Alam ko halos lahat ng kabanata na ako nagpapasalamat sa inyo pero gusto ko ulit magpasalamat kaya:
Maraming salamat sa pagbabasa! Maraming salamat sa pagsuporta hanggang dulo! Sobrang saya ko dahil nagandahan kayo sa istoryang ito at may mga naka-appreciate ng mga gusto kong iparating gamit ang istoryang ito.
Bakit ko nga ba isinulat ang Way Back To You?
Unang-una, katulad ng sinabi ko sa unang mensahe ko sa inyo sa librong ito, gusto kong maging bahagi ng pagbabahagi ng mga impormasyon tungkol sa kasaysayan at kultura natin noon. Pero siguro napansin niyo na mas nagfocus ako sa pulitika nitong mga huling kabanata at ito ay dahil ang unang plano ko talaga ay baguhin ang kasaysayan sa librong ito.
Bakit ko nga ba naisip baguhin ang kasaysayan ng bayan natin sa librong ito?
Kung napanood niyo ang Heneral Luna at GOYO: Ang Batang Heneral, siguro maiintindihan niyo ako. Pagkatapos kong panoorin ang Goyo for the third time, napakaraming 'what if' ang pumasok sa utak ko.
What if hindi pinapatay si Heneral Luna? What if lumaban ang mga Pilipino at pinangunahan sila ni Aguinaldo na siyang presidente ng republika? What if hindi nabahag ang buntot ng presidente natin noong mga panahong iyon? What if hindi nasilaw sa salapi ang mga kasapi ng gabinete noon? Sobrang dami pang iba. Pero naisip ko rin, kahit naman siguro lumaban ang mga Pilipino, paano kung natalo tayo? Puwedeng may mas malala pang nangyari... pwede rin namang mas mabuti. Pero sino bang nakakaalam? Wala rin naman.
Kaya naisip kong gumawa ng historical fiction tungkol kay Aguinaldo, kung saan naging matapang siyang pinuno at nakipagtulungan kay Heneral Luna at kung saan magwawagi ang mga Pilipino. Pero habang iniisip ko ang plot, naisip ko rin na gusto kong ipakita sa mga magbabasa ng gagawin kong istorya na dapat marunong tayong lumaban kapag umaabuso na ang nasa kapangyarihan dahil ang tunay na kapangyarihan ay nasa mga mamamayan.
Kaya naisip ko naman, si Goyo nalang. Pero hindi pa ako nakakakalahati ay naisip ko, 'hopeless itong si Goyo.' Masyado siyang devoted kay Aguinaldo na kahit alam niyang mamamatay na siya sa pagsunod dito, sinunod niya pa rin. Isang bagay 'yun na pinakahinahangaan at kinaiinisan ko kay Goyo. Kaya nagdecide nalang ako na gumawa ng sarili kong mga tauhan na gigising sa mga taong katulad ni Goyo.
Kung mapapansin niyo, parang sobrang perpekto ni Niño, hindi ba? Ito ay dahil siya talaga ang original plan kong maging presidente. Medyo halata sa mga unang kabanata ang pagiging sobrang pagkamakabayan ni Niño dahil nga ginawa ko siya para maging bagong presidente ng republika, ang bayaning magdadala sa Pilipinas sa mas maganda't maayos na hinaharap.
Habang sinusulat ko ito (noong hindi ko pa napu-publish), narealize ko na hindi naman kailangan ng bansa natin ng perpektong pinuno. Kaya hinati-hati ko ang mga magagandang qualities ng perpektong tao sa tatlong itlog. At ginawa ko si Manuel. Isang mamamahayag. Isang alagad ng katotohanan.
Kukunin ko na rin 'tong pagkakataon na 'to para i-share sa inyo ang mga naisip kong ending bago ako napunta sa ending na sinulat ko.
Original plan, ayun nga, hindi sisipot si Niño sa kasal, pagbibintangan si Niño, ikakasal si Juliet kay Angelito at pupunta silang Espanya tapos babalik sila ni Caden sa present pagkatapos kausapin ni Caden si Angelito tungkol sa relo nito. Pagbalik ni Juliet at Caden na hawak na ang tatlong relo sa present, doon lang malalaman ni Juliet na naging pangulo si Niño at ibang-iba ang Pilipinas noong umalis siya sa pagbalik niya rito. Mas maunlad, mas maayos. At yung drama ay sa part na makikita ni Juliet yung letter ni Niño para sa kaniya pagkalipas ng ilang taon, kapag doktor na siya, katulad din ng nasa ending na 'to, sa may awarding at sa pagpunta nila sa dating bahay nila Niño dahil kay Marcus.
Tapos nung naisip ko ngang hindi na si Niño ang magiging presidente, naisip kong bagay kay Fernan ang pagiging pangulo. Naaalala ko sinabi ko pa nun sa utak ko na, 'Niño, hindi puwedeng lahat sayo. Sayo na nga ang puso ni Juliet pati ba naman yung puwesto?' pero agad ko ring naisip na wala naman sila sa competition. Sa bawat istorya, meron laging isang tao na gabay at sandigan ng bida. Doon ako nagdecide na si Fernan ang magiging gabay ni Niño at magiging rason nito na lumaban hanggang dulo, hanggang sa makamit nila ang tunay na kalayaan, hanggang sa sila'y magwagi.
Next original plan siyempre naisip ko si Guillermo ang papatay kay Fernan habang tinatakas nito si Juliet pero naisip ko na matagal nang ayaw ni Niño kay Estevan Guillermo kaya kung si Guillermo ang papatay kay Fernan, kay Guillermo lang ang galit ni Niño. Ginawa kong random na sundalo ang pumatay kay Fernan para magalit si Niño sa labanan, hindi sa iisang tao. Dahil ang labanan ang pumatay sa kaibigan niya, ang labanan na nag u-udyok sa kaniyang mga kababayan na magpatayan. Dahil sa galit sa labanan, mas nanaig ang pag-asam ni Niño sa pagkakaisa.
Nang alam ko nang mamamatay si Fernan, alam ko na ring si Manuel ang magiging pangulo kaya natawa ako nung may magcomment sa isang chapter na siya raw ba si Manuel Quezon kasi nga katulad ni Manuel Quezon, magiging presidente rin si Manuel Fernandez sa story ko. Coincidence talaga 'yan, random kong inisip ang mga pangalan nila habang nagsi-scroll sa list ng mga baby boy names sa google 😂 At katulad nga ng sinabi ko 'di ba, original plan ay si Niño ang magiging presidente.
Sa mga magtatanong bakit si Manuel, inisip ko rin 'yan nang maigi dati. Nung ginawa ko ang character ni Manuel, ginawa ko siyang mamamahayag at siguradung-sigurado ako roon. Nung panahon na nagsisimula palang ako, alam kong may mahalaga siyang gagampanan except sa pagsusulat ng istorya nila Juliet at Niño sa isang nobela kaya nung nagdecide na nga akong mamamatay si Fernan, alam ko nang si Manuel ang magiging pangulo.
Kung iisipin niyo, si Manuel ay younger version lang ni Fernan. Si Fernan ang role model niya at siguro kung mapapansin niyo sa chapter XCII, binanggit ko na mga qualities niya na senyales ng pagiging isang mahusay na pinuno. Sige, hanapin niyo ulit HAHAHA!
Hinubog ni Fernan si Niño maging bagong pangulo at hinubog naman ni Niño si Manuel para sa puwesto dahil siya ang tingin niyang karapat-dapat.
Anyway, nag-enjoy akong isulat ito kaya sana kayo rin ay nag-enjoy magbasa. Sa totoo lang, kinakabahan akong ipublish 'tong mga huling chapters dahil feeling ko sobrang taas ng expectations niyo kaya pumasok pa sa isip kong palitan pero naisip ko rin na ito ang sa tingin kong dapat na ending ng librong ito at mas mainam na ipaunawa sa inyo na hindi lahat ng labanan ay napapanalo nang lahat ay masaya. Winning itself is not a reason for everyone to be happy, you have to be aware that every war takes countless lives.
Hindi niyo rin tunay na mararamdaman ang 'loss' hangga't walang buhay ng pinapahalagahan niyo ang nawala. Namatay si Fernan katulad ng daan-daang mga sundalong lumaban para sa kalayaan. Pero siyempre, kahit sa totoong buhay, kadalasan yung sikat o kilala lang yung may pakialam tayo dahil oo nga naman, hindi naman natin kilala yung iba kaya salamat nalang sa kanila.
Namatay si Fernan para rin ipakita na namatay siya kasama ang kaniyang mga kasamahang sundalo't kapwa Pilipino at lahat ng buhay nila'y pantay-pantay, lahat ay mahalaga, dahil lumaban sila para sa iisang hangarin—ang makamit ang kalayaan.
(Yung flashback sa epilogue, dapat bago yung kasal talaga ko 'yun ipu-publish kaya lang ayaw ko kayo i-spoil sa death ni Fernan hehe)
Isa pa pala, pansin kong ang underrated ni Andong kaya siguro mali ako dahil onti yata ang exposure niya. Si Andong yung friend na underrated sa tropa huhu baka nakakalimutan niyong tatlong itlog sila, hindi lang naman dalawa :( So share nalang ako ng onti tungkol kay Andong. Katulad ng sinabi ni Juliet, kung si Niño ang puso at si Fernan ang utak, si Andong ang mga mata na nakakakita ng kagandahan sa lahat ng bagay. Huwag niyong kakalimutan na nagfocus siya sa pangangalaga sa kalikasan pagkatapos ng rebolusyon huhu.
Gusto ko rin pala bigyan ng emphasis yung pagbanggit ko kanila Niño, Goyo, at Manuel Tinio na silang mga namuno sa rebolusyon laban sa mga Amerikano sa istoryang ito. Sila ang mga batang heneral na lumaban upang makamit ng bayan ang kalayaan. Bakit nga ba ang mga batang heneral ang binigyan ko ng 'spotlight' dito? Ito ay dahil pagkatapos ng lahat ay naniniwala pa rin ako na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, katulad ng sinabi ni Dr. Jose Rizal.
Sana'y kahit sa maliit na paraan ay tularan natin ang pagmamahal ng mga batang bayani na handang ibuwis ang kanilang buhay para sa kalayaan ng bayan sa istoryang ito at maging sa totoong buhay.
Sana may natutunan kayo sa istoryang ito dahil sa totoo lang, hindi ko na maisa-isa pa ang mga gusto ko sanang matutunan niyo sa istoryang. Ilan sa mga gusto kong sana'y natutunan niyo sa istoryang ito ay ang pagiging makabayan, pagkakaroon ng paninindigan, pangangalaga sa kalikasan, hindi pagiging padalus-dalos sa pagdedesisyon, pagpapatuloy sa laban ng buhay sa kabila ng lahat ng sakit, kalungkutan, at kadiliman, pagpuna sa pang-aabuso ng nasa kapangyarihan at paglaban dito kung kinakailangan, pagtatanggol sa mahihina at mahihirap kahit pa hindi ka direktang naaapektuhan ng pang-aabuso sa kanila, hindi pagsuko sa pangarap, at pagsabi at pagpaparamdam sa mga taong mahal niyo na mahal niyo sila hangga't may oras pa. Nawa'y natuto tayo sa ating kasaysayan at sa mga nangyari sa librong ito at sana'y tumatak ito hindi lang sa inyong isip kundi pati sa inyong mga puso.
Muli, ito ang inyong may-akdang si Eros na nag-iiwan ng kasabihang, ang hindi marunong tumingin sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan sapagkat dapat tayong matuto sa ating mga pagkakamali sa nakaraan at itama ang mga ito sa kasalukuyan upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Maraming salamat sa pagsama sa paglalakbay ni Juliet sa nakaraan!
Maging makaDiyos, makakalikasan, makatao, at makabansa.
I love y'all 3000 💙
- Eros