NAALIMPUNGATAN ang dalawa sa naramdaman at narinig na pagyanig. Halos mahuhulog na ng kisame dahil sa malakas na pagyanig, sumabay sa pagyanig ang tunog ng mga nagmamartsang mga paa mula sa itaas at pagdagundong ng drum at sirena—na ang tunog ay nangangahulugang...
DIGMAAN.
Agad na tumalim ang tingin ni Xerxes at tumayo, naka-kuyom ang mga kamao at napakagat labi sa ngitngit. "A-Anong meron? Alam ko ang tunog na iyon..." mahinang wika ni Kira habang hawak-hawak ang ulo at unti-unting tumayo.
Mas lalong hinigpitan ng binata ang pagkakuyom sa kamao dahilan kung bakit bumaon ang kaniyang kuko sa kaniyang laman at dumugo ito. "Mga taga-Titania," malamig nitong wika.
Agad namang naalerto si Kira at nakaramdam ng ngitngit sa narinig. "Hindi sila matapos ng halaman ko sa labas... Hawak nila ang bato na dati'y pagmamay-ari ko. Kailangan nating personal na sumugod dahil kung hindi sisirain nila ang gubat na itinayo ko upang hanapin ka gaya ng pagsira nila sa buhay ko, noon." Itinaas ng binata ang nagdurugong kamao at doon ay tumubo ang mga maliliit na halaman na sa unang tingin mo pa lang ay matatakot ka na dahil ang mga iyon ay may mapupulang mata at matalim na mga ngipin.
"Panahon na, Kira. Upang malaman ko kung may natutunan ka ba talaga kahit maikli lang ang unang pagsasanay," ani nito na ikina-tango ni Kira sabay pulot ng espada sa sahig.
Hindi nila agad nabatid dahil sa pag-iisip kung ano ang gagawin sa sitwasyong ito na nasa likuran na nila ang batang si Violet na pinagmamasdan sila, nagliliwanag ang mga mata nitong kulay berde pati na rin ang libro. "Perpetua Incanta," pagsambit nito sa orasyon na ikinayanig pa ng paligid.
Sa nangyari, napaharap ang dalawa sa bata at purong alarma ang naka-ukit sa mga mukha. "Ano ang ginagawa mo, bata?" naalarmang wika ni Xerxes habang patuloy na yumayanig ang paligid.
Hindi maaring malaman agad ng mga kalaban kung asan sila, kailangang maunahan nila ang mga ito.
Hindi sumagot ang bata bagkus ay lumutang ito sa ere pati ang libro na patuloy na nagliliwanag at bumubuklat mag-isa. Unti-unting gumalaw ang lupa sa paanan nila at maya-maya ay tila kinakain sila ng lupa.
"Violet! Ano itong kapahangasan na iyong ginagawa?" sigaw ni Kira habang pinipilit pigilan ang paglamon sa kaniya ng lupa.
Hindi sumagot ang bata at patuloy silang nilalamon ng lupa hanggang sa naging tuluyan—hanggang sa natagpuan nila ang sarili na nasa isang malaking espasyo sa gubat, pinalilibutan ng mga iilang puno ng paghihirap at nasa harapan ng isang daang mga kawal ng Titania na prenteng nakatingin sa kanila, mahigpit na hawak ang kani-kanilang mga sandata na handa nang makidigma, ngunit bakas sa mga mukha ang gulat at takot habang sila ay nakatingin kay Kira na ngayo'y nanginginig sa galit habang nirerehistro ng mata ang heneral na nakangisi sa harapan na isa sa mga nagpahirap sa kaniya.
Napa-mura nang malakas si Xerxes at hinanap ang bata gamit ang kaniyang mga mata, ngunit hindi niya ito makita kahit saan. "Demonyong bubwit!" inis na ani ng binata.
"Buhay pa si Kira! Alam niyo na ang inutos ng prinsesa Tsukino! Dakpin at patayin ang kriminal!" sigaw ng heneral sa mga kawal at itinaas ang kaniyang malaking espada.
Tiningnan ni Xerxes si Kira at nakitang nanginginig ito sa galit. Kung sino man ang Tsukinong iyon ay iyon ang laman ng galit ng dalaga.
Hindi rin maalis ang galit sa mukha ng dalaga para sa heneral, nanigas ang panga nito at tumulo ang isang butil ng luha na agad nitong pinahid.
Kung ano man ang ginawa ng heneral sa dilag alam ni Xerxes na malala ito kaya't ganito na lamang ang naging reaksiyon ni Kira.
Napaka-bilis ng pangyayari at hindi agad napigilan ni Xerxes ang pagsugod ni Kira sa mga kalaban. Tumakbo ito sa direksyon ng mga kawal dala-dala ang espada, ang sigaw, at ang galit at hinanakit sa puso. Hindi agad nakahanda ang mga hanay sa harapan na agad na pinagtataga ni Kira. Ang iba ay sinubukang manlaban ngunit agad silang natatalo ni Kira at napapatay.
Hindi rin nakakaligtas ang mga punong nasisira kung natatapon dito ang mga katawan ng mga kawal dahil sa lakas ng sipa ni Kira kung hindi man natataga ng dilag ang mga kalaban.
Bumuntong-hininga ang binata at iginalaw paharap ang kaniyang kamay, Maya-maya pa ay gumalaw ang mga halaman sa kaniyang likod at sumugod sa mga kalaban, pinuntirya nito ang ulo ng mga kawal na kinakain nito ng buo. Bumulwak ang dugo sa paligid at siya ay napangisi.
Maya-maya pa ang mga hanay ng kawal sa likuran ay inihanda ang kani-kanilang mga pana na alam niyang handa na upang sila ay panain. Tiningnan niyang muli si Kira na ngayon ay nawalan ng espada at ang tanging nagagawa ay gamitin ang pisikal na lakas na alam niyang walang laban ang mga kawal. Madali nitong naiaalis ang espada sa mga hawak ng kawal sabay bigay ng suntok at sipa sa mga ito. Kahit na maliit si Kira at mukhang mahina, malakas ito at hindi rin ito nawari ng mismong babae.
Kinuha nito ang panangalang sa sahig at inihampas nito sa mukha ng pasugod na kawal. "Pana! Isa! Dalawa! Tatlo! Sugod!" bumalik sa wisyo ang binata at tumingin sa direksyon ng mga nag-papana at ang pagpapakawala ng mga ito ng higit sa dalawang daang mga pana sa kaniyang tantiya.
Itinaas niya ang kaniyang kaliwang kamay sa ere at ito'y nagliwanag, pagkatapos ay lumabas sa kaniyang mga kamay ang mga talulot ng rosas na humayo at lumapit sa mga panang nasa ere at unti-unting sumabog hanggang sa naging mistulang magandang paputok ang nasa ere at wala nang panang nakaapak man lang sa kanila ni Kira.
Tumahimik ang paligid sa kaniyang ginawa. Hindi na siya naghintay pang makagalaw ang mga kawal na malapit kay Kira ay agad na siyang tumakbo papunta sa direksyon ng mga ito at gamit ang kaniyang mga matatalim na kuko ay isa-isang dinukot ang mga puso nito.
"Dapat mo pa ring pag-aralan na kahit gaano ka kagaling sa paghawak ng sandata at sa pisikal na lakas kapag ikaw ay pabaya sa mga kalaban na maaring sumugod sa iyo ay ikakapahamak mo pa rin ito," wika niya sa babaeng ngayon ay masama ang tingin sa kaniya.
"Gusto mong mapasayo ang ulo ng heneral, 'di ba? Humayo ka na ako na ang bahala rito o mag-iinarte ka pa riyan at ako gagawa ng trabaho mo?" ani niya sa babae at ito ay napa-irap.
Kinuha ni Xerxes ang mga sibat sa lupa at walang pakundangang tinira ito na may perpektong presisyon sa mga kawal na humarang sa daan papunta sa heneral na ngayon ay lubhang pinagpapawisan.
Sinenyasan niya si Kira na sumugod na ngunit nakatulala lang ito sa kaniya at prenteng nakatingin sa kaniyang mga kamay na gumawa ng trabaho sa sibat.
Bakit ba siya na-alerto kanina? Kung ganito naman kahina ang mga ipapadala sa kanila? Kung hindi dahil sa pagplaplano ni Kira noon ay baka ikakabagsak na ito ng sandatahang lakas ng Titania dahil kulang ito sa ensayo at nutrisyon.
Isa nga siyang malaking kawalan sa mga ito.
"Pakawalan ang mga higante mula sa Oun!" Utal-utal na ani ng heneral, agad naman pinakawalan ng mga kawal ang apat na higante mula sa mga kulungan nito.
Bakas ang takot sa mga kawal na agad nagsitakbuhan noong nakalabas na ang mga higante, pula ang mga mata ng mga higante at sa mga tingin palang nito ay nais na ng mga ito ang amoy at itsura ng dugo at kamatayan.
Talaga bang minamaliit ng Titania si Kira kaya mga mahihinang mga kawal ang ipinadala rito?
Tiningnan niya ang heneral na agad nagtago sa likod ng mga kawal nito na para bang babaeng takot na humarap sa mga nanliligaw dito. "Kira, tutunganga ka riyan o maghahanda sa panibagong laban?" ani niya sa babaeng nasa tabi niya.
Nakita niya sa mga mata ng dalaga ang takot sa mga higante na para bang sinanay na ang mga Titania upang katakutan ang mga higante na dati nama'y maamo naging ganiyan lamang dahil sa ginagawa ng mga mapamansamantalang mga kaharian gaya ng Titania.
Ngunit, isang tanong ang pumasok sa kaniyang isip na nagpangisi sa kaniya. Hindi na ba kaya ng mga pinadalang kawal kaya't higante na ang ipapalaban sa kanila? Paanong naging heneral ang isang iyo kung hindi man lang ito lumalaban? Kahangalan!
"Paano ka naging heneral kung ikaw ay isang malaking duwag na ikaw ay prinoprotektahan ng iyong mga kawal imbes na ikaw ri'y makidigma? Nakakaawa ka, Eode," pangungutya niya sa heneral gamit ang pangalan nito gamit ang tono ng kaniyang boses na kung hindi tanga ang mga naroroon ay agad nilang mahihinuha kung sino talaga siya.
Nadatnan ng kaniyang mata ang isang kawal na nasa sulok lang na halos maihi na sa takot habang prenteng nakatingin sa kaniya. Itinaas niya ang kaniyang isang kamay at ibinaba sa tapat ng kaniyang mukha, ikinuyom at hinayaang hintuturo na lang ang matira at sumenyas na kung ano man ang nalalaman nito...
Mabuting tumahimik na lamang ito.
Thank you for reading. We have reached Filipino Trending Stories! Yay! *sending virtual hugs*