webnovel

I

ISANG normal na araw para sa dalagang si Liv. Nandito siya ngayon at nakaupo, taimtim na nanonood sa debate ng mga tumatakbong mambabatas para sa nalalapit na eleksyon. Nandito siya ngayon hindi dahil interesado siya sa debateng ito kundi dahil kasama ang kaniyang kuya sa mga tumatakbo sa nasabing puwesto. Bilang isang news broadcaster, sawang-sawa na siya sa mga issues na tila ba'y wala nang katapusan na siyang pinag-uusapan ngayon.

Nabalik siya sa huwisyo mula sa pagkakatulala sa kawalan nang may kumalabit sa kaniya. Lumingon siya rito at nakita si Caden, ang kaniyang kaibigan. Tinignan niya ito at inabutan siya nito ng kapirasong papel.

"Ano 'to?" Mahinang tanong ni Liv sa binata.

"Number ni Mel. Pinapahanap mo 'di ba?" Sagot ni Caden kaya't napatangu-tango si Liv.

"Salamat."

Maingat na tumayo si Liv mula sa kinauupuan at naglakad palayo sa debate habang hawak-hawak ang kapirasong papel. Nang makarating sa lugar na hindi na masiyadong maingay ay kinuha niya ang kaniyang telepono atsaka dinial ang mga numerong nakasulat sa papel. Napapadyak-padyak pa ang kaniyang paa sa lapag habang hinihintay sagutin ang tawag niya. Pagkatapos ng apat na ring ay may sumagot na rin kaya naman umayos na siya ng tayo.

"Hello?" Sagot ng boses ng lalaki sa kabilang linya. Napakunot ang noo ni Liv nang marinig na lalaki ang sumagot at isa pa'y ang ingay ng background nito. Nasa labas ba ito? Nasa rally? Bakit ang ingay?

Napasinghap si Liv nang may pumasok sa isip niya. Ito ba ang batugang nobyo ni Melanie? Bakit nasa kaniya ang telepono ni Mel? Kinuha ba niya ito nang sapilitan kay Mel upang may ipangtustos na naman sa mga bisyo niya? At mas malala, nakikipag-inuman na naman ba siya ngayon kaya maingay ang paligid niya? Napakaraming wild na ideya ang pumasok sa utak ni Liv kaya naman hindi na niya napigilan ang sarili.

"Hoy! Ikaw, tigil-tigilan mo 'yang mga bisyo mo at tumigil ka na sa paggamit kay Mel ha! Magtrabaho ka! Ang laki-laki mong tao, hindi ka man lang naghahanap ng trabaho? Maawa ka naman sa kaibigan ko! Nagkanda-baun-baon na sa utang dahil sa sabong mo! Asan na si Mel? Bakit nasa'yo 'tong cellphone niya?" Sunud-sunod na sabi ni Liv sa kabilang linya.

Hindi sumagot ang nasa kabilang linya. Ilang segundong narinig ni Liv ang ingay sa paligid ng nasa kabilang linya ngunit hindi nagtagal at binaba na rin nito ang tawag kaya napasinghap si Liv sa inis at pagkagulat. Ang kapal ng mukha ng lalaking 'yong para babaan siya ng tawag. Tama naman ang sinabi niya; batugan ito, tamad, at lulong sa bisyo na hindi naman niya kayang sustentuhan kaya si Melanie ang nagbabayad sa mga ito.

Huminga nalang nang malalim si Liv atsaka napasuklay sa sariling buhok. Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking iyon, babaan ba naman siya ng telepono?

Naglakad na pabalik si Liv sa kinauupuan katabi ng kaniyang mga magulang at isa pang kuya. Katabi na rin niya ngayon si Caden. Saktong pagkaupo niya ay mas umingay na muli ang paligid maski na ang mga nasa likod nilang taga-suporta dahil ang kuya na niya at ang independent candidate na mahigpit na kalaban nito ang nasa harap.

"Magandang umaga po sa inyong lahat."

Napalingon si Liv sa nagsalita sa harap. Pamilyar ang boses na 'yon. Kailan at saan nga ba niya narinig ang boses na 'yon?

Nang pagkalingon niya ay nakita niya si Sandro Artega na siya palang nagsalita, ibinalik na ulit niya ang atensyon niya sa kaniyang telepono. Matagal nang kalaban ng pamilya nila ang Artega na ito maski na ang mga ninuno nito kaya naman pala pamilyar ang boses nito sa kaniya.

"Nakausap mo?"

Napalingon si Liv kay Caden na katabi niya.

"Yung boyfriend sumagot eh." Sagot niya at tinignan ang call logs sa hawak na telepono. Nang makita niya ang mga numerong kani-kanina lang ay tinawagan niya, nakaramdam na naman siya ng inis. Pakiramdam niya ay nabastos siya sa ginawa ng batugang iyon at walang maaaring bumastos sa kaniya. She's a Villanovo for Pete's sake!

No one disrespects a Villanovo kaya naman gano'n nalang ang pag-irap ng mga mata niya nang palakpakan ng mga tao ang sinabi ni Sandro Artega ngayun-ngayon lang habang siya'y naiinis na rito. Isa pa itong lalaking ito, walang ibang ginawa kundi supalpalin ang pamilya nila mula sa negosyo hanggang sa pulitika. Kaya naman hindi na nag-abala pa si Liv makinig sa mga pinagsasabi nito.

Sa inis ay muling dinial ni Liv ang mga numero. Hindi siya papayag na ganun-gano'nin nalang siya ng lalaking pahirap sa buhay ng kaibigan niya.

UMINOM muna ng tubig si Sandro bago tumayo. Sila na ang pupunta sa entablado para sa debate.

"You can do it, Sir!"

Napalingon si Sandro kay Kyla, ang kaniyang sekretarya. Tumango siya nang kaunti rito bilang tugon sa sinabi nito atsaka pumunta sa gitna ng entablado. Agad na nagpalakpakan ang mga tao lalo na ang kaniyang mga masugid na taga-suporta na talaga namang nakapagpangiti sa kaniya.

"Magandang umaga po sa inyong lahat." Ngiti niya at mas lalong umingay ang paligid.

Magsasalita pa lamang ulit siya nang maramdaman ang pagvi-vibrate ng telepono sa kaniyang bulsa.

"Sandali lamang po." Aniya at agad na kinuha ang telepono sa bulsa na agad namang kinuha ng kaniyang sekretarya atsaka siya nagpatuloy sa kaniyang sinasabi.

Sa kaharap lang ng entablado kung nasaan si Sandro Artega, naroon si Liv at patuloy pa rin sa pagtawag.

"Liv, sino ba 'yang tinatawagan mo? Kuya mo na ang nasa harap." Tawag ng ina ni Liv sa kaniya ngunit nagpatuloy lang siya sa ginagawa.

Napatigil si Liv nang sa wakas ay may sumagot na rin.

"He-" Hindi na natapos ni Liv ang kaniyang sasabihin nang agad na may nagsalita sa kabilang linya.

"Good morning. Mr. Artega is unavailable at the moment, do you want me to take your message?" Sagot ng boses ng babae sa kabilang linya.

"Huh?" Lang ang tanging lumabas sa labi ni Liv. Ano ba itong tinawagan niya? Pinagloloko ba siya ng taong ito?

"Artega?" Tanong ni Liv.

"Yes, Ma'am. May I know your concern?"

"Miss, huwag mo akong pinagloloko ah. Kabit ka ba ng batugang boyfriend ng kaibigan ko?" Nakapamewang na sabi ni Liv dahil naiinis na siya. Kanina pa siya pinagloloko ng mga taong ito at hindi na talaga siya natutuwa.

"I'm sorry, Ma'am pero hindi ko po alam ang sinasabi niyo."

"Wow, nagmamaang-maangan ka pa. Nasaan na ba 'yang lalaking 'yan? Kinuha na nga ang phone ng kaibigan ko at ang lakas pa mambabae?"

"I already told you, Ma'am. This is Mr. Sandro Artega's-"

"Ano? Sandro Artega's ano??" Tanong ni Liv dahil naputol ang usapan nila ng babae. Tinignan niya ang screen ng telepono niya at agad na dinial muli ang numero. Hindi nagtagal at sinagot din kaagad ito.

"Hel-"

"This is Sandro Artega."

Natigilan si Liv.

Narinig niya ang mga salitang iyon mula sa telepono niya at sa speakers na nakapalibot sa kanila ngayon.

Napa-angat ang ulo niya at nakita ang makisig na lalaki sa entablado. Matangkad ito, itim ang buhok, maganda ang hugis ng mga mata, may pagka-mestizo, at maganda ang tindig. Nakatingin ito sa kaniya, mata sa mata. Hawak nito ang telepono sa kanang kamay na nakalagay sa kaniyang tainga habang hawak ang mic sa kaliwa.

"How may I help you, Miss?" Tanong ng binata na narinig muli ni Liv mula sa kaniyang telepono at mga speakers.

Tahimik ang lahat. Maski na ang sariling ina na katabi ni Liv ay tahimik at nakatingin lang sa kaniya. Nagtatanong ang mga mata nito kung anong nangyayari ngunit hindi rin alam ni Liv ang sagot. Si Sandro Artega ba talaga ang kausap niya ngayon?