webnovel

Kabanata Siyam [1]: Dugo Para sa Dugo

At isang kurap lang ay agad na umalingawngaw ang pagsabog sa kabilang bahagi na paniguradong kumitil sa ibang miyembro ng Black Triangle na naroon, ngunit, agad namang nagambala ang mga tauhang nasa loob ng pinasukan niya. Dali-dali nitong pinulot ang kaniya-kaniyang baril at akmang susugod na sana upang rumesponde, pero mabilis naman siyang tumayo at isa-isang pinagbabaril ang mga ito. Sapul ang tatlo at nagsibagsakan ang mga ito, pero may natira pang mga kalalakihan na gumanti rin at pinaputukan siya. Mabuti na lang at mabilis siyang yumuko't dumapa; hindi siya tinamaan at itinapon naman niya sa tabi ang ninakaw na baril, bagkus ay hinugot niya isa-isa ang magkabilang baril sa kaniyang mga holster at saka ikinasa ito.

Sa hudyat niya ay agad siyang tumayo at pinagbabaril ang lalakeng unang nakita niya.

Nakakabingi ang putukan ng baril at amoy na amoy niya ang kakaibang halimuyak ng bagay na umiikot sa buong silid, kasabay din nito ay ang malakas na kabog ng kaniyang puso sa pangamba ng pinasok niya. Sa kagustuhang mapaslang ang mga kalalakihang narito ay muli siyang nagpapaputok at pinuntirya ang isa na walang kamalay-malay, gumanti ang iba pa at sa puntong ito ay naramdaman na lang niya ang malakas na pumwesang tumama sa kaniyang dibdib at tagiliran. Napadaing siya sa sakit nito at mabilis na bumulagta sa sahig, kahit na masama ang kaniyang bagsak ay mas nangibabaw pa rin ang sakit ng kaniyang parteng tinamaan, pero hindi nagtagal ang sakit nito at nagawa niya lang na indahin dahil sa drogang ininom.

Binuksan niya ang kaniyang jacket at nakita niyang bahagyang nabutas ang kaniyang bulletproof vest, pero ilang saglit pa ay naalarma siya nang masilip sa ilalim na siwang ng mga nakaharang na mesa ang mga paa ng kalalakihang patungo sa kaniyang kinalulugaran. Kung kaya't bago pa man siya malapitan nito at mapuruhan ulit ay mabilis niyang pinagbabaril ang kaniya-kaniyang paa, bumulagta naman kaagad ang lalakeng natatamaan niya't malakas na pumapalahaw sa paang nawasak. At hindi pa rin naman siya nakukuntento at binabaril ito sa ulo upang tapusin, sa tulong ng dalawang baril na hawak-hawak ay agad niyang napaslang lahat.

Natahimik ang silid nang sa tingin niya ay patay na ang mga kalalakihan sa loob nito, sa kabila ng apoy na unti-unting tumutupok sa kisame kinalulugaran niya ay masusi niyang inobserbahan ang paligid sa pangambang may buhay pa. Wala na ngang gumagalaw, pero hindi niya nasisiguro kung ligtas pa siya. Dahan-daan niyang nilibot ang paligid at napansin niya ang mga drogang nagkalat sa mesa na may nabalot at may titimbangin pa bago babalutin. Akmang may kukunin na sana niya sa kaniyang backpack nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay bigla siyang sinugod ng lalake mula sa likod, tinambangan siya nito at laking-gimbal niya nang mahampas siya sa mesang kaharap bago bumagsak sa matigas na sahig, dahil sa gulat ay nabitawan niya ang baril mula sa kanang kamay habang pilit namang itinutok at pinagbabaril ang lalakeng nakadagan sa kaniyang tiyan.

Sa bilis ng pangyayari, dahil sa 'di hamak na mas malakas ito kaysa sa kaniya ay nagawa pa rin nitong kontrolin ang kaniyang kamay at naubos na lang ang kaniyang bala ay hindi talaga niya natatamaan ang kalbong lalake. Namalayan na lang niya ang higpit ng pagkakahawak nito sa kaniyang kaliwang kamay at paulit-ulit na hinahampas sa sahig, sa sakit na dinudulot nito ay nabitawan niya ang baril na mabilis namang hinawi papalayo ng lalake. Nang wala na siyang panlaban pa ay nanggigigil siyang sinakal ng lalake habang paulit-ulit na pinag-uuntog ang kaniyang ulo sa sahig, bawat hampas ay parang niyayanig ang kaniyang mundo dahil sa sakit nito. Mariin niyang hinawakan ang kamay ng lalake sa sariling leeg at pilit itong kinakalmot upang maalis dahil sa nahihirapan na siyang huminga at sumasakit naman ang kaniyang likod sa nahigaang matigas na bagay mula sa kaniyang bag.

Hindi nagtagal ay hilong-hilo na siya't nananakit na ang kaniyang dibdib at ulo sa mahigpit na pagkakasakal at walang-tigil na paghampas nito sa ulo niya sa sahig, nanlanta na lang siya sa kinahihigaan at walang ibang umaalingawngaw sa kaniyang isipan kung hindi ang paulit-ulit na pagmumura ng lalakeng gusto siyang patayin. Hanggang sa sinakop ng kadiliman ang kaniyang paningin at unti-unti na siyang nawawalan ng kamalayan sa paligid, pero naramdaman na lang niya kalaunan ang paggaan ng sariling katawan at saka muli siyang nakahinga ng maayos. Pagdilat ng kaniyang matang nanlalabo ay unang niyang naaninagan ang pagbuhos ng mapulang likido sa kaniyang tiyan na nasundan ng malakas na kalabog, nang pansinin niya ito ay laking-gimbal niya nang saktong nagbalik sa malinaw ang kaniyang paningin ay nakita niya ang mukha ng lalakeng dilat na dilat pa rin ang mga mata ngunit may malaking laslas sa leeg sa kaniyang tabi at naghihingalo na.

Nalipat ang kaniyang tingin sa may-gawa nito at laking-gulat niya nang makita si Tobias na hinihingal na nakatayo sa kaniyang harap at may hawak na duguang patalim. Mabilis naman siyang dinaluhan nito at saka inakay patayo, maingat siyang sinuportahan ng lalake na tumayo habang pilit pa rin niyang pinapakalma ang sarili at hinahabol ang sariling paghinga.

"Kariah tumayo ka, kailangan na nating umalis." nag-aalalang pahayag ng lalake matapos marinig ang kaguluhan sa labas na batid niyang miyembro rin ng grupo na rumesponde.

"H-Hindi, T-Tob' kunin mo rito s-sa bag ko ang isa pang g-granada sa bulsa. Kailangan nating sunugin ang lahat ng ito." Pahayag niya at saka ginapang sa tabi ang nabitawan niyang baril.

Sa utos niya ay dali-dali siyang binuhat ni Tobias at pinatayo, nagagawa naman niyang tumayo at bumalanse kung kaya't mabilis na binuksan ng lalake ang bulsa ng kaniyang backpack at saka kinuha ang granada. Hangga't wala pa ang mga kalalakihang rumeresponde ay agad nilang tinungo ang kabilang bahagi ng silid kung saan may emergency exit, binaril naman niya ang kandado nito at saka ang lalake na ang kumalas paalis sa kadenang nakapulupot. Pagbukas nila ng pinto ay agad na hinagis ni Tobias sa loob ang granada na kasabay lang din ng mga nagsipasukang mga kalalakihan, saka nito isinara ang pinto at mabilis na hinila papalayo si Kariah.

At sa isang iglap lang ay sabay silang napayuko sa gitna ng madilim na eskinita nang muling sumabog ang bomba na nagdulot ng malakas na pagliyab ng apoy, nang lingunin nila ito ay nilamon ng naglalagablab na apoy ang buong gusali na tinutupok ang mga drogang nasa loob nito. Sa tindi ng apoy ay narinig na lang nila mula sa malayo ang sirena ng pulisya, kung kaya't agad na inaya ng lalake is Kariah habang may tsansa pa.

"Tara na at baka may makakakita pa sa 'tin dito."