webnovel

RED RIVER

RED RIVER

by: Alex Asc

Kasalukuyan kaming bumibiyahe patungong Sta Rosa sa Laguna.

Sa lugar nila Ate Ellen, ang katulong namin.

Kasama ko si Kuya Raphael, at ang BFF kong si Mica.

Naengganyo kaming sumama kay Ate Ellen dahil doon sa mga kuwento niya. 'Yung ilog daw na iyon ay dugo. Hindi kami lubos makapaniwala ngunit gusto namin makita iyon.

Hindi na alam ni Daddy at Mommy ang ginawa namin, dahil wala sila. May inaasikaso silang bussiness sa ibang bansa.

Madali naman kaming napanatag kay Ate Ellen dahil sa kabaitan niya. Tiwala kaming mapagkakatiwalaan namin siya, kami pa nga ang nangulit upang pumaroon sa sinasabi niyang pulang ilog.

Makipot ang mga daang binabaybay namin bago namin marating sa loob ng kakahuyan ang bahay ni Ate Ellen.

"Pasensya na kayo sa bahay ko, ah," wika niya sa amin.

Nakakaawa rin ang buhay mag-isa ni Ate Ellen.

Iniwan umano siya ng kaniyang asawa, at ang nag-iisa naman niyang anak na si Emman ay dalawang taon na ring patay.

Kaya nga, mas lalo akong napalapit kay Ate Ellen dahil sa kalungkutan ng buhay niya. Lagi niyang ikinukuwento sa akin si Emman, 'di umano'y ka edad ko at kasabay ko pa ng birthday. Nasa 16 anyos na umano siya dapat ngayon.

Matapos makapag-ayos ng saglit ay inilapag na namin ang dala naming pagkain na niluto pa niya doon sa bahay namin at saka kami kumain.

Nagkukuwentuhan habang kumakain nang mangulit kami na pumaroon sa ilog.

"Magtatakip-silim na, hindi magandang pumaroon ng madilim," alanganin niyang sabi.

"Sige na po, Ate Ellen, please... kahit saglit lang. Babalik naman tayo agad dito, eh..." ang waring pagmamakaawa ko.

"Please..." sabat din ni Mica na nakangiti.

Lumingon si Ate Ellen kay Kuya Raphy na tila 'inaantay niya ang nais nitong sabihin.

"Sige na, ate... saglit lang tayo doon," request din ni Kuya Raphael.

"Sige na nga..." sagot ni Ate Ellen sa amin, at tuwang-tuwa ako dahil excited na ako.

Totoo nga ang sinasabi ni Ate Ellen. Masyadong mapula ang ilog. Mula sa tuktok na pinanggagalingan nito hanggang paanan. Hindi masyadong malawak ang ilog, ngunit mahaba iyon na wari'y galing pa sa kaitaasan ng gubat. At nakakakilabot talagang pagmasdan ang ilog. Wari'y umaagos na dugo, dugo ng 'di mabilang na taong pinaslang.

Parang mayroong nakapaligid sa amin na mga kaluluwa. Ewan ko ba ngunit bakit ko naiisip ang mga ito.

Inilingon ko ang paningin kay Kuya Raphy pero parang nag-e-enjoy pa siya sa kaka-video.

"Oy, selfie tayo..." hila sa akin ni Mica at iniabot ang cellphone kay Ate Ellen.

"Sige na, umuwi na tayo at aabutin tayo dito ng dilim," wika ni Ate Ellen matapos niya kaming kunan ng litrato.

Tama nga naman, lumulubog na si Haring Araw, at sunod-sunod kami kay Ate Ellen. Madilim na sa tinatahak naming daan, at 'di ko maiwasang mangatog ang mga paa sa takot sa kapaligiran.

Sa wakas, dumating na kami sa bahay nila. Nakahiga na ako at 'di mawala sa isip ko ang lalaking nakatingin sa amin kanina.

Binatilyo rin siya na parang nasa edad 15 o 'di kaya'y mas mababa. Malamlam ang kaniyang mga mata, wari'y malungkutin ang mukha niya. Pero hindi siya kaluluwa, hindi rin 'ata taong puno, tulad ng mga engkanto at maligno, basta hindi ko matukoy kung ano siya.

Kinabukasan, nagising ako habang naghahanda ng pagkain si Ate Ellen.

"Nakita mo ba si Kuya Raphy?" tanong ko kay Mica.

"Sabi niya pupunta daw siya sa ilog, baka maliligo..." bigkas ni Mica.

Kinabahan ako para sa kapatid ko. Baka mamaya may mangyari sa kanya sa ilog. Agad akong lumabas upang pumaroon. Sinundan naman ako ni Mica.

"Baka mamaya maligo siya't mapaano siya doon," wika ko kay Mica habang nakasunod sa pagmamadali ko.

"Hay naku, mas matanda sa 'yo 'yon ng dalawang taon, 'tas parang ikaw ang ate," sambit ni Mica.

"Hindi rin nag-iisip iyon. Hindi ba niya naiisip na baka mag-alala ka?" dugtong niya sa sinabi.

Lingid sa kaalaman ni Mica, sobrang natatakot ako dahil iba ang kutob ko sa ilog na iyon. Kung hindi nga lang madilim pa kagabi, eh 'di sana, umuwi na kami. 'Inaantay ko lang talaga ang pagsapit ng umaga upang masabi kay Ate Ellen na gusto ko ng umuwi.

Halos pasugod na ako nang maabutan ko ang ilog, at inilibot ang paningin sa paligid, at 'ayun si Kuya Raphy. Nakaupo sa tabi ng ilog habang may hawak na mataas at manipis na kawayan. Nilalaro rin nito ang tubig sa ilog.

"Huwag, kuya!" Napasigaw ako at natigil naman siya sa ginagawa. Lumingon siya sa akin at saka tumayo. Agad naman kaming nakalapit.

"Oh, bakit?" seryoso niyang tanong sa akin.

"Ah, wala," sagot ko.

Ngumiti lang siya at umupo ulit at bumalik sa kanyang ginagawa.

"Kuya, itigil mo 'yan! Kinukutuban ako sa ilog!" kinakabahan kong wika sa kanya.

"Hindi na tayo mga bata, Kathleen. Huwag ka na nagpapadala sa mga kutob na iyan. Tingnan mo, wala namang masama sa ilog na ito," pasimple lang niyang wika habang tinutusok-tusok iyon.

"Oo nga, best. Kung may signal sana dito, eh 'di sana nakapag-live tayo sa Facebook," sabat naman ni Mica.

Napalingon ako may Mica ngunit nabawi ko kaagad dahil kay Kuya. Tila nahihirapan siyang hilain ang kawayan na iyon. Para bang may humihila ng dulo nito sa ilalim.

Nang mabitawan agad ni Kuya at tuluyan namang kinain ng ilog.

Nawalan ng kontrol si kuya ko kaya't napaupo siya ng tuluyan sa lupa.

Agad lumabas mula sa tubig ang mahahabang kamay, hugis kamay tao ngunit mahahaba masyado, wari'y kalahating tao at kalahating halimaw. Pumulupot siya sa mga paa ni Kuya, at hinila iyon.

Agad naman akong napahawak sa kamay ni Kuya habang sumisigaw. Ganoon din si Mica na sa akin naman humawak upang hindi kami tuluyang mahila sa ilog.

Malakas ang paghatak niya kay Kuya. Damang-dama ko iyon, kahit lumalaban si kuya. 'Di hamak na 'di namin kayang pantayan iyon, kahit nagsama-sama pa ang tatlo naming lakas.

"Ahhh, kuya, kumapit ka!" malakas kong sigaw habang naiiyak na kaming tatlo, at unti-unti nang kinakain ng ilog si Kuya, hanggang sa bumitiw siya sa akin, at tuluyan siyang nilamon ng ilog.

Susuungin ko pa sana ang ilog ngunit ayaw akong bitawan ni Mica.

"Best, si Kuya, hu-hu," humahangos kong sigaw habang nakaharap na ako sa kanya, at nakatalikod sa ilog.

Nang bigla 'uling nagsilabasan ang maraming kamay. Dalawa ang pumulupot sa akin at dalawa sa kaibigan ko, at mabilis niya kaming hinila sa tubig.

"Bitawan mo kami!" Ang tanging naibulalas ng bibig ko.

Hanggang hilain niya kami sa ilalim ng tubig. Iminulat ko ang mga mata ko. Nais kong makita si kuya sa ilalim ng ilog. Umaasa ako, kahit malabo ang ilog at madilim sa ilalim.

At salamat at nandoon pa rin siya at lumalaban pa rin sa masamang nilalang na iyon. Buhay pa si kuya.

Nang may sumuong na isang lalaki na nanggaling sa taas papunta sa ilalim ng ilog. Mukhang ililigtas niya kami.

Lumapit siya sa nilalang na iyon at inagaw niya si kuya sa kanya. Umahon at bumalik kay Mica, at ganoon din ang kaniyang ginawa. Mabilis ang mga pangyayari, ngunit malapit na akong malagutan ng hininga.

Hanggang sa maramdaman ko ang pag-alis niya sa kamay ng nilalang na iyon, at hinila na niya ako patungo sa taas.

Hingal na hingal kaming bumagsak, medyo may kalayuan doon sa ilog na iyon...

Nakahiga na kaming tatlo sa damuhan, habang pumaparoon sa amin ang nagsalba sa amin.

Siya 'yung nakita ko kagabi, ibig sabihin, hindi pala siya masamang nilalang, kundi isang mabuting tao na may busilak na puso.

"Salamat sa pagligtas mo sa amin," wika ko sa kanya, at ngumiti lang siya at tumalikod, saka naglakad.

"Sandali?" sambit ko sa kanya.

Bahagya siyang tumigil, pero hindi lumingon.

"Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" Nais kong malaman man lang kung sino siya.

Hindi na siya sumagot, ngunit nagpatuloy lang siya sa paglalakad.

Bumuntong-hininga ako at nang makapagpahinga ng panandalian ay bumalik na kami sa bahay ni Ate Ellen.

Basang-basa kaming tatlo at halos nagkakandarapa kami sa pagdating sa bahay ni Ate Ellen. Halos magkakasabay kaming nagsasalita at wari'y nagsusumbong sa kanya.

"Bakit kasi kayo pumunta roon ng walang paalam sa akin?" pag-aalala niyang wika sa amin.

Naupo muna kami at inabutan niya kami ng tig-iisang tuwalya at mga damit upang makapagpalit.

"Pagkatapos n'yo diyan ay kumain muna tayo bago lumisan dito," wika ni Ate Ellen.

Matapos naming magbihis ay nagsalo-salo na kaming kumakain.

"Ano po ba ang alam n'yo sa ilog na iyon, Ate Ellen?" nagtataka kong tanong,

"Wala naman akong nakitang kung ano o 'di kaya'y naramdaman," sagot niya.

Nagkatinginan lang kaming tatlo.

"Hindi talaga maiiwasan sa mga liblib na lugar ang mga engkanto. Maaaring pinagtangkaan nila kayo dahil baguhan kayo rito, baka may nagawa kayo na ikinagalit nila," bawi nitong wika.

"Ngunit bakit mo kami hinayaan dito kung mapanganib pala ang lugar mong ito!" Napapatalim na ni kuya ang kataga niya.

Nang makaramdam ako ng hilo, tumingin ako kay Kuya, bagsak na rin ang ulo niya sa lamesa.

Habang si Mica naman ay kasalukuyang umiinom ng juice na inihanda sa amin ni Ate Ellen. At nawalan na ako ng malay.

Nagising ako habang nakatali ang mga kamay at paa, inilingon ko ang paningin sa paligid.

Nasa ilog ako, at si Mica at si Kuya na pawang nakatali rin ang mga kamay at paa, habang nakatayo sa mababaw na parte ng ilog si Ate Ellen.

Nagkatinginan kaming tatlo.

"Anong ibig sabihin nito, Kathleen?" Mangiyak-ngiyak na si Mica.

Hindi na rin ako nakasagot dahil nakatuon ang pansin ko sa ginagawa ng babae.

"Sinadya niya ang lahat! Walang-hiya siya!" galit na wika ni kuya.

"Anak! Maaari ka ng lumabas riyan, may inihanda akong paborito mo!" malakas niyang sigaw na wari'y tinatawag ang halimaw na iyon.

"Anak!" mariin kong sambit. Ibig sabihin, si Emman ang halimaw na iyon.

Lumabas ang mga kamay na mahahaba at hinahawak-hawakan si Ate Ellen habang niyayakap-yakap at hinahalikan ni Ate Ellen ang mga kamay na iyon.

Nang bigla na lang sumulpot sa likuran ko ang nagligtas sa amin, at binaklas niya ang lubid sa mga kamay namin, nang walang kamalay-malay na si Ate Ellen.

Hindi kami agad tumakbo dahil napatitig na lang kami sa pagharang ng lalaking ito sa mga kamay na nais sanang pumaroon sa amin, ngunit umatras ang mga kamay sa pagharang ng lalaki.

Lumingon naman si Ate Ellen.

"Emman, anak. Nagbalik ka?" sambit nang napapaluhang si Ate Ellen.

"Ma, tama na! Tigilan muna ito, kaya nga ako namatay dahil dito," wika ng lalaki.

"Siya si Emman? Eh, sino naman ang halimaw, patay na siya?"

'Naguguluhan ako,' aniya ko sa sarili ko.

"Anak, patawarin mo ako Ayaw ko lang ipagkait sa kapated mo ang gusto niya, ngunit hindi ko akalain na mawawala ka dahil sa ginagawa ko," wika ng ginang sa anak na si Emman.

"Oo, 'ma. Ibinuwis ko ang buhay ko, dahil iniisip ko, bakasakaling magbago ka at itigil mo na ito," wika ni Emman.

"Hindi ko kagustuhan ang lahat, anak! Iniisip ko lang ang kapated mo, paano siya? Gusto niya ng tao? Hindi kasi siya normal katulad natin," wika ulit ng ginang.

"Mali kayo, 'ma. Kayo lang ang lumalason sa kanya. Kayo ang nagturo sa kanya bumiktima ng tao. Mabubuhay si Emmon, basta't nandiyan siya sa ilalim ng tubig," pahayag ni Emman.

"Kung ayaw mo silang ialay ko kay Emmon, hayaan mong mapatay ko man lang sila para sa 'yo, para maiganti ko ang pagkamatay mo," matigas nitong wika at lumingon sa amin, ngunit nag-unahan kami sa pagtakbo.

Nakalayo na kami nang lumingon ako sa kanila. Pinipigilan sila ng multo ni Emman, bawat may humahakbang ay hinaharangan niya ng tulad ng isang pitik lamang.

Magkakasama kami nila kuya at Mica na lumabas ng kakahuyan, at tuluyang nilisan ang lugar.

Makaraan ang isang linggo, sinamahan namin ang mga pulis upang ituro ang kinaroroonan ng lugar ni Ate Ellen. Ngunit wala ng tao sa bahay niyang iyon, at hindi na kulay pula ang ilog, kung kaya't hindi sila naniwalang may halimaw roon. Hindi na nila inimbestigahan ang ilalim ng ilog. Hindi raw kapani-paniwala ang aming kuwento.

Wakas...