webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Thành thị
Không đủ số lượng người đọc
54 Chs

Big Event

Halos isang buwan din ang naging preparasyon nina Theo para sa big event ng IVO company. Kahit na maganda na ang venue, malaki-laki pa rin ang naging preparasyon nila dahil nga nais din ni Theo na magpa-impress kay Mr. Fuentes.

Pagkapasok na pagkapasok sa lugar na pagdadausan ng malaking event, bubungad din ang halos isang daan na katao. Mabuti na nga lamang at malawak ang lugar kaya maluwag pa rin sa loob. Sinasaliwan na rin ng musika ang loob kaya hindi boring ang loob at ang mga ilaw naman na may iba't ibang kulay ay halos sumasabay rin sa beat ng music.

Formal ang event subalit masaya pa rin ang mga tugtugan samantalang hindi rin maikakaila ang yayamaning postura at pananamit ng mga bisita na sa unang tingin pa lamang din ni Rina ay hindi na basta-basta, kaya bahagya rin siyang nakaramdam ng panliliit.

"Simula na," wika ni Rina habang pilit na hindi binibigyang pansin ang paghawak ni Theo sa kanyang kamay. Simula kasi nang pumasok sila sa loob at makita nila ang maraming tao, napansin na rin niya ang kakarampot na pawis na namumuo sa noo ni Theo kaya halata niyang tensyonado o kinakabahan ito. Hindi sa magiging service ng hotel, kundi sa mga taong makakasalamuha ng lalaki.

"Rina, don't leave me, please," bulong ni Theo sa kanya na ikinangiti naman niya sapagkat ang maramdaman pa lang ang pagiging dependent ni Theo sa presensya niya ay sapat na upang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Ganoon nga talaga siguro kung mahal mo na ang isang tao, maliit na bagay lang na ginawa nito sa iyo o sa simpleng pagkilos lang ay malaki na ang epekto sa 'yo.

"Oo naman, dito lang ako sa tabi mo," sagot ni Rina na hindi pa rin inaalis ang malapad na ngiti. Mabuti na nga lang ay nasa bahaging madilim sila ng lugar dahilan para hindi mapansin ni Theo ang hitsura niya.

Nawala ang pagkakangiti ni Rina nang may maalala. Mahal na nga niya talaga si Theo subalit malabong matanggap niya pabalik ang pagmamahal nito sapagkat iba na ang nasa puso nito. Mahal niya si Theo kaya nasasaktan at nagseselos din siya sa alalahaning iyon. Kung saka-sakali kayang magtapat siya sa lalaki ay iibigin siya nito? Kung saka-sakali kayang ibukambibig niya iyon dito ay may pag-asang maging sila?

Napakagat-labi siya. Pilit na pinipigilan ang namumuong ngisi ng kabaliwan sa naiisip niyang bagay na malabong mangyari. Ilang sandali pa ay naramdaman na naman niya ang paghigpit ng hawak ni Theo sa kanyang palad.

"Ayos ka lang?"

"Trying to be okay."

"Kung hindi mo kaya, pwede naman tayong lumabas muna."

"I want to see it with my own eyes. I want to witness how our service goes."

"Ikaw bahala...pero ikaw rin kawawa." Nais niya iyong ibukambibig subalit pinili na lamang ni Rina na isarili ang karugtong sana ng sasabihin. Ayaw niya kasing nakikita si Theo na pinupwersa nito ang sarili subalit sa kabilang banda naman ay nais niyang maka-recover ito sa matagal nang tinatakbuhan na takot kaya hindi niya rin alam kung ano ba talaga ang mas makabubuti rito.

Matapos ang pagpapakilala ng emcee, malakas na palakpakan naman ang iginawad sa papalabas ng stage na si Mr. Fuentes, ang may-ari ng IVO phone company. Maging si Rina at si Theo ay nakisabay rin sa palakpakan subalit pansin ni Rina na mabilis ding inayos ni Theo ang sarili at ginagap ang kanyang kamay. Ni hindi pa nga niya iyon tuluyang naibababa mula sa pagpalakpak pero nasa kamay na ni Theo ang kamay niya.

"Ayos ka lang talaga?" ulit niya.

"Oo, basta nandiyan ka."

Punch line ang dating ng sinabi ng lalaki sa kanya kaya pinamulaanan siya ng pisngi subalit agad din naman niyang iniling-iling ang ulo at pinakalma ang sarili.

"Basta kapag may nararamdaman ka, sabihin mo agad sa akin."

Kung may nararamdaman ka na para sa akin, sabihin mo lang. Pag-iiba ni Rina ng kahulugan sa kanyang sinabi.

"Bakit gusto mo bang sumama ang pakiramdam ko?" biro naman ni Theo na pilit na nililibang ang sarili sa ibang bagay upang makalimot na nasa harap siya ngayon ng sandamakmak na tao.

"Uy, hindi, a. Nag-aalala lang talaga ako sa 'yo."

Sumilay ang ngiti sa labi ni Theo nang marinig ang sinabi ni Rina. Masarap sa pakiramdam na malaman na may taong nag-aalala para sa 'yo kaya naman nagpapasalamat talaga siya na nakilala niya si Rina. Katulad ng kanyang ina, may bahagi ng pagkatao niya ang nalulungkot kapag naiiisip na maaaring iwanan din siya ng babae balang araw. Iyon ang ikinatatakot niya kaya kinokontrol na rin niya ang sarili at sinisikap na huwag masyadong ma-attached sa babae at baka matulad din iyon sa pagmamahal niya sa ina, subalit ang pagmamahal na ibinigay niya sa ina ay hindi man lang nasuklian sapagkat masyado na rin itong abala. Ano nga ba ang nararamdaman niya sa ina at ano rin ang nararamdaman niya para kay Rina?

"Rina..."

"Ano 'yon?"

"Iiwanan mo rin ba ako sa huli? Gagawin mo rin ba ang ginawa ng mga magulang ko para sa 'kin? Mawawalan ka rin ba ng panahon sa isang tulad ko?"

Malalim na huminga si Rina. "Hindi, Theo...hindi kasi gusto kitang makasama habangbuhay kung maaari nga lang."

Samantala, napanatag naman si Theo sa sagot ni Rina sa kanya. Kahit walang kasiguraduhan, aasa na lang siya na mananatili nga ito sa kanya. Napahinga rin siya nang malalim. Kahit siguro pilitin niyang ilayo ang loob sa babae ay hindi niya iyon makokontrol lalo pa't ito lamang ang kasa-kasama niya sa lahat ng oras.

Hindi na rin talaga maintindihan ni Theo ang sarili. Noong nakita niya sina Dr. Steve at Rina noong nakaraan pang linggo sa kusina, naramdaman niya ang paninikip sa kanyang dibdib at ang pagnanais na ilayo si Rina sa lalaki. Pakiramdam niya ay ilalayo ng doktor sa kanya si Rina at iyon ang ayaw niyang mangyari. Dahil mahal...mahalaga na rin si Rina sa kanya.

Natapos ang event nang maayos ang daloy at walang aberya. Iyon ang pinagpapasalamat ni Theo pati na rin ng mga tauhan nila. Walang problema sa technical at wala ring problema sa pagkain kaya nakahinga na silang lahat nang maluwag.

"Thank you for the wonderful service of your hotel," sabi ni Mr. Fuentes sa kanya. Hawak-hawak nito ang baso na may wine.

"Salamat din ho at nagustuhan ninyo."

"Of course. Sino'ng hindi matutuwa sa ganda ng preparation n'yo. Namangha na ako noong unang punta ko rito but lalo n'yo pa akong minangha."

"Thank you, we are so glad to hear that from the person behind the success of IVO brand."

"I will recommend your hotel sa iba pang mga kakilala kong business owner. Masyado talaga akong natuwa sa service ninyo."

Abot-langit ang sayang nararamdaman ni Theo sapagkat iyon na ang simula upang makabangon ang hotel nila. Worth it lahat ng pagod nila dahil naging maganda ang feedback sa hotel. Ngayon, masasabi na ni Theo sa sarili na malapit-lapit na siya sa tagumpay kung saan ay makakabangon ang hotel kasabay naman ng isipin na may maipagmamalaki na siya ama. Hindi lang sa ama kundi sa mga taong pinaparamdam sa kanya na wala siyang kwenta.

Natapos ang event ng alas sais ng gabi kaya dumiretso na agad sina Rina at Theo sa mansion. Mabuti na nga lang at naghanap si Cliff ng driver na maghahatid-sundo sa kanila papunta sa hotel at pabalik sa mansion. Kahit pa nga ay hindi pa niya binibigay ang tiwala sa driver na kinuha nito, pinagpapasalamat na rin niya iyon. Pero sinabi niya sa sarili na pag-aaralan niya na ang magmaneho ng kotse paunti-unti para hindi na siya aasa sa driver kundi sa kanyang sarili na lamang.

Hindi pa man nga sila tuluyang nakakalayo sa hotel ay nakita na ni Theo ang kalat na kalat na event ng IVO phone brand business sa social media. Hindi lang iyon, napangiti rin si Theo nang ma-feature ang hotel nila sa news kung saan nagpasalamat nang malaki si Mr. Fuentes sa hotel nila.

"Congrats, Theo," sabi ni Rina na kanina pa pala nakasilip sa tinitingnan ni Theo.

"Salamat. Mas dadami pa ang tatangkilik sa hotel dahil dito," tugon naman ng lalaki na mas lalo pang nilapit ang phone kay Rina upang mas makita nito ang nakasulat sa screen.

"Ang galing mo talaga, Theo. Magaling ka pala talagang mamahala."

"Takot lang sila sa akin," pagbibiro ni Theo.

"Takot ka riyan, baka ikaw ang takot sa kanila." Tumawa si Rina na ikinatawa rin ni Theo. Pareho na silang nagtatawanan sa likod ng kotse samantalang ang driver naman ay halos walang pakiaalam at nagpatuloy lang sa pagmamaneho.

"Hindi ako takot," tanggi ni Theo.

"We? 'Di nga? Totoo ba?" Sinundot-sundot ni Rina ang tagiliran ng lalaki na bahagya namang napapalayo dahil sa ginawa niya. Para silang bata na naghaharutan sa likod at walang pakiaalam kahit pa naririnig ng driver ang tawanan nila.

"Hindi ako takot," ulit muli ni Theo at hinatak naman sa kamay si Rina upang ilapit sa kanya. Pinamulaanan ng pisngi ang babae at nanlalaki ang mata na napatitig din sa mga mata niya.

"Theo, bakit?" utal na wika ni Rina na ikinangisi naman ng lalaki.

"O, bakit parang natatakot ka?" Halata ang pang-aasar sa mukha ni Theo na mas lalo pang inilapit si Rina sa kanyang katawan kaya hindi naman sinasadyang napahawak ang huli sa kanyang dibdib.

"Hindi, a," tanggi nito na nag-iwas pa ng tingin.

"Thank you, Rina," bulong ni Theo sa gilid ng tainga ng babae.

Nakaramdam naman nang kiliti si Rina dahil sa hiningang dumampi sa kanyang tainga. Ang bilis din ng pintig ng kanyang puso na halos magwala na dahil sa mapaglarong galawan ng lalaki. Hindi na siya makahinga at nag-iinit ang pakiramdam niya kaya naman agaran siyang lumayo kay Theo na binitiwan naman agad ang kanyang kamay.

"Wala naman akong ginawa. Sinamahan lang kita."

"Iyon nga ang pinagpapasalamat ko dahil lagi mo akong sinasamahan. Sabi ko nga, kung wala ka, hindi ko rin ito magagawa."

Nginitian ni Rina ang lalaki.

"Salamat din dahil hinayaan mo akong sumama sa 'yo...kung pwede nga lang na habangbuhay na kitang kasama. Iyong magiging tayong dalawa."