webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

xiunoxki · โรแมนซ์ทั่วไป
Not enough ratings
39 Chs

KABANATA 23

NAPATAYO KAMI NI Sunshine. At hindi pa man namin nabibigkas ang pangalan ni Mang Pedro, napunta na siya sa harapan namin na ikinagulat namin – at nagbigay siya ng babala. "Humanda kayo. Hindi na kinaya pa ng proteksiyon ng bahay. Kasunod ko na sila!"

"Sinong sila?" pagtataka ko.

Pinukol ng tingin ni Mang Pedro si Sunshine bago ito sumagot. "Ang mga multong nais muling mabuhay at angkinin ang katawan ng liwanag."

"Narito sa bahay na 'to ang katawan ni Sunshine?" tanong ko.

"Mamaya ko na ipapaliwanag – kapag nakaligtas kayo sa kamatayan," madiing sagot ni Mang Pedro. "Lukas, kailangan mong protektahan siya, at ikaw lang ang makakapagpaalis ng mga multo sa bahay. Pero kailangan mo ring protektahan ang sarili mo, dahil ang kamatayan mo, ang susi ng pagpasok nila sa katawan ng liwanag."

Hindi ko gaanong naintindihan ang mga sinabi ni Mang Pedro, ang pagprotekta lang si Sunshine ang nasa isip ko.

Mas nagliwanag ang liwanag sa pinanggalingan ni Mang Pedro at nakarinig kami ng tila pagdaing ng babae – daing ng paghihirap. At unti-unti nang may mga multong nagpakita.

May biglang mabilis na tumakbo at nagparoo't parito na tumagos sa mga upuan at umakyat pa sa hagdan at muling mabilis na bumalik patungo sa direksiyon namin – inalerto namin ang aming sarili. Nakilala ko ang tumakbong multo, ang batang lalaking isa sa mga bigla na lang na hindi nagpakita. Nagkaroon ako ng kutob kung sino-sino pa ang mga multong magpapakita na ngayo'y unti-unti nang lumilitaw mula sa liwanag – kinabahan ako ng husto nang mailatag ko sa utak ko ang mga multong posibleng atakehin kami.

Nanlaki ang mga mata ko nang muling ipukol ko ang tingin sa batang multo, papalapit na siya sa 'min – mabilis ang takbo nito. Nasa likod ko si Sunshine at narinig ko ang mahinang pagtawag niya sa pangalan ko. Inihanda ko ang sarili ko para protektahan si Sunshine. Sa layong halos kalahating metro sa 'min ng batang multo, sinunggaban ito ni Mang Pedro – halos hindi ko nasundan ang pangyayari sa bilis no'n. Gumulong sila sa sahig, yakap ni Mang Pedro ang bata.

"Lukas! Ihanda ninyo ang inyong sarili!" sigaw ni Mang Pedro.

Sa mga sandaling 'yon, nagpakita na ang iba pang mga multo at nakatingin na sa 'min –. blangko ang mga mukha nila na may nakahihilakbot na titig – ang babaeng hubo't hubad at ang buntis.

"Lukas!" muling sigaw ni Mang Pedro. Sa pagbaling ko ng tingin, nakita ko ang mga humabang braso ng batang multo na pasugod sa direksiyon namin. Yakap pa rin ni Mang Pedro ang paslit na multo at nasa sahig pa rin sila, pero 'di napigilan ni Mang Pedro ang pag-atake nito sa paghaba ng mga kamay nito.

Nahawakan ko ang kamay ng bata, na hindi ko alam kung paano ko nagawa at nasabayan ko ang bilis no'n. Siguro gano'n talaga ang tao, iyon na siguro ang tinatawag na adrenaline rush? Kapag nasa panganib ang buhay mo, may mga bagay kang magagawa na hindi mo inakalang magagawa mo. Tulad ng sinasabi nila na kapag nasunugan kayo ng bahay, maging ang ref kaya mong mabuhat.

"Pa'no ko sila mapapalabas ng bahay?" tanong ko.

"Kung paano mo nagawang mailabas ang liwanag!" sagot ni Mang Pedro. Naalala ko ang araw nang makalabas ng harang si Sunshine – kailangang hawak ko ang multo!

Hinigpitan ko ang hawak ko sa kamay ng batang multo. Hindi tulad ni Sunshine, nanatiling multo lang ang bata. Napakalamig ng kamay nito at parang hangin lang ang hawak ko o enerhiyang ewan na 'di ko mapaliwanag o mawari kung ano? Pero hindi na iba ang pakiramdaman na 'yon, gano'n ang pakiramdaman nang sakalin ako ni Elizabeth.

"Sunshine, d'yan ka lang sa likod ko," paniniguro ko sa kaligtasan ni Sunshine nang lingunin ko siya. Bakas sa boses niya ang takot nang marinig ko ang mahina niyang oo. "Walang masamang mangyayari sa 'tin, Sunshine."

"Naniniwala ako sa 'yo, Lukas," sagot niya. Nang marinig ko ang sinabi niya, nadagdagan ang tapang ko at tiwala ko sa sarili. Sa ganitong sitwasyon, ang tiwala niya lang sa 'kin ang mapanghahawakan ko – na hindi ko dapat biguin.

Isang malakas na sigaw kasabay ng puwersa ko ang pinakawalan ko at sumenyas ako ng tingin kay Mang Pedro na sana'y nakuha niya ang gusto kong sabihin. Tulad ng goma ang paghaba ng kamay ng multo na parang si Lastikman lang, kaya naisip kong baka magamit ko ang paraan nang pagpapalipad ng isang goma. Ang layo ni Mang Pedro at ng multo sa 'min ay mga walong dipa. Hawak ni Mang Pedro ang katawan ng bata at hawak ko naman ang mga kamay nito, at sa hudyat ko, bibitawan ni Mang Pedro ang bata at nandoon ang puwersa nito tulad ng paghagis ng bola. At ako ang bahala sa direksyon ng pupuntahan nito at bibigyan ko pa ito ng puwersa pa para tumilapon ng malayo palabas ng harang na proteksiyon ng bahay. Siguro naman tatagos ang multo sa pader diretso sa pagtagos sa harang. At sana, hawak ko pa rin ang kamay ng bata para talagang tumagos siya at nang tuluyang makalabas. Mabuti't maliit ang kamay ng bata kaya nahahawakan ko nang maigi kahit nagpupumiglas siya. Inihakbang ko ang kanang paa ko at inilagay ang lakas ko sa itaas na bahagi ng katawan ko. "Ngayon na!" hudyat ko kay Mang Pedro kasabay ng panalangin ko na sana gumana ang plano ko. Binitawan ni Mang Pedro ang bata, at tulad nang na-imagine ko, lumipad sa ere ang katawan nito – kaso lang. "Pambihira," mahinang nasabi ko. Umikli lang ang braso ng bata, at ngayon, nakalutang siya sa hangin hawak ko ang mga kamay. At oo, kung meron kang mga bagay na magagawa na 'di mo akalain sa mapanganib na sitwasyon, eh, meron namang mga planong 'di mo magagawa na akala mo'y aayon sa sitwasyon. Parang sa buhay ng tao, kapag mas pinagplanuhan mo, mas tataas ang porsyentong pumalpak ito – kaya minsan, mas ayos nang sumubay na lang sa agos ng buhay.

"Kuya, habulan tayo," inosenteng sabi ng batang multo. Napakapuro ng ngiti niya, kasabay no'n nakaramdam ako ng kurot sa puso nang mapagmasdan ko ang mga natamong sunog sa katawan niya. Parang nai-imagine ko kung gaano siya nasaktan, kung gaano ang iyak niya – maaring tulad din nang pag-iyak ko nang mamatay ang aking mga magulang – o mas masakit pa ang pag-iyak niya – hindi ko maiwasang makaramdam ng awa, pero naroon pa rin ang takot sa panganib na posibleng dulot niya. Hinagis ko siya at tumagos siya sa pader palabas ng bahay – pero bigla ring tumagos sa pader pabalik sa loob at nagtatakbo sa kung saan-saang direksiyon, at nagsisigaw na habulin ko raw siya. Nagkatinginan na lamang kaming tatlo nina Sunshine at Mang Pedro.

"Mukhang hindi siya naparito para sa katawan ng liwanag," sabi ni Mang Pedro at lumapit siya sa 'min ni Sunshine, at hinarap namin ang hubo't hubad na multo at ang buntis na papalapit na sa 'min.

Habang wala pang aksiyon, nagtanong na ako sa mga multong papalapit. Baka kasi tulad ng bata, wala rin silang balak sa katawan ni Sunshine. "Ano'ng kailangan n'yo?"

Sabay silang huminto. "Kailangan ko ang katawan niya," diretsong sagot ng hubad na babae na nakaturo ang daliri kay Sunshine.

"Kailangan ko rin ang katawan niya, para maisilang ko na ang panganay kong anak," sagot naman ng buntis habang himas-himas ang malaking tiyan niya.

"Masyado pa akong bata para mamatay. At kailangan kong paghigantihan ang lalaking bumaboy sa 'kin!" dagdag pa ng hubad na babae na may galit ang pagkakasabi.

Hinanda ko ang sarili ko at napakuyom ako ng palad. Hindi sila tulad ng batang multo – narito silang dalawa para sa katawan ni Sunshine. Gusto ko sanang itanong kung nasaan ang katawan ni Sunshine, kung ano ang alam nila rito at kung paano sila papasok sa katawan, at kung bakit kailangang mamatay ako gaya ng sabi ni Mang Pedro? Pero naisip kong 'wag na lang magtanong, dahil mukhang wala sa hitsura ng dalawang multo na gusto nilang makipagkuwentuhan.

"Sandali!" awat ko sa dalawang multo nang muli silang humakbang palapit sa 'min. "Pero isa lang ang katawan, dalawa kayo." Itinuro ko ang dalawang multo gamit pa ang mga kamay ko na nanginginig na. "S-Sino sa inyo ang magmamay-ari ng katawan?" tanong ko.

"Lukas?" narinig kong daing ni Sunshine.

"Ano ba'ng ginagawa mo?" tanong naman ni Mang Pedro. Siguro iniisip nilang sinusuko ko na sa kung sino man sa dalawang multo ang katawan ni Sunshine. Pero hindi 'yon ang nasa isip ko.

"Ako'ng bahala, steady lang kayo," tugon ko kina Sunshine at Mang Pedro. Kung marami ang kalaban, pag-awayin mo para mabawasan – iyon ang naisip kong paraan. "Sino sa inyo ang aangkin ng katawan?" muling tanong ko sa dalawang multo.

Nagharap ang dalawang multo at nagkatitigan. Piling ko may namumuong alitan na sa mga ito na ikinatuwa ko. At hindi nga ako nagkamali, nagsampalan sila! Tulakan! Sabunutan! Sakalan! Ang tindi! At kapwa nila pinipilit na sila dapat ang aangkin ng katawan ni Sunshine. May mga rason pa silang sinasabi kung bakit sila dapat ang muling mabuhay, pero 'di ko na lang inintindi. Naghihintay ako na may manghina sa kanila at ilalabas ko ng bahay. Sobra na ata ang galit nila sa isa't isa at nagsigawan sila na walang salita, at pati kami naapektuhan sa sobrang lakas ng sigaw nila na halos nayayanig ang bahay. Nabasag pa ang ilang salamin sa bintana at ang salamin sa sala, maging ilang baso at plato sa kusina – sinabayan pa kasi ng malakas na hangin na nagpaikot-ikot sa kabuuan ng bahay ang sigawan nila. Napaluhod pa ako, at kung hindi ako nagtakip ng tainga ko siguro basag na eardrums ko – o baka basag na nga?

Sa wakas huminto sila ng sigawan at muling nagtitigan – mala-halimaw na ang anyo nila, maputlang labas ang mga nag-aasul na ugat sa buong katawan at pulang-pula ang mga mata, at nililipad-lipad pa pataas ang mahabang buhok nila na parang tinamaan ng kidlat lang, at nagsimulang mapunit ang mga bibig nila na tinubuan ng matatalim na pangil. Bago ako makaayos ng tayo mula sa pagkakaluhod ko, inuntog ng buntis ang ulo niya sa ulo ng hubad na babae. Humaba ang leeg ng hubad na babae, tumalsik ang ulo nito at tumama sa kisame, pero nanatili ang katawan sa dating puwesto. Sa pagbalik ng ulo ng babae nang umikli ang leeg nito, hindi na ito pinagbigyan ng buntis na makaganti pa. Ginamit ng buntis ang tiyan niya para patalsikin ang hubad na babae na tumama sa kisame kung saan din tumama ang ulo nito. Sobrang tindi no'n! Parang pagtama ng wrecking ball sa pader!

"Bakit sila nag-aaway?" narinig kong boses ng batang lalaki. Hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala ito – napagod siguro sa pagtakbo?

"Sa labas ko sasabihin," sagot ko sa bata at hinawakan ko ang kamay nito para ilabas ng bahay. "Maghahabulan tayo do'n," dagdag ko pa para mas makumbinsi kong sumama sa 'kin.

Nang palabas na kami, nakita kong nagsasakalan na naman 'yong dalawang nag-aaway, nasa taas sila – ginawang sahig ang kisame.

Kasunod ko ring lumabas si Sunshine. Nang nasa labas na kami kasama ng bata, itinuloy ko nang mailabas sa harang ang bata.

"Maglalaro na tayo ng habulan?" tanong ng batang multo na may matamis na ngiti sa labi.

Binitiwan ko ang kamay ng bata at hinaplos ko ang ulo niya. "Sa susunod na lang. Aawatin ko muna 'yong nag-aaway," nakangiting sagot ko. May kung anong humaplos sa dibdib ko na parang gusto kung maluha at napalunok na lang ako. Marahil ngayon, kung hindi siya maagang binawian ng buhay, binata na siya at umiibig na rin tulad ko. At hinahabol na niyang matupad ang pangarap niya sa buhay. "Ano'ng pangalan mo?" natanong ko.

"Rommel po," nakangiting sagot niya.

"Ako si Lukas," pagpapakilala ko.

"Kuya, pangako mo, maglalaro tayo ng habulan, ha?"

Nakangiting tango ang tugon ko, at mabilis na tumakbo na palayo ang batang multo. Tumagos ito sa gate hanggang sa mawala na lamang sa paningin ko.

Nang buksan ko ang pinto papasok ng bahay, isang mabilis na humabang kamay ang sumakmal sa leeg ko at inangat ako nito, kamay ng buntis. Nakita ko mula sa taas na padapang nakahandusay sa sahig ang kalabang multo nito kanina maging si Mang Pedro. "Kailangan ko ang katawan para sa anak ko!" sigaw nito.

"Bitiwan mo siya!" sigaw ni Sunshine, sakal na ng dalawang humabang kamay niya ang buntis.

"Sa akin ang katawan!" narinig kong sigaw ng hubad na babaeng kanina lang ay nakadapa sa sahig. Ngayo'y nakatayo na ito at humaba ang kamay diresto sa leeg ni Sunshine.

"Manahimik ka!" sigaw ng buntis at sinakal din nito ng isa pang kamay ang babaeng sakal si Sunshine. Naghugis tatsulok ang sakalan nilang tatlo nina Sunshine. "Akin lang ang katawaaaaan!" malakas na sigaw nito na muling nagpayanig sa bahay. Isang ina ang nakikita ko na gagawin ang lahat masilayan lang ang anak sa kanyang sinapupunan – isang inang nasasaktan.

Napaisip ako. Alam kong lahat sila ay hindi pa handang mamatay tulad ni Sunshine. Ang babaeng ginahasa, pinatay siya ng kung sino mang demonyong pinagsamantalahan siya. Ang buntis, namatay sa aksidente, na siguro'y bago nangyari ang trahedya ay may pangalan na para sa kanyang ipinagbubuntis at sobrang nananabik na sa araw ng kanyang pagsilang sa kanyang anak. At Ang iba pang mga namatay sa lugar na ito tulad ng inosenteng batang lalaki na siguro'y sa haba ng panahon ay hindi niya pa rin alam na patay na siya. Nararapat na ba silang mamatay kaya sila binawian ng buhay? At ang mga buhay, karapatdapat ba na buhay pa sila? Isa lang ang naisip kong sagot – walang may karapatan sa kung ano. Maaring tadhana nga ang may gawa, universe na mismo ang nagtakda – pero dahil hindi mo naman kailangang laging sundin ang tadhana mo, ito sila at ipinaglalaban na muling mabuhay. Sa huli, ano ba ang mananaig? Ang tadhanang itinakda o ang tadhanang ikaw mismo ang gumawa? Hindi ko matukoy o mahanap ang sagot, ni ideya wala sa isip ko. Panahon lang ang may hawak ng kasagutan – halos lahat ng kasagutan sa milyong tanong sa mundong ito, panahon lang ang makakapagsabi.

Habang nasa gano'n kaming tagpo; ako, nasa taas at sakal ng buntis, at sakal naman ito ni Sunshine nang dalawang kamay, na sakal naman si Sunshine ng hubo't hubad na babae, na sinakal naman ito ng isa pang kamay ng buntis, at si Mang Pedro ay nakadapa pa rin sa sahig – muling nagliwanag ang pinanggalingan ng mga multo. Lumitaw ang kulay berdeng kasuotan hanggang tuluyan nang magpakita ang isa pang multo – ang multong pinangingilagan ko, ang multong isa sa bigla na lang na 'di nagpakita, ang multong hiniling ko na sana ay hindi makapasok sa bahay – si Elizabeth. Nakangiti siyang naglakad at nilibot ang tingin sa 'min. Tila natutuwa siya sa eksenang nadatnan. Pumalakpak siya nang paisa-isa at nakakainsultong tumatawa.