webnovel

Chapter 28

28

MATAMLAY ako buong araw hanggang sa pag-uwi namin ni 'Nay Lourdes ng bahay. Sa hapunan ay nahalata niya iyon kaya nagtanong siya.

"Kriselda, nag-away ba kayo ni Sir Roderick? Mukhang kanina pa malalim ang iniisip mo. Kanina ka pa walang imik." Matamlay akong umiling-iling bilang tugon.

Hindi naman kasi talaga kami nag-away. Kung tutuusin nga, kung hindi ko lang ginawang isyu yung hindi niya panliligaw sa akin ay baka naghalikan na naman kami kanina sa kwarto niya. Pero dahil sa nag-inarte ako, maghapon kaming walang kibuan. Kung mag-uusap man, saglit lang.

Habang nasa hapag, pinasadahan ko ng tingin si 'Nay Lourdes na abala sa pagkain niya. "'Nay, niligawan po ba kayo ni Señor Cristobal dati?" tanong kong ikinagulat niya. Nabilaukan pa siya kaya dali-dali ko siyang inabutan ng isang basong tubig na mabilis niyang nilagok.

"Susmiyo Krisel, pabigla-bigla naman 'yang tanong mo na 'yan! Malalagutan ako ng hininga sayong bata ka!" anito nang mahimasmasan. "Ba't mo ba natanong?"

"Gusto ko lang pong malaman. Bakit po hindi kayo nagkatuluyan?"

Saglit na hindi nakapagsalita si 'Nay Lourdes, tila sinasariwa ang mga nakaraan nila ni Señor Cristobal.

"Sa totoo lang, ako man ay hindi mawari kung anong nakita sa akin ni Señor Cristobal noon at ako ang kanyang niligawan sa rami ng babaeng nagkakandarapa sa kanya," panimula ni 'Nay Lourdes na lalong nag-udyok sa aking makinig sa kanyang kwento.

"Isa lamang akong hamak na mahirap at ang kanyang pamilya noon pa man ay tinitingala na ng karamihan. Trabahente ang lolo't lola mo noon sa kanilang malawak na hacienda at paminsan ay sumasama ako roon kapag walang pasok o kaya'y wala akong ginagawa. Doon ko siya unang nakita. Tumutulong siya sa ilang mga kalalakihan sa pagbubuhat ng mga sako-sakong prutas na naani. Iyon ang hinangaan ko sa kanya, bukod sa pinagpala siya sa pisikal na kaanyuan, pinagpala rin siya ng kabukalan ng pusong walang pinipiling tao para tulungan."

Napapangiti ako dahil nakikita ko ang aking sarili sa katauhan ni 'Nay Lourdes noon. Ramdam na ramdam ko ang bawat salita niya. Tila dinadala niya ako sa pangyayaring iyon ng kanyang buhay.

"Hindi ko namalayan noon habang titig na titig ako sa kanya ay napatingin siya sa gawi ko. Iiwas sana ako ng tingin kaso hindi ko na nagawa dahil nginitian niya ako -- ang ngiting hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa puso ko," bakas ang pinaghalong lungkot at saya ng alaalang iyon sa boses ni 'Nay Lourdes.

Nakamamangha at nakalulungkot lang isiping hanggang ngayon, kahit may sarili nang pamilya si Señor Cristobal, ito pa rin ang nilalaman ng puso niya. Walang pumalit, walang nakapalit, dahil una't sapul, wala siyang balak na palitan ito.

"Naging matalik na magkaibigan kami ni Señor Cristobal pagkatapos niya akong lapitan at kausapin ng araw na iyon. Ang malawak na parang ang naging saksi kung paano lumago ang pagkakaibigan naming dalawa. Hanggang sa araw na ipinagtapat niya ang kanyang pag-ibig sa akin. Hiningi niya ang aking kamay sa aking mga magulang. Ni hindi siya nahiyang ipagsigawang ako ang mahal niya. Ni wala siyang pakialam kung langit siya at lupa ako dahil ang tanging hinangad niya ay ang makasama ako sa langit man o sa lupa."

Pinilit ni 'Nay Lourdes na bigyan ako ng ngiti -- ngiting alam kong puno ng panghihinayang at sakit.

"Pero hindi dahil mahal niya ako at mahal ko siya, ibig sabihin nun kami na para sa isa't isa. Minsan hindi sapat na mahal niyo lang ang isa't isa para manatiling matatag kayo hanggang sa huli. May mga pagkakataong kahit gaano man kasaya at kaperpekto ang pag-iibigan ng dalawang tao, mananatili itong mali at hindi katanggap-tanggap sa mga mata ng iba."

Inabot ko ang kamay ni 'Nay Lourdes na nakapatong sa lamesa para hawakan iyon. Hindi ko lubos maisip kung paano niya nagagawa pang magsilbi sa pamilya ng lalaking minsang nagdulot sa kanya ng pighati. Kung ako siguro ang nasa katayuan niya, maghahanap na lang ako ng ibang trabaho. Hindi ko kayang makitang ang lalaking dapat na kasama kong bumuo ng sariling pamilya ay may sarili nang pamilya.

"May mga tao talagang darating sa buhay natin para iparanas sa atin ang lubos na kasiyahan -- kasiyahang hindi rin magtatagal ay babawiin sa atin. Akala ko nun siya na, akala ko kami na hanggang sa huli. Alam mo yung kung kailan plinano mo na lahat-lahat ng kinabukasan mo na kasama siya, saka mo malalamang yung kanya nakatakda na pala sa iba? Na iyong kinabukasan niya hindi ka naman pala kasama. Ipinagkasundo na pala siya sa ibang babae, sa babaeng edukada, hindi makabasag-pinggan, at higit sa lahat galing rin sa mayamang angkan. Sa babaeng babagay sa kanya, sa hitsura niya at sa katayuan niya sa buhay."

"Bakit hindi niyo po ipinaglaban?" sa wakas ay naisatinig ko. Malungkot na ngiti ang sumilay sa labi ni 'Nay Lourdes sa tanong kong iyon.

"Paano ka pa lalaban kung yung mismong ipinaglalaban mo, sumuko na?"

Ilang minutong naghari ang katahimikan sa loob ng aming barong-barong. Mabilis na pinalis ni 'Nay Lourdes ang tumakas na luha sa kanyang mata bago nagpatuloy.

"Lahat ng bagay nangyayari dahil may dahilan. Tamo, kung kami ang nagkatuluyan ni Señor Cristobal, e'di wala sana ngayon si Sir Roderick na siyang nagpapasaya sayo ngayon. Wala akong pinagsisisihan sa mga nangyari sa buhay ko, Krisel. Tanggap ko at kuntento ako sa kung anong meron ako ngayon. Ang tanging hangad ko na lamang ay sana hindi kayo matulad sa amin ni Señor Cristobal. Sana iyang pag-iibigan niyo ni Sir Roderick ay manatiling matatag hanggang sa huling hininga ninyong dalawa."

Pumikit ako at nagdasal na sana ganoon nga ang mangyari. Na sana sa pagkakataong ito, maipagpatuloy namin ni Sir Rod ang naudlot na pag-iibigan ng aming mga magulang.