang maliit na daanan na alam kong dito namatay ang unang biktima.
Alalang-alala ko pa 'yon, bigla akong napailing upang maalis ang mga imaheng nagpupumilit sumiksik sa utak ko.
"Ito na ba 'yon?" Tanong niya.
Nasa kanan ko siya at seryoso siyang nakatingin sa dulo kung saan doon nangyari ang nangyari ng araw ng 'yon, doon sa madilim na parte ng maliit na daan na ito. May nakaharang sa labasan nito na mga kahoy at may yellow tapes na naka-kabit dito.
Do not cross.
Kaya hanggang dito lang kami sa labas at tinatanaw ang kadiliman sa loob. Ang masama lang dahil walang ilaw, wala talaga makita.
Pero dahil sa iba ako, nakikita ko ang kabuuan ng nasa loob. Ganun pa rin ang ayos, ngunit may mga bakas pa rin ng dugo sa lapag at humahalo sa hangin ang natuyong dugo na doon nagmumula.
Hindi ko malanghap ang pamilyar na masangsang na amoy na 'yon. Siguro dahil magda-dalawang linggo na matapos ang nangyaring insidenteng 'yon.
Nakita ko naman sa kaliwa ko ang naglalakad na dalawang matanda. Dadaan sila sa pwesto namin kaya agad akong gumilid.
Pero huminto sila sa harap ko at pinagmasdan ang nasa harapan namin.
"Ito lang ang unang beses na isinarado nila ang lugar na yan." Sagot ng isang matanda na may suot na sumbrelo.
Tumango naman ang kasama niyang may hawak na sigarilyo. Nang mapansin ako nito ay bigla itong tumitig sa akin at tila inaalala ang mukha ko.
"Teka? Ikaw ba 'yung binatang lalaki na nagtatrabaho sa convenience store?" Tanong nito.
Nagkatinginan kami ni Ryouhei at saka ako dito sumagot ng magalang.
"Opo. Nakikilala niyo po pala ako." Dagdag kong sagot na ikinangiti nito.
"Aba oo naman! At sino itong kasama mo? Ay sandali? Nakikilala kita?" Sambit naman ng isa at turo kay Ryouhei na nasa likuran ko.
Hanggang sa nagkatuwaan na silang magkwentuhan. Napangiti ako at muling napatingin sa madilim na parte ng eskinita. Ngunit... sa muling pagtitig ko doon ay siya namang paglabas ng dalawang maliwang na kulay pulang... parang mga mata roon.
Agad akong kinutuban at lalapit na sana upang silipin kung namamalikmata ba ako o hindi, ngunit may dalawang braso ang pumigil sa akin.
"Anong ginagawa mo, Yuki? Bawal kang tumapak dyan!" Sigaw niya at turo sa kahoy na maapakan ko na sana.
"Oh? Hindi mo pwedeng tapakan yan, Hijo. Dahil kapag tumunog ang kahoy na yan, baka ikaw ang gawin nilang suspek sa nangyaring pagpatay sa loob ng eskinitang yan." Sagot ng matanda at muli akong napatingin doon.
Wala na ang nakita ko. Napalunok ako, alam kong totoo ang nakita ko... hindi ako pwedeng magkamali.
Agad kong pinakiramdaman ang paligid ko, pero wala akong maramdaman kahit na ano mang sense na nasa bingit kami ng kamatayan. Kaya sinabihan ko si Ryouhei na pauwiin na ang dalawang matanda, at ganun na nga rin ang ginawa nila.
Naiwan kaming dalawa sa harap ng lugar na 'yon... nakatitig lang ako sa dilim at hinihintay ba lumabas muli ang dalawang pulang bagay na 'yon, pero sa kakatitig ko ay agad akong hinila ni Ryouhei at siya naman ang humarang sa harap ko.
"Ryouhei ano ba--"
"Listen, Yuki. Were here just to check, no need to know everything inside. Baka maisip pa ng ibang tao na may kinalaman tayo sa nangyari dito. I know you're curious and i am too, ang kaso malapit ng maghating-gabi. Ihahatid na kita." Mahabang litanya niya.
Ayoko pa sanang pumayag at gusto ko pang titigan ko pasukin ang lugar na 'yon. Pero dahil hawak na niya ako at wala akong magawa sa panghihila niya ay nagpaubaya na lang ako.
Gusto kong sabihin sa kaniya ang nakita ko. Pero paano? Paano kapag hindi siya naniwala?
*"Naniniwala ka ba sa... Bampira?"*
Kaya muli naming tinahak ang dinaanan namin kanina para bumalik sa apartment at para makauwi na rin si Ryouhei sa kanila.
Lutang ang isip ko. Napuntahan ko na ang lugar na 'yon pero bakit wala akong makuhang sagot sa mga tanong ko? Lalo na ang nakita ko... ano ang kulay pulang nagliliwanag sa dilim na 'yon? Kung mata 'yon ng isang Bampira... alam kong nandito lang sila sa paligid namin.
Agad kong tinalasan ang pakiramdam ko habang naririnig ko ang pag-iingay ni Ryouhei sa tabi ko. May ikukwento siya pero wala akong naiintindihan, ayokong intindihin dahil kaligtasan naming dalawa ang inaalala ko.
"Yuki?"
"Bakit?" Mabilis kong sagot sa tanong niya.
Huminto siya sa paglalakad kaya huminto rin ako. Pero hindi 'yon nagtagal dahil hinawakan ko ang braso niya, nagsimula akong maglakad myli habang hila-hila siya.
"Oy! Oy! Oy! Nananatsing ka na ah!" Panunukso niya.
Pero wala ako sa mood makipag-asaran man lang sa kaniya kaya hindi ko 'yon sinagot. Hanggang sa mapatigil nanaman kami ulit dahil sa biglang sigaw ng babae na narinig namin.
Sa mga oras na ito... dito na ako mas kinabahan. Pinagmasdan ko ang paligid namin at walang katao-tao o dumadaan man lang na sasakyan. Paanong sa pagkakataon pa na ito...
Muling sumigaw ang babae. Base sa naririnig ko... nakakakilabot na sigaw ang inilalabas niya. Napahigpit ang hawak ko kay Ryouhei.
Kailangan na naming makaalis agad dito. Hindi kami pwedeng magtagal--
"Ryouhei! Saan ka pupunta!" Sigaw ko dahil dali-dali siyang tumakbo papalayo sa akin.
Hindi niya ako nilingon kaya mabilis rin akong humabol sa kaniya. Sa pagtakbo niya ay narinig kung muli ang sigaw ng babae at ngayon... nanghihingi na siya ng tulong at mukhang malapit lang siya sa amin.
Sa pagkakataon na 'yon, gusto ko ng hilahin si Ryouhei para tumakbo na palayo sa lugar na 'yon. Ngunit hindi nangyari 'yon, dahil kung saan ko nakita ang dalawang taong naghaharutan kanina ay doon namin parehas nakita ni Ryouhei ang nakakahindik na senaryo na hinihiling ko na sana hindi niya na lang nakita sa tanang buhay niya.
Ang kaba ko ay mas tumindi pa ng marinig kong humihingi ng tulong ang babaeng nasa lapag kay Ryouhei, nakataas ang kamay nito at tila inaabot ang lalaki habang iniinom ng hindi ko kilalang bampira ang dugo niya sa kabilang bahagi.
Ngunit bago pa man mangyari ang gusto ko... laking gulat ko ng bigla na lang sumugod si Ryouhei dahilan para bigla akong sumunod sa kaniya.
*Tangina naman, Ryouhei! Gusto mo bang magpakamatay?!*
"Hoy! Gago ka! Bitawan mo siya!" Narinig kong sigaw niya sa lalaking nasa tabi ng babaeng 'yon.
Bigla akong kinain ng takot ng malanghap kong muli ang nakakasulasok at masangsang na amoy na 'yon. Nang mahawakan ko ang braso ni Ryouhei ay parehas na nanlaki ang mga mata namin ng bigla itong tumayo at tumitig sa amin gamit ang pares nitong pulang-pulang mga mata.
Kitang-kita mismo ng mga mata ko kung paano mas lalong humaba pa ang pangil nito habang nakatitig sa aming dalawa.
Ito na ba ang katapusan naming dalawa? Ito na ba?
"R-Ryouhei..." Nanginginig kong bulong at pilit na hinihila siya. Nawawalan na ako ng lakas dahil halos hindi na ako makahinga pa sa malakas na amoy ng dugo na nalalanghap ko.
"U-Umalis na tayo, Ryouhei." Hila ko muli sa kaniya ngunit wala parang wala siyang naririnig.
"Ryouhei!" Sigaw ko at doon lang siya natauhan. Lumingon siya akin pero...
Nagtagpo muli ang tingin namin ng lalaking 'yon. Natatakot ako sa posibleng mangyari, natatakot ako bigla na lang niya kaming sugurin at--
"Y-Yuki kailangan niya ng tulong--"
"Tangina naman Ryouhei! Umalis na tayo!" Sigaw kong muli at saka siya hinila at patakbong umalis sa lugar na 'yon.
Hindi na pinansin ang takot na lumulukob sa buo kong sistema.
Hindi ako mamamatay sa bampirang 'yon, mamamatay si Ryouhei kung hindi ko siya ilalayo sa bampirang 'yon.
Ngunit bakit hindi umaayon sa akin ang mga pagkakataon? Bakit.... Nabitawan ko si Ryouhei? Nabitawan ko siya, doon ko lang napagtanto iyon ng marinig ko ang malakas niyang sigaw dahil sa sakit na nagpadagundong sa puso ko.
Kumalat ang matamis na bagay na 'yon sa hangin dahilan para bigla akong mapalingon sa gawi niya, at magkulay-pula ang mga mata ko.
Ang tamis ng bagay na 'yon. Gusto ko ang amoy nito. Gusto ko ang--
"A-Argh! Yuki! Umalis ka na! Iwan mo na ako dito!"
Iwan.... iiwan kita dito?
Hindi ko namalayan na nasa tabi na pala niya ako. Kitang-kita ko ang sakit, takot at pagkalito sa mukha niya habang nakatitig sa akin ngunit hindi ko 'yon inintindi. Dahil nasa harapan ko na ang dugong kahit na kailan ay hindi ko natikman ng manirahan ako sa mundong ito.
"Y-Yuki." Muli akong tumitig sa kaniya.
Sumasalamin sa mga mata niya ang pulang mga mata ko. Ang pulang mga mata at pangil na handa ng ibaon sa leeg niya.
"Y-Yuki..." Nanginginig siya habang sinasambit 'yon.
Nakita ko ang pag-angat niya ng kamay niya. Dumampi ang daliri niya sa pisngi ko na bigla kong ikinagulat.
Gulat na gulat akong napa-atras habang nakatitig kay Ryouhei na unti-unti ng nauubusan ng dugo. Ang uhaw na nararamdaman ko kanina ay biglang nawala ng makita ko ang lalaking walang tigil sa pag-inom ng dugo ng lalaking... mamamatay na sa harapan ko.
Kusa g humaba ang mga kuko ko at wala pasubali kong hinawakan ang ulo niya. At ibinaon ang mga ito sa leeg niya, hinawakan ko ang balat nito at pwersahang tinanggal ang balat sa leeg niya.
Hanggang sa sumambulat ang napakaraming dugo sa leeg niya papunta sa paanan ko.
Bumagsak siya sa lapag at nanginginig na hawak-hawak ang wakwak niyang leeg dahil sa ginawa ko. At kusa na lang tumulo ang mga luha ko ng tumambad sa akin ang kalagayan ni Ryouhei.
Mabilis akong dumalo sa kaniya at pinigilan ang pagtagas ng dugo sa leeg niya. Nanginginig pa rin siya, hindi matigil ito kaya wala akong nagawa kundi ang umusal ng walang katapusang pagmamaka-awa na wag siyang mamamatay.
"R-Ryouhei... please wag. Wag kang mamamatay please! Wag ngayon! Hindi dito! Wag sa harap ko! Parang awa mo na!" Wala akong magawa kundi ang takpan ng mga sarili kong kamay ang leeg niya, ngunit hindi pa rin ito sapat para patigilin ang malapot na bagaya na 'yon sa paglabas sa katawan niya.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Mahaba ang mga kuko ko, pulang-pula ang mga mata ko at ramdam ko ang tulis ng mga pangil ko. Ito ang itsura na hindi ko gustong makita ni Ryouhei ng harap-harapan.
*Hajime...*
"Si H-Hajime!" Garalgal kong tawag sa pangalan niya.
Mabilis kong tinawagan ang numero niya. Patuloy sa pagragasa ang mga luha ko. Wala na akong maisip na makakatulong sa akin! Hindi kami pwedeng makita ng mga tao dito!
*"Hello--"*
*"H-Hajime! Please tulungan mo kami!"* Sigaw ko at pilit ko pa ring pinapahinto ang paglabas ng dugo niya pero parang walang nangyayari!
*"Ano bang nang--"*
"Mamaya ka na magtanong! Hajime please! Mamamatay si Ryouhei kapag hindi ka pa dumating dito!"*
"Ano ngang nangyari?!"*
Mas lalo akong naiyak. Pakiramdam ko ito na ang huling buhay para sa pangalawang taong mamamatay sa harap ko.
*"Inatake siya... i-inatake siya ng Bampira, Hajime! Alam kong hindi ka maniniwala pero please dumating ka na!"* Sigaw ko at narinig ko na lang ang mura niya sa kabilang linya.
*Okay. Papunta na ako dyan. Don't hung up the phone, i'll track it. For now, pigilan mo ang lalong paglabas ng dugo sa kung saan siya kinagat. At wala kang gagawin sa kaniya."*
Tumatango-tango ako kahit na hindi niya nakikita.
"Yes, Yes. Please! Hajime! Bilisan mo!"* Sigaw ko na lang at ibinaba na sa malamig na semento ang telepono ko at muli kong diniinan ang mga kamay ko sa leeg niya.
Paulit-ulit akong nagso-sorry, paulit-ulit humihingi ng awa... hindi mangyayari ito sa kaniya kung hindi dahil sa akin.
Wala akong nagawa... nagpadala ako sa uhaw na naramdaman ko kanina.
"Sorry! Sorry! Ryouhei! Please... wag ngayon! Pilitin mong mabuhay! Hindi ka pwedeng mamatay!" Sigaw ko dito.
Punong-puno ng luha ang mga mata at pisngi ni Yuki, sa kabila ng itsura niya ay pinili niyang isantabi ang uhaw na nararamdaman niya.
Ngunit agad siyang natigilan ng hawakan ng nanginginig na kamay ni Ryouhei ang mga kamay niya, ay doon niya muling narinig ang salitang... nakapagpadurog pa lalo sa puso niya.
"S-Salamat... Yuki."
•••