"Gu Jingze, kung gusto mo talagang makasama si Mo Huiling, itanan mo siya. Kung ibubunton mo lang sa'kin 'yang galit mo... gawain ba 'yan ng isang lalaki?! Wala kang bayag na kalabanin ang iyong pamilya. Isa pa, wala ka ring lakas ng loob na sabihin kay Mo Huiling na siya ang dahilan kung bakit nagpakasal ka sa akin. Napaka... duwag mo naman," galit na sumbat ni Lin Che. Maya-maya ay narinig niyang may tumunog sa pinto. Ni-lock na nga talaga nito...
Kahit kaunting ingay ay wala siyang narinig mula kay Gu Jingze.
Matagal nang nakahiga doon si Lin Che habang naghihintay na buksan nito ang pinto, pero hindi man lang ito kumibo. Niyakap niya ang kanyang mga braso at hindi niya maiwasang mag-alala na baka nga sumobra na siya sa kanyang mga nasabi kanina.
Sa totoo lang, normal lang naman talaga na magalit ito sa kanya. Dahil sa isang pagkakamali na nagawa niya, nagbago ang lahat ng mga plano nito sa buhay. Kaya, magagalit talaga ito sa kanya nang sobra.
Kung hindi dahil sa kanya, hindi sana ito pipilitin ng pamilya at hindi rin magagamit si Mo Huiling na panakot para pakasalan siya ni Gu Jingze. Dahil sa nangyari, nabuhayan ng loob ang mga magulang nito kaya't minadali ng mga ito ang pagpapakasal.
Pero, hindi rin naman maganda ang sitwasyon niya ngayon. Ang gusto niya lang naman noon ay gumawa ng ingay (sa showbiz) pero, ang nangyari, nasayang niya tuloy ang kanyang 'first time'.
Habang iniisip niya ito, lalo lang siyang nalungkot.
Kaagad naman siyang nakatulog pagkatapos mapagod sa kaiisip ng maraming bagay.
Samantala, napansin naman ni Gu Jingze ang pagtahimik sa labas. Mag-isa lang siya sa kwarto pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.
Binuksan niya ang pinto dahil gusto niyang pumunta sa bathroom.
Nakapulupot ang katawan ni Lin Che na parang isang bola at hindi maayos ang pagkakahiga nito.
Lumakad palapit sa kanya si Gu Jingze at tahimik siyang tinitigan. Ilang sandali lang ay iniyuko nito ang ulo at binuhat si Lin Che.
Napakagaan nga talaga nito habang karga siya ni Gu Jingze. Pakiwari niya ay para talaga itong walang timbang. Nakangiwi ang mukha nito habang natutulog hindi katulad ng nanghahamon nitong mukha kapag gising. Habang tinitingnan niya ito ngayon, para itong isang sanggol na payapang natutulog. Maya-maya ay inilalabas nito ang dila para basain ang mapula nitong labi.
Dinala niya ito papunta sa kama at tahimik na tiningnan bago umiling at nagpunta sa bathroom.
Pagbalik niya, malalim pa rin ang tulog nito.
Itinaas niya ang kumot at sumubsob sa ilalim nito, habang iniisip na pwede naman nilang tiisin ang ganitong set-up ngayon tutal, isang gabe lang naman 'to.
Pero sino ba ang may alam na pagsapit ng hatinggabi, hindi pala nito kayang i-steady ang buong katawan?
Nang sa wakas ay makaramdam na si Gu Jingze ng antok matapos ang ilang oras na pakikipaglaban sa insomnia, ay biglang may kamay na sumuntok sa kanya.
Napakagat naman siya sa kanyang ngipin habang nakatingin sa kamay nito. Tinanggal niya ito at tumalikod; walang balak na pansinin pa ito.
Nang dalawin muli ng antok... may isa na namang paa nito ang nagpahinga sa ibabaw ng kanyang mga hita.
Ganoon ang naging set-up niya: maiidlip at magigising na naman maya-maya. Pagkatapos ng ewan-kung-ilang-oras na palaging ganoon, nakatulog na rin siya dahil yata sa pagod at nasanay na siguro siya sa bigla-biglang pag-atake nito.
Nang magising kinabukasan, nagulat na lang si Lin Che na sa kama pala siya natulog.
Pero hindi niya alam kung paano siya napunta doon.
Posible kayang nakonsensiya bigla si Gu Jingze kagabe kaya dinala siya nito papunta sa kama?
Pero sa mga oras na iyon, wala doon sa kwarto si Gu Jingze.
Mabilis na tumakbo palabas si Lin Che, ngunit pagdating niya sa kusina ay nakita niyang nag-aalmusal na ang buong pamilya.
Seryoso namang kumakain si Gu Jingze at hindi man lang tumingin sa kanya kahit saglit.
Ngumiti si Mu Wanqing at tinawag si Lin Che. "Halika, maupo ka dito."
Tiningnan niya nang masama si Gu JIngze. Ang lalaking ito... gusto ba siya nitong ipahiya? Hindi man lang siya nito ginising, kaya ngayon tuloy siya pa ang pinakahuling dumating sa kusina.
Parang isang tupa na umupo si Lin Che. "Sorry po. Medyo late na akong nagising."
Puno ang ngiti sa labi ni Mu Wanqing. "Wala 'yan. Pagod na pagod ka siguro kagabi, ano. Hindi ka ginising ni Gu Jingze dahil nag-aalala lang siya sa iyo."
Hindi talaga siya maniniwala kung totoo mang nag-aalala talaga ito para sa kanya.
Tiningnan niya si Gu Jingze na patuloy lang kumakain. Para itong isang mamahaling kumakain na pusang Persian, napakasinop ng kilos nito kaya't lalo lang itong naging gwapo tingnan.
Pero, hindi man lang tumingin sa kanya si Gu Jingze.
May ibang ibig sabihin ang mga sinabi ni Mu Wanqing kaya lalo lang siyang nakadama ng hiya.
Napagod siya kagabi dahil sa halos magdamag na pakikipag-away dito. Sa huli, bukod sa hindi siya nanalo dito, grabeng pagod naman ang natanggap niya, physically and mentally.
Nang maalala na naman ito ni Lin Che, hindi niya mapigilan pandilatan ito.
Nahuli naman siya ni Gu Jingze kaya gumanti ito at inikot ang mga mata.
Kaagad namang napansin ni Mu Wanqing ang kanilang ginagawa at napangiti.
Mukhang madalas na silang nagiging palagay sa isa't-isa.
Nang una niyang maisip ang planong ipakasal ang dalawa, nag-aalala si Mu Wanqing na baka pareho lang itong magdusa dahil sa hindi magandang personalidad ni Gu Jingze. Pero ngayon, mukhang nagkakasundo naman na sila sa ilang bagay.
Si Gu Jingze ay naiiba sa dalawa niyang kapatid. Hindi ito mahilig magsalita at hindi rin gustong makipag-usap sa ibang tao. Napaka-arogante nito at mapagmataas. Kapag pinipilit niya itong iharap sa isang babae, wala itong reaksiyon kahit kaunti. Kaya namamangha talaga siya na makita itong nakikipag-ugnayan kay Lin Che sa ganoong paraan...
Ibinaling niya ang tingin kay Lin Che, "Lin Che, ang payat-payat mo. Kumain ka pa nang marami."
Habang sinasabi niya ito, mabilis niyang pinunò ng pagkain ang pinggan ni Lin Che.
Nataranta naman si Lin Che, "Hindi na po kailangan. No need na po. Kaya ko na po ang sarili ko, Mama."
"Hindi pwede. Napakapayat mo, oh. Ngayong bahagi ka na ng pamilyang ito, patatabain ka namin dito."
Sumagot naman si Lin Che. "Hindi po ba magandang tingnan kapag payat?"
"Maganda din naman ang medyo malaman. Bakit? Sino ang may ayaw? Pinipigilan ka ba ni Gu Jingze na tumaba?"
Napatingin naman si Gu Jingze kay Lin Che.
Ang payat-payat nga nito. Nang ilagay nito ang kamay sa ibabaw ng mesa, napakaputi at napakalinaw ng mga ito, at ang kanyang braso ay parang mababali kaagad 'pag may sumubok na baliin ito.
"Wala naman akong hindi magugustuhan," sabi niya.
Sumagot naman si Mu Wanqing. "Kita mo? Sabi ko na sa'yo, hindi magagalit si Gu JIngze."
Tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze. Siyempre, hindi totoo ang kasal nila kaya bakit naman ito magagalit. Okay lang sa kanya basta hindi lang si Mo Huiling ang tumaba.
Ikinulot ni Lin Che ang labi niya at nagsalita, "Mama, wag kang maniwala sa kanya. Pare-pareho lang ang mga lalaki. Kahit sabihin pa nila na gusto ka nila kahit payat ka man o mataba, pero ang totoo, sa kanilang puso ay mas gusto pa rin talaga nila ang mga payat na babae."
Nang marinig ito ni Mu Wanqing, napahinto muna ito bago tumawa nang malakas.
Maririnig ang lakas ng tawanan sa loob ng kusina. Habang tinitingnan ni Mu Wanqing si Lin Che, lalo lang niya itong nagugustuhan. Nakakaakit ang pananalita nito at napakamasayahin ng kanyang personalidad. Walang bahid ng pagpapanggap kahit kaunti man lang.
Pagkatapos kumain, nagbigay pa si Mu Wanqing ng maraming pagkain para dalhin sa kanilang pag-uwi.
Lumabas na si Lin Che kasama ni Gu Jingze mula sa mansiyon ng mga Gu. Sa loob ng sasakyan ay masaya pa rin si Lin Che. "Hindi ko alam na ganoon pala kabait ang Mama mo. Dati, kung ikwento mo siya, parang napakahirap niyang pakisamahan. Kinabahan tuloy ako."
Tiningnan siya nang malalim ni Gu Jingze habang puno ng kasiyahan ang kanyang mukha.
Hindi rin makapaniwala si Gu Jingze. Parang naging madali at magaan lang ang lahat pagdating nito sa kanilang bahay. Masasabi niya talaga na gusto ito ng lahat, ang mama niya at maging ang kanyang Lolo.
Pero, hindi niya pa rin maiwasang sabihin dito na "Basta't hindi si Mo Huiling, kahit sino ay magugustuhan talaga ni Mama."
Tulad ng kanyang inaasahan, sumama na naman ang tingin nito sa kanya. Itinikom na lang ni Lin che ang bibig at sinabi sa sarili, 'ang sama talaga ng ugali ng lalaking 'to.'
Bigla namang naalala ni Lin Che na marami pa pala siyang bubuksan na mga pulang sobre. Napagpasyahan niya na kunin ang mga ito at sinimulang buksan isa-isa.
Nang mabuksan niya na ang mga ito, nakita niya na hindi pala pera ang laman ng makakapal na sobreng iyon... kundi mga titulo sa lupa.
Kaagad niyang sinuri ang mga titulong iyon at lalo lang siyang nalula. Ang laman ng sobre na ibinigay ng mama nito ay isang bahagi ng lupa sa kabila ng bundok sa B City. Hindi rin pera ang laman ng sobreng ibinigay ng kanyang Lolo. Ito ay titulo na nagsasaad ng pagmamay-ari sa isang apartment sa Central Business District.
Napasigaw si Lin che sa sobrang gulat, "Mahabaging diyos, red packet ba talaga ang mga 'to?!"