Umiling si Lin Che. "Ano ka ba… Isipin mo nalang na bigay 'yan sayo ni Mrs.Gu. Hindi mo na kailangang bayaran pa 'yon."
Ngumiti si Yu Minmin. "Kung talagang hindi na nila papapasukin pa sa mga pasugalan nila si papa, baka mas maging maliwanag na ang mga araw ko. Sumisikat ka na lalo at tumataas na rin ang sahod ko. Baka sa susunod ay maibalik ko din 'yon sa'yo nang buo."
Napataas ang kilay ni Yu Minmin bago muling nagsalita, "Pero, mukhang alagang-alaga ka ni Mr. Gu, ano."
Nabigla naman si Lin Che nang mapunta ang usapan doon. Totoo namang mabuting tao si Gu Jingze, pero minsan ay napakalamig nitong tao. Mukha itong walang pakialam kung titingnan pero ang totoo, mabait itong tao.
Sumagot si Lin Che, "Si Gu Jingze… hindi madaling pakisamahan ang taong 'yon. Ang daming problema nun. Ah basta, ayokong pag-usapan natin siya. Miss Yu, kailangan ko na munang umuwi. May gaganapin kasing birthday celebration sa susunod na araw doon."
Mula sa hotel ay dumiretso na sa bahay si Lin Che. Habang nakatayo sa may gate ay pinagmasdan niya ang mahigpit na mga security guards na nakapalibot sa mansiyon. Nang mga sandalling iyon ay narealize niya na maraming bagay na ang ginawa para sa kanya ni Gu Jingze. Parang nakaramdam siya ng hiya.
Pakiramdam niya'y pabigat siya sa buhay nito.
Nang gabi na't oras na para matulog, lumabas si Gu Jingze mula sa shower. Napansin niya si Lin Che na nahihiyang nakatingin sa kanya.
Tinanong niya ito. "Bakit ka nakatingin sa'kin?"
Nahihiya pa rin ang mga mata na sumagot si Lin Che. "Sa tingin ko… mula ngayon, magpalit na tayo ng pwesto. Dito ka na matutulog sa kama at ako naman sa sofa."
Nagtatakang tumingin sa kanya si Gu Jingze, "Bakit?"
Rumason si Lin Che. "Eh kasi, matangkad ka kaya parang hindi komportable sa'yo na mamaluktot sa sofa. Maliit naman ako kaya kasya lang ako sa sofa. Pwede rin namang magsalitan tayo. Ngayong gabi ay sa kama ka matutulog at sa sofa ako, tapos sa susunod ay palit naman tayo. Kung laging ikaw ang natutulog sa sofa, parang unfair naman para sa'yo. Eh hindi pa nga natin alam kung kailan ba tayo magdidivorce."
Kumislap ang mata ni Gu Jingze. Habang nakataas ang isang kilay ay nakangiti itong tumingin kay Lin Che. "So, sinasabi mo ba na hindi mo kayang matiis na nakikita akong ganito matulog?"
". . ." Hindi iyon ang ibig niyang sabihin!
Tumanggi kaaagad si Lin Che. "Hindi iyan ang ibig kong sabihin! Ang sa akin lang naman ay… Wag na nga lang. Kung gusto mong matulog diyan sa sofa, edi diyan ka na."
Nanlumo si Lin Che. Alam niyang hindi iyon dahil sa hindi niya ito matiis na nakikita nang ganoon.
At bakit naman hindi niya ito matitiis? Sadya lang talagang marami na siyang kahihiyang ginawa sa buhay ni Gu Jingze at sinisisi niya ang sarili. Pakiramdam niya'y pabigat siya sa buhay nito.
Naiinis na inirapan niya si Gu Jingze at umupo sa kama. Pero, sumunod naman agad sa kanya si Gu Jingze at umupo din sa kama sa tabi niya.
Tiningnan niya ito nang masama. "Nagbago na ba ang isip mo?"
Tinitigan muna siya nang ilang sandali ni Gu Jingze bago sumagot. "Actually, malaki naman 'tong kama eh. Pwede namang magtabi nalang dito sa pagtulog."
"Ano?" Akala ni Lin Che ay nagkamali siya ng narinig.
Bigla siyang niyakap ni Gu Jingze dahilan para matumba sila sa kama.
Malaki ang kamang iyon at sobra pa nga para sa kanilang dalawa. Pero bakit naman kailangan nilang magtabi sa pagtulog?
Pilit na bumangon si Lin Che sa pagkakayakap sa kanya. "Ano ba… Ano ba, Gu Jingze! Hindi pwedeng magtabi tayo sa pagtulog!"
Bago pa man siya tuluyang makabangon ay hinawakan na naman nito ang kanyang baywang dahilan para mapahiga siya't mapayakap dito.
Tiningnan siya ni Gu Jingze sa mata at may panunuksong tinanong siya, "Bakit? Ano ba'ng kinakatakot mo? Natatakot ka ba na baka hindi mo makontrol ang sarili mo?"
Nagsisimula nang mamula ang pisngi ni Lin Che. "Ano'ng ibig mong sabihin na di ko makokontrol ang sarili ko ha?"
"Hindi mo makokontrol ang sarili mo na lumapit sa akin," tugon ni Gu Jingze.
"Neknek mo! Bakit naman hindi ko makokontrol ang sarili ko? Ang sabihin mo, mas wild ang mga lalaki't mahirap magkontrol ng emosyon ninyo!"
"Oopps, kung natatakot ka na hindi ko makontrol ang sarili ko, nagkakamali ka. Matagal na kitang kasama sa iisang kwarto at kahit kailan ay hindi kita hinawakan. At mas lalong wala akong plano na galawin ka. Makakaasa ka!"
". . ." Hindi niya talaga gustong makatabi ito sa kama!
"Hindi, hindi. Ayoko!" Natatarantang sagot ni Lin Che.
Ganoon pa man, mas lalo lang idinikit ni Gu Jingze ang katawan sa kanya.
"Huwag ka ng malikot pa at matulog ka na lang!"
"Ayoko…" Sa tingin ba nito'y makakatulog siya sa lagay na iyan?
"Ano pa ba'ng iniisip mo? Matulog ka na nga!" sabi ni Gu Jingze.
Hindi na makapagsalita pa si Lin Che. Malalim ang kanyang paghinga habang dahil sa pagkakadikit ng kanilang katawan. Maya-maya ay naramdaman niyang naging kalmado na rin si Gu Jingze, pero ang mata nito'y nakatitig pa rin sa kanya. Pero ilang sandali lang din ang lumipas nang dalawin na ito ng antok.
Nakapagtatakang nakatulog ito kahit ganoon ang posisyon nila.
Nakaramdam na din si Lin Che ng pagod. Kaya hindi nagtagal at nakatulog din siya sa ganoong posisyon.
Katulad ng nakagawian, nagising si Gu Jingze nang masigla.
Samantala nanaginip naman si Lin Che na palagi na daw silang magtatabi sa pagtulog simula ngayon…
Marahil ay hindi talaga ito nakakatulog nang maayos sa sofa kaya kahit napakalikot at ingay niyang matulog ay hindi ito naistorbo't nakatulog pa nang mahimbing.
Nang marealize niya iyon ay naisip niya na baka tama nga na sa kama na din ito matulog kahit magtabi pa silang dalawa.
Pero ganoon man ang nangyari, gusto niyang malaman nito na seryoso siya nang sabihin niyang gusto nyang matulog sa sofa. Hindi niya inaasahan na ganito ang kahahantungan nila…
Makalipas ang ilang araw ay dumating na ang araw ng Panda Programme Festival.
At dahil isa sa nominado si Lin Che para sa Best Newcomer Award, naghanda nang todo ang kanilang kompanya. Kumuha sila ng mga professionals para tulungan si Lin Che na masungkit ang reward.
Nakabihis na si Lin Che at naghihintay sa bahay. Ang suot niya ay isang mahabang dress na mayroong mahabang slit. Habang tinitingnan niya ang sarili sa salamin, hindi niya maiwasang maasiwa dahil hindi siya sanay sa ganoong style ng damit. Pero, ang kompanya nila ang pumili nito para sa kanya. Sinabi ng kaniyang mga boss na maraming mga bigateng personalidad ang dadalo sa event na iyon. Kung gusto niyang makuha ang spotlight, hindi iyon magiging madali para sa kanya. Kaya, sinadya ng mga ito na pumili ng nakakaagaw-pansin na dress para suutin niya sa araw na ito.
Pero, wala siyang interes na maging center of attraction. Sapat na sa kanya na maranasan niyang makadalo sa ganitong event.
Muli niyang tiningnan ang sarili sa salamin. Parang may mali pa rin.
Pagpasok ni Gu Jingze, napansin nitong nakatayo siya sa harap ng salamin at parang may inaayos sa suot. Napaka-elegante at sexy nitong tingnan dahil sa magandang hubog ng katawan.
Kumunot ang noo ni Gu Jingze habang naglalakad palapit. "Ano'ng ginagawa mo?"
Nilingon siya ni Lin Che. "Sa tingin mo ba, hindi bagay sa'kin 'tong suot ko, diba?"
Sinuri ng tingin ni Gu Jingze si Lin Che. Lalo itong pumuti at napakagandang tingnan ng hita nito sa suot nitong black velvet dress. Kaya sumagot siya dito, "Huh? Bagay naman sa'yo ah."
"Okay lang ba ang hitsura ko?" Tanong ni Lin Che.
Ngumiti si Gu Jingze at lumapit. Mahina at malambing ang kanyang boses, "Sa tingin ko'y mas okay kang tingnan kung wala kang suot…"
". . ." Nag-init ang mukha ni Lin Che. "Umalis ka nga dito!"
Tumawa naman si Gu Jingze at sumagot, "Ikaw ang nagtanong."
Habang namumula ang mukha ni Lin Che, "Eh hindi ko naman alam na ang dumi-dumi pala ng isip mo."
Habang patuloy na sinusuri ang suot ni Lin Che ay napangiti ito. Totoo namang bagay dito ang suot na dress kahit pa mahaba ang hati nito sa may bandang hita niya.
Para bang napakadali lang punitin ang dress na iyon…
Medyo bumilis ang tibok ng puso ni Gu Jingze. Kaagad siyang tumalikod. Napatanong siya sa sarili kung napasobra na ba ang pagpipigil niya sa sarili nitong mga nakaraang araw. Nagtataka siya kung bakit bigla-bigla na lang nagiging ganoon ang isip niya sa tuwing nakatingin siya kay Lin Che.
May kinalaman ba ito sa edad niya, kaya kusang nagrereact ang kanyang katawan kapag may nakikitang babae?
Nilingon siya ni Lin Che. "Ah, oo nga pala. May isa pa akong ticket dito. Kung gusto mong pumunta, pwede kang pumunta doon."
Noon lang bumalik ang isip ni Gu Jingze at tiningnan ang ticket na ibinigay ni Lin Che sa kanya. Kinuha niya ito. "Okay. Kapag may free time ako, pupunta ako."