webnovel

Ganyan Ang Kilos Ng Taong Nagseselos

Mahabang sandali na ang lumipas pero naghihintay pa rin si Lin Che. Sinubukan niyang tawagan si Gu Jingze pero hindi ito sumasagot. Tinanong na niya isa-isa ang mga katulong pati ang mga security guards pero hindi rin alam ng mga ito kung saan nagpunta si Gu Jingze.

Naiinis na kinuha niya ang cellphone at tinadtad ng mga text messages si Gu Jingze. Wala siyang pakialam kung mababasa man nito ang mga iyon o hindi.

"Gu Jingze, hindi ko alam kung bakit ka nagagalit. Tutal ay alam mo naman pala na nasa hospital ako kanina dahil nasugatan si Qin Qing, hindi ba't dapat ay malaman mo rin na iniligtas niya ako mula sa mabigat na bagay na nahulog mula sa itaas? Iyan ang dahilan kung bakit siya ang nasa hospital ngayon at hindi ako. Kaya, ano namang masama doon kung samahan ko man siya kahit sandali lang? Bakit kailangan mo pang magalit nang ganyan? Pambihira ka talaga! Anong gusto mong gawin ko? Basta nalang siyang iwan pagkatapos ng kabutihang ginawa niya para sa akin? Tama ba yun, ha?"

Nai-send niya ang message pero hindi pa rin ito nagreply. Pabagsak siyang humiga sa kama. Dumaan pa ang mahabang mga oras at habang tumatagal ay naiisip niya na naghihintay lang siya sa taong walang balak na magsisi. Pakiramdam niya ay isa siyang prutas na malapit ng masira.

Ah, bahala na nga. Kung gusto nitong magalit sa kanya, edi sige. Bahala siyang magalit hanggang gusto niya!

Nawalan na siya ng gana na suyuin pa ito. Hindi nagtagal ay nakatulog na siya nang mahimbing. Kinabukasan ay dumiretso agad siya sa filming venue nila. Wala rin siyang balak na umuwi mamayang gabi. Gusto niyang dito na muna magpalipas ng buong gabi.

Sa tuwing magkakaroon sila ng pahinga mula sa filming, laging sumasagi sa isip niya si Qin Qing. Hindi tama kung pupunta na naman siya doon para bantayan ito ulit. Kung gagawin niya iyon ay bibigyan na naman nito ng ibang kahulugan. Ganunpaman, mas mainam kung tatawagan niya pa rin ito at kakamustahin.

Nang makapasok ang kanyang tawag ay agad niyang narinig ang malumbay na boses ni Qin Qing.

"Hello?"

"Qin Qing, ako 'to. Nasa set ako ngayon at medyo busy ako kaya hindi ako makakapunta diyan para dalawin ka."

Ngumiti naman si Qin Qing. "Nakalipat na ako ng hospital. Salamat sa'yo."

"Oh, ganun ba? Mabuti naman. Nag-alala talaga ako na baka hindi gaanong de-kalidad ang mga pasilidad sa hospital doon at maging dahilan para mas magtagal ang paggaling mo."

"Salamat sa pag-aalala mo. Pero, hindi naman na iyon mahalaga eh. Hindi naman gaanong malalim ang mga sugat na nakuha ko."

"Ano ka ba, mahalaga pa ring isipin yon! Nakuha mo ang mga iyan nang dahil sa akin!"

Wala pa rin siyang kalam-alam na iniisip ni Qin Qing na siya ang nagrequest kay Gu Jingze para ilipat ito ng hospital.

Maayos naman nilang sinasabi ang gusto nilang sabihin pero parehong magkaiba ang gusto nilang ipahiwatig.

Nakangiti pa rin si Qin Qing habang kausap siya sa cellphone. "Huwag mo ng masyadong isipin pa 'yon. Maliban nalang sa pagiging magkakilala natin simula nang mga bata pa tayo ay sobrang lapit din natin sa isa't-isa at itinuturing pa kitang parang kapatid. At kahit na hindi ko man kilala ang taong mahaharap sa aksidenteng iyon ay hindi ko pa rin maaatim na manood na lang at hayaang masaktan ang taong iyon. Kaya, hwag ka ng masyadong mag-isip pa."

Talaga namang mabuting tao din si Qin Qing.

Habang hawak ang cellphone sa kanyang kamay ay sandaling napahinto si Lin Che. At pagkatapos ng ilang sandali ay nagsalita ulit siya, "Maraming salamat, Qin Qing."

"Andyan ka na naman," sabi ni Qin Qing. "Hindi magtatagal ay magiging magkapamilya na tayo."

"Hmm. Isa ka pa rin sa mga mabubuti kong kaibigan."

Ibinaba na ni Lin Che ang cellphone pero mas lalo lang bumigat ang kanyang kalooban.

Mahirap talagang maintindihan ang panahon. Napakaraming damdamin ang inilubog nito at napakarami ring pagsisising iniwan…

Lumipas na ang isang araw pero wala pa rin siyang natatanggap na balita mula kay Gu Jingze.

Kahit si Yu MInmin ay napansin rin ang pagiging balisa ng isip ni Lin Che.

Habang pinagmamasdan siya na nilalaro-laro ang kanyang cellphone, hindi na nakatiis pa si Yu Minmin at lumapit sa kanya. "Uy, anong problema? Parang wala ka sa sarili ngayon ah."

"Huh… paano naman mangyayari yan eh isang take nga lang lahat ng mga scenes ko ngayon eh."

Sumagot si Yu Minmin, "Hindi iyan ang tinutukoy ko. Tingnan mo nga iyang sarili mo. Pagkatapos ng filming eh dumiretso ka kaagad dito at hindi maipinta iyang mukha mo. Hindi mo ba napansin? Wala ni isa man sa mga nandito ang nangahas na lapitan o kausapin ka simula kanina."

Napakurap-kurap nang ilang beses si Lin Che at iniangat ang ulo. "Talaga? Ganyan kalala ang mukha ko?"

"Sinabi mo pa," ani Yu Minmin.

Tumayo si Lin Che at pagnaka'y tumingin kay Yu Minmin. "Gaano ba talaga kapangit… mahirap ba talagang maipinta ang hitsura ko ngayon?"

"Ano sa palagay mo?!"

"Naku po," saad ni Lin Che. "Bakit hindi ko napansin? Pero bakit wala man lang kahit isa na lumapit o nagtanong sa akin?"

"Dahil iniisip nila na kapag ginawa nila yun ay magwala ka dito."

"Imposibleng mangyari 'yan… sobrang bait ko kaya at tahimik lang."

"Iyan ang karaniwan mong ipinapakita sa kanila. Pero ngayon, mukha kang matandang aswang," diretsahang sabi ni Yu Minmin.

Huminga nang malalim si Lin Che at tumingin ulit sa manager. "Miss Yu, sa palagay mo… kapag ba ang isang lalaki ay lagi nalang nagagalit sa'yo nang walang dahilan, ano kaya ang ibig sabihin nun?"

Napatango si Yu Minmin. "Ah. Kaya pala parang wala ka sa sarili ngayon. Nagagalit sa'yo si Gu Jingze? Anong nangyari? Bakit siya nagalit?"

". . ." Iniyuko ni Lin Che ang ulo. Pagkatapos lang ng ilang sandali siya sumagot, "Uhm, ganito kasi yun…"

Bahagyang ikinwento ni Lin Che ang nangyari. Hindi na niya binanggit ang bahagi kung saan biglaang umamin sa kanya si Qin Qing. Ano pa man, hindi rin naman iyon maituturing na pag-amin. Parang nagpaparinig lang ito sa kanya.

Hindi makapaniwalang tiningnan ni Yu Minmin si Lin Che. "Grabe ka talaga. Napangasawa mo na ang isang Gu Jingze tapos mayroon ka pang isang mayamang kababata na piniling saluhin ang bingit ng kamatayan para lang iligtas ka. Gusto mo ba talagang patayin sa inggit ang lahat ng kababaehan sa paligid mo?"

"Miss Yu, sabihin mo na lang sa'kin kung ano ang dapat kong gawin. Kung nasugatan man siya, yun lang 'yon. Pero hindi naman yata tama na pababayaan ko lang siya doon. Kaso nga lang, masyadong topakin naman ang Gu Jingze'ng iyon. Tinitiis niya talaga na hindi ako pansinin nang dahil lang sa hindi ko pagsipot sa pupuntahan sana namin."

Nakatitig si Yu MInmin kay Lin Che. "Sigurado kang hindi siya nagseselos?"

"Ano?" Nanlalaki ang mga matang napatingin si Lin Che kay Yu MInmin.

Hinampas ni Yu Minmin ang mesa. "Tama na. Hindi mo ba nahahalata? Hindi nagagalit si Gu Jingze sa'yo dahil lang hindi ka dumating doon. Nagagalit siya na hindi mo siya sinipot dahil diyan sa dati mong iniibig. Niloloko mo ba ako? Iyan ang eksaktong kilos ng isang taong nagseselos!"

". . ." Ganun ba iyon?

Nilaro-laro ni Lin Che ang mga daliri at manaka-nakang tumitingin kay Yu Minmin. "Imposible naman yata iyan."

Ayaw niyang paasahin ang sarili.

"Sige na. Gusto ng mga lalaki ay iyong nilalambing sila, lalo na kapag nagseselos sila. Medyo babaan mo muna iyang pride mo at lambingin mo siya nang maayos. Iyan lang ang paraan para bumalik na sa kaayusan ang pagsasama ninyo. Dalian mo na't umuwi ka na. Huwag ka ng mag-aksaya pa ng oras dito."

". . ."

Noon din ay may pumasok sa loob at hinahanap si Lin Che.

"Miss Che, may naghihintay po sa inyo sa labas," nagmamadaling sabi sa kanya ng assistant director. Base sa tono at paraan ng pagtitig nito sa kanya ay masasabi niyang hindi ordinaryong tao ang tinutukoy nito.

Napalingon siya kay Yu MInmin. Nang makita niyang tinanguan siya nito at para bang sinasabi na puntahan niya iyon ay nagmamadali siyang lumabas.

Pero, nang makalabas na siya ay nakita niyang si Chen Yucheng ang nasa labas at hinihintay siya.

"Doctor Chen, anong ginagawa ninyo rito?"

Nakatingin si Chen Yucheng sa kanya. "Hindi ka pa umuuwi simula kahapon?"

Napalabi si Lin Che bago sumagot, "Oo. Ayoko kasi na lalong mairita ang isang tao doon kapag umuwi ako."

"Alam mo hindi ko talaga alam kung anong kailangang pagbayaran sa'yo ni Gu Jingze," sabi ni Chen Yucheng.

"Huh?"

"Siguro ay sobrang sama niya sa'yo sa inyong nakaraang buhay. Kung kaya, nagbalik ka ngayon sa buhay niya para pahirapan siya nang husto."

Hindi makapaniwala si Lin Che sa narinig. "Sinong nagpapahirap sa kanino?"

"Gusto mo bang umuwi muna para makita si Gu Jingze sa huling pagkakataon?" balik-tanong ni Chen Yucheng.

"Ano?" Mas lalong hindi makapaniwala si Lin Che.

Sumagot naman si Chen Yucheng, "Malapit ng mamatay si Gu Jingze."

"Hoy… Ano ba'ng pinagsasasabi mo…"

"Mamamatay na siya sa sobrang galit sa'yo."

". . ."

Pinukol niya nang masama ang doktor na hindi kaagad dinidiretso ang gustong sabihin sa kanya. "Umalis ka nga dito!"

Nang mapansin naman nito na nawalan na siya ng ganang makinig ay agad itong nagpaliwanag. "Sige na nga. Hindi na ako makikipagbiruan sa'yo. Pero totoo talaga na hindi maayos ang kalagayan ni Gu Jingze ngayon."

Napatigil ang ekspresyon ng mukha ni Lin Che nang marinig ang paliwanag ni Chen Yucheng.

May sakit?

Bakit?

Chương tiếp theo