DAHIL hindi nakatulog, wala pang alas siyete ay bumangon na si Lyndon. Diretso ito ng kusina, ngunit hindi naman pagkain ang hanap.
Umiikot ang sikmura niya. Para itong terorista matapos maglagay ng bomba sa isang lugar. Excited sa magaganap na pagsabog at the same time natatakot na baka mahuli siya.
Nasa kusina na si Mrs. Ty at ang mommy niya. "Mabuti at gumising ka nang maaga, iho. Ipagmamaneho mo sina Kiona mamaya, mamamasyal sila sa Makati Square."
Walang narinig si Lyndon, parang sinasapian ng espiritung na-stroke ang hitsura. Inabutan siya ng mommy niya ng isang basong freshly-squeezed orange juice.
"Mabuti pa, gisingin ko si Kiona. Masyadong ma-traffic ngayon, marami ako bibilhin, baka kulang na oras." Ang mommy ni Kiona.
"W-waag po..." Aniya.
"Bakit." Usisa ng intsik niyang mother-in-law-to-be.
"Ano bang nangyayari sa iyo, Lyndon. Para kang maysakit? Sinabi ko naman na huwag kang masyadong umiinom, ayan tuloy. Nakipagsasabayan ka na naman kay Cassius, alam mo namang expert na iyon. Pagkakain mo ay magshower ka na para mawala iyang hang-over mo." Sermon ng mommy niya.
"Bella, akina susi. Gising ko Kiona. Bata iyon, tanghali lagi gising. Sobra tamad. Buti mag-asawa na siya, para matuto gawa bahay."
Kinuha ni Mrs. Gregorio sa drawer ang duplicate ng mga susi. Itinuro sa balae ang susi ng silid na ginamit ni Kiona.
"Ako, patay." Ani Lyndon na halos maisubsob ang ulo sa isang platong bacon.
Parang gusto niyang pigilin si Mrs. Ty na akyatin si Kiona sa silid, ngunit iyon naman talaga ang plano nya, ang makitang magkatabi ang dalaga at ang pinsan niya. Presto! Walang kasal.
At hindi siya ang may kasalanan. Kung ipapakasal si Kiona at si Cassius, wala namang masama. Tingin pa nga niya'y bagay ang dalawa.
Hindi rin naman lugi ang pinsan niya dahil talagang maganda si Kiona, iyon nga lang magkakaroon siya ng biyenan na ubod ng kulit at tila ipu-ipo kung kumilos dahil sa liksi.
Talaga sigurong ganoon ang mga intsik, katibayan na ang mga pelikula ni Jackie Chan at Jet Lee.
"Iho, kausap ko ang aking Gemelogist, maganda ang ipinakita niya sa aking example ng wedding rings, bakit hindi n'yo bisitahin? Kayong dalawa lang ni Kiona, tutal hanggang makalawa pa sila titigil di—"
"Aaaaaa!"
Nasundan ang sigaw na iyon ng isang malakas na kalabog buhat sa itaas. Patakbong tinungo iyon ni Mrs. Gregorio. Pati ni si Dr. Gregorio na kalalabas pa lamang ng banyo ay patakbo ring tinungo ang hagdan habang itinatali ang bata de banyo.
Naiwan sa kusina si Lyndon. Abot ang kaba, pakiramdam niya ay titigil sa pagtibok ang puso niya anumang oras. Hindi naman niya magawang tingnan ang sanhi ng pagsigaw na iyon ni Mrs. Ty.
Walang kriminal na gusto pang masaksihan ang nilikha niyang krimen, maliban na lamang siguro sa isang psychotic.
"Oh, my God!" Bulalas ni Mrs. Gregorio, na kung hindi naagapan ng maid ay hihimatayin na rin.
"Cassius! Anong kalokohan ito?!" Sigaw ni Dr. Gregorio, hindi pa rin halos makapaniwala sa nasaksihan.
Heto ang Cassius, walang suot kung hindi ang kanyang briefs, tulalang napabalikwas nang marinig ang malakas na sigaw at ang pagbagsak ni Mrs. Ty sa sahig.
Lusaw pa rin ang isip nito dahil sa hang-over, tila hindi pa rin makuha ang mga pangyayari.
"Kalokohan?" Naguguluhan niyang tanong.
"Look at you!" Namumula ang magkabilang tenga ni Dr. Gregorio at gigil na gigil sa pamangking itinuring na rin niyang anak.
Tiningna nga ni Cassius ang sarili. Ano na naman ang masama kung naka-briefs lang?
"Shit!" Napalundag siya sa kama nang makita si Kiona, tulog pa rin dahil sa tama ng atiban.
"Talagang shit ka! Anong kalokohan ang pumasok sa isip mo at pinaki-alaman mo ang manunuganin ko?"
"U-uncle, magpapaliwanag ako. Wa-wala naman sigurong nangyari. Lasing na lasing ako at nakatulog na ako."
Sa puntong iyon naalimpungatan si Kiona. Kung gaano kalakas ang sigaw ng ina, doble noon ang isinisigaw nito nang makita ang hubad na si Cassius. Nang marinig ni Mrs. Ty na nagkakamalay na uli ang sigaw ng anak, sumigaw din ito ng ubod ng lakas.
"Tigil! Kayo Tigil!" Si Mr. Ty. "Tayo kailangan usap." Anito.
"Mabuti pa nga, balae, este, pare. Cassius, magbihis ka. Ipapasundo ko si Mildred."
Tumalikod si Dr. Gregorio kasunod ang kumpareng intsik. Nilapitan naman ni Mrs. Ty ang anak.
"Anak, bakit ka gawa ganyan? Sana sabi ka agad, siya mahal mo, para kayo pakasal namin maayos. Hindi tayo subo kahihiyan." Hagod pa nito ang buhok ng unica hija.
"Mommy, hindi naman, e. Bakit naririto itong lalaking ito? Hindi ko siya kilala, My."
"Cassius, nauunawaan kong lasing ka kagabi, pero bakit naman si Kiona? Paano ang anak ko? Paano si Lyndon? Mapapahiya siya, na-announce na namin ang engagement nila Kiona."
Hindi malaman ni Cassius kung dapat ba siyang ma-guilty. Sigurado naman siya na hindi niya pinakialaman si Kiona. Muntik na. Naalala niya ang babaing pinapapak niya bago siya nakatulog. Akalain ba niyang si Kiona iyon?
"Tita, I-I'm sorry. I swear, hindi ko gusto ang nangyari. Hindi ko gustong saktan kayo ni uncle, lalo na si Lyndon. Alam mo naman iyan Tita, eh."
Itinaas ni Mrs. Gregorio ang isang palad, tanda ng pagpigil sa anumang sasabihin ni Cassius. "Alam ko, alam ko. Hindi ko lang alam kung ano ang mabuting gawin ngayon. Paano ang mga taong nakasaksi sa engagement?"
"Tita, wala namang nangyari, e." Sabay sulyap niya kay Kiona na nakayakap sa ina. Saglit nagtama ang kanilang mga mata.
Natigilan si Cassius. Paano kung akala lamang niya na walang nangyari? Paano kung pinakialaman nga niya ang bride to be ng pinsan?
"Sinungaling siya, Tita. Naalala ko na, may ipina-inom siya sa akin kagabi, pagkatapos noon ay nakatulog na
ako."
Gulantang ang lahat sa sinasabi ni Kiona. Halos pananawan ng katinuan si Cassius sa narinig.
"Anong pinagsasabi mo?! Wala akong natatandaang ginawang masama sa iyo! Nakatulog lang ako dito!"
"Bakit nakahubad ka? Sige nga, ipaliwanag mo sa kanilang lahat
iyan." Hamon pa ni Kiona.
Si Kiona na sa paniniwala ni Cassius ay puno ng kainosentihan, bakit ngayon ay parang demonyita ang kaharap niya?