NAGPALIWANAG SI SUNSHINE, sabi niya, bigla siyang nahilo pagtakbo niya palayo sa 'kin. Pumasok siya muli sa isa sa mga restroom ng mall. Pagharap niya sa salamin, may mga alaalang nagdatingan sa kanyang isipan na malinaw niyang nakikita sa kanyang isip. Napapasok siya sa cubicle dahil hindi niya mapaniwalaan ang mga naaalala niya (kaya naman pala hindi ko siya nahanap). Doon, nahimay niya isa-isa sa kanyang utak ang mga nangyari apat at kalahating taon na ang nakakaraan; ang tungkol sa bahay ng mga Sinag, ang multo ng kaibigan niyang si Elizabeth, sina Cecilia at Mang Pedro, at ang iba pang mga multo, ang sunflower, at ako. At maging ang pagpasok niya sa panaginip ko ay naalala niya.
Madalas niya raw mapanaginipan ang mga 'yon, pero akala niya ay isang simpleng panaginip lamang ang mga 'yon na paulit-ulit niyang napapanaginipan at malabo niyang naaalala pagkagising niya.
"Si Lukas. Mahal ko siya," iyon ang nasabi niya nang matanggap na niya sa kanyang isipan na totoo ngang nangyari ang mga biglang naaalala niya.
Dali-dali siyang lumabas ng banyo at hinanap ako. Naghanapan pala kaming dalawa. Siguro nga nagkasalisi pa kami sa paghahanap sa isa't isa. At nang makita niya ako, tinawag niya ako, pero 'di ko siya naririnig, kaya binato niya ako ng sapatos niya.
Humingi din siya ng tawad sa 'kin. Sinabi niyang alam niyang mawawala ang alaala niya kapag nabuhay siya – ang alaala ng dalawang taong naging multo siya. Sinabi 'yon sa kanya ni Cecilia bago pa man magsimula ang pagsasanay ko. Naduwag siyang sabihin sa 'kin 'yon dahil baka mas lalo lang akong mahirapan kung iisipin ko pa 'yon. At hindi niya mapaniwalaang makakalimutan niya ako, ako na labis niyang minamahal. Mula nang malaman niya 'yon, palihim niya na akong laging pinagmamasdan, ang bawat kilos ko't galaw ay itinatanim niya sa kanyang isipan. Pinagmamasdan niya rin ako gabi-gabi sa tuwing tulog ako at masuyo niyang iginuguhit ang bawat detalye ng mukha ko sa kanyang isipan.
Inisip niyang sabihin sa 'kin 'yon dahil unfair naman daw sa 'kin na 'di ko 'yon malaman. Kaso nang araw na dapat ay sasabihin na niya sa 'kin 'yon, nawalan na siya ng malay – hindi na siya nabigyan ng pagkakataon. Kaya pala nang pumasok siya sa panaginip ko, binalak niyang pigila ako sa misyon ko dahil mawawala rin naman ako sa alaala niya. Pero kung sakaling nasabi niya 'yon, hindi naman ako mapipigilan no'n.
Hindi na sila nagkabalikan ni Migs. Hindi niya matanggap ang panloloko nito sa kanya at sa ginawa sa kanya ng dati niyang kaibigan. Umalis na ng bansa si Migs, at siya, nagpatuloy mag-isa sa buhay niya. Hindi na niya itinuloy ang kursong naiwan niya. Iniba niya ang takbo ng buhay niya para makalimutan ang mapait na naranasan niya. Kaya iba na ngayon ang pananamit niya at iniba niya maging kulay ng buhok niya. Nagtatrabaho siya ngayon bilang waitress sa isang fine dining restaurant, at balak niyang kumuha ng culinary arts kapag nakaipon siya. Pagkain ng masarap ang unang ginusto niyang gawin nang makabalik ang lakas niya no'n, at iyon ang nakaimpluwensiya sa kanya para maging chef. Pagkain. Siyang-siya 'yon. Iyon siya, si Sunshine.
Naging katulad ko na rin siya, nakakakita na rin siya ng mga multo at ibang espirito. Noong una, nakakot siya at 'di niya mapaniwalaan ang mga nakikita niya. Pero kinalaunan, nasanay na rin siya at dinedma na lang ang mga nilalang na 'di pangkaraniwan. Nakausap niya na ang papa niya, at napakasaya niyang nagawa niya 'yon, at kaya madali na niyang natanggap ang pagkawala nito.
Habang nagkukuwento siya, pinagmamasdan ko lang siya.
"Wala ka bang sasabihin?" tanong niya.
"Mas bagay sa 'yo 'yong dating kulay ng buhok mo," 'yon ang nasabi ko.
Sinamaan niya ako ng tingin kung ba't 'yon lang ang sinabi ko. Nagsalita pa siya nang nagsalita, pero pinigilan ko siya – isang mainit na halik ang itinugon ko sa kanya. At isang mahigpit na yakap. Maraming tao sa paligid, pero pakiramdam ko kami na lang ang tao sa mall na 'yon.
PINAKILALA KO SIYA kina lolo at sa mga kamag-anak ko. Nakilala niya na rin si Jane. Kinongrats ako ni Jane, sabi niya, 'di na ako tatandang virgin. Marinelle ang tawag sa kanya ng lahat, at ako, nanatiling Sunshine ang tawag ko sa kanya.
LUMIPAS ANG TATLONG TAON, ganap na akong guro. At kasal na kami ni Sunshine. Sa baryo Madulom na kami nakatira, sa bahay ng mga Sinag. Self-study na lang ang ginawa niya para matutong magluto ng masasarap, sa internet at sa mga binili kong libro siya nag-aaral. At mukhang sulit ang pag-aaral niya. Excited ako laging umuwi galing trabaho para matikman ang masarap na luto niya. Pero balak niya pa ring kumuha ng kurso tungkol sa pagluluto kahit anim na buwan lang. Iba pa rin naman kasi kung may formal knowledge at training ka. Pero siguro matatagalan pa 'yon, anim na buwan na siyang buntis sa panganay namin. Isang napakalaking biyaya mula sa Taas. At siguro baka maging tulad rin namin ang magiging anak namin na may third eye. Kaya hinahanda namin ang sarili namin. Babae ang magiging anak namin, at Cecilia ang balak naming ipangalan sa kanya.
Sa mga taong lumipas, may mga kaso kaming nilulutas ni Sunshine, mga paglutas sa pagkamatay ng mga multong humihingi sa 'min ng tulong. Naging maaksiyon ang unang taong pagsasama namin. May mga multo pang nakakasagupa kami, mga multong 'di matahimik na nanggugulo sa mga tao. Pero ngayong buntis na si Sunshine, ako na lang mag-isa ang nakikipagsagupa. At kapag nanganak na siya, maaring tatlo na kami sa grupo.
Napapanaginip ko minsan na may kaharap kaming napakalakas na itim na multo at mga espirito – kaya kailangang maghanda.
~WAKAS~