webnovel

A PREMONITION?

"Dixal, kaya ko ba talagang maging finance director?" untag ni Flora Amor sa katahimikan habang nakaharap siya sa salamin at naglalagay ng make up sa mukha, si Dixal nama'y nakatayo lang sa kanyang tabi at pinagmamasdan siya sa ginagawa.

"Trust yourself, Amor. 'Pag naayos na ang lahat ng problema ko, ikaw na ang tatawaging madam vice-chairman. Gagawin kitang isa sa mga shareholders ng kompanya," sagot nito't dinampot ang lipstick at binigay sa kanya.

Hagikhik lang ang kanyang isinagot pero syempre excited siya. Ngayon pa lang, marami nang plano ang asawa para sa kanya. Ang akala niya'y seryoso talaga itong gawin siyang full time housewife, biro lang pala 'yon. Wala siyang hilig mag-stay sa loob ng bahay, sa totoo lang. Mas sanay siyang nagtatrabaho.

Pero 'pag natapos na ang problema nilang mag asawa, magpapaturo na siya ritong magluto. Nakakahiya, siya itong babae pero siya ang pinagsisilbihan ng kanyang asawa. Ultimong lasagna, 'di niya alam pa'no lutuin. Sarap pa naman no'n. Hanggang kain lang siya.

"That's enough, sweetie. Pantay na ang make-up mo," pigil nito nang dadamputin niya uli ang blush on.

Pinasadahan niya muna ng tingin ang sarili bago tumayo at ayain ang asawang lumabas na ng kwarto. Pero sa halip na sumunod ay kinuha nito ang phone saka siya kinabig upang dalawa silang mag-selfie.

Ang lakas ng tawang pinakawalan niya.

"Mahilig ka palang magselfie, Dixal?" puna niya rito pagkatapos siyang kunan ng picture.

Isang buntunghininga muna ang pinakawalan nito saka ibinulsa ang phone.

"I don't know. I just have a feeling that this would be our last time together. Maybe because of my dream last night," sagot nito saka hinawakan ang kanyang kamay at sabay silang naglakad palabas ng kwarto.

"Huh? Nagpapaniwala ka sa mga panaginip na 'yan. Forget about it Dixal," anya rito ngunit ewan kung bakit biglang kumabog ang kanyang dibdib sa sinabing iyon ng asawa.

Kapwa sila natahimik pagkuwan. Ngunit paglabas nila ng opisina, kusa na niyang binawi ang kamay mula sa lalaki kasabay ang isang tanong.

"Ano'ng panaginip mo, Dixal?" usisa niya.

"Nasa ospital ako't umiiyak ka sa tabi ko," kaswal lang na sagot nito pero namutla siya agad pagkarinig niyon.

Lalong kumabog ang kanyang dibdib hanggang sa mahimas niya 'yon. Bakit gano'n, hindi siya naniniwala sa mga panaginip na 'yan pero bakit gano'n ang epekto sa kanya ng sinabi ni Dixal? Parang dinudurog ang kanyang puso na parang pinipilipit iyon sa loob. Nahihirapan siyang huminga.

Napahinto siya sa paglalakad at ilang beses na hinimas ang dibdib. Napahinto na rin si Dixal.

"Amor, what's wrong?" usisa agad nito't mabilis siyang inalalayan.

Agad siyang umiling saka pilit na ngumiti.

"Wala 'to, may naalala lang ako," tipid niyang sagot saka inayos ang tayo nang 'di ito mag-alala sa kanya.

Pero hindi ito basta naniwala't inakbayan na siya agad.

"Dixal--" baling niya rito, nagtatanong ang mga mata.

"It's okay sweetheart. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba," anito nang maunawaan ang gusto niyang sabihin.

"Dixal!"

Naagaw ng papalapit na si Lemuel ang kanilang atensyon.

"Good morning madam," bati nito pagkakita sa kanyang noon lang nito ginawa mula nang magtrabaho siya roon.

Isang ngiti lang ang kanyang iginanti.

"Nasa conference room na ang lahat ng mga staff natin pati mga shareholders. Kayo na lang ang hinihintay," anito't mabilis siyang sinulyapan saka tila nanunudyong tumingin kay Dixal.

Nag-blush siya sa paraan ng tingin nito sa kanyang asawa kaya nahihiyang nagpatiuna siyang naglakad at iniwan ang dalawa sa kanyang likuran.

Binatukan agad ng lalaki ang kaibigan.

"Ouch! Parang tumingin lang ako ah, batukan agad?" ang haba agad ng ngusong angal nito sa lalaki.

"O baka gusto mo ng suntok?" banta ni Dixal.

"Aray! Sakit talaga ng batok ko." Bigla itong ngumiwi at nagpatiuna ring naglakad kasabay niyang 'di makatingin rito.

Ngunit nang mapansing namumula ang pisngi niya'y muli itong bumaling kay Dixal sa likuran at siniko ang lalaki.

"Parang ang gwapo mo lalo ngayon ah. Tell me, ano'ng nangyari kagabi?" puna nito sabay biro sa kaibigan.

"Sira ulo!" anang lalaki't muntik na namang mabatukan ang kaibigan kung hindi ito natatawang umilag.

Dahil nakakahawa ang tawa nito'y mahina tuloy napatawa ang lalaki na kung babae lang marahil si Dixal ay halatang kinikilig din ito.

Lalo namang nagkaroon ng dahilan ang kaibigang manudyo sa huli ngunit nang mapansing marami na ang nakatingin sa kanila habang papunta sa conference room ay bigla itong sumeryoso lalo na nang mapansin si Dixal na seryoso na rin ang mukha.

Siya nama'y huminto agad pagkatapat sa pinto ng conference room at hinintay si Dixal na maunang pumasok kasunod si Lemuel, saka siya pumasok sa loob.

Pagkapasok pa lang, napansin niya agad ang mga mapanuring mga matang nakatitig sa kanila lalo na sa kanya. Dinig niya ang bawat pagbati ng lahat para kay Dixal at Lemuel ngunit nang napadako na ang paningin ng mga ito sa kanya ay nagtatanungan ang karamihan kung siya ba 'yong babaeng dinala noon ng manager ng research department na naging dahilan para magreact ang ama ni Shelda at itanong kung bakit siya nasa meeting.

Pero sa pagkakataong 'yon, walang dahilan para iyuko niya ang kanyang ulo, sa halip ay taas-noo siyang naglakad papunta sa unang upuan, pinakamalapit kay Dixal at katabi ni Lemuel, bagay na lalong ikinapagtaka ng lahat lalo na ang ama ni Shelda na noo'y 'di inaalis ang tingin sa kanya, maging si Veron na noo'y katabi ni Lemuel sa pangatlong upuan.

Tila nag-aapoy ang mga titig na ipinupukol ng dalaga sa kanya na kung isa lang itong lobo, marahil ay kanina pa siya nilapa noong kapapasok lang niya sa loob ng malawak na silid na 'yon.

Pero ang mas ikinagagalit nito, ni 'di man lang niya ito pinansin o tinapunan man lang ng tingin para malaman niya kung ga'no ito kagalit sa kanya.

Sinadya talaga niyang hindi ito tapunan ng sulyap man lang. Kung nagkataong shushunga-shunga siya kahapon, malamang siya ang trending sa loob ng building ngayon.

Hindi lang sa loob. Baka humahalakhak na ito sa tuwa kung nagkataong nagtagumpay ito at si Joven na mapabagsak siya at mabilis seguro nitong ipinakalat ang kanyang mukha sa social media. Buti na lang 'di ito nagtagumpay, umayon sa kanila ni Dixal ang pagkakataon.

Sinulyapan niya si Dix sa tapat ng mesa, nakaupo sa pinakaunang upuan sa hanay ng mga shareholders, nakatitig sa kanya kaya agad din niyang iniiwas ang paningin rito at panakaw na sinulyapan si Dixal na tulad ng nakahiligan nitong gawin ay nilalaro na naman ang hawak na pen.

At sino ba ang mag-aakalang isa iyong hidden cam at recorder sa liit ng pen na 'yon?

"Madam, parang center of attraction ka yata ngayon," bulong ni Lemuel sa kanya.

Nang sulyapan niya isa-isa ang nasa tapat na mga upuan at makitang sa kanya nga nakatitig ang mga ito'y saka siya tumango kay Lemuel.

"Ganyan ba talaga sila?" pabulong din niyang tanong sa katabi.

"Hindi, ngayon lang," anang lalaki saka bumaling kay Dixal para simulan na ang meeting.

Nang magbigay ng hudyat ang lalaki ay saka lang tumayo ang kaibigan at binuksan ang projector para maipakita ang laman ng USB tungkol sa akusa sa mag-ama.

Lahat ay napanganga sa pagkagulat sa mga ebidensyang ipinapakita habang patuloy sa pag-uulat si Lemuel.

'Di niya maiwasang mapasulyap sa ama ni Veron na napanganga rin sa nakikita sa board at salubong ang kilay na tumingin sa anak na namumutla habang nakatitig sa harapan.

Napasulyap din siya sa ama ni Shelda na sa lahat ng mga naroon ay ito lang ata ang nakangiti o nanunuyang nakangiti wari bang inaasahan na nito ang pangyayaring 'yon.

Napakunot-noo tuloy siya.

Chương tiếp theo