webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · Lịch sử
Không đủ số lượng người đọc
98 Chs

LXXXVIII

Nang makarating na si Juliet kay Angelito na naghintay sa kaniya sa may altar, nakahinga na nang maluwag ang lahat, lalo na ang mag-asawang Cordova at si Pablo Custodio. Tuloy na ang kasal. Wala nang aatras.

Lahat ay masayang nakatingin sa dalaga at binatang nasa altar. Pag-iisang dibdib ito na pangalawang beses na nilang pinuntahan ngayon at salamat sa Diyos ay tuloy na ito sa pagkakataong ito.

"Kapag namatay si Angelito ngayon, sa tingin mo, kanino naman susunod na ikakasal si Binibining Juliet?" Ngingisi-ngising tanong ni Estevan kay Fernan. Huminga nang malalim si Fernan bago humarap kay Estevan dahil nagpanting ang tainga niya sa narinig mula sa heneral.

"Isang dalaga si Binibining Juliet, Guillermo at ang mga kababaihan ay iginagalang, binibigyan ng respeto. Hindi pinag-iisapan ng kung anong masama at mas lalong hindi hinuhulaan kung kanino susunod na mapupunta dahil hindi sila laruan na pinagpapasa-pasahan pagkatapos kang paligayahin minsan." Sagot ni Fernan.

"At huwag kang mag-alala, Guillermo. Kahit pa sunud-sunod na mamatay lahat ng binata rito sa San Sebastian, hinding-hindi siya mapupunta sa iyo. Kahit kailan." Habol niya pa bago lumipat ng upuan.

Bakit ba ako pumayag tumabi sa tarantadong iyon.

Habang pinapanood ng mga bisita ang mga unang seremonya ng kasal, pasimpleng lumingon si Fernan sa likod at tumingin sa isa sa mga sundalo. Umiling-iling ito sa kaniya kaya napabuntong-hininga nalang siya at humarap na ulit sa altar.

Sa kabilang banda ay sumenyas si Estevan sa isang kasamahan. Pasimple namang tumango ang sinenyasan niya atsaka tumingala. Napansin ito ni Fernan kaya naman tumingin siya sa tinignan ng sundalo at nakitang may lalaki sa itaas. May hawak itong baril na nakatutok kay Angelito Custodio.

Sandaling natigilan si Fernan. Nag-isip siya ng maaaring gawin ngunit wala nang oras kaya kinuha niya ang baril niya, kinasa ito atsaka tumayo na naka-agaw ng atensyon ng lahat at pinutok niya ito sa lalaking nasa itaas kaya napatayo ang lahat sa gulat at takot.

Kani-kaniya ng kuha ng baril ang mga sundalo at dito na nakita ang tunay na hatian nila. Ang mga totoong sundalo ni Aguinaldo at ang mga nagpanggap lamang, ang mga kakampi ni Kapitan Hernando.

Nagulat si Estevan nang makita ang ilang mga sundalong bumaril sa mga kasamahan niya. Hindi niya inaasahan lahat ng ito. Plinano niya nang mabuti ang lahat, ang pagpunta sa kasal at malinis na pagpatay kay Angelito Custodio. Ang alam niya'y kakampi niya lahat ng sundalo rito, na tanging si Fernan lang ang hindi nakakaalam sa plano niya. Tama naman siya, si Fernan lang ang hindi nakakaalam sa plano niya at si Eduardo Gomez na laging kasa-kasama ng koronel ngunit mali siya sa pag-aakalang lahat ng kasama niya'y tunay niyang kakampi.

"Bumalik lang sa iyo ang ginawa niyo kay Niño." Wika ni Fernan.

Tumawa si Guillermo. "Ganiyan ba kalala ang paghahangad mo ng hustisya para sa kaibigan mong naging abo?"

"Wala pa ba sila?" Tanong ni Fernan kay Eduardo at saktong may pumasok na mga armadong sundalo sa loob ng simbahan.

Pwersa ito nila Juan Hernando Hernandez.

Agad na lumapit ang mga bagong dating na sundalo sa mga sibilyan upang ilayo na sila sa gulo. Habang lumalabas ang mga bisita'y sunud-sunod na pumapasok ang mga sundalo.

Nang pumasok ang isang sundalong nakaputing uniporme ay napahinto ang lahat. Nabara ang daloy ng mga lumalabas na sibilyan dahil lahat sila'y napahinto sa paglalakad nang makita ang kakapasok lang na sundalo.

"Wala akong kaibigang naging abo, Guillermo."

Sa pagkakataong ito'y si Fernan ang ngumisi nang makita ang gulat na ekspresyon sa mukha ng heneral dahil sa nakita.

Si Niño Enriquez.

Ang sundalong nanguna sa pagpapatalsik sa mapang-abusong pamamahala ni Aguinaldo. Ang sundalong nakapagkumbinsi sa mga manggagawa na lumaban para sa kanilang mga kapwa Pilipino, para sa Pilipinas. Ang sundalong kumuha sa puso ng masa dahil sa kaniyang tunay na malasakit sa mga kababayan at Inang bayan.

Napayuko ang lahat nang may magpaulan ng bala mula sa labas ng simbahan. Muling nagkagulo ang mga tao kaya naman agad silang prinotektahan ng mga kasamahan nila Niño at iba pang sundalo papasok ulit ng simbahan habang pinagbabaril ng mga sundalong kasama ni Fernan ang mga kasamahan ni Guillermo kasama na rin ang heneral.

Nang makapasok na ang iba pang mga sundalo ni Aguinaldo na mula sa labas ay nagpaulan na naman sila ng bala sa loob ng simbahan. Ito ang mga sundalong hindi pumayag na sumuko kahit pa hawak na ng pwersa ni Heneral Enriquez ang kanilang Señor Presidente.

Sobrang gulo ng lahat. Hindi magkamayaw ang lahat sa takot at kagustuhang maligtas.

Agad na napalingon si Fernan upang hanapin si Juliet. Hindi niya ito nakita nang ipasok nila Niño at iba pang mga sundalo ang mga sibilyan kaya naman agad siyang maingat na tumakbo papunta sa altar sa kabila ng putukan ng mga baril. Nakita niya ang dalagang nakapikit ang mga mata, nakatakip sa tainga habang nagdadasal kaya naman agad niya itong niyakap.

Nagulat ang dalaga ngunit nang makita si Fernan ay kahit papaano'y kumalma siya. Alam niyang hindi siya papabayaan ni Fernan. Nagtitiwala siya kay Fernan. Kapag si Fernan ang kaniyang kasama'y pakiramdam niya walang maaaring manakit sa kaniya sapagkat hindi ito hahayaan ng binata.

"Magiging maayos na rin ang lahat, binibini. Kumapit ka lang." Wika ni Fernan kay Juliet, sinisiguro sa dalaga na makakaalis siya rito nang ligtas.

"Sumama ka sa akin." Sabi ni Fernan at akmang itatayo si Juliet ngunit hinila siya nito pabalik.

"S-Saan?"

"Dadalhin kita kay Niño."

¤¤¤

Habang naglalakad ay natanaw na ni Fernan ang barong-barong kung nasaan si Niño at iba pang mga kasamahan. Malayu-layo pa ngunit nais na niyang ipakita sa dalaga ang barong-barong kaya naman tinawag niya ang dalaga.

"Doon—" Ituturo na sana ni Fernan kay Juliet ang barong-barong nang makarinig sila ng sunud-sunod na palitan ng putok ng baril. Agad na ibinaba ni Fernan si Juliet at yumuko sila pareho.

"Dito ka lang." Mabilis na sabi ni Fernan at naglakad palapit habang nakayuko nang mabuti. Tinanaw niya ang barong-barong at nakita ang ilang mga sundalo nila at ilang sundalo ni Aguinaldo. Agad na bumalik si Fernan kay Juliet at isinakay ito sa kabayo.

"T-Teka, anong nangyayari?" Bulong ni Juliet.

"Yumuko ka lang at huwag na huwag kang hihinto. Alam niya kung saan ka niya dadalhin." Sagot ni Fernan at hinampas ang kabayo at tumakbo na ito.

Maingat na naglakad si Fernan papunta sa barong-barong habang hawak-hawak ang sariling baril. Pagkarating niya rito ay wala nang nagbabarilan at tanging mga walang buhay na sundalo nalang ang nasa lapag. Nang makita sila Eduardo, Niño, at Andong ay tinabi na niya muli ang baril.

"Ano'ng nangyari?" Tanong ni Fernan at napatingin muli sa mga bangkay sa lapag. Humakbang naman pa-abante ang isang sundalo na patuloy na nagpapanggap na sundalo ni Heneral Aguinaldo atsaka nagkuwento.

"Nakita ng dalawang sundalong ito ang kuta natin." Turo niya sa dalawang sundalo sa lapag. "At balak iulat sa mga nakatataas kaya naman umaksyon agad kami ni Abalos at sinabing may mga nagpapanggap kaming kakampi rito. Bago lumusob ay nagtawag siya ng ilan pang mga kasamahan kaya naman pagkarating dito ay nagpaputok agad kami upang senyasan ang ating mga kasamahan at doon na nagsimula ang putukan."

Napatingin muli si Fernan sa mga bangkay. Nakatingin sa kaniya ang lahat, hinihintay ang reaksyon o sagot man lang niya sa kwinento ng kasamahan. Ilang segundo siyang napatulala lang sa mga bangkay atsaka gumalaw muli. Lumapit siya kay Niño at kinuha ang gintong alpiler na nakalagay sa may kwelyo nito atsaka naglakad sa mga bangkay na tila ba may hinahanap.

Napahinto siya sa bangkay ng isang matangkad at may katamtamang pangangatawan na sundalo at tinusok sa kwelyo ng uniporme nito ang kinuha kay Niño.

"Sunugin ang mga ito. Sunugin ang barong-barong. Sunugin lahat." Utos ni Fernan na nakapagtaka sa kaniyang mga kasamahan maski na kay Niño at Andong. Bakit ganito umasta ang kanilang koronel? Bakit naaatim na ng sikmura nito ang pagpatay sa sariling kakampi?

"Sasama ako kay Niño kasama ang iba. Andong, kasama sila Abalos, kumuha pa kayo ng ilan sa ating mga kasamahan. Magpanggap kayong tapat kay Aguinaldo at sabihin niyong sinugod niyo ang kuta na pinagtataguan ni Niño kasama ang iba pang traydor. Sabihin niyong sinunog niyo ang barong-barong habang nasa loob ang lahat kaya naglabasan at tumakas na kami nang mabaril si Niño sa ulo." Wika ni Fernan.

"Ngunit, Koronel... walang tama sa ul—" Hindi na natapos ng sundalo ang sasabihin niya nang walang pasabing barilin ni Fernan ang ulo ng bangkay na nilagyan niya ng gintong alpiler ni Niño nang hindi man lang tumitingin.

"Ano pa? May butas pa ba sa ating imbentong kuwento?" Tanong ni Fernan habang sinusunog ng ilan sa kanilang mga kasamahan ang barong-barong. Napatitig nalang ang lahat kay Fernan. Tunay na nakakatakot nga maging kalaban ang mga matatalinong tao katulad ng koronel, ibang klase itong mag-isip at kakila-kilabot ang maaaring kahinatnan mo kapag hindi mo natansya ang kilos nito.

"Ako na ang sasama kay Niño, Fernan." Sagot ni Andong.

"Mas mainam kung ikaw ang mananatili sa panig ng Señor Presidente. Hindi ka nila matitinag hangga't nakatayo ang hacienda Fernandez kaya hindi ka nila mapapatalsik sa iyong puwesto kahit anong paninira ang gawin nila. Para rin hindi masira ang ating plano." Suhestiyon ni Andong.

"May punto ka. Kung gayon ay ako ang kasama niyo, Abalos. Ako na ang bahalang mag-ulat nito sa nakatataas. Kay Guillermo ko ito unang sasabihin. Mabilis mabilog ang utak ng nilalang na iyon lalo na kapag ang dating sa kaniya'y siya ang nagwagi, wala na siyang pakialam sa ibang detalye. Palibhasa'y mapurol ang utak. Kapag naniwala na siya'y malamang maniniwala na rin ang iba kaya pagbutihin nating paniwalain ang lalaking iyon." Sabi ni Fernan at tumango naman ang mga kasamahan.

"Ikaw na ang bahala sa kanila, Heneral." Wika ni Fernan kay Niño.

"Huwag kang mag-alala, Fernan. Pabababain natin si Aguinaldo, matatapos na rin ang pang-aabuso niya sa kaniyang kapangyarihan. Lalaban tayo para sa ating bayan... at tayo'y magwawagi." Paniniguro ni Niño kay Fernan habang nakahawak sa balikat nito atsaka tuluyang nagpaalam.

Baka nalito kayo, yung pangalawang part sa chapter na 'to ay yung nangyari/continuation pagkatapos nung pinabalik ni Fernan si Juliet sa kabayo niya sa hacienda Fernandez pagkatapos tumakas ni Juliet sa unang kasal nila ni Angelito sa chapter LXXVIII.

Maraming salamat sa pagbabasa!

- E

PlayfulEroscreators' thoughts