webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · วัยรุ่น
Not enough ratings
60 Chs

Kabanata 7

K a b a n a t a 7

"In love, Mom. I think I'm in love."

Hindi ako makatulog ngayong gabi sa kakaisip niyon. Nanatili lang akong nakatulala sa itaas ng higaan namin. Hindi man ako marunong mag-Ingles ay naintindihan ko naman 'yon kahit pa'no. Ibig sabihin no'n ay umiibig si Sir Zeus at sigurado akong kay Marquita.

Ano ba'ng nagustuhan niya sa babaeng 'yon? E, ang sama naman ng ugali ng babaeng 'yon, e! Pero sabagay maganda naman si Marquita. Mukha siyang modelo o isang artista. Idagdag pa na kababata siya ni Zeus at mukhang magkalapit din ang mga pamilya nila.

Habang iniisip ko 'yon ay lalo kong napapagtanto na hindi ako nabibilang sa mundo nila Zeus. Bakit naman kasi nagkagusto ako sa kanya?! Siguro dahil lang sa gwapo niyang mukha. Oo, tama! Dahil lang doon 'yon. Siguradong mabilis din akong makakalimot sa pagkagusto sa kanya.

Napabaling ako at ipinilit nang iwaksi sa isip ko ang mga iniisip. Malalim na rin kasi ang gabi. Kailangan ko nang makatulog nang mahimbing.

"Mau. . .ang likot mo naman. . ." daing ni Danica na sa tingin ko'y nagising ko dahil sa paggalaw ko.

"S-Sorry. Sige na, tulog na tayo," bulong ko nalang. Tumango-tango siya habang nakanguso pa. Napangiti nalang ako at napapikit.

Kinabukasan, mabuti at maaga pa rin naman akong nagising. Ganoon pa rin naman ang nangyari. Katulad ng dati, naghahanda kami ng umagahan para sa mag-iina. Sila Sir Apollo at si Ma'am Helen ay maagang umalis para sa trabaho.

Pero kung may kakaiba man ay 'yon ang mas masayang umaga ng pamilya. Masaya na silang panoorin ngayon. Hindi tulad ng dati na madalas si Ma'am Helen at si Sir Apollo lang ang magkasalo. Kung kasalo man nila si Sir Zeus ay parang may kulang pa rin. Pero ngayon, mas masaya na sila.

"Maureen! Kanina ka pa tulala," may bahid ng inis na sabi sa akin ni Danica. Naghihiwa kami ngayon ng pantanghalian.

"Ah." Napailing ako. "Wala 'yun."

"Kagabi hindi ka makatulog. Ngayon naman. . ." sambit niya habang naghihiwa ng carrots. Giniling kasi ang lulutuin namin ngayon. "May bumabagabag ba sa'yo?"

"Wala ito, Danica. N-Naiisip ko lang si Itay," pagsisinungaling ko, at ipinagpatuloy ko na ang paghihiwa ng patatas.

"Sabagay. Naiisip ko nga rin sila Nanay, e. Tsaka 'yung mga kapatid ko," sabi pa ni Danica. "Hindi bale. Bukas naman makakauwi na tayo, e."

"Tama." Napangiti na rin ako. Sa wakas ay makakalayo na rin ako kahit saglit mula kay Sir Zeus.

"Oh, Zeus! Sa'n ang tungo mo?"

Sabay-sabay kaming napatingin sa gawi ng sala nila nang marinig si Manang Guada. Halos magtumalon naman ang puso ko sa aking nasaksihan. Nakasando lamang na puti si Sir Zeus at suot-suot naman niya ang jersey shorts niya.

Halos hindi ako makagalaw. Ano ba naman 'yan! Bakit naman ganiyan kaguwapo si Sir Zeus?!

"Magba-basketball lang po kami, Manang," sagot ni Sir Zeus sabay ngiti pa. Pagkatapos ay nagmamadali na siyang lumabas.

"Mag-ingat ka!" pahabol pang sigaw ni Manang Guada. "Ay, ang batang 'yon talaga."

"Grabe! Ang gwapo ni Sir Zeus!" impit na tili ni Danica habang nakatingin sa akin.

Napangiti naman ako. "Gwapo nga."

"Maureen!"

Nagulat ako nang tapatan ako ng kutsilyo sa mukha ni Danica. Huli na nang mapagtanto ko ang sinabi ko. Jusko naman, Maureen! Bakit sinabi mo 'yon?!

"Danica, ano ba 'yan?" puna ni Ate Bella.

"S-Sorry po, Ate Bella," nahihiyang sabi ni Danica at ibinaba ang kutsilyo.

"Hmm. Hindi tayo naglalaro ah," paalala naman ni Manang Guada.

"Patawad po, Manang," sabi ko naman. Pagkatapos ay tinapunan ko ng masamang tingin si Danica. "Ikaw naman kasi!"

"Nagulat lang kasi ako sa sinabi mo," sabi niya sa'kin. "Kadalasan, 'di ka naman naga-gwapuhan sa mga kalalakihan. Tapos ngayon. . ."

"Masyado mo lang ginagawang malaking bagay 'yung pagsang-ayon ko sa'yo." Nagkunwari na lamang akong inis ako sa kanya, upang matakpan ang kaba at pagkapahiya ko. Sa susunod ay mag-iingat na ako sa mga salitang sasabihin ko!

"S-Sorry na," sabi naman niya.

Hindi nalang ako sumagot at bagkus ay napailing nalang ako. Ipinagpatuloy ko nalang din ang paghihiwa. Kailangan ko na talagang kalimutan ang nararamdaman ko ka Sir Zeus. Pero paano naman 'yon kung araw-araw ko siyang nakakasalamuha dito sa mansyon nila?

* * *

"Nice game!"

"Ayos pala 'tong si Zeus!"

Katanghalian ay sabay-sabay na dumating dito sina Zeus at ang mga kalaro niya sa basketball. Marahil isa doon ang kaibigan niyang si 'Blake', na narinig ko sa mga kwento nila Ate Bella.

May mga kasama si Zeus na mga gwapo rin kagaya niya. May ilan din namang hindi. Pero kung ako ang tatanungin, siya ang pinaka-gwapo.

Napahigpit ang kapit ko sa pang-brush ng alikabok na hawak ko nang magtama ang paningin namin ni Sir Zeus. Napalunok ako ng laway ko at 'di ko mapigilan ang kabahan dahil sa ngiti niya.

Sir Zeus! Tigilan mo na ang puso ko! Tama na!

"Get us some food. Sa tabi ng pool kami kakain," utos niya sa'kin, pero parang hindi pa rumehistro sa utak ko 'yon. Nanatili lang akong nakatingin—o nakatulala—sa kanya.

"Uh. . . You should get some food na, right?"

Nanlaki ang mata ko nang marinig 'yon. Inuutusan nga pala niya 'ko! Kaagad naman akong nataranta.

"Ah—opo! Opo! Sige, sandali! Pasensya na po!" sunod-sunod kong sabi. Tumango-tango nalang siya.

"Pakibilisan," sabi pa niya bago sila magsi-alisan sa harapan ko at nagtungo sa gilid ng mansyon. Nandoon kasi 'yung pool nila.

Ako naman ay dumiretso na sa kusina. Nakita ko naman silang naghahanda na ng mga plato at iba pang mga kagamitan.

"Nand'yan nang Sir Zeus mo, ano?" tanong sa'kin ni Manang Guada.

"Opo," sagot ko. "Sa may pool daw po sila kakain."

Bahagyang natigil si Manang Guada sa pagsalin ng ulam sa mangkok. "Ay! Ganoon ba?"

Tumingin siya sa akin at tumango naman ako.

"Oh siya, sige, dalhin niyo na 'yang mga 'yan doon," utos niya sa amin at saka niya ipinagpatuloy ang ginagawa.

Sininop nang muli nila Monet ang mga plato. Si Danica naman ang nagdala ng pitsel na may mga juice. Lumapit naman ako sa lamesa at kinuha ang malaking lalagyan na may mainit pang kanin.

Nang makuha ko 'yon ay sumunod na rin ako sa kanila patungo sa pool. Paglampas ng kusina ay kakanan lang naman, pagkatapos ay may pintuan na patungo doon sa pool. Sa gilid ng pool ay may lugar na may bubong at may mahabang mesa at mga upuan. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa parte na 'yon.

Pero ito talaga ang pinaka-nakakamangha sa mansyon ng mga Lorenzino. Ang ganda kasi ng pool nila. Ako nga, 'di ko pa naranasang maligo sa mga swiming pool, e. Nakaranas lang akong maligo sa ilog—kami nila Danica at Jacob.

Habang inilalapag namin ang mga dala namin ay naririnig naman namin ang mga pag-uusap nila.

"... May shares pa rin naman sila sa Lorenzino Corporation kahit patay na si Tito, e," sabi ng isa. Siguro ito si Blake dahil marami siyang alam kay Zeus.

"Sorry to hear that," sabi naman ng isa pa.

"It's okay. Matagal na rin naman na 'yon," tugon ni Zeus doon.

"Ang yaman niyo naman pala. Bakit nagta-trabaho pa ang Mom mo? Pati ang kuya mo?" tanong naman ng isa.

"Ewan ko ba sa mga 'yon. Very workaholic," naiiling na sabi ni Zeus.

"Siguro ayaw nilang umasa lang basta sa kita ng Lorenzino Corporation. 'Di rin naman stable ang kita ng kompanya. Lalo na ngayon, a lot of businesses has been emerging," sabi naman noong tingin ko nga'y si Blake.

Pinagmasdan ko siya. Hindi siya kaputian gaya ni Zeus, pero chinito siya kaya nagmumukha siyang mas bata pa.

"Ikaw ba, Zeus? Ano'ng balak mo?" tanong pa nito kay Zeus.

"Plano kong mag-take ng Entrepreneurship, but after that, I think gusto ko ring i-try mag-pilot," sagot naman niya.

Nakakamangha naman. Hindi ko masyadong naintindihan ang mga sinabi niya, pero mukhang ang dami niyang gustong gawin. Hindi ko kasi alam kung ano iyong ontro—basta! Kung ano man 'yon. Pero ang alam ko, ang pilot ay piloto. Ibig sabihin sa hinaharap ay makakapag-palipad siya ng eroplano?

Nakakalungkot naman. Ang taas-taas naman pala talaga niya. Heto nga't nag-uusap sila tungkol sa mga bagay na 'di ko alam at 'di ko maintindihan. Mas bagay na nga sa kanya si Marquita na tiyak na nakakapantay sa karangyaan niya.

Teka! Bakit nga ba iniisip ko na naman ang mga ito? Hindi ba nga at kakalimutan ko na siya? Ano ba naman 'yan!

Sumabay nalang ako kay Monet nang pumasok siyang muli sa mansyon. Nakasunod pa rin ako sa kanya nang kumuha siya ng tubig naman mula sa ref.

"May mga baso na ba sa labas?" tanong ko sa kanya.

"Wala pa. Maglabas ka na nga rin," sagot niya sa'kin. Napatango-tango naman ako.

Kumuha ako ng tray at naglagay doon ng kung ilang basong babasagin ang kasya. 'Di ko kasi nabilang kung ilan ba ang mga bisita ni Sir Zeus, kaya bahala na. Basta lahat ng kasya doon sa tray ay dinala ko.

"Pwede ako nang magdala n'yan?"

Napaangat naman ang tingin ko nang marinig ko si Danica. Nakangisi siya at halata ko na agad na kinikilig siya. Napairap nalang ako. Ang babaeng ito talaga! Pero ano ba naman ang karapatan ko? E, halos parehas na kami ngayon. . .

"Oh. Iyan na," sabi ko at binitawan ang tray sa mesa, na dapat ay dadalhin ko sa labas.

"Thank you!" tuwang sabi naman niya. "Ayos lang ba'ng hitsura ko?"

"Hindi ka rin naman nila pagtutuunan ng pansin," malamig na sabi ko sa kanya.

"Aray naman!" reklamo niya.

"Lumakad ka na," sambit ko pa. "Ang mga mayayaman ay nababagay lang din sa mga mayayaman."

May kasamang pait ang huli kong sinabi na 'yon, dahil ako mismo'y nasasaktan sa sinabi kong 'yon. Para bang sinasampal ko rin ang sarili ko. . .

Sumunod pa rin naman ako kay Danica dahil dapat ay nandoon lang kami, para kung sakaling may iutos si Sir Zeus. Habang nandoon naman sa kinatatayuan namin ay nanatili lang akong nakayuko. Ayoko na munang tignan ang gwapong mukha ni Sir Zeus dahil mahuhumaling lang akong lalo.

"Uy, Maureen. . ." Siniko ako ni Maureen.

"Ano?" Inis akong napatingin sa kanya.

"Parang pamilyar 'yang mga lalaking kasama ni Sir Zeus," bulong niya sa'kin.

Tinapunan ko sila saglit ng tingin. Hindi ko naman maalala kung saan ko ba sila nakita. Para ngang ngayon ko lang sila nakita, e.

"Parang hindi naman," sagot ko kay Danica.

"Pero pakiramdam ko talaga nakita ko na sila, e," giit pa ni Danica. Kunot pa ang noo niya habang nakamasid sa mga lalaki.

"Kung ano-ano lang iniisip mo." Umirap nalang ako sa kanya.

"Ang KJ mo talaga," inis naman niyang sabi at siniko akong muli.

* * *

Matapos kumain nila Sir Zeus ay nilinis na namin ang mesang kinainan nila. Noon naman kami kumain ng tanghalian, at pagkatapos ay saka kami naghugas ng mga pinggan. Ipinagpatuloy naman namin ang iba pa naming ginagawa sa mansyon, katulad ng naudlot kong paglilinis ng sala.

Pagkatapos kong maglinis ng sala ay saka ako nagtungo sa kwartong tinituluyan namin. Hinahayaan naman kaming magpahinga kung wala nang gagawin. Hindi rin naman masyadong mabibigat ang mga gawain namin dito, lalo pa't palaging wala si Ma'am Helen at si Sir Apollo.

"Hindi mo ba talaga natatandaan 'yung mga lalaki kanina?"

Eto na naman si Danica at tinatanong na naman ako tungkol sa mga kaibigan ni Sir Zeus. Nagliligpit kasi kami ngayon ng mga gamit namin, dahik bukas—Sabado—makakauwi kami sa bahay namin. Day off kasi.

"Hindi nga sabi," sagot ko pa at isinilid sa bag ko ang maruruming damit ko.

"Okay." Hindi nalang niya ako kinulit pa.

"Sandali, nauuhaw ako," sambit ko at saka tumayo.

Dumiretso ako sa kusina at kumuha ng malamig na tubig sa ref. Hinahayaan din naman nila kaming gawin ito. Tubig lang naman, e. Ipagkakait pa ba nila? Grabe na sila kung ganoon.

"Buti at nandito ka."

Napalingon naman ako kay Ate Bella na mukhang galing sa kung saan. May dala siyang isang tray.

"Bakit po?" tanong ko naman.

"Tulungan mo akong gumawa ng sandwich para kay Sir Zeus at kay Sir Blake," sagot naman niya.

Binatawan ko sa lababo ang basong pinag-inuman ko at tumango-tango. "Sige po."

Magkasabay kaming kumuha ng tinapay at pinalamanan ng tuna spread. Hiniwa pa namin ito sa gitna para maghugis tatsulok. Pagkatapos ay ibinalot pa namin sa tissue, tsaka namin inilagay sa tray.

"Oh, dalhin mo na 'yan," sabi ni Ate Bella sa akin. Tututol sana ako kaso lang ay naalala kong katulong nga pala ako dito na dapat magsilbi. Kaya wala na rin akong nagawa at kinuha ko na ang tray na may sandwich.

Dahan-dahan pa akong nagpunta patungo sa sala nila. Kaya lang, nang malapit na ako sa kanila ay 'di ko naiwasang marinig ang usapan nila.

"...Kaibigan kita. Pero, Zeus, gusto ko rin si Marquita. And I don't care if she loves you. Aamin pa rin ako sa kanya, masira man ang pagkakaibigan nating lahat."

Ibang-iba ang tono ni Sir Blake. Para bang nagbabanta na siya kay Sir Zeus. Akala mong hindi siya isang kaibigan kung magsalita. Dahil sa pagkakataong 'yon ay kalaban ang tingin niya kay Sir Zeus.

Minabuti ko na ring lumapit na sa kanila nang hindi na sila nagsalita. Nanatili lang silang magkatinginan. Kahit pa nasa harapan na nila ako ay wala pa ring umiimik.

Habang inilalapag ko ang tray ay napatingin ako kay Sir Zeus. Nag-iwas na siya ng tingin kay Sir Blake at yumuko na lamang. Mukha siyang problemado. Nababagabag kaya siya ng sinabi ni Sir Blake?

Isa lang ang masasabi ko. Napakaswerte ni Marquita dahil pinag-aagawan pa talaga siya ng dalawang matalik na magkaibigan. Si Sir Zeus at si Sir Blake, na parehong gwapo at galing sa mayamang pamilya. Ang swerte naman niya. . .

Itutuloy. . .