webnovel

Kakaibang panaginip

Wala ng panahon si Casmin para magkomento sa mga bagong update ng author dahil abala na siya sa pagawa ng kwento. Pinamagatan niya itong 'Ang lalampa-lampang tagapangalaga.'

"Casmiiiin! Palitan mo ito. Palitan mo." Nanlilisik ang mga mata ng Ate niya habang pinapakita ang screen ng cellphone nito sa kanya.

"Hindi ako lampa." Matigas na sabi ni Sufi.

"Di ko sinabing ikaw iyan. Kapangalan mo lang naman ang bida diyan." Nakangising sagot ni Casmin na halatang gustong asarin ang ate niya

"Palitan mo ang title nito. Kundi, gagawan din kita ng kwentong mas malala pa dito ang title." Banta ng kanyang Ate.

"Lalampa-lampa nga kasi ang bida diyan." Sagot ni Casmin.

"Palitan mo ito ng the quick-witted keeper. O ba kaya ng the genius ignorant maid is a princess." Sagot naman ni Sufi.

"Ayoko nga. Di na nababagay sa'yo ang bida. Kung matalino ang lalaki dapat slow ang babae para bagay sila." Lalo naman siyang pinandilatan ng mata ng kanyang Ate.

Kinuha na lamang ni Casmin ang cellphone niya at pinalitan ang title nito ng The Last Keeper.

"Napalitan ko na. Ngayon, masaya ka na?"

"Syempre naman." Nakangiting sagot ni Sufi ngunit dumilim muli ang mukha nang mabasa ang komento ng isang reader.

RaiMe army: Si Skywill ang palaging nandiyan para sa kanya bakit si Raiden pa rin ang hinahabol niya? Ang tanga naman ng bida na ito e. May mahal ngang iba si Raiden o. Si Sayuri lang ang para kay Raiden wala ng iba.

"Loko 'to a. Paki ba niya kung si Raiden ang mahal ni Queency? May iba na si Sayuri at masasaktan lang si  Raiden kay Sayuri."

Iiling-iling naman si Casmin sa Ate niya. Pinaninindigan yata ang pagiging Queency nito sa The Last Keeper.

"Kyaaah. Casmin, love na kita. Ni-hug ako ni Raiden. Oemgee." Sumipa-sipa pa ito sa kilig.

"Gumising ka nga diyan? Di mo ba nabasa na nasa sad part ka ng story? Diyan namatay si Siori kaya labis na nalungkot ang mga protector. Si Skywill ang labis na nasaktan pero si Raiden ang dinamayan ni Queency. Kung ako pa diyan, kay Skywill ako lalapit." Sagot ni Casmin.

"Ikaw ang nagsulat nito, bakit kay Raiden mo siya pinapunta?" Sinamaan ng tingin si Casmin at napanguso.

"Para mapansin mo kung gaano kalupit ang tadhana para kay Skywill. Lahat nalang si Raiden ang gusto, hindi man lang nakikita ang halaga ni Skywill. Parang sina Siori at Sayuri lang. Lahat mahal si Sayuri ngunit di nakikita ang sister na nagiging shadow lamang dahil sa liwanag niya." Iiling-iling na sambit ni Casmin.

"Tapatin mo nga ako. Sino ba talaga ang bida sa kwentong ito? Si Queency o si Siori tapos mabubuhay pang muli si Siori? Tatanga-tanga naman si Queency dito." Kumunot ang noo ni Sufi nang may mapansin. Kapangalan nga kasi niya ang bida dito pero tatanga-tanga naman. Ayaw pa naman niya ng mga bidang tatanga-tanga.

Napakagat naman ng kuko si Casmin.

"Fanfic nga lang 'yan. Fanfic para asarin ka." Sagot ni Casmin sabay tawa na lalong ikinainis ng Ate niya.

"Akala mo ikaw lang ang marunong? Gagawa din ako ng kwento at gagamitin ko ang pangalan mo. Hump!" Sagot ni Sufi at kinalikot ng muli ang kanyang cellphone.

"Antayin mo lang." Sambit niya pa. Nagkibit-balikat naman si Casmin at iiling-iling na tinalikuran ang Ate.

Maya-maya pa'y kinuha muli ni Casmin ang kanyang cellphone at nag-isip ng mabuti. Hanggang sa naisipang baguhin ang ilang mga pangyayari sa kwento. Pinalitan din niya ang title nito na the last saintess.

***

Isang araw, naratnan ni Casmin na umiiyak ang ina. Ito ang ikalawang pagkakataong nakita niyang umiyak ang kanyang ina ng ganito.

"Ma, ano'ng nangyari sa'yo?"

"Casmin anak... Sina Ate at Papa mo."

"Bakit? Anong nangyari? Di ba sabi niyo uuwi na si Papa ngayon?"

Lalo namang napahagulhol ang ina sa narinig. Nasa business trip si Carlos at ngayon ang uwi nito. Nagprisinta si Sufi na sunduin ang kanyang ama kaya sinundo niya ito ngunit sa kasamaang palad, nadisgrasya ang dalawa. Sumabog ang sinasakyan nilang taxi. Nasa hospital ngayon ang ama at hindi pa nababalikan ng malay ngunit hindi na natagpuan pa ang katawan ni Sufi kasama ang driver ng taxi.

Nanghina si Casmin sa narinig. Napayuko siya at napahagulhol na rin. Bumalik sa kanyang alaala ang nangyari sa kanyang Kuya noon. Katulad ng kanyang Ate, hindi na rin natagpuan pa ang katawan nito matapos mahulog sa tulay. Ngunit umaasa silang sana buhay pa ito at darating ang araw na magkikita silang muli.

Isa sa rason kung bakit ayaw na ayaw ni Casmin na makabasa ng mga kwentong may tragic ending, dahil ayaw niyang maalala ang pagkawala ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki. Hindi lang 'yon halos lahat ng mga kamag-anak nila ay namamatay sa aksidente o ba kaya naglalahong bigla na di nila alam kung saan na napunta.

"Bakit nilalapitan tayo ng kapahamakan Mama?"

Sa kanilang pamilya, sila nalang at ang pamilya ng kapatid na babae ni Carlos ang natitira. Kunti lang sa angkan ni Carlos ang natira dahil halos lahat ng mga kamag-anak nila ay namamatay dahil sa aksidente.

Nagtataka si Casmin nang pag-empakehin siya ng ina.

"Ibininta ko na ang bahay at lupa para sa bayad sa hospital ng Papa mo. Kaya kailangan na nating lumipat ng tirahan."

"Pero Ma, wala tayong ibang mapupuntahan."

"Wag kang mag-alala. May malilipatan na tayo."

After awhile, kaharap na nina Casmin ang bahay na sinasabi ng ina na malilipatan nila.

"Ma, nagbibiro ka ba? Parang haunted house naman ito e."

"Mama naman, bakit tayo lilipat sa mukhang haunted house na bahay na ito?" Tanong muli ni Casmin habang hila-hila ang mabigat na maleta.

Kaharap nila ngayon ang isang malaking bahay na napapaligiran ng kinakalawang ng pader at may mga halaman ng gumagapang dito. Sira-sira na rin ang lumang gate at natanggal na ang Lion crest na nakaukit sa tuktok nito.

"Ang arte-arte mo. Gaganda rin ito kapag naaayos natin." Sagot ng ina.

Binuksan ni Aling Janina ang lumang gate na nababalot na ng mga kalawang at mga halaman. Titingin-tingin naman sa paligid si Casmin habang hila-hila ang maletang hawak.

"Ma, nakapunta na ba tayo dito dati? Pamilyar kasi ang lugar e." Tanong niya sa ina.

"Oo pero napakabata mo pa noon."

"Ah, kaya pala pamilyar na pamilyar sa akin ang lugar."

Pumasok na sila sa lumang bahay at isang makapal at maalikabok na lugar ang sumalubong sa kanilang paningin. Marami na ring mga bahayan ng gagamba ang makikita sa paligid na halatang matagal ng panahon na walang nakatira sa lugar.

May tatlong palapag ang bahay. Mukhang maliit tingnan mula sa labas ngunit may malawak na espasyo sa loob. May lima itong palapag at ang dalawa ay siyang underground kung saan naroroon ang secret basement at storage room.

Pinili ni Casmin ang silid sa attic dahil nakikita niya ang langit sa transparent glass roof. Nagandahan din siya sa mga lumang painting na nakaukit sa pader ng kwarto.

Nagtulong-tulong silang dalawa sa paglilinis sa buong paligid ng bahay at halos di na magalaw ang mga katawan nang matapos sila sa paglilinis.

"Hay salamat. Natapos na rin." Sambit ni Casmin at humiga sa bagong bedsheet habang nakatingala sa kisameng kitang-kita ang langit.

Kinuha niya ang cellphone at tiningnan kung may mensahe ba siyang natanggap. Nadismaya siya makitang walang bagong mensahe sa kanyang inbox.

"Wala pa rin. Panaginip lang ba talaga ang lahat? Walang chat ni message akong natanggap at wala rin akong reply. Pero kitang-kita ko talagang nag-message sa akin ang author. Kaya lang mukhang kasama iyon sa aking panaginip. Kasi wala naman pala siyang message sa akin. Akala ko pa naman, napansin na niya ako." Matamlay niyang kinuha ang unan at niyakap.

Nalungkot siyang bigla maalala ang kaingayan ng kanyang Ate. Namimiss niya ang ganitong oras na dapat ay pinapalabas na siya ng kwarto para mangusina sila. Hanggang sa unti-unti ng bumigat ang talukap ng kanyang mga mata.

"Binibifaghaja jajskkshah."

"Ang ingay naman." Tinakpan niya ang tainga.

"Binishsvahakdn." Palakas ng palakas ang tawag na naririnig niya.

"Ano daw?"

Idinilat niya ang mga mata at tinatamad na bumangon. Biglang lumaki ang kanyang mga mata makita ang malalaking mukhang kaharap.

Napayakap siya sa unan at napausod sa kama.

"Binibini, ayos ka lang ba?" Tanong ng isang babaeng tila malaki yata para sa paningin niya. Halata sa mga mata nito ang pag-aalala. Malinaw na ngayon sa kanyang pandinig ang mga salitang narinig niya kanina.

"Binibini." Tawag ng mga ito sa kanya.

Halata sa kanyang mga mata ang pagtataka makita ang anim na mga kababaihan na may suot na maid outfit.

"Binibini."

Saka napatingin si Casmin sa iba pang mga mukha na papalapit sa kinaroroonan niya at lumilim sa kanya ang kanilang buong katawan. Napalunok siya ng laway habang pinagmamasdan ang mga di kilalang tao na nakasuot ng maid outfit na katulad sa mga maid outfit ng napapanood niya sa mga pelikula at palabas sa telebisyon.

Napansin niyang kakaiba ang laki at hugis ng kanyang yakap na unan kaya naibaba niya ang tingin rito.

"Stuffed toy?" Gulat niyang sambit at nakita niyang lumiit din ang kanyang mga kamay. "Aaaah!" Ubod lakas niyang sigaw. Kasunod nito ay ang pagkahulog niya sa kama.

"Casmin, ayos ka lang ba diyan?" Narinig niyang boses ng ina mula sa labas ng kwarto.

Napaungol siya at napatingin sa sahig kung saan siya nalaglag. Tiningnan niya ang paligid at wala na ang mga mukhang nakita niya kanina.

"Hay, panaginip lang pala." Sambit niya at napahinga ng maluwag.

Bumukas ang pinto at nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Aling Janina.

"Sabi ko na nga ba e, nalaglag ka na naman sa kama." Sabay buntong-hininga ng ina. "Ang laki-laki mo na, ang likot mo paring matulog. Kaya nga ayaw tumabi sa'yo ng Ate mo e." Kasasabi nito ng ina ay pareho silang natahimik.

Napayuko nalang din si Casmin na sumikip na naman ngayon ang dibdib maalala ang sinapit ng kanyang Ate.

"Sa sahig ka nalang kaya humiga para siguradong hindi ka na malalaglag pang muli." Pag-iiba ng ina sa usapan. Tatalikod na sana ito nang magsalita si Casmin.

"Mama, wala bang multo sa bahay na ito?" Tanong niya habang hinihimas ang tagiliran.

"Multo ka diyan. Mas takot sa mukha mo ang mga multo." Sagot ng ina at sumulyap sa malaking salamin na katapat sa kanyang kama.

Napatalon si Casmin sa takot makita ang babae sa salamin. Mahaba ang magulong buhok at nakasuot ng puting bestida. Namumula ang mga mata at namumutla ang mukha.

Inayos agad ang buhok at kinusot ang mga mata.

"Di ko napansing may malaking salamin pala dito kanina."

Bumuntong-hininga ang ina at iiling-iling na bumaba.

"Matulog ka na ulit." Sabi nito bago isinarang muli ang pinto.

Muli na namang napag-isa sa silid si Casmin. Tiningnan niya ang mga painting sa pader at dito napansin na nakikita pa rin ito kahit sa dilim.

Kumunot ang kanyang noo nang may napansing kakaiba sa kwarto. Tumingala siya sa madilim na langit at nakita ang mga bituin sa transparent na kisame. Kaya sigurado siyang gabi na pero sa loob ng kwarto tila ba madaling araw pa rin. Walang ilaw na makikita sa paligid ngunit maliwanag ang kanyang paligid. Hindi man kasing liwanag sa umaga ngunit di rin kasing dilim ng gabi.

"Ang weird ng kwarto na ito. Dahil ba sa kulay puting pader o dahil sa mga painting sa pader?"

Muli na lamang siyang humiga sa kama at ipinikit ang mga mata. Ngunit bumabalik sa kanyang alaala ang nakita kanina. Tinatawag siya ng mga ito na binibini at pansin na pansin talaga niyang sobrang liit ng kanyang mga kamay.

"Grabe ang mga panaginip ko ngayong nagdaang mga araw. Parang totoo. Sa kakabasa ko yata 'to ng mga story ni Seior e." Sambit niya hanggang sa muli na siyang dalawin ng antok at nakatulog na ng tuluyan.

***