webnovel

Misteryosong lugar

Magkasamang natulog sina Casmin at Belle.

Ilang sandali pa'y nagising si Casmin sa ingay ng mga nagbabanggaang mga bakal na parang kalansing ng espada at tila ba may naglalaban.

"Ate, hinaan mo nga ang TV. Rinig pa dito ang ingay e." Reklamo niya na inaantok pa ngunit mas lumakas pa ang tunog na naririnig niya at may naririnig pa siyang mga hiyaw.

"Mahilig ba sa giyera si Ate? Mukhang hindi naman." Sambit niya at pinilit na inupo ang katawan at dahan-dahang ibinuka ang mga mata.

Bigla siyang natigilan sa nakita, kinusot ang mga mata ngunit ganoon pa rin ang nakikita. "Wala na nga pala si Ate." Inikot niya ang paningin makita ang kakaibang silid.

"Belle?" Tawag niya ngunit walang sumagot. "Nananaginip na naman yata ako." Muli siyang humiga at pumikit ngunit patuloy pa rin ang mga ingay na kanyang naririnig.

Idinilat na lamang niyang muli ang mga mata at bumangon. Muling napatitig sa katapat na pader na ngayon ay nagiging hallway na at may naglalaban na mga kawal at mga naka-itim na mga assassin.

"Sino kayo? Ano'ng kailangan niyo sa akin?" Nanginginig ang boses na tanong ng isang babaeng hindi niya maaninag ang mukha.

"Eh?" Sambit ni Casmin makita ang isang babaeng may magarang bestida at may korona sa ulo. Nanginginig ang buong katawan nito habang umaatras palayo sa mga nakaitim na mga assassin.

"Nananaginip na naman ako. At may patayan pang nangyayari sa panaginip ko."

At dahil iniisip na panaginip lamang ang lahat, naghanap siya ng bagay na magagamit para mailigtas ang babae.

"Dahil panaginip lang ito, siguro hindi naman ako mamamatay kapag iniligtas ko ang babaeng iyan di ba?"

Naglakad palapit ang tatlong assassin sa babaeng may korona. At isa sa kanila ang nagtaas ng espada upang patayin ang babae kaya napapikit na lamang ito habang hinihintay ang pagtama ng espada sa kanya.

Isang plorera ang nahagip ng paningin ni Casmin. Dinampot niya ito at binato sa assassin. Tumama ang plorera sa likod nito na ikinalingon ng tatlong assassin sa gawi niya. Napalunok siya ng laway makita ang nanlilisik nilang mga mata ngunit napalitan ito ng pagtataka.

"Hindi sila nakatingin sa akin at parang hindi nila ako nakita. Mabuti naman kung ganoon. Panaginip lang ito kaya ako ang bida dito." Napangiti pa siya sa naiisip.

Napatingin siya sa anino ng mga assassin at sa babae. May anino sila ngunit siya wala. Tiningnan niya ang kanyang katawan at mga kamay ngunit di niya makita.

"Invisible ba ako sa panaginip na ito?"

Muli itinuon ng tatlong assassin ang pansin sa babaeng may korona at akma na naman itong patayin nang may tumama na naman sa ulo ng isa pa na siya na namang papatay sana sa babae. Tiningnan nila kung saan nagmumula ang bagay na tumama sa ulo nito.

Mabilis namang lumipat sa ibang lugar si Casmin sa pag-alalang matutunton ng mga assassin ang kinaroroonan niya. Kahit hindi siya nakikita ng mga assassin na ito, kinakabahan pa rin siya.

Nagtataka ang mga tao sa loob ng silid dahil wala naman silang nakitang ibang tao maliban sa kanilang tatlo at sa reyna na balak nilang patayin.

Makitang distracted ang mga assassin muli na namang nagbato ng bagay si Casmin at sa pagkakataong ito, isang gintong baso ang nahawakan niya at binato sa ikalawang assassin.

Ibinato na rin sa mga assassin ang mga natitira pang mga mabibigat na bagay na nasa maliit na mesa. Dito nakita ng mga assassin ang paglutang ng baso at platito sa hangin at lumipad patungo sa kanila. Naiwasan nila ang baso ngunit may lumipad na namang platito at mga plorera sa gawi nila. Hindi sila agad nakaiwas dahil sa gulat at natamaan ang kanilang mga ulo.

Dumugo ang kanilang mga ulo at akmang sunggaban ang direksyon kung saan nagmumula ang mga lumilipad na mga bagay nang magsidatingan ang mga taong nakasuot ng silver knight armor. Kinalaban ng mga kawal na ito ang tatlong assassin.

"Kamahalan. Ayos lang ba kayo?" Narinig ni Casmin na tanong ng isang kawal.

Umatras siya para di mabanggaan ng nagsipasukang mga kawal ngunit dumiretso ang kanyang katawan sa kabilang side ng pader at nakabalik sa hallway na una niyang nakita kanina.

Napatakip siya ng ilong maamoy ang dugong nakakalat sa sahig.

"Nagka-nosebleed ba ako? Bakit naamoy ko ang dugo sa panaginip na ito? Parang totoo."

Isang mahinang hikbi ang kanyang narinig na tila ba mula sa isa sa mga silid.

"Parang hikbi iyon a."

At dahil tumatagos naman ang kanyang katawan, sinubukan niyang banggaan ang mga pader na nadadaanan at hinanap ang pinagmulan ng hikbi.

Sa ikatlong silid na napuntahan, nakita niya sa isang sulok ang isang batang lalaki na nakaupo. Nakayuko ang ulo habang nakayakap  sa sarili.

"Bata." Tawag niya ngunit tila wala itong naririnig. Nilapitan niya ito at inilagay ang kanyang palad sa ulo nito. Tila naramdaman naman ng bata na may humawak sa ulo niya kaya nag-angat siya ng tingin.

"Woah, ang cute niya." Sambit ni Casmin makita ang lumuluhang bata na kinakagat ang labi para pigilan ang pag-iyak. Sa tantiya niya nasa limang taon pa lamang ito.

Nagtataka ang mga mata ng bata mapansing walang ibang tao bukod sa kanya ngunit ramdam niya ang malamig na bagay na nakapatong sa kanyang ulo. Para itong hangin na hinihimas ang tuktok ng kanyang ulo na tila ba pinapakalma siya.

Sinuri ang buong paligid kaya lang wala talaga siyang makitang ibang tao bukod sa kanya ngunit dama niya ang comfort na gustong iparamdam sa kanya ng di nakikitang nilalang.

Naramdaman niya ang malamig na bagay na dumampi sa kanyang pisngi na tila ba pinupunasan ang mga butil ng luha mula sa kanyang mga mata.

Napatigil naman si Casmin at tiningnan ang buong silid. Isang malawak at madilim na silid na tanging liwanag lamang mula sa siwang ng bintana ang makikita.

"Teka lang. Parang kapareha sa deskripsiyon ng author na malawak at madilim na silid. Isang silid na iniiwasang puntahan ng lahat. May ganoong inilarawan ang author. At sa silid na iyon makikita ang isang limang taong gulang na batang lalake na pinipigilan ang hikbi habang nanginginig ang katawan sa takot." Tiningnan niya ang bata na kaparehong-kapareho ang kinikilos nito sa deskripsiyon sa isa sa mga chapter ng nobelang nabasa niya.

Hindi niya makakalimutan ang bahagi na iyon dahil marami siyang iniluha para sa extra character na namatay sa nasabing chapter. Bago tuluyang ipinikit ng kaawa-awang extra ang mga mata, may mga flashback pa sa buhay niya at isa ang ganitong eksena sa mga flashback na nangyayari sa buhay nito.

Naaalala niyang namatay ang ina ng bata na posibleng ang babaeng nakita niya kanina ay ang inang namatay sa kwento. At ang batang ito ay ilang araw na nakakulong sa silid na ito na wala man lang nakaalala dahil wala namang pakialam ang lahat kung ano na ang nangyayari sa kanya.

Napadpad ang batang ito, sa silid na ito dahil sa half-brother niya. Ikinulong siya nito sa kwartong ito at siyang naging daan kung bakit hindi siya natagpuan ng mga assassin na nagpunta sa kanyang kwarto para patayin. Maaaring blessing in disguise ang ginawa ng half-brother niyang iyon sa kanya dahil nakaligtas siya mula sa mga assassin ngunit di naman pinalad ang kanyang ina.

"Di kaya napanaginipan ko ang kwento na you're my miracle? Dahil ba sa hindi ako nakontento sa flow ng kwento ng author? Baka nga iyon ang dahilan." Tumango-tango pa siya habang naiisip ang mga bagay na ito.

Tiningnan niya kung ano na ang nangyayari sa labas. Nahuli ang ilang assassin at hinanap naman agad ng babae ang kanyang anak. Saka naman naalala ng mga kawal ang anak ng babae kaya hinanap agad nila ang bata.

At para matagpuan nila ang bata, gumawa si Casmin ng tunog sa may pintuan ng silid.

"May kalabog sa bandang iyon."

"Hanapin niyo ang prinsipe."

Rinig niyang sabi ng mga kawal at patakbong nagtungo sa kinaroroonan ni Casmin. Sa pagkakataong ito, hindi siya umiwas. Gusto niyang malaman kung mababanggaan ba siya o tatagos lang siya.

Isang tumatakbong kawal ang paparating kaya pumagitna siya sa daraanan at saktong mababanggaan siya nito.

Bumangga ang katawan ng kawal sa kanya na ikinatilapon niya.

"Ahhh." Hiyaw niya kasabay ng pag-ungol ng kawal na napaupo rin.

***