webnovel

Auction Para sa mga Mayayaman (3)

Biên tập viên: LiberReverieGroup

"Iba ang mga elixir na ito kaysa sa nauna." Kalmadong sabi ni Jun Wu Xie. Para namang binuhusan si Qiao Chu ng malamig na tubig.

Noong sila ay nasa labas ng Zephyr Academy, wala siyang mapagpipilian kundi ang ilabas ang mga elixir na para sa ugat.

"Pero maibebenta pa rin ang mga iyon sa magandang presyo, tama ba? Ang pitong bote ay makakalikom pa rin ng kahit isandaang-libong tael, 'di ba?" Tanong ni Qiao Chu na napakamot sa batok.

Tumitig naman sa kaniya si Jun Wu Xie. "Sinong nagsabi sa'yong ibebenta ko sila kada bote?"

"Huh?" Naguluhan si Qiao Chu.

Napailing si Hua Yao. Hindi niya na kayang tagalan pa ang kamangmangan ni Qiao Chu.

"Binigyan ako ni Little Xie ng pitong bote ng elixir at sa bawat bote ay naglalaman ng limang piraso ng elixir. Sinabi ko na kay He Chang Le at pumayag siyang ilalagay sa auction ang bawat piraso ng elixir."

Tumango naman si Qiao Chu kahit na siya ay naguguluhan pa rin. Pagkatapos ay muling nagtanong.

"Makakalikom ba tayo ng malaking pera doon?"

"..." Tinitigan lang ng masama ni Hua Yao si Qiao Chu at nagdesisyong huwag nang magsayang ng laway sa taong ito.

Kinusot na lang ni Qiao Chu ang kaniyang ilong ng wala siyang makuhang sagot. Pakiramdam niya siya ay nauuhaw.

Mas dumami pa nga ang dumagsang tao sa auction house. Halos hindi na maisara ang pinto dahil sa patuloy pa ring nakikipagsiksikan ang mga tao.

Hindi pa nangyari ang ganitong sitwasyon sa auction house at labis iyong ikinamangha ni Jun Wu Xie na nakaupo sa isa sa mga pribadong silid sa ikalawang palapag.

Hindi niya alam na ganito kagusto ng mga tao ang elixir. Bagamat parang ganito rin ang sitwasyon noong sila ay nasa pintuang daan ng Zephyr Academy, ngunit ang mga elixir na kaniyang ipinagbili noon ay may pambihirang epekto. Ang kaniyang binigay kay Hua Yao ngayon ay mas mababang klase pero ang epekto noon ay hindi nalalayo sa una nilang binenta.

Binanggit lang ni He Chang Le na mayroong kasamang elixir sa auction, pero hindi nito sinabi kung ano ang epekto noon. Gayunpaman, nagdagsaan pa rin ang mga tao.

Napagdesisyunan ni Jun Wu Xie na ikonsidera pa rin ang kaniyang mga elixir.

Ang buong intensyon lang naman ni Jun Wu Xie ay ibigay ang kaniyang elixir sa mga taga-Lin Palace at mga sundalo ng Rui Lin Army, bukod doon hindi niya na gaanong pinagtuunan ng pansin ang mga elixir na ito.

Hindi niya nagawang makabalik sa Lin Palace at ang pera ay nagiging problema na niya.

Hindi niya inaasahan na sina Qiao Chu at ang grupo na nasanay nang mabuhay sa kahirapan, ngayon ay makakatamasa ng kaginhawaan dahil sa elixir.

Kaya naman, kung ganon kasikat ang elixir, ibig bang sabihin non ay kikita din siya dahil sa elixir?

Nag-obserba pa si Jun Wu Xie bago siya bumuo ng konklusyon sa kaniyang isipan.

Naghintay pa sila ng ilang sandali bago simulan ang auction. Marami sa mga tao ang nakatayo lang sa gilid at sa likuran...

Hindi naman mabura ang ngiti sa mukha ni He Chang Le dahil sa kaniyang nakikita.

Kahit na may magandang reputasyon ang Chan Lin Auction House, kailanman ay hindi pa sila nagkakaroon ng elixir para sa auction. Ang dating maliit at tahimik na bayan ay lumaki at yuumabong dahil sa Zephyr Academy at ang kadalasang bisita doon ay ang mga disipulo mismo ng Zephyr Academy.

Katulad na lang ngayon, kung titignan ang dagat ng tao sa loob ng auction house, karamihan sa mga ito ay ang mga kabataang nakasuot ng uniporme ng Zephyr Academy. Ang mga ito ay nakatipon at may kaniya-kaniyang grupo at maagang nakarating kung kaya't nagawa nilang makakuha ng magandang pwesto para maupuan.

Halata naman ang kasabikan sa mukha ni He Chang Le. Hindi niya inaasahang ganon na lang epekto ng elixir sa mga tao, para magtungo sa Chan Lin Auction House.

Ito ang unang beses na naging ganito karami ang mga taong dumagsa sa Chan Lin Auction House!

"Boss, maaari na ba tayong magsimula?" Tanong ng auctioneer kay He Chang Le. Inayos nito ang damit at siniguradong presentable ang itsura nito.