"NAIS niyang ipahatid sa pamilya niya na ligtas siya at huwag ang mga itong mag-alala. Ating napag-alaman na isa pala siyang modelo na nag-pictorial dito sa lahar country. At dito sila inabutan ng bagyo. Ngunit huwag po kayong mag-alala, nasa mabuting kalagayan si Ms. Ty at nagpapasalamat kami sa kagandahang loob na ipinakita niya."
"Tingnan mo nga naman. Kapag nasa ganitong krisis tayo, eh, lumalabas ang pagkakaisa nating mga Pilipino. Hindi natin pababayaan ang ating mga kababayan. Kahit ano pa ang antas sa buhay." Pagtatapos ng announcer.
Hindi malaman ni Cassius kung ano ang iisipin. Matutuwa ba siya at ligtas si Kiona o maiinis? Nagpapakahirap siya upang malaman kung ligtas na ito, tapos si Kiona, ayun at nagkawanggawa!
Pakiramdam ni Cassius ay wala siyang silbi. Ngunit sa kabilang banda naman ay natutuwa siya at nakadama ng pagmamalaki. Akalain ba naman niya na ang spoiled-brat na si Kiona ay may ginintuang puso!
Ang problema niya ngayon ay kung paano uuwi. Hindi umaandar ang sasakyan at padilim na naman. Hindi pa siya kumakain, ngunit hindi naman siya makabalik, dahil naipit na
ang sasakyan niya.
Tiyak na ang Mama naman niya ang nag-aalala sa kanya. Kung bakit naman pabigla-bigla ang desisyon niya. Napasubsob muli sa manibela si Cassius. Mas mabuti pa sigurong matulog na lang. Lalo na at kumakalam na ang sikmura niya dahil sa gutom.
--
SINAMANTALA ng baklang si Dolly ang pagpipiyesta ng reporters kay Kiona. Upang gamitin ang mga iyon sa kanyang advantage. Naki-usap siya, na kung pwede ay makisakay na lang sila sa helicopter ng isang TV network sa pagbalik ng mga iyon sa Maynila.
Dahil gustong-gusto naman ng mga reporters ng kausapin si Kiona, hindi lang dahil sa ginawa nito na masyadong pinalaki kahit labag sa kalooban ni Kiona. Hindi naman niya itinuturing na kabayanihan ang ginawa niya.
Naawa lang siya sa babaing may sanggol kaya niyaya niya sa silid niya. Akalain ba naman niya na magsusunuran ang iba! Naalaman na lang niya na pinalaki ng mga reporters ang isyung iyon.
At bawat isa sa mga iyon ay nagnanais na ma-interview siya. Alam ng mga reporters na malaking bagay ang magagawa ng presence ni Kiona sa mga TV screens.
Maganda si Kiona at may natural na karisma. Tiyak nilang sa istasyon nila tututok ang mga tao kapag nakita si Kiona. Bihira lamang kasi ang new story tungkol sa isang maganda na e, mabait pa.
Agad na pumayag ang isang reporter na isakay sa helicopter sina Kiona pabalik ng Maynila. Pwede ring maging pansamantalang anchor person si Kiona. Tiyak na dadagsa ang magpapadala ng relief goods.
Kahit alam ni Kiona na may pansariling motibo ang reporter na gumawa ng paraan upang makabalik sila ng Maynila, natuwa pa rin siya. Wala siyang gusto kong hindi ang makauwi kay Cassius. Tiyak na nag-aalala na ang asawa niya. At alam niyang pagagalitan siya nito. Inaalala rin niya ang Mama ni Cassius.
Mabilis na inayos niya ang mga gamit. At bago umalis ay pinagbilin niya sa staff ng hotel ang sanggol na si Cherry Ann, ngayon ay dinapuan na
ng ubo ang sanggol. Ngunit hindi matiis ni Kiona ang bata. Inihanda rin niya ang mag-ina.
"Sumama kayo sa amin sa Maynila. Kailangang matingnan ng doktor si baby." Aniya sa ina ng sanggol.
"Wala pa akong pera. Wala akong kamag-anak sa Maynila. Saan kami titigil na mag-ina?" Anito.
"Huwag mong problemahin iyon. Ako ang bahala." At nasunod ang gusto ni Kiona.
Kasama nilang sumakay ng helicopter ang mag-ina. Sinamantala naman iyon ng TV network. Malaki ang magagawa sa PR nila ang mag-ina.
Sigurado na si Kiona na kahit iwan niya ang mag-ina, mayroong mag-aalaga sa mga ito.
--
KALAT na ang dilim nang dumating sila ng Maynila. Hindi na umuulan, subalit baha pa rin ang ilang bahagi. Pakiramdam niya ay bibigay na ang tuhod niya, lalo na ang sikmura niya.
Hindi biro ang sumakay ng helicopter. Mas masarap pa ang nasa roller coaster. Hilung-hilo siya at masakit ang katawan dahil magalaw ang helicopter habang nasa ere. Minsan, pakiramdam niya ay kusa silang ihuhulog ng piloto.
Ganoon siguro ang pakiramdam ng sanggol na si Cherry Ann, dahil wala itong tigil sa pag-iyak. Tulad ng inaasahan, dagsa ang mga sumalubong sa kanila at naka-umang kaagad kay Kiona ang mga mikropono.
"Miss Ty, anong balak n'yo ngayon? Ipagpatuloy mo ba ang nasimulan mong kawanggawa?" Napapikit si Kiona sa ilaw ng kamera. Tila wala namang pakialam ang kameraman dahil patuloy na naka-umang kay Kiona ang kamera.
"I-I'm not feeling so well. I'm tired. Will you please excuse, me?" At pilit na nilagpasan ang reporter. Dissapointed ang mga media people na nag-aabang sa kanya.
Ang buong akala nila ay papapel si Kiona. Lahat ng kaganapang iyon ay dinig ni Cassius. Dinig din niya ang tinig ni Kiona. At alam niyang masama na talaga ang pakiramdam ng kabiyak. Nakadama siya ng awa. Kung kasama niya si Kiona, hindi siya papayag na pagkaguluhan ito ng mga reporters.
Masidhi na ang hangarin ni Cassius na makabalik ng Maynila. Lumabas ito ng sasakyan. Madilim pa, subalit huminto na ang pag-ulan. Hahanap siya ng paraan upang maibalik ang sasakyan. Siya man ay nanghihina na rin. At nararamdaman niyang hindi na siya tatagal pa sa ganoong kalagayan.
--
"KIONA! Iha, I'm glad you're fine. I heard the news. I'm proud of you,
iha." Patakbo siyang niyakap ng biyenan. Niyakap din niya iyon sa pananabik, sa wakas ay nasa bahay na siya.
"Si Cassius?"
"Sinundan ka niya. Hindi ko mapigilan, kahit kalakasan ng bagyo. Nag-aalala siya ng labis. Ako naman ang nag-alala ngayon, baka kung napano na ang anak ko."
Hindi makapagsalita si Kiona. Nasaan si Cassius? Paano kung nadisgrasya ito sa daan? Hindi niya mapapatawad ang sarili. Niyakap niya muli ang biyenan at tuluyan ng napaiyak.
"Magpahinga ka muna. You're so pale. Let us be positive na walang masamang nangyayari kay
Cassius."
"Ma, I want Cassius here. I can't rest until he's here." Parang batang nagmamarkulyo ito.
"But what can we do? I've tried calling him up, pero wala ring nangyari."
Nasa silid na si Kiona ay umiiyak pa rin ito. Sinisisi ang sarili. Hindi niya kayang tanggapin kapag may masamang nangyari kay Cassius.Ngunit dahil sa matinding pagod ay nakatulugan na nito ang pag-iyak.