webnovel

Chapter 10

Chapter 10

"ODDY, ANAK. Ano ang nangyayari sa 'yo at ilang araw at gabi ka na lamang na naglulugmok diyan sa silid mo. May problema ka ba? Ikwento mo naman sa akin, baka matulungan kita, anak," pukaw sa kaniya ng Ina.

Nakalugmok nga siya ngayon sa kaniyang silid at nakatanaw lamang sa kawalan. Inaalala niya ang itsura ni Olcea noong isang araw nang iwan niya ito.

Puno ng pagtataka ang mukha nito at pagkalungkot. Gusto niya itong puntahan ngayon pero pinipigilan rin siya ng kaniyang kabilang isip. Kung gagawin niya iyon baka pagalitan na naman si Olcea ng ama nitong galit na galit sa kaniya.

Sa halip na sagutin ang Inang Victoria niya hindi niya ito sinagot. Nagtalukbong na lamang siya ng kumot.

"Hindi ho ulit ako papasok ngayon, Ina. Masama parin ho ang pakiramdam ko," pagsisinungaling niya rito.

Rinig niya ang malalim na paghinga nito. Ramdam niyang unti-unti itong lumakad patungo sa kaniyang kama. Ibinaba nito ang kumot na nakatalukbong sa kaniyang ulo at sinipat siya.

Salubong ang mga kilay nito at seryoso siyang tinitigan. Pamatay na tingin ang iginawad nito sa kaniya.

"Tumayo ka diyan, Oddy." Halata sa boses nito na hindi nagustuhan ang naging sagot niya rito kanina.

Wala na siyang nagawa pa kundi ang tumayo mula sa pagkakahiga. Hinarap niya ito at sinalubong ang mapang-usig na mga titig.

"Sabihin mo sa akin kung bakit ka nagkakaganyan."

Huminga siya ng malalim saka nanlulumong napaupo sa kaniyang kama. "Ina–"

"Huwag na huwag kang magsisinungaling sa akin, Oddy. Malalaman ko parin ang katotohanan," pagpuputol nito sa pagsisinungaling niya sana ulit.

Napakamot na lamang siya sa kuba niyang likod at napipilitang magsalita.

"Iniiwasan ko po kasi si Olcea," mabilis niyang tugon na hindi naman nakaligtas sa matalas na pandinig ng kaniyang Ina.

Umupo ito sa tabi niya at hinawakan ang kaniyang kamay na nakapatong sa kaniyang mga hita. "Anak, bakit kailangan mo siyang iwasan kung mahal mo siya?"

"Ina, mapapahamak lamang siya kung patuloy ang paglapit ko sa kaniya. Alam mo naman siguro na malaki ang galit sa akin ni Mang Agno, hindi ba?" Nawawalan sa sarili niyang sumbong rito.

"Aray!" daing niya na lamang bigla nang pingutin siya ng Ina sa kaniyang tainga. Matatalas na naman ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya.

"Ano?! Susuko ka na lamang ba ha, anak? Hindi ka namin pinalaki ng Ama mo na maging talunan! Lumaban ka! Lumaban ka para sa pag-ibig mo kay Olcea. Huwag mong sasayangin ang pagkakataong ipinagkakaloob na sa iyo, Oddy. Baka narin si Olcea na ang babaeng makakaalis sa`yo mula sa sumpa ng diwata."

Umiling-iling siya. "Kailan man, Ina. Hindi ko ginustong gamitin si Olcea para mawala ang sumpang 'to. Mas mabuti pa ang magdusa ako sa sumpang ito habang buhay, kesa pilitin ang babaeng minamahal ko na magkagusto sa akin, na hindi naman talaga niya ako gusto."

Nanlambot ang mga mata ng kaniyang Ina habang nakatitig sa kaniya. Ramdam niyang naawa ito para sa kaniya ngayon, pero ayaw niyang maramdaman iyon. Ayaw niyang kinaawaan siya. Kahit kaawa-awa naman talaga siya.

"Anak, kahit sa pagpasok mo na lamang ng paaralan. Ipakita mo sa lahat na hindi ka talunan, na malakas ka at handang harapin ang mga bagay na humahadlang sa `yo. Ipakita mo sa kanila ang isang Oddyseus na matapang at walang inuurungan, maaari ba, Anak?"

Tinapik siya nito sa balikat at dagli siyang niyakap. Hindi na niya napigilan pa ang luhang kanina pa nagbabadyang lumabas sa kaniyang mga mata.

"Kaya mo iyan, Oddy. Kaya mo ang lahat nang 'to. At alam namin iyon ng mga taong nagmamahal sa `yo."

Niyakap niya rin ito nang napakahigpit pabalik. 

"Salamat, Ina. Salamat sa paniniwala."

"ODDY! SANDALI LANG! Pwede ba kitang makausap?" Napatigil si Oddy nang  harangin siya bigla ni Olcea papasok ng kampus.

Mukhang kanina pa talaga siya nito hinihintay dahil nakaabang ito sa may gate banda. Kasama nito ang pinsan na si Adeva. Bigla na namang nanginig ang kaniyang buong katawan dahil sa kabang nararamdaman. Ibang-iba talaga ang nangyayari sa kaniya kapag si Olcea na ang nasa harapan niya. Iba talaga ang epekto nito sa kaniya.

Piling niya maiihi na siya't naaata't na tumakbo papalayo rito. Ito lang talaga ang nakakagawa no'n sa kaniya na walang kaalam-alam.

"A–ah, ano kasi, Olcea. N–nagmamadali ako  may hinahabol kasi akong test ngayon, p–pwede bang mamaya nalang?" tanggi niya.

Wala naman talaga silang test ngayon, iniiwasan niya talaga ito. Baka kung ano na naman ang itanong nito sa kaniya at hindi na niya makayanan pang sabihin rito ang totoo. Ang pagbabanta sa kaniya ni Connor.

"Alam kong nagsisinungaling ka, Oddy. Kilala na kita. Kapag ganyan ka kabalisa, may itinatago ka sa akin."

Mas lalo siyang pinagpawisan nang marinig niya ang sinabi nito. Masyado na bang halata na tensyunado siya?

"A–ano kasi—"

Hindi na niya natapos pa ang sasabihin nang bigla siya nitong hawakan sa kulubot niyang kamay at hinila papalabas ng gate.

"Adeva, pakisabi kay Prof. excuse muna ako ng ilang minuto, sabihin mo may kinausap lang ako!" baling nito sa pinsang si Adeva na naiwan lamang na tulala sa may gilid ng gate habang nakatanaw sa kanilang dalawa.

Maging siya ay natulala rin sa bilis ng pangyayari. Iyon na naman ang puso niyang parang sasabog na dahil sa paghawak ni Olcea sa kamay niya. Napangiti siya ng palihim.

Tumigil si Olcea sa hindi kalayuan sa kampus at hinarap siya. "Alam kong binantaan ka ni Connor, kaya hindi mo na kailangan magsinungaling pa sa akin, Oddy."

Ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata. Paano nito nalaman na pinagbantaan nga siya ni Connor? Ganoon na ba ka obvious ang lahat.

"Gusto ko, simula sa araw na ito. Huwag na huwag ka nang iiwas sa akin. Naiintindihan mo ba, Oddyseus? Dahil kung patuloy ka sa pag-iwas sa akin. Ako naman ang hahabol at hahabol sa 'yo, klaro?"

Hindi niya alam kung ano ang dapat na isagot rito. Hindi niya maintindihan pero parang nasa langit na yata siya. Bakit kinikilig siya? Bakit gusto niyang ngumiti ngayon na? Bakit ang saya-saya niya sa mga oras na ito, na ayaw na niyang matapos-tapos pa?

"Because from now on, Oddy. Ipaglalaban na kita sa mga taong ayaw sa 'yo. Patunayan nating mali sila ng iniisip tungkol sa `yo, maipapangako mo ba sa akin na sasamahan mo ako sa labang ito?"

Hindi na niya alam pa basta't tumango na lamang siya sa babaeng minamahal sa mga oras na iyon. Sobrang galak niya na ang isang Olcea, ay ipaglalaban siya mula sa mga taong nanlalait at nang-aapi sa kaniya.

Mas lalo yatang lumalalim pa ang pag-ibig at damdamin niyang nararamdaman para sa babaeng ito.

Ang babaeng malaki ang epekto sa kaniya. Ang babaeng kaya siyang pakiligin at pangitiin. Ang babaeng kaya siyang walain sa huwisyo at mapatulala na lamang sa kawalan. Ang babaeng kayang patibukin ang puso niya at paluksuhin. Ang babaeng nagngangalang, Olcea. Ang babaeng lahat-lahat para sa kaniya at mahal na mahal niya. Ang babaeng kahit na kailan imposibleng masuklian ang pag-ibig niya.