webnovel

Chapter 55

55

BINAWI ko ang tulog ko sa biyahe. Sa sobrang puyat ko ay tila isang kisapmata lang ay nakalapag na kaagad sa NAIA ang eroplanong sinakyan namin. Natulog akong nasa Virginia, nagising akong nasa Pinas na. Realquick.

"Four years ago, napagod akong umalo sayo habang nasa biyahe tayo, ngayon naman, hindi nga ako napagod, halos matuyot naman ang laway ko dahil tinulugan mo ako," nagtatampong reklamo ni Felix habang patungo kami sa arrival area.

Kimi akong ngumiti sa kanya saka nag-peace sign. Naalala ko tuloy kung paano siya napuyat noon dahil halos magdamag din akong walang tigil sa pag-iyak.

Ang dami pala talaga, ang dami niyang sakripisyo sa akin. 'Yung moment pa lang na nag-decide siyang samahan ako sa Virginia, doon pa lang, ang laki na ng sinakripisyo niya.

"Felix, thank you ha," nakangiting tugon kong nagpasalubong sa makakapal niyang kilay. Siguro ay naguluhan siya sa biglaan at wala sa lugar kong pagpapasalamat.

"Thank you for?"

"For staying at my side, for always understanding me even if sometimes I'm wrong, for all your sacrifices."

Umalpas ang ngiti sa kanyang labi sa sinabi ko. Pumasada siya ng akbay at katulad ng lagi niyang ginagawa, ginulo niya ang maayos kong buhok. "'Sus! Wala iyon, basta ikaw."

Sa unang pagkakataon, hindi ko magawang mainis sa kanya sa panggugulo niya sa buhok ko. Siguro nga ay mas nanaisin ko pang guluhin niya lagi ito basta lagi ko siyang kasama, kaysa naman sa maayos nga, walang nanggugulo, wala naman siya.

Napakalaking parte na niya sa buhay ko. Sa loob ng apat na taon, nasanay na akong kasama siya. Gigising akong siya ang unang makikita ng aking mga mata at matutulog akong siya pa rin. We lived under the same roof at wala namang kaso iyon dahil sobra-sobra na ang tiwala ko sa kanya. Mukha na nga raw kaming mag-asawa, ayon sa mga kaibigan namin sa Virginia.

Nakakatawa lang at ginawang biro iyon ni Felix. Sa tuwing nagagawi sa bahay ang mga kaibigan namin ay darling o kaya sweetheart ang tawag niya sa akin. Natatawa na lang ako at paniwalang-paniwala silang lahat. They thought we really are in a relationship.

Ang nakakaloka pa roon, kahit sina 'Nay Lourdes, kuya Fred at ilang kakilala namin dito sa Pinas, iyon din ang buong akala. They were really happy when they knew it. At ang hirap nilang i-disappoint 'pag sinabi na namin ang totoo.

So, me and my dear fake boyfriend, decided to pretend, pretend, pretend. After all, wala namang mawawala.

"Krisel! Felix! Over here!"

Nagpalinga-linga kami ni Felix para hagilapin kung saan nanggagaling ang boses na iyon ni kuya Fred. Sa rami ng tao ay medyo nahirapan kami. Mabuti na lang at namataan ni Felix ang eksaheradang placard na hawak-hawak ni Andeng kaya natunton namin sila.

Nang salubungin namin ang dalawa ay ang nakapulupot na braso ni kuya Fred sa baiwang ng kababata ko ang kaagad kong napansin.

"Hmm... I smell something sweet," natatawang wika ko. "May dapat ba kaming malaman?"

Namula ang mukha ni Andeng kaya lalo akong natawa. Si kuya Fred naman ay tila umiiwas na nagpasintabi para tulungan si Felix sa mga dala naming bagahe.

Nang wala na si kuya sa tabi niya ay tiningnan ko si Andeng nang makahulugan. "Andeng ha, marami kang ikukwento sa akin," sundot ko sa kaibigan na puladong-pulado pa rin.

Si kuya Frederick ang nagmaneho ng kotseng magdadala sa amin sa bahay. Katabi niya si Andeng na nakaupo sa passenger's seat, samantalang kaming dalawa naman ni Felix na knock out na ngayon ay nasa backseat. 'Di yata natulog ang isang 'to kanina sa biyahe.

"Kuya, kumusta si 'Nay Lourdes?" tanong ko nang may mapag-usapan. Gusto ko sanang tanungin kung anong namamagitan sa kanila ni Andeng kaso ayoko namang mailang 'tong kaibigan ko.

"Naku, kagabi pa iyon sabik na sabik sa pagdating niyo. Hindi na raw siya makapaghintay na makita kang muli, Krisel. Halos wala nga iyon pahinga kanina dahil nagprisinta itong maghanda ng tanghalian ngayon," pailing-iling na tugon ni kuya. Tiningnan ko siya sa rearview mirror at napailing-iling na rin.

Si 'Nay Lourdes talaga, matigas pa rin ang ulo. Hindi ko na kasi ito pinapahayaang magtrabaho sa bahay simula nung sumakit ang mga kasu-kasuan nito at ilang araw ding hindi nakapaglakad nang maayos. Sabi ko magbuhay donya na lang siya dahil may mga katulong naman doon, pero ika niya, mas lalo raw siyang magkakasakit kung hindi siya gagalaw.

"Gisingin mo na 'yang boyfriend mo, Krisel, nandito na tayo," ani kuya pagkahinto ng kotse. Nauna na silang bumaba ni Andeng para ibaba ang mga bagahe namin.

Nang maiwan sa loob ay walang habas kong niyugyog ang payapang natutulog na si Felix. "Felix, gising, nandito na tayo."

"Hmmm?"

"Nandito na tayo, fix yourself."

Saglit niyang minulat ang mga mata niya ngunit kaagad din siyang pumikit.

"Seriously, Felix? Tara na, hinihintay na nila tayo."

"Hmm... kiss muna," anito at ngumuso pa. Sa inis ko ay hinampas ko siya sa braso saka iniwan doon. Nagsisimula na naman siyang mang-asar.

"Hey! Wait," natatawang sigaw nito mula sa loob. "You're so hot, baby! I like it when you're like that!"

Nilingon ko siya nang makababa siya ng kotse at pangisi-ngisi pa. Inirapan ko nga. Adik, e!