42
NAGING abala ako ng mga sumunod na araw sa pag-aasikaso sa ireregalo ko kay Sir Rod. Napagpasiyahan kong gawan siya ng explosion box na naglalaman ng mga litrato niya at litrato ko at ng mga mensaheng nais kong sabihin sa kanya.
Nagpaturo ako kay Andeng kung paano iyon gawin dahil minsan na rin niya iyon nagawa kay Jerome. Mabuti na lang at napapayag ko ang aking kababata na turuan ako sa kabila ng pinagdadaanan niya ngayon.
'Yung mga litratong inilagay ko sa explosion box ay ninakaw ko pa sa facebook account ni Sir Rod at ipina-print sa computer shop. Hindi rin pala basta-basta ang paggawa nito. Bukod kasi sa kailangan ng sapat na badyet ay nangangailangan din ito ng tiyaga, pasensya at determinasyon dahil sa hirap at tagal nitong gawin.
Kaya naman ganoon na lamang ang aking pagkagalak nang sa wakas ay natapos ko ito sa ikatlong araw, saktong araw ng pagdating ni Sir Rod galing Batangas. Sabik na sabik at kating-kati na akong ibigay ito sa kanya ngunit kailangan ko pang hintayin ang mismong kaarawan niya. Hindi na ako makapaghintay na makita ang magiging reaksiyon niya sa oras na matanggap niya ang pinagpaguran ko.
"Dapat hindi ka nag-e-effort ng ganyan kagrabe sa isang lalaki, Krisel. Pagsisisihan mo 'yan."
"Paano mo naman nasabi?"
"Been there, done that."
Kinunutan ko ng noo si Andeng na walang ganang sumasabay sa akin sa paglalakad. Nag-aya itong maglibot-libot dito sa aming lugar para magliwaliw. Halos mabaliw na raw kasi siya sa kaniyang kwarto dahil sa bawat sulok nun ay si Jerome ang nakikita niya. Paano ba naman ay tinira raw siya roon ni Jerome noong minsan itong bumisita rito.
"Nga pala Andeng, punta ka sa birthday party ni Sir Rod sa makalawa, ha?"
"Sure, nang makahanap ako roon nang pampalit sa hinayupak na Jerome na 'yun," mapait na anito. "Ano ba dapat ang suot?"
"Formal daw, e. Wala pa nga akong isusuot."
"Problema ba 'yun? Tara sa bahay, maghanap tayo ng pwedeng suotin."
Kaagad nga kaming lumiko para tumungo sa kanilang bahay. Nagsukat at namili kami roon ng magandang dress na isusuot namin sa kasiyahan. Napili ko iyong kulay blue na lampas tuhod ang haba. Nagprotesta pa si Andeng at ipinilit iyong kulay pulang dress na masyadong maikli at nagpapakita ng balat.
"Sige na Krisel, ito na 'yung suotin mo. Siguradong titigas nito ang alaga ng nobyo mo."
"Walang alaga si Sir Rod, 'no! Ni wala nga silang alagang hayop sa mansiyon. Saka ayoko niyan, hindi ako komportable."
"Ay ewan ko sayo, Krisel! Ang LG mo talaga. Bahala ka nga."
Isang araw bago ang kaarawan ni Sir Rod ay hindi na ako tumungo sa mansiyon. Payo kasi ni Andeng ay dapat nagpapa-miss daw ako kay Sir Rod para hindi kaagad ito magsawa sa akin.
Ito tuloy at inabala ko na lamang ang aking sarili sa paglilinis ng sapatos na ipinahiram ni Andeng sa akin. Kahapon ay hinalukay pa namin ito sa kailaliman ng kartong pinaglalagyan niya ng mga gamit. Medyo may kalumaan na ngunit maayos pa naman kaya ito na 'yung hiniram ko. Isa pa ay ito lang ang medyo hindi mataas ang takong doon.
"Ready ka na, Krisel?"
Sinipat ko muna ang aking sarili sa huling pagkakataon sa salamin ng tricycle na sinakyan namin ni Andeng bago bumaba. Kinakabahan ako. Tila sumasabay sa tugtog ng musikang nanggagaling sa loob ng malaking tarangakahan ng mga Tuangco ang kalabog sa dibdib ko.
"'Wag kang kabahan. Sa ganda mong 'yan plus sa galing ng pagkaka-make up ko sayo, dapat sila ang kabahan sayo." Tipid kong nginitian si Andeng na pinapalakas ang loob ko. Ang kaninang pananabik kasing nararamdaman ko ay tuluyan nang kinain ng nerbyos ngayon habang naglalakad kami papasok ng gate.
Paano kung hindi magustuhan ni Sir Rod ang ayos ko ngayon? Paano kung hindi niya magustuhan ang regalo ko? Ang daming tumatakbo sa utak ko habang sinusuong namin ni Andeng ang mataong hardin ng mga Tuangco.
Pansin kong medyo kalmado ang mga bisita ni Sir Rod kumpara sa mga bisita ni Felix nung minsang dumalo ako sa selebrasyon ng kaarawan nito. Hindi ko alam kung mabuting bagay iyon dahil halos ipako ko na ang aking mga mata sa sahig dahil sa mga titig ng mga tao kapag napapadaan kami ni Andeng.
"Ang laki pala talaga ng bahay ng nobyo mo Krisel," sigaw ni Andeng dahil halos hindi na kami magkarinigan sa lakas ng musika. Ngunit sa lakas din ng pagkakasigaw ni Andeng ay napalingon sa amin ang grupo ng mga babaeng nag-uusap malapit sa kinatatayuan namin. Pansin ko ang pagbubulungan ng mga ito matapos akong pasadahan ng tingin.
Kaagad kong hinila si Andeng palayo roon saka sinenyasan na hinaan ang boses. Nagtataka naman itong nagtanong kung bakit na sinuklian ko lang ng pagkibit-balikat. Hindi ako makapagpokus.
Panay ang iwas ko sa mga tao para hindi masagi ang bitbit kong explosion box at para makaiwas na rin sa mga mapagmatang mga tingin nila.
Hindi ko nga alam kung may mali ba suot ko o sa suot ni Andeng at ganoon sila makatingin, e. Wala naman kaming ginagawa bukod sa paglalakad. Nag-e-excuse us naman kami.
Nang ilang dipa na lang ang layo namin sa mansiyon ay huminto ako sa paglalakad dahil natanaw ko si Ma'am Mira na kumakaway sa akin sa 'di kalayuan. Inilibot ko ang tingin ko sa paligid niya, nagbabaka-sakaling makita roon ang kanyang kapatid, pero wala, sina Faye, Felix, Pat at iba pa niyang kaibigan lang ang naroon.
"Shit! Nandito siya..." Nagtataka kong binalingan ng tingin ang kababata kong nanigas na sa aking tabi at tila tinubuan ng mga puso sa mata.
"Sino?"
"'Yung lalaking nakita ko sa labas ng bahay niyo... nandito siya!"