webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

xiunoxki · โรแมนซ์ทั่วไป
Not enough ratings
39 Chs

KABANATA 6

"IBIG SABIHIN, NANGHIHINA ako kapag hawak kita? At ako lang ang kayang humawak sa 'yo?" mga katanungan ko habang nakaupo kami ni Sunshine sa hagdan sa labas ng bahay at pinagmamasdan ko ang kanang palad ko.

Hinawakan ni Sunshine ang palad ko at nagliwanag ang mga palad namin. "At umiilaw ang mga palad natin kapag magkahawak. Lukas, ikaw nga ang sinag ko. Ikaw ang sasagip sa 'kin," sabi niya at nagkatinginan kaming dalawa.

Binawi ko ang kamay ko. "Pero sa paanong paraan? Pa'no kita ililigtas?"

"Hindi ko alam? Pero, Lukas, kapag hawak mo ako, nagkakaroon ako ng katawan at nararamdaman ko ang init sa loob ko, nagiging tao ako. Nabubuhay ako, Lukas."

"Naramdaman ko rin ang pag-init ng kamay mo, na parang buhay ka nga. Pero kapalit no'n, nanghihina ako. Hindi naman siguro gano'n 'yon, na hahawakan kita hanggang mabuhay ka? Pa'no kung ikamatay ko naman 'yon?"

"Maaring may ibang paraan?"

"Ano?"

"Hindi ko alam? Pero maaring may alam si Mang Pedro."

***

PAMBIHIRA! INUTUSAN AKO ni Sunshine na puntahan si Mang Pedro. Pumayag naman ako! Ewan, siguro may hipnotismo siyang ginamit sa 'kin para sundin lahat ng gusto niya? Si Mang Pedro raw ang susi sa mga katanungan namin – Pedro nga siya. Narito ako sa tapat ng bahay ni Mang Pedro. Pagpasok ko pa lang ng tarangkahan, nakaramdam na ako ng kakaiba.

***

PAGBUKAS KO PA lang ng pinto ng bahay pagkabalik ko, tumambad na sa 'kin si Sunshine na 'di na makapaghintay sa ibabalita ko.

"Ano'ng sabi ni Mang Pedro? Pa'no raw ako mabubuhay?" masayang tanong niya na humaba pa ang leeg at sinundan ako ng ulo niya hanggang makaupo ako sa sala. Dinaanan ko lang kasi siya at naiwan ang katawan niya sa may pintuan.

Napabuntong-hininga ako. Naglakad ang katawan ni Sunshine at naupo sa tabi ko. "Inom muna ako ng tubig," sabi ko. Tatayo na sana ako pero pinigilan niya ako.

"Ako na," sabi niya.

Humaba ang mga kamay niya papuntang kusina. Nanatili ang katawan niyang nakaupo sa tabi ko at mahaba pa rin ang leeg niya. Malapit sa mukha ko ang mukha niyang hindi pa rin mawala ang ngiti sa labi. Pagbalik ng mga kamay niya, may dala na itong isang baso ng tubig.

"Oh, heto, Lukas, uminom ka," sabi niya at inabot sa 'kin ang baso. Nanginginig ang kamay kong inabot ang baso. Hindi pa rin talaga ako masanay sa mga ginagawa niyang pag-iiba ng anyo, tumatayo pa rin ang mga balahibo ko.

Iniwas ko ang tingin ko kay Sunshine nang inumin ko ang tubig. Pagkaubos ko ng tubig sa baso, kinuha niya ang baso at binalik sa kusina ng mahaba niyang kamay.

"Ano na? Magkuwento ka, Lukas. Ano ang sabi ni Mang Pedro?"

"Puwede bang ayusin mo muna ang hitsura mo bago tayo mag-usap," pakiusap ko.

Bumalik sa normal ang anyo niya at muling nagtanong.

"Hindi ko siya nakausap. Hindi siya nagpakita," sagot ko.

"Pero bakit?" malungkot niyang tanong.

"Malay ko? Pero naramdaman ko siya. Ayaw niya lang sigurong makipagkita o magpakita? Sa 'ming may kakaibang kakayahan – 'yong may third-eye, kahit nakakakita kami ng tulad niyo, ng mga multo, kung ayaw niyong magpakita, 'di namin kayo makikita."

Natahimik si Sunshine at umayos siya ng upo. "Dapat siguro ako ang makipag-usap sa kanya?" nakayukong sabi niya.

"O baka naman, hindi talaga ako ang sinag mo?"

Napalunok ako. Nilingon ako ni Sunshine na pula na at nanlilisik ang kanyang mga mata.

"O-Okay. Ako na..." sabi ko.

***

KUMAKAIN AKO NG tanghalian. Nakaupo sa gawing kaliwa ko si Sunshine at nagpapaawa. Gusto niyang tikman ang instant pancit canton at cup noodles kong ulam. Posible ba 'yon? Multo, kakain? Hawakan ko raw ang kamay niya para magkaroon siya ng katawang tao, baka posible raw? Nakaramdam daw siya ng gutom kanina habang nakatingin sa salamin. Hay, pambihira! Mababaliw ako sa multong 'to!

"Sige na, Lukas, kahit apat na minuto lang. Kumakain ka naman, kaya hindi ka manghihina," muling pakiusap niya.

Muling hindi ko siya pinansin.

Pero mayamaya lang, inabot ko na sa kanya ang kamay ko. Nagmala-halimaw siya at tinitigan ako ng masama. 'Yong mga tingin niyang para nang nilalagay ang isang paa ko sa hukay. At 'yong punit niyang bibig – nakakadiri! Nakangiting aso siyang kinuka ang kutsarang hawak ko. Nagsimula siyang kumain – kinuha niya ang kinakain ko. Nararamdaman ko ang panghihina sa katawan ko, pero napapangiti ako habang pinagmamasdan siyang kumakain. Parang lumutang ang pakiramdam ko, na nakaramdam ng saya. Mistulang huminto ang oras. Ito na naman 'yong pakiramdam na para akong...'di ko ma-explain?

Napayuko ako sa panghihina. Siya na mismo ang bumitaw sa kamay ko. Pero tapos na rin naman siyang kumain at nakainom na ng tubig – naubos niya ang pagkain ko. Narinig ko pa ang mahabang dighay niya bago niya ako bitiwan.

***

"ANO'NG INIISIP MO, Sinag?" tanong sa 'kin ni Sunshine nang maupo siya sa tabi ko. Nakaupo ako sa gilid ng kama ko sa kuwarto at sumulpot siya mula sa pader.

"Lukas ang pangalan ko," tahimik na sabi ko.

"Pero 'Sinag' naman ang apelyido mo, ha? Ikaw ang 'My Sinag' ko," may pangungulit na sabi niya.

"My Sinag?" napangisi ako. "Huwag ka ngang makulit... Sunshine – " napahinto ako sa pagbigkas ng pangalan niya dahil pumasok sa isip ko ang 'My Sunshine', na muntik ko nang masabi. Napakunot-noo na lang ako. Bakit pumasok sa isip ko 'yon?

"Ano ba kasing iniisip mo, at tumahimik ka na naman?" muling tanong niya. Nilingon ko siya.

"Pa'no mo nagawang kumain?" tanong ko. 'Yon ang kanina ko pa iniisip bago siya dumating. Hindi talaga ako makapaniwalang nagawang kumain ng multo. Tiningnan ko kanina ang inupuan niya, walang nagkalat na pagkain. Saan napunta ang kinain niya? Sa katawan niya habang hawak ko siya? Katawan ba talaga 'yon? Posible ba 'yon? At dumighay pa siya? Pero hindi, eh. Sobrang imposible 'yon. Pero maaring nasa malapit lang sa paligid, sa lugar na ito ang katawan niya. Iyon ay kung buhay pa nga siya.

"Hindi ko alam? Basta nakaramdam ako ng matinding gutom nang magkahawak tayo. Unang beses ko 'yong maramdaman sa loob ng dalawang taon. Pakiramdam ko talaga buhay ako – siguro iyon ang pakiramdam na 'yon?" ngumiti siya. Napatitig lang ako sa kanya. "Nalasahan ko 'yong pagkain. Napakasarap."

Napangiti na lang ako at tinitigan siya, na napapasin kong madalas ko nang gawin na sinasabayan pa ng bilis ng tibok ng puso ko – na hindi ko alam kung ano?

"Pero sorry, kanina. Nanghina ka na naman dahil sa 'kin," paumanhin niya.

"Okay na ako," nakangiting tugon ko. "Nasaan kaya ang katawan mo?"

"Hindi ko alam?" umiling siya. "Lukas, wala talaga akong matandaan at wala akong ideya sa lahat." Malungkot siyang ngumiti.

"Okay." Itinaas ko ang kamay ko para sana tapikin siya sa balikat. Pero nakakuyom kong binawa ang kamay ko at naupo ako ng maayos. Parang may biglang pumigil sa 'kin na gawin 'yon – may tumutol sa kabilang banda ng utak ko na ilapit ko ang sarili ko sa kanya. "Siguro dapat talaga nating makausap si Mang Pedro," sabi ko. Tumango siya na may malungkot pa ring ngiti.

"Lukas?"

"Um?"

"Magkuwento ka tungkol sa 'yo."

Napangisi ako at pabagsak na nahiga sa kama.

"Ano'ng gusto mong malaman tungkol sa 'kin?" tanong ko.

Pabagsak din siyang nahiga at nagkatinginan kaming dalawa.

"Basta lahat tungkol sa 'yo. Gusto kong makilala ang sinag ko."

Hinarap ko ang kisame at pinagkrus ko ang mga braso ko, sabay kuyakoy ng mga paa kong nakaapak sa sahig. Narinig kong ginaya rin ni Sunshine ang pagkuyakoy sa pagtama ng mga paa niya sa sahig.

"Solong anak lang ako at ulila na," pagsisimula ko ng kuwento ko tungkol sa buhay ko. Sa totoo lang ngayon ko lang gagawin 'to, sa multo pa – na iniiwasan kong mapalapit sa akin.

Nilingon ko siya, nakatingin siya sa 'kin. Napalunok ako sa titig niya at muli kong hinarap ang kisame. Saglit akong natigilan at huminga ng malalim bago ako nagsalita.

"Limang taon na akong mag-isa. Limang taon nang madilim ang mundo ko. Limang taon na silang wala, sina mama at papa."

"Ano'ng ikinamatay nila?" tanong niya.

"Aksidente. Namatay sila sa aksidente... Graduation day no'n, third year high school ako. Ako ang first honor. Sabi ko kina mama at papa, 'wag na silang pumunta. Pero sabi nila, susubukan nila, dahil noong mga nakaraang taon hindi sila nakapunta para sabitan ako ng medalya dahil sa trabaho nila. Mag-isa pa rin akong umakyat ng stage dahil hindi sila nakarating. Pag-uwi ko, nalaman kong wala na sila. Nabunggo ang sinasakyan nilang traysikel ng jeep habang papunta sa paaralan ko." Nagsimulang dumaloy ang mga luha mula sa aking mga mata. "Inisip ko no'n na sana, hindi ko na lang ginalingan sa pag-aaral. Siguro buhay pa sila." Malungkot akong napangisi.

"Hindi mo naman dapat sisihin ang sarili mo."

Nagpunas ako ng luha at nilingon ko si Sunshine sa sinabi niya, at bahagya akong ngumiti. Muling nilingon ko ang kisame na parang nakatingala sa kalawakan. "Alam ko. No'ng una talaga, sarili ko ang sinisisi ko. Pero natanggap ko na rin naman nang maluwag sa loob ko, dahil alam kong magkasama sila. At binabantayan ako, wala man sila rito. Alam kong hindi ako nag-iisa."

"Pero hindi ka naman talaga mag-isa dahil nand'yan pa ang lolo mo, 'di ba? May pamilya ka pa."

Saglit akong natigilan. "Hindi ko alam kong pamilya talaga ang turing nila sa 'kin? Halos isang buwan ko pa lang silang nakilala, si lolo at ang mga kapatid ni papa, at ang mga pinsan ko. Bago ilibing sina mama at papa, nagpakita sila sa 'kin. Sinabi nilang 'wag akong matakot dahil nakatanaw lang sila sa 'kin mula sa itaas. 'Wag ko raw isiping nag-iisa ako.

"Nakiusap si papa na hanapin ko ang pamilya niya. Magpakilala raw ako at ihingi siya ng tawad sa pamilya niya, lalo na sa papa niya dahil sa paglalayas niya. At gusto niyang sabihin ko sa pamilya niya, na naging masaya ang buhay niya – ang pamilya namin. Hindi ko agad hinanap ang pamilya ni papa. Nagmatigas ako.

"May kapatid si mama, si Tito Jun. Sa kanila ako tumuloy. Kaso hirap din sila sa buhay. Mabait naman sila sa 'kin, kaso ramdam ko pa rin ang pagiging pabigat ko kahit pa tumutulong naman ako sa gawaing bahay. Naglayas ako, sinubukang mabuhay mag-isa. Pero hindi ko kinaya ang hirap. At araw-araw sumasagi sa isip ko ang bilin ni papa at ang ipinangako kong hahanapin ko ang pamilya niya. Kaya hinanap ko."

"Nasabi mo na ba ang bilin ng papa mo?" tanong ni Sunshine.

"Hindi pa. Akala ko nga madali ko lang masasabi. Pero nang makilala ko ang pamilya ni papa, nakaramdam ako na malayo ang agwat ko sa kanila. 'Yon ang pinaramdama nila sa 'kin. Naramdaman ko ang sinasabi nilang 'langit at lupang agwat'. Si lolo nga ni 'di ko nakausap at 'di ako matingnan ng diretso. Wala silang sinasabi, pero nakaramdam ako ng pagtataboy." May lungkot na napangisi ako.

Napapikit ako nang maramdaman ko ang malamig na palad ni Sunshine na dumampi sa mukha ko – pinunasan niya ang luha ko.

"Pinapunta ako ng lolo ko sa bahay na 'to para bantayan," pagpapatuloy ko. "Pero sa tingin ko, gusto lang nila akong lumayo? Binigyan nila ako ng malaking halaga ng pera. Siguro iniisip nilang maduduwag akong bantayan ang bahay na 'to at itatakbo ko ang pera? At wala na ako sa landas nila. Pero hindi ako susuko. Gagawin ko 'to para kina mama at papa – sa pangako ko kay papa. Gusto kong malaman nilang naging masaya ang pamilya namin at ihingi ng tawad si papa."

"Galit ka sa lolo mo?"

"Hindi. Tuwang-tuwa ako do'n," sarkastikong sagot ko.

"Para 'tong tanga? Seryoso nga. Galit ka?"

Napabuntong-hininga ako. "Ewan ko? Oo ata? Pakiramdam ko, walang gustong tumanggap sa 'kin. Na kahit saan ako pumunta, ipagtatabuyan ako."

"Pero ako, masaya akong nandito ka," sabi ni Sunshine na nagpabilis ng tibok ng puso ko.

Nilingon ko siya. Matamis siyang nakangiting nakatingin sa 'kin. Gumanti rin ako ng ngiti. Gumaan ang loob ko. Hinawi paalis sa dibdib ko ang mga hinanakit ko. Nagkaroon ng liwanag ang madilim kong mundo.

"Lukas?"

"Bakit?"

"Naniniwala akong tadhana ang nagdala sa 'yo rito, Lukas. Nararamdaman kong pinagtagpo tayo..."

Natigilan ako sa sinabi ni Sunshine. Napakatahimik ng paligid. Tanging mabilis na pintig ng puso ko ang naririnig ko.