webnovel

Kailangan Mong Kumain Kung May Sakit Ka Nga

Nang makauwi si Lin Che ay napansin niya na mas marami ang mga bantay ngayon sa labas. Mukhang mas naging mahigpit din ang mga surveillance sa lugar.

Nagpalinga-linga siya sa paligid at mas lalong nag-alala.

Habang nagmamaneho ay sandaling tumingin si Chen Yucheng sa labas at nagsalita, "Dahil hindi nga maganda ang pakiramdam ni President Gu, nag-aalala siya na baka may ilang taong mangahas na gamitin ang panahong ito at pasukin ang mansyon. Kung kaya, nagpadala pa siya ng mas maraming bantay."

"Ah." Iniharap ni Lin Che ang tingin kay Chen Yucheng. "Malala ba talaga ang kalagayan ni Gu Jingze ngayon?"

"Hindi naman gaano," sagot nito. "Kung ibang tao ang tatanungin ay hindi naman ito gaanong dapat ipag-alala eh. Pero ganunpaman, sobrang taas ng posisyong hinahawakan ni Gu Jingze at napakalawak din ng kapangyarihan niya. Kung may hindi man magandang mangyari sa isang taong tulad niya, hindi lang isa o dalawang tao ang maaapektuhan."

Kung sabagay.

Hindi nagtagal ay nandoon na si Lin Che sa bungad ng pintuan. Pumasok na siya sa loob, nagpalit ng sapatos at nagmamadaling tumungo sa kwarto.

"Madam, sa wakas po ay nandito ka na." Saktong pagkakita sa kanya ay kaagad na napalitan ng ngiti ang labi ng katulong na halatang itinaboy mula sa kwarto. Agad itong sumalubong sa kanya.

Napansin naman ni Lin Che na parang walang bawas ang pagkaing dala nito. Tinanong niya ito, "Hindi niya kinain iyan?"

"Opo. Ayaw kumain ni Sir."

Kinuha niya ang pinggang dala ng katulong at dahan-dahang pinihit ang pinto ng kwarto.

Sobrang tahimik sa loob nito na para bang walang tao na nandoon.

Ilang hakbang pa ang ginawa niya bago niya nakita si Gu Jingze na nakahiga sa kama. Nakatalukbong ito ng makapal at mabigat na kumot. Ang gwapo nitong mukha ay sobrang putla at halatang may sakit. Hindi maayos ang hitsura nito.

May kung anong mabigat na bagay na dumagan sa puso ni Lin Che. Mabilis siyang naglakad palapit sa kama. Mukha ngang totoo ang sinabi ni Chen Yucheng.

Animo'y narinig nito ang tunog ng isang taong pumasok ay nagpakawala si Gu Jingze ng impit na pag-ungol bagama't hindi pa rin binubuksan ang mga mata. Malalim ang boses nito nang magsalita, "Sinabi ko na di ba na walang sinuman ang pwedeng pumasok dito."

Noon din ay dahan-dahan nitong binuksan ang mga mata at noon lang napagtanto na si Lin Che pala ang nandoon. Nakatayo ito malapit sa pinto at may hawak na pinggan na may lamang pagkain. Ang ekspresyon ng mukha nito ay para bang isang maybahay na labis na nag-aalala sa kanyang asawa.

Bahagyang may liwanag na sumilip sa mga mata ni Gu Jingze. Pero, sandali lang iyon at agad ding bumalik sa pagiging malamig ang ekspresyon ng kanyang mukha.

Nakataas ang dalawa nitong kilay ata masama ang pagkakatitig kay Lin Che.

"Umalis ka dito!"

Agad namang bumagsak ang mukha ni Lin Che. Habang nakatitig kay Gu Jingze ay pinaalalahanan niya ang sarili na kalimutan na muna sandali ang inis na nararamdaman at sinabihan ang sarili na huwag makipag-away sa isang pasyente.

At isa pa, paano niya naman magagawang iwan lang ito doon gayung nakita niya mismo kung gaano kahabag-habag ang kalagayan nito?

Hindi siya nagpatinag. Sa halip ay lumapit pa nga siya at inilatag ang pagkain sa mesa. Hinila niya patayo si Gu Jingze at sinabing, "Gu Jingze, may sakit ka. Huwag ka ngang ganyan. Tumayo ka na diyan at kumain ka na. Ang sabi ni yaya eh buong araw ka raw na hindi kumakain. Mas lalo kang magkakasakit niyan kapag hindi ka pa kumain ngayon!"

HInawakan niya ang balikat ni Gu Jingze at sinubukang itinayo.

Mas lalong nalukot ang mukha ni Gu Jingze at sabay na iwinasiwas palayo ang kamay ni Lin Che. "Ang sabi ko, lumabas ka na! Hindi mo ba ako narinig?!"

Napaatras sa gilid si Lin Che. NApatingin siya kay Gu Jingze at napakagat sa labi. Ganunpaman, pilit niya pa ring pinakalma si Gu Jingze. "Tama na, Gu Jingze."

Muling umayos ng tayo si Lin Che at lumapit ulit dito. "Alam kong masama ang pakiramdam mo kaya wala kang ganang kumain. Pero kahit na, kailangan mo pa ring kumain para magkaroon ng laman iyang sikmura mo. Makinig ka nga sa'kin. Aalalayan kita para makakain ka na."

Habang sinasabi niya iyon ay hinawakan niya ang balikat ni Gu Jingze.

Pero, muli lang siyang itinulak nito. "Sinabi ko na sa'yo na layuan mo ako. Hindi ka ba talaga marunong mahiya?! Pinapalabas din kita di ba, pero bakit nandito ka pa rin?"

Katamtamang lakas na lang ang ginamit ni Gu Jingze sa pagtulak sa kanya kaya halos isang atras lang ang nagawa niya at hindi na tulad kanina na halos matumba siya sa pagtulak nito.

Huminga muna siya nang malalim habang nakatingin kay Gu Jingze. "Ano naman ngayon? Oo na. Hindi talaga ako marunong mahiya? Hindi ba ako pwedeng maging ganito? Di bale na. Hindi naman kasi ako ipinanganak na mayaman katulad ninyo na walang ibang iniisip kundi ang image ninyo o di kaya'y ang reputasyon ninyo! At dahil nga sa ganyang uri ng inyong pamumuhay kaya mas nahihirapan kayo. Oo na, aminado naman talaga ako na wala akong hiya sa katawan! Ano namang magagawa mo, ha?"

"Ano…" Napataas ang isang kilay ni Gu Jingze at matalim ang mga matang tinitigan si Lin Che.

Nanatili namang nakatayo si Lin Che at nakipagtitigan dito. Ginamit niya ang pagkakataong nakahiga lang doon si Gu Jingze at may karamdaman para mas maging matapang.

May kaunting bakas ng pagkadismaya na makikita sa mukha ni Gu Jingze.

Si Lin Che na mismo ang may sabi na wala itong hiya sa katawan. Ano pa ba ang magagawa nito?

"Dali na. Bumangon ka na diyan para makakain ka na," muling sabi ni Lin Che mula sa gilid.

"Ayoko."

"Bakit ba ang tigas tigas ng ulo mo?" Napapailing na tanong ni Lin Che.

"Labas."

"Ayoko!" Humakbang palapit si Lin Che at hinawakan ang magkabilang balikat ni Gu Jingze. Kinuha niya ang kutsara mula sa mesa. Nagluto ang kanilang kusinera ng masustansyang pagkain. Hindi iyon mamantika pero tiyak naman na masarap ang pagkakagawa. Nakakatakam din kung titingnan. Ganunpaman, wala pa ring pakialam si Gu Jingze.

Nang mahalata nito na parang naging matapang si Lin Che ngayon ay lalong lumukot ang mukha ni Gu Jingze. "Lumayo ka nga sa akin!"

"Ayoko!"

"Lin Che, ayaw mo na ba talagang mabuhay, ano?!" Matalim ang pagkakatitig ni Gu Jingze kay Lin Che. Ang kanyang mga mata ay nagbabanta at animo'y nagbababala na makakapatay ng tao kapag ito'y hindi pa tumigil sa kakakulit sa kanya.

Ganunpaman, wala pa ring kahit kaunting pagkatakot na makikita kay Lin Che, sa halip ay mas lalo nitong inilapit ang kutsara sa bibig ni Gu Jingze.

Agad namang nag-igting ang panga ni Gu Jingze at gamit ang isang kamay lamang ay malakas na itinapon ang pagkain.

"Gu Jingze!" Galit na sigaw ni Lin Che. Nakatitig siya dito. Matigas pa rin ang ulo nito sa kabila ng masama nitong pakiramdam! Ano ba ang tingin nito sa sarili, bata?!

"Ah, ganun? Sige. Hindi ka talaga kakain? Pwes, gagawin ko ang lahat para lang makakain ka!"

Habang sinasabi niya ito ay umakyat siya papunta sa kama.

Naging malikot naman agad ang mga mata ni Gu Jingze, hanggang sa namalayan nalang nito na nakapatong na ang katawan ni Lin Che sa kanya.

Na siyang ipinanlaki ng kanyang mga mata.

Habang nakaupo si Lin Che sa kanyang ibabaw ay nakatitig naman ito sa kanya, "Kailangan mong kumain sa ayaw mo't sa hindi!"

"Lin Che, ano bang ginagawa mo?!"

"Papakainin ka!"

"Ano…"

Nakatitig lang si Gu Jingze habang si Lin Che naman ay dinampot ang mangkok na may lamang pagkain at mula doon ay kumuha at sumubo. Habang namimilog ang dalawang pisngi dahil sa laki ng subong ginawa niya ay bigla niyang sinunggaban si Gu Jingze.

Bago pa man makakilos si Gu Jingze ay mabilis nang nakalapit ang labi ni Lin Che sa kanya.

Nang maramdaman niya ang malambot nitong labi ay kusang bumuka ang kanyang bibig. Ang dulo ng dila nito ay para bang nanghihikayat na ibuka pa niya lalo ang bibig, kung kaya malaya ring nakadaloy papunta sa loob ng kanyang bibig ang pagkaing ipinasa ni Lin Che.

Noon din naman ay nakaramdam si Gu Jingze na parang may mali. Iyon ba ang naisip nitong paraan para lang kumain siya?

Gusto niyang umayaw pero ramdam na ramdam niya ang nag-aapoy na dila ni Lin Che sa loob ng kanyang bibig. Bagama't maikli lang iyon, sobrang lakas naman ng epektong hatid nito sa katawan niya. Hindi siya makagalaw. At hindi sinasadyang nalunok niya ang pagkaing isinubo nito at tuluyan nan gang nakadaloy sa lalamunan niya.

Nalukot ang mukha ni Gu Jingze. Taas-baba ang kanyang lalamunan habang nakatingin kay Lin Che.

Samantala, buong pagmamalaking itinuwid ni Lin Che ang pagkakaupo. Nakapatong pa rin siya dito at hindi niya alintana ang kanyang ikinikilos.

Pinahiran niya ang kanyang bibig at bahagyang yumuko para titigan si Gu Jingze.

Naging malikot naman ang mga mata ni Gu Jingze nang magtama ang kanilang mga mata. Ang mga mata nito'y ubod ng linaw at liwanag na bahagyang may pamumula. Ang tainga naman nito ay dahan-dahan na ding namumula.

Nagsalita si Lin Che, "Ayaw mo ring uminom? Pwes, titiyakin kong maiinom mo ito."

Pagkatapos niya itong sabihin ay umakma siyang magpapatuloy sa ginagawa kanina.

Pero kaagad siyang napigilan ni Gu Jingze, "Oo na. Sige na. Tumigil ka na."

HUminto naman na si Lin Che sa binabalak na gawin at tiningnan si Gu Jingze.

Namumula na rin ang mukha ni Gu Jingze dahil sa matinding pagpipigil sa sarili. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sa babaeng ito. Ang ekspresyon ng kanyang mukha ay para bang nagpapahiwatig na gusto niya itong sakalin nang buhay. Na para bang magagawa niya talaga ang bagay na iyon kung hindi lang sana labag sa batas iyon.

Ganunpaman, sa bandang huli ay nasabi na lang niya, "Iinom na ako. Kapag sinubukan mo ulit na gawin iyon sa akin…"

Okay lang sana kung siya ang gagawa nun kay Lin Che pero paano nito nagawang gawin iyon sa kanya?

Hindi niya lubusang matanggap na nagawa iyon ng isang babae sa kanya, at lalo na't si Lin Che iyon…

Nang mapansing nakikinig na si Gu Jingze ay biglang nagliwanag ang mukha ni Lin Che, "Mabuti naman kung ganun! Mabuti naman at hindi ka na nagmamatigas ngayon."

Idinako ni Gu Jingze ang tingin sa pagkakaupo ni Lin Che sa ibabaw niya. Ang dalawang binti nito'y nakabuka pa nga at saktong sa harap niya nakasentro ang mga iyon. Sinamaan niya ito lalo ng tingin, "Kaya pwede ba, umalis ka na diyan sa pagkakapatong mo sa'kin."

". . ."

Chương tiếp theo