Chapter 8
NANLALATA SI OLCEA habang pinagmamasdan ang likod ni Oddyseus na papalayo sa kaniya. Agad naman siyang inalalayan ng kaniyang kaibigang si Adeva nang bigla na lamang siyang nanghina.
Hindi niya alam pero parang sinaksak ang kaniyang puso ng isang napakatalim na kutsilyo na siyang sumugat ng malalim sa kaniyang puso. Hindi narin niya namalayan ang pagtulo ng kaniyang mga luha sa kaniyang pisngi.
Agad naman siyang nilapitan ng kaniyang pinsan na si Adeva. Takang-taka ito habang nakatitig sa kaniya at pinapatahan siya sa pag-iyak.
"Oh? Bakit ka umiiyak diyan? Huwag mong sabihin na naaapektuhan ka sa sinabi ng kubang 'yon, este ni Oddy?"
Tinapunan niya ito ng masamang tingin nang marinig niya ang sinabi nitong Kuba. Ilang beses niya bang sabihin sa pinsan na Oddy ang itawag nito sa lalaki? Iyong hindi na panlalait ang lumalabas nito sa bibig.
"W–wala," wala sa mood niyang sagot rito habang pinipigalan na niyang hindi mapa-iyak.
"Oh, eh. Bakit ka nagkakaganyan? Wala ka sa mood? Ayos ka lang ba?"
Tumango siya saka nagsimula na siyang lumakad. Hindi na lamang niya iintindihin muna sa ngayon si Oddy, baka may pinagdadaanan lang ito kaya iyon ang nasabi nito kanina sa kaniya. Saka baka naman may nagbanta rito kung kaya't iniiwasan na naman siya.
Bigla na lamang sumagi sa kaniyang isipan ang kaniyang Ama.
"Si Ama na naman ang may pakana nito..."
Lumapit sa kaniya si Adeva saka takang-taka ito na tumanong sa kaniya. "Anong ibig mong sabihin insan?"
"Baka kinausap ni Ama si Oddy na layuan na ako, kaya nagkaganoon siya kanina," wala sa sarili niyng naisatinig.
Tuloy na tuloy siya sa kaniyang paglalakad patungo sa kabilang hallway habang nakasunod naman sa kaniya ang pinsang si Adeva habang tahimik.
Hindi niya napansin ang paglapit sa kaniya ni Connor habang may malaking ngisi sa mga labi. Agad siyang napairap sa hangin na wala sa oras.
Andito na naman ang lalaking mas masahol pa yata sa Mayor nila rito sa bayan. Akalain mong may kapangyarihan na wala naman.
Pormado na pormado ito at dinaig pa si Piolo Pascual sa ka-pormahan. Platado na platado ang buhok sa ulo na aakalain mong gumamit na ng mantika dahil sa kakintaban ng buhok.
Maging ang sapatos nitong kay tulis-tulis na sa ano mang oras manunundot ng puwetan. Puno ng mga mamahaling alahas na dinaig pa ang kayamanan ng kaniyang Lolo Abon.
Umiling siya saka nilapasan ito. Ngunit hindi pa siya nakakalayo'y agad itong nagsalita. "Sabi ko na sa'yo, Olcea. Hindi talaga mabait si Oddyseus. Pakitang tao lang ang lahat nang 'yon. Hindi ka na nasanay sa kaniya."
Sumilakbo ang inis sa kaniyang dibdib kung kaya't binalingan niya itong may nagbabagang mga mata. Nakita niya kung paano lumunok ng laway si Connor dahil sa takot.
"Sa susunod na marinig ko pa iyan galing sa matabas at marumi mong dila, hindi ako magdadalawang isip na saktan ka Connor. Don't mess up with a wrong person. Hindi mo alam kung paano ako magalit," banta niya rito na siya lang na ikinatawa ni Connor.
Namulsa ito saka siya nanunuyang tinitigan siya.
"I don't fucking care, Olcea. Ang gusto ko lang ay ang maging akin ka. At hindi ko hahayaang mapunta ka sa Oddyseus na iyon. Sayang ang kagandahan mo kung mapupunta ka lang sa isang kuba. Sa akin ka lang nababagay, sa akin lang. Naiintindihan mo ba iyon, ha?"
Hinawakan siya nito ng marahas sa kaniyang braso na siyang ikinagulat niya. Agad niyang binawi ang braso mula rito. Gigil na gigil niyang sinampal ito. Iyon ang dahilan kung bakit tumabingi ang panga nito at biglang namula ang pisngi.
Dinuro niya ito. "Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang hawakan akong walang paalam."
Nagtitimpi naman itong nanggigigil sa kaniya. Nagtatagis ang mga ngipin habang nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kaniya.
"Hindi ko na kailangan pang mamaalam sa 'yo, Olcea, dahil simula nang ipagkasundo tayo ng ating mga magulang. Akin ka na. Akin ka lang."
Itinulak niya ito dahilan upang mapalayo ito sa kaniya ng kaunti. "Kahit na kailan, hindi mo ako pag-aari, Connor. Hinding-hindi."
Bumaling siya kay Adeva saka hinigit na ito papaalis sa harapan ng mga barkada ni Connor at sa harapan nito.
Sayang lang ang oras niyang makipagtalo sa lalaking iyon. Kahit na kailan hindi niya ito magugustuhan. Ugali palang bagsak na at hindi na pasado para sa kaniya.