Pagkatapos nitong magsalita, kaagad namang tinawag ni Mu Wanqing ang katulong. "Dalhin mo nga sa itaas ang 'yong Madam para makapagpalit ng kanyang damit. Hindi man lang nag-iisip si Gu Jingze. Napakasikip ng kanyang suot, so, paano siya niyan makakagalaw nang maayos dito sa bahay?"
Mabilis namang tumalima ang katulong at sinamahan si Lin Che para magpalit ng damit.
Habang nakasunod ang tingin kay Lin Che, narinig ni Gu Jingze si Gu Xiande na nagsalita. "Hindi naman masama ang babaeng iyan."
"Dahil ba sa hindi siya si Mo Huiling kaya nasabi mong hindi siya masama?"
Tiningnan nito si Gu Jingze. "Isang tingin mo lang sa kanya ay mahahalata mo kaagad na malinis siya at natural. Mabuti siyang babae. Kumpara diyan sa Huiling mong 'yan, siya ay langit samantalang ang isa ay basura."
Ngumiti rin si Mu Wanqing at sumali sa usapan. "Oo nga. Gusto ko agad ang batang 'yon pagkakita ko palang sa kanya. Hindi kaagad nagbibigay-puri ang lolo mo kaya 'pag sinabi niyang okay siya, talagang okay talaga siya."
Tama naman ang sinabi ni Mu Wanqing. Maingat talaga si Gu Xiande sa lahat ng tao. Hindi kaagad siya nagbibigay ng kahit anong papuri sa mga ito.
Hindi talaga madaling mapaniwalaan na nagawa ni Lin Che na makuha ang loob ng matandang ito.
Hindi nga inaasahan ni Gu Jingze na madali lang makukuha ni Lin Che ang pagkagiliw ng mga ito sa kanya. Sinabi naman dito ni Mu Wanqing, "Nandito na rin naman kayo, dito nalang kayo matulog ngayon."
Kaagad namang nilingon ni Lin Che si Gu Jingze. Pero hindi niya inaasahang sasang-ayon ito. "Okay".
Sa oras na iyon, napakaraming tanong ang pumasok sa kanyang isip.
Noon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na tanungin ito nang dalhin siya ni Gu Jingze sa silid at isinara na ang dalawang pinto. "Bakit kailangang dito tayo matulog ngayon?"
"May masama ba kung manatili tayo dito?"
"Siyempre naman! Hindi ako sanay dito."
Tiningnan siya ni Gu Jingze. "Ano naman ang magagawa natin? Pag sinabi natin sa kanila na gusto nating umuwi, hindi ba sila maghihinala na mayroon tayong itinatago?"
Sumagot naman si Lin Che, "Pwedeng... Pwede nating sabihin sa kanila na nasa kasagsagan palang tayo ng pag-aasawa at masyado tayong maingay 'pag gabi, kaya't nag-aalala lang tayo na baka maistorbo natin sila."
". . ." Tugon naman ni Gu Jingze, "Naka-soundproof ang buong kwarto na 'to. Hindi 'yan magiging problema."
". . ." Walang maisagot si Lin Che. Habang nakatitig siya dito, napaisip siya na 'yon nga ang ibig niyang sabihin'. Pero ganoon pa man, sana nag-isip ito ng ibang maidadahilan, ngunit sa halip, kaagad lang naman itong sumang-ayon.
Tiningnan niya na lang ito nang masama bago inilibot ang kanyang tingin sa buong kwarto. Mas malaki ang silid na ito kaysa sa kwarto nila ni Gu Jingze. Isa itong suite na may sariling kama. May maliit na study room sa labas, may malaking executive chair, pero walang couch...
Malungkot na hinawakan ni Lin Che ang kanyang noo at nag-iisip kung paano sila matutulog ngayong gabi.
Samatala, hinubad na ni Gu Jingze ang suot na jacket. Nakatingin ito sa sahig at sinabi sa kanya, "Sa sahig ako matutulog ngayon. Diyan ka na sa kama."
Napahinto naman sa pagtibok ang puso ni Lin Che. Hindi niya ito inaasahan na magkusang matulog sa sahig. Medyo na-touch naman siya dahil dito. Pero nahihiya rin siya. "Bakit hindi nalang kaya ako ang matutulog sa sahig? Anyway, ilang kumot lang naman ang kakailanganin kong ilatag."
Pagkasabi niya nito ay naglakad siya papunta sa wardrobe at binuksan ito. Nakita niya ang napakarami nitong mga damit na nakasabit doon. Kaso, walang kumot kahit isa man lang.
Diyos ko po. Sinadya yata ito ng pamilya niya!
Ayaw niya pa ring sumuko kaya sinabi ni Lin Che, "Hindi ako makakatulog sa sahig nito. Iisa lang ang kama, so, bakit di nalang natin tawagin ang katulong para magdala ng isa pang..."
"Gusto mo bang malaman nila na magkahiwalay tayong natutulog?"
"So ano nang gagawin natin ngayon..."
Bahagya nang naiinis si Gu Jingze dahil sa pagpupusirge nitong makalayo sa kanya.
Tinanggal niya ang kanyang jacket at itinapon ito papunta sa kama. "Bahala ka kung ano ang gagawin mo, basta ako, matutulog na."
Pinandilatan ni Lin Che si Gu Jingze. Kanina lang ay sinabi nito na sa sahig ito matutulog pero ngayong nalaman nito na wala palang kumot, makikipag-agawan na ito sa kama.
"Hindi pwede. Gusto ko ring matulog sa kama. Ikaw naman ang may gustong dito matulog kaya ikaw ang mag-isip kung paano natin masosolusyonan ito." Hindi siya naniniwala na hindi nito kayang lutasin ang ganitong problema.
Pagkatapos niyang sabihin ito, lumundag siya papunta sa kama, sumubsob sa kumot, at nagpagulung-gulong sa kama. Maya-maya ay iniangat niya ang kanyang babà at buong pagmamalaki na tiningnan ito. "Ngayon, punung-puno na ito ng aking amoy, ng mga dumi sa aking katawan, at lahat-lahat. Gusto mo pa ring matulog dito?"
Ayaw niya pa ring maisahan nito kaya dinilaan niya ang kanyang kamay at kinuskos ito sa buong kumot.
Nagdilim naman ang tingin ni Gu Jingze. "Lin Che, ano'ng ginagawa mo?"
"Ano? Hindi mo ba alam kung paano pinoprotektahan ng mga aso ang kanilang teritoryo? Iniihian lang nila ito para patunayan na sila ang may-ari ng lugar na iyon. Ganoon din ang ginagawa ko ngayon. Kaya, akin ang kamang ito."
Itinuro ni Gu Jingze ang kumot. "Ang tinutukoy ko ay 'yang ginagawa mo!"
"Pinapahid ang laway ko. Bakit? Gusto mo?"
"Ano..."
Kapag naiisip niya kung paanong nilawayan ni Lin Che ang mga kumot, lalo lang siyang naiirita. Matalim ang mga titig niya dito bago tumalikod, at lumabas.
Kaagad namang napabunghalit nang tawa si Lin Che sa loob. "Ang dali mo namang sumuko, Gu Jingze. Wala ka palang sinabi eh!"
Tuwang-tuwa siya habang nagpagulung-gulong sa kama. Subalit, napansin niyang bumukas ulit ang pinto at pumasok si Gu Jingze. Galit na galit ang tingin nito at nakaramdam naman siya ng kaunting guilt. Napaatras siya nang bahagya.
"Hoy, Gu Jingze. Anong ginagawa mo? Nagbibiro lang ako kanina..." mabilis niyang sabi dito.
Pero bigla nalang tumalon si Gu Jingze sa kama, hinila si Lin Che, at binuhat siya sa balikat nito.
Malakas ang katawan ni Gu Jingze. Matangkad ito at halatang maganda ang pagkakatayo nito. Pag kumikilos ito, napakapino nito at napakabilis.
Nagpupumiglas naman si Lin Che habang nakapatong sa balikat nito. "Gu Jingze, ano bang ginagawa mo? Ibaba mo nga ako!"
Sinuntok niya ito nang sinuntok, pero hindi man lang ito natinag.
Binuksan nito ang pinto at kaagad siyang itinapon sa maliit na study room sa labas.
Nang makita niya na isinara na nito ang pinto, galit na galit niya itong pinaghahampas. "Gu Jingze, lalaki ka ba o hindi? Nakikipag-away ka sa isang babae dahil lang sa higaan!"
"Pasensiya na. Hindi ko alam kung saang banda ka ba babae." Pagmamatigas ni Gu Jingze.
Pakiramdam ni Lin Che ay sasabog na ang kanyang baga dahil sa sobrang galit. "Oo, hindi ako babaeng-babae kung kumilos. Si Mo Huiling na nga ang pinakamahinhing babae sa buong mundo!"
"Totoo 'yan."
Huminto naman si Lin Che nang marinig ang sagot nito. "Kung gayon, bakit hindi mo nalang siya puntahan? Hindi mo magawa, ano, kaya ako nalang ang pinapahirapan mo?!"
Nainis lang din lalo si Gu Jingze nang marinig ito. "Sa tingin mo ba kung kaya kong gawin 'yan, nandito pa ako ngayon?"
"Hoy... ikaw..."
Sa labas, inilibot nalang ni Lin Che ang tingin sa kanyang paligid. Isang executive chair lang ang nandoon at imposible namang doon siya matulog. Samantala, malambot din naman ang carpet. Hinawakan niya ito at sinubukang mahiga. Napakalambot nga. Pero, hindi siya pwedeng matulog doon nang ganoon lang.
"Gu Jingze, may puso ka ba talaga para pabayaan ako dito? Ang lamig lamig dito."
Sa loob naman ay lumambot na ang puso ni Gu Jingze nang marinig na humihina na ang boses nito.
Pero nang tingnan niya ang kama na pinaglaruan nito kanina, nagalit na naman siya. Naglakad siya at kinuha ang kumot. Naaamoy pa nga niya ang pabango nito, pero masarap naman ito sa kanyang pang-amoy.
"Bakit ba may ganyang asawa na ganito tratuhin ang misis niya? Gu Jingze, ganyan ka ba talaga kasama?"
Hinila ni Gu Jingze ang kumot at naalala na nilawayan pala ito nito.
Lalo lang siyang nakaramdam ng inis. Sinabi nito sa direksiyon ni Lin Che, "Matangkad ka naman at malakas. Walang mangyayari sa'yo kahit magdamag ka pang matulog dyan."
"Ano..." At nawalan na nga ng pag-asa si Lin Che. Habang nakahiga siya doon, naisip niya nalang; Gu Jingze, maghintay ka lang!
Porket may Mo Huiling na ito, napakasama na nito sa ibang babae.