Nakaputing uniporme si Nino. Nakayuko siya kasama ang mga kasamahang sundalong naka-asul na uniporme habang hawak-hawak ang mga mahahaba nilang baril at riple at kani-kaniya ng mga pagputok ng baril, samut-saring putok ng mga baril ang umaalingawngaw sa paligid.
Maya-maya pa'y umalingawngaw ang napakalakas na putok at humandusay si Niño sa lapag, mabilis na umaagos ang dugo mula tama niya dahilan para magmistulang pula ang puti niyang uniporme.
"Tinamaan si Niño!" Sigaw ng isang sundalo sa mga kasamahan niyang nakadapa nang makita ang pagbagsak sa lapag ng heneral. Nang marinig ito ni Fernan na nasa 'di kalayuan ay agad siyang gumapang papunta sa kinaroroonan ni Niño.
"Niño!" Tawag niya sa kaibigan nang makalapit siya rito. Hinawakan niya sa balikat ang binata atsaka tumingin sa tama nito.
"H-Huwag kang gagalaw. Aatras na tayo." Natatarantang wika ni Fernan at sisigaw na sana sa mga kasamahan na aatras na sila nang hilahin siya ni Niño. May kinuha ang heneral sa bulsa ng kaniyang uniporme at nilagay 'yon sa dibdib ng kaibigan.
"S-Sabihihin mo... patawad... hindi a-ako nakarating."
Napatingin si Fernan sa dibdib niya kung nasaan nakalagay ang kamay ni Niño na puno ng sarili nitong dugo, may hawak na sobre at gintong relo.
Kinuha niya mula sa kamay ng kaibigan ang sobre at relo at agad na nakita ang nakasulat na 'Juliet' rito. Ipinasok niya ito sa bulsa ng puti niyang uniporme na may bakas na ng dugo ni Niño ngayon.
"Niño!" Tawag ni Andong sa kaibigan nang makarating siya rito.
"Umatras na tayo, iligtas natin si Niño." Sabi ni Fernan at pinagtulungan nga nilang buhatin si Niño habang nakasuporta ang ilan pang mga sundalo sa kanila.
"Tawagin niyo na agad ang manggagamot!" Sigaw pa ni Fernan.
"W-Wala pong manggagamot, Koronel. Dinala nila Heneral Mascardo pagkaalis nila." Sagot ng isang sundalo.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Fernan sa narinig.
Tama nga kaya siya? Tama nga kaya siyang plinano ito ng mga sakim sa kapangyarihan na nais magpatumba kay Niño?
"Ano?!" Galit na tanong ni Andong habang patuloy pa rin sila sa pagbuhat kay Niño.
"Bakit nila dinala ang manggagamot?! Tayo ang nangangailangan no'n! Tayo ang nasa labanan!" Galit na galit na sabi ni Andong. Hindi na sumagot ang sundalo dahil napagtanto rin niyang katangahan nga ang ginawa ng naunang heneral na nandito.
Dinala nila si Niño sa loob ng isang barong-barong at agad na naghanap ng manggagamot ang ibang mga kasamahan nila.
"J-Juliet..." Sambit ni Niño habang nakatingin nang diretso kay Fernan. Lumalabas mula sa bibig nito ang sariling dugo.
Hindi niya maipaliwanag ang sakit na nadarama at hindi niya alam kung alin ang mas masakit. Ang tama niya o ang katotohanang maaaring hindi na niya muling makita pa ang dalagang kaniyang pinakamamahal.
Sa puntong ito'y nawawalan na ng pag-asa si Niño na muling makita ang kaniyang mga mahal sa buhay sa huling pagkakataon. Gayumpayan, masaya siyang nasa tabi niya ang kaniyang matatalik na kaibigang sina Fernan at Andong sa kaniyang mga huling sandali kaya't malugod na niyang tinanggap ang kamatayan. Hinayaan niyang umagos ang kaniyang luha mula sa kaniyang mga mata na siyang agad na nakita ni Fernan kaya't mas humigpit ang hawak nito sa kaniya.
"Oo, i-aabot ko a-agad 'to sa kaniya. Huwag k-kang mag-alala, Niño. Makakarating ito sa kaniya..." Sagot ni Fernan pagkalapag nila kay Niño sa papag.
Nanginginig ang buong katawan ni Fernan. Alam niyang gusto na agad ni Niño na makarating ang ipinapabigay nito kay Juliet pero ayaw niyang iwan si Niño, hindi sa ganitong sitwasyon at kalagayan. Tumingin si Andong kay Fernan pagkalapag nila kay Niño kaya napalingon din ito sa kaniya.
"I-Ibigay mo na..." Saad ni Andong na unti-unting nababasag ang boses dahil sa kalungkutang nadarama. Naluluha na ang kaniyang mga mata, sobrang bigat ng dibdib niya. Alam niyang maaaring ito na ang huling hantungan ng kanilang kaibigan, maaaring tama si Fernan. Plinano ito ng kanilang sariling mga kakampi at wala silang nagawa upang pigilan ito.
"Iyon ang nais ni Niño, Fernan... ibigay mo na." Sambit pa ni Andong.
"O sige. H-Hintayin mo ang manggagamot, Niño. Huwag kang bibitaw. Parating na 'yon." Sabi pa ni Fernan at nagmamadali nang naglakad paalis.
Alam nilang lahat na matatagalan pa ang manggamot at maaari pa ngang walang mahanap o walang pumayag dahil marami ang may ayaw sa mga sundalo dahil sa pang-aabuso ng ilan sa mga ito.
"Hinihintay ka ni Juliet, Niño." Sabi pa ni Fernan bago tuluyang lumabas.
Kumurba naman agad ang maputla at puno na ng dugong labi ni Niño nang marinig ang sinabi ni Fernan at ang ngiting iyon ang nagbigay ng lakas ng loob kay Fernan upang maniwalang malalagpasan nila lahat ng ito. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa pinakamalapit na kabayo at agad na sumakay rito at pinakaripas ito ng takbo.
Hindi pa nakakalayo ay may nakasalubong siyang pamilyar na karwahe ngunit masyado na siyang nagmamadali upang isipin pa kung kaninong karwahe 'yon kaya nagpatuloy na siya sa pagpapatakbo nang mabilis sa kabayo.
¤¤¤
Juliet
Nagmamadali akong bumaba nang makita na ang karwaheng dinala ni Paeng. Sumunod naman sa akin si Caden at hinintay ko sa pinto ng bahay si Paeng kasama sina Ama at Ina.
"Pumayag ba siya, Paeng?" Agad na tanong ko nang makalapit siya sa amin.
Napakamot siya sa ulo niya. "Hindi po eh."
"Ha? Bakit naman hindi? Anong sinabi niya??" Tanong ko.
"Hayaan mo na, Juliet. Dapat lang naman talagang puti ang isuot sa araw ng iyong kasal. Kagaya mo, nakaputi ka ngayon." Sabi ni Ama.
"Atsaka... may mas malaki pong problema." Nakangiwing sabi ni Paeng kaya napatingin kaming lahat sa kaniya.
"What is it?" Tanong ni Ina.
Sabay-sabay kaming napatingin sa karwaheng parating at nakitang karwahe 'yon ng mga Enriquez. Nang makababa sila sa karwahe ay sinalubong namin sila.
"Malaking problema." Bungad ni Don Luis na mukhang stress na stress.
Biglang bumigat ang puso ko. Hindi nila kasama si Niño. Posible kayang... may nangyaring masama sa kaniya?
"Ano 'yon?" Tanong ni Ama.
"Ipinatawag si Niño. Ipinadala siya sa labanan sa may timog." Sagot ni Don Luis.
"Ano?! Sa mismong araw ng kasal niya?" Gulat na sabi ni Ama.
Pakiramdam ko nanlambot bigla ang mga tuhod ko sa narinig ko. Pinatawag si Niño... isasabak siya sa gyera... ito na ba 'yun? Ito na ba 'yung nakita ko?
"Iyon nga rin ang sinabi ko. Ngayon ang araw ng kasal niya, mga walang pakundangan." Sagot ni Doña Isabela.
"Paano ang kasal?" Tanong ni Ama.
"Inaasikaso ngayon ni Ernesto ang simbahan. Hindi muna matutuloy ang kasal." Sagot ni Don Luis at nagtinginan silang lahat sa akin.
Ang uncomfortable. Ayoko ng ganitong feeling. Pakiramdam ko pinagsakluban ako ng langit at lupa at anytime, bibigay na ako.
Dali-dali akong pumasok sa loob at umakyat sa kwarto ko. Tinanggal ko ang suot kong gown at nagpalit ng puting bestida atsaka tumakbo papunta sa puno ng chico na tagpuan namin ni Niño.
Ayaw ko muna makausap ang ibang tao. Sobrang gulo ng nararamdaman ko. Natatakot ako na nalulungkot at may parte sa akin na parang naapakan ang pride ko dahil hindi ako sinipot ng groom ko sa mismong kasal namin at hindi lang 'yun, maaari pang hindi na siya bumalik...
Ghad! Sino ba kasing nagpasimuno ng kasal na 'to? Kung walang ganito edi sana hindi ako nakakaramdam ng ganito ngayon!
Napatingala nalang ako nang maramdaman ko ang nagbabadyang pagpatak ng mga luha ko. Huwag kang tutulo, malakas tayo.
Pero as usual, binigo ako nito.
Tuluy-tuloy na umagos ang luha mula sa mga mata ko. Wala na akong lakas para punasan pa sila kaya humiga nalang ako sa damuhan. Sobrang gulo ng nararamdaman ko. Galit, inis, sakit, panlulumo, at takot. Binabalot ng halu-halong emosyon ang buong pagkatao ko ngayon pero nangingibabaw sa akin ang takot.
Paano kung hindi na nga bumalik si Niño? Paano kung... kagabi na ang huling pagkakataon ko na makasama siya at nasaktan ko pa siya? Paano ko nalang babawiin lahat ng sinabi ko? Paano ko nalang masasabi ang tunay kong nararamdaman? Paano ko pa masasabing mahal ko siya?
Marahan kong pinikit ang mga mata ko at pilit na pinakalma ang sarili ko.
Sana... sana maging maayos na ang lahat.