Juliet
"Andiyan lang siya sa tabi-tabi, binibini. Mauna na ako!" biglang sabi ni Manuel at tumakbo na palayo pagkatapos niya akong dalhin dito sa madilim at magubat na lugar.
"Teka, Manuel!" Habol ko pa sana sa kaniya pero mabilis siyang tumakbo kaya hinayaan ko na.
Napatingin-tingin ako sa paligid at agad na kinilabutan nang pumasok sa isip ko na... 'di kaya balak akong ipakain ni Manuel sa aswang?!
Hindi ako naniniwala sa mga ganun pero ngayong nasa gitna ako ng madilim at masukal na gubat? Kahit sino naman siguro'y mapapa-isip na baka may kung anong nakakatakot dito huhu.
Unti-unting nawala ang takot ko nang unti-unting magliwanag ang paligid dahil sa mga alitaptap pero 'yung comfort na 'yun ay napalitan ulit ng kaba nang maisip ko na kung hindi aswang... paano kung sa engkanto naman ako inalay ni Manuel?!
Halos atakihin ako sa puso nang makaaninag ng korte ng tao na palapit sa akin. Medyo malayo pa siya at madilim ang paligid, tanging ilaw lang ng mga alitaptap ang nagbibigay liwanag.
SHEEEMAY!!! MAMAMATAY NA BA AKO?!
Tatakbo na sana ako palayo nang marinig ko ang pamilyar na boses na galing sa nakita ko.
"Binibining Juliet!" tawag niya kaya napalingon agad ako.
Unti-unti, mas naaaninag ko na siya at mas lumilinaw na sa akin ang itsura niya.
"Heneral Enriquez..." nasabi ko nang tuluyan na siyang makalapit sa akin at maliwang na sa akin na siya nga 'yon.
Napangiti siya at naramdaman ko na naman ang pagwawala ng puso ko. Ghad, heart! Stop it!
"Sinabi ko naman sa'yong tawagin mo nalang akong Niño." sabi niya na hindi pa rin inaalis ang ngiti sa labi.
"N-Niño..." mahinang sabi ko at nakitang mas lumawak ang mga ngiti sa labi niya.
Dahil nakatingala ako sa kaniya, natanaw ko ang malaking puno ng mangga sa likod niya na may iilang bunga.
"Ah... oo nga pala, pasensiya na binibini kung pinaghintay kita pero kailangan na nating umali—"
"May mangga." nasabi ko nang wala sa sarili kaya natigilan siya sa sinasabi niya.
OMG. May sinasabi siya at hindi man lang ako nakapag pay attention, ghad! Ano 'yung sinabi niya?
Pagbalik ko ng tingin ko kay Heneral Enriquez para tanungin kung ano ang sinabi niya, natanaw ko ulit 'yung mangga na nakasabit sa tangkay ng puno. Naramdaman ko 'yung pagkulo ng tiyan ko at 'yung demonyo sa tiyan kong nagsasabing kailangan kong kainin 'yun kundi mamamatay ako. Patay gutom talaga.
Pero... paano ko makukuha 'yun?
Napatingin-tingin ako sa paligid at nakakita ng mahabang sanga ng puno sa lapag kaya kinuha ko 'yun.
"B-Binibini... ano'ng binabalak mo?" narinig kong tanong ni Niño kaya humarap ako sa kaniya.
"Gusto mo rin ba ng mangga?" tanong ko kaya napalingon naman siya sa likod niya kung nasaan ang puno ng mangga.
Kinapa ko ang saya ko para kunin ang panyo na inipit ko para hindi na naman mawala pero dahil wala akong makapa, mukhang nawala ko na naman. Tsk.
"May panyo ka ba?" tanong ko kay Niño at kinuha naman niya ang panyo sa bulsa niya at inabot sa akin kaya tinali ko na 'yung panyo niya sa sangang hawak ko para maging panungkit.
Lumapit ako sa puno at sinubukang sungkitin 'yung pinakamababang bunga pero hindi ko abot huhu. Ang hirap naman maging maliit.
Napalingon ako kay Niño kaya napalingon din siya sa akin.
"Pwede mo bang sungkitin para sa akin?" tanong ko.
"Masiyado 'yang mataas kaya kahit ako, hindi 'yan masusungkit." sagot niya kaya napabalik ang tingin ko sa kabuoan ng puno at narealize na mataas nga siya.
"Amin na," Nagulat ako nang kunin sa akin ni Niño ang panungkit atsaka naghubad ng sapatos.
"A-Anong gagawin mo?" tanong ko.
"Manunungkit ng mangga, ano pa ba?" sagot niya pagkatanggal ng sapatos niya.
"Aakyat ka sa puno?" tanong ko at tumango siya.
Napatingin ako sa damit niya na puting-puti at binigyan siya ng sigurado-ka-bang-aakyat-ka-sa-suot-mong-yan look. Napangiti lang siya sa tingin na binigay ko sa kaniya atsaka nagsalita.
"Basta para sa'yo, binibini." At umakyat na.
Napanganga nalang ako habang umaakyat siya kasi normally 'pag nakakakita ako ng mga taong umaakyat sa puno, naiisip ko mukha silang unggoy pero si Niño... mukha siyang prinsipeng gagawin ang lahat para sa kaniyang prinsesa.
Napailing-iling ako sa pinag-iisip ko at halos batukan ko na ang sarili ko. Ano bang nangyayari sa akin? Kung anu-anong iniisip ko kapag kasama ko 'tong lalaking 'to eh, hay nako.
"Binibini!"
Lumapit agad ako kung nasaan banda si Niño at inabot niya sa akin 'yung mga mangga kahit nasa puno pa rin siya gamit 'yung panungkit. Pagkakuha ko naman sa mga mangga, sumungkit siya ulit at inabot ulit sa akin atsaka siya bumaba.
Pagkatapos niyang magsapatos, tinulungan niya ako sa pagdala ng mga mangga at nagdire-diretso siya sa paglalakad sa gitna ng masukal na gubat. Inipit ko naman sa saya ko 'yung panyo niyang madumi na.
"Mukhang naloko ako ni Fernan." natatawa't pailing-iling na sabi niya.
Naloko? Kausap ba niya ako o kausap niya sarili niya? Atsaka saan ba kami pupunta?
"Saan tayo pupunta?" tanong ko kaya napalingon siya sa akin.
"Kapag sinundan mo ang mga alitaptap ay dadalhin ka ng mga ito sa isang napakagandang lugar." sagot niya.
Napakagandang lugar?
Hindi ko nagets 'yung sinabi niya hanggang sa nakarating kami sa isang... ilog? Lawa? Sapa? Basta body of water, jusko. Ang shunga ko talaga sa mga ganitong bagay eh.
"Lawa ito na walang pangalan dahil hindi naman marami ang nakakaalam sa lugar na ito kaya pinangalanan ko itong Lawa ng mga Alitaptap." sabi ni Niño at sang-ayon naman ako sa pinangalan niya sa lawa dahil napakaraming alitaptap dito. Makes sense.
Madilim dahil halos tinatakpan ng mga ulap ang liwanag ng buwan pero dahil sa mga alitaptap na nandito, nakikita ko ang maaliwalas na mukha ni Niño.
Umakyat si Niño sa nakatumbang napakalaking puno na nagsilbing tulay sa ibabaw ng lawa at umupo roon kaya umupo rin ako malapit sa kaniya. Hinugasan niya 'yung mangga sa lawa atsaka naglabas ng maliit na kutsilyo galing sa belt niya atsaka nagbalat ng mangga.
"Para sa'yo." nakangiting abot niya ng nabalatang mangga sa akin at inabot ko naman.
"Than—Salamat." sabi ko at kumagat na sa mangga at OMG ANG SARAP HUHU!
Hindi ako nagsisising naging walang hiya ako sa harap ni Niño at napaakyat pa siya sa puno dahil worth it naman lahat sa sarap ng manggang 'to huhu sayang lang walang asin o bagoong.
"Binibini," Napalingon ako kay Niño habang ngumunguya ng mangga at nakitang napangiti siya nang magtama ang mga tingin namin. Ngayon ko lang narealize na mas brown pala ang mata niya at ang perfect talaga ng shape nito.
"May ipagtatapat sana ako sa'yo." sabi niya kaya nalunok ko nang buo 'yung kakakagat ko lang na kapiraso ng mangga dahil sa pagkabigla sa sinabi niya.
Napaubo-ubo ako kaya lumapit si Niño sa pag-aalalang mamatay ako dahil sa mangga pero 'di nagtagal at natanggal na rin naman 'yung bara sa lalamunan ko. Phew, nakasurvive ako nang walang tubig-tubig, personal best ko 'yun ah!
"Ayos ka na ba, binibini?" tanong ni Niño kaya naalala kong may ipagtatapat nga pala siya.
Shocks! 'Yung kabog ng dibdib ko dahil sa kaba ay mas malakas pa yata sa kulog ng signal no. 4 super typhoon huhu. Ano naman kaya ang sasabihin niya?