webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · วัยรุ่น
เรตติ้งไม่พอ
60 Chs

Kabanata 36

Kabanata 36

Walang tigil ang pag-iyak ko habang mahigpit na nakayakap sa kanya. Unti-unti naman akong nahihimasmasan dahil sa marahan niyang pagsuklay sa buhok ko at pagtapik sa likuran ko.

"Stop crying. Everything will be okay," pag-aalo pa niya sa'kin.

Wala naman akong naisagot kung hindi ang paghigpit pa lalo ng yakap ko sa kanya.

"Just remember you always have me, Maureen. I'll never leave your side, Anak."

Tahimik naman akong tumango-tango.

* * *

Napabalikwas ako ng bangon nang magising mula sa panaginip na 'yon. Napakunot na lamang ang noo ko habang inaalaa 'yon. Bakit naman sa dinami-dami ng pwedeng mapanaginipan ay 'yon pa ang napanaginipan ko?

Napabuntong-hininga na lamang ako at napailing. Nang makita ko sa orasan namin na alas sais y medya na ay napagpasyahan kong bumangon na. Kaya naman bumaba na ako sa papag namin at pagkatapos noon ay tiniklop ang kumot na ginamit ko kagabi.

Ilang saglit pa'y bumukas ang pintuan namin at mula roon ay pumasok si Tita Maricar. Binati niya ako ng isang tipid na ngiti.

"Gising ka na pala," puna niya.

Napatango-tango naman. "O-Opo. Nagising po ako, e."

Sa ilang sandali ay binalot ng katahimikan ang buong bahay namin. Hanggang sa nakita kong papaalis na si Tita ay napagpasyahan kong tawagin siya.

"Tita, sandali," pigil ko sa kanya.

Para naman siyang nagulat at napalingon kaagad sa'kin. "Oh? May kailangan ka pa?"

"Ah, Tita. . ."

Saglit akong nag-isip kung sasabihin ko ba ang gusto kong sabihin o huwag na lang. Pero sa huli ay napagpasyahan kong ipagpatuloy na lang ang sinasabi ko.

"Pwede po ba tayong mag-usap? A-Alam n'yo na po. . " Nahihiyang tanong ko sa kanya.

Bahagya naman siyang nagulat dahil doon, pero mayamaya rin ay tuluyang humarap at lumapit sa akin.

"Sigurado ka ba? Gusto mo 'yong pag-usapan?" tanong niya pa sa akin.

"O-Opo, Tita. Magulo pa rin po kasi ang isip ko, e. Baka sakali, kapag nakausap po kita, magkaroon po ng linaw sa'kin ang lahat," sagot ko naman..

"Oh, siya, sige," sagot naman niya.

"Halika po, maupo po muna kayo," yaya ko naman at nauna na akong umupo sa papag namin.

Sumunod naman siya sa akin habang dala-dala pa rin ang tasa ng kape niya. "Ano bang gusto mong malaman?"

"Hindi ko po alam, e. Basta, Tita, sabihin n'yo na lang po sa'kin lahat ng alam n'yo," sagot ko naman.

Tumango-tango siya pagkatapos ay saglit na humigop ng kape. Ako naman ay tahimik lang na nag-abang sa ikukwento niya.

"Ang tatay mo, unang asawa niya si Cynthia. Kaibigan ko silang dalawa. Kaya nga lang, e, maaga ring pumanaw si Cynthia. Pagkatapos noon, nagpunta ang tatay mo sa El Rico. Doon siya namasukan sa mga Olivarez," pagkukwento niya.

"K-Kina I—Ma'am Isabelle?" tanong ko.

Tumango-tango naman siya. "Doon niya nakilala si Isabelle na noon nga ay may asawa't anak na. Madalas siya ang naghahatid-sundo kay Isabelle, kaya nagkapalagayan sila ng loob. Noong una, gano'n nga lang. Magkaibigan. Pero nagsimula ang lahat nang magkalabuan si Isabelle at ang asawa niya."

"Teka, Tita, kinuwento po ba 'yan lahat sa inyo ni Itay?" naguguluhang tanong ko. Alam ko naman kasing wala siya sa eksena para maikuwento niya ang lahat.

"Oo. Nakuwento 'to sa'kin ng Itay mo nang iuwi ka na niya rito," sagot naman niya.

Tumango-tango naman ako. "Gano'n ho pala. S-Sige ho, magpatuloy na po kayo."

"Di ko tanda kung gano'n nga ba, basta ang alam ko, may nakapares na iba no'n si Frederick. At do'n nga nagsimula ang pagtatalo nila. Sabi rin daw ni Isabelle, masyadong istrikto ang ama sa anak nito. Kaya madalas din nilang pinagtatalunan 'yon.

"At sa mga oras na 'yon, wala siyang ibang kakampi kung hindi si Jose, ang itay mo. Sa ganoong paraan, nagkagustohan sila. Oo nga't maaaring gumaganti lamang si Isabelle kay Frederick, pero mali pa rin 'yon, syempre."

Napayuko naman ako nang sabihin 'yon ni Tita. Alam kong wala akong kasalanan, pero parang ganoon na rin ang pakiramdam ko. Dahil bunga ako ng pagtataksil ni Isabelle sa asawa niya at ng kapangahasan ni Itay.

Pero pinili ko pa ring makinig sa kuwento ni Tita Maricar.

"Di nagtagal, nagkasundo rin ang dalawa na itigil ang relasyon nila," pagpapatuloy niya.

"Sino po? Sila Itay po ba o sila Ma'am Isabelle at 'yung asawa niya?" tanong ko.

"Ang itay mo at si Ma'am Isabelle," sagot naman niya. "Naisip nila na 'yon ang mas makakabuti. Kusa na lang ding nag-resign ang tatay mo. 'Yun nga lang, doon nila natuklasan na nasa sinapupunan ka ng nanay mo."

"Pagkatapos? A-Ano pong nangyari? Ano pong ginawa nila kay Itay?" may pag-aalalang tanong ko.

"Galit na galit noon ang mga Olivarez at Dela Rama kay Isabelle. 'Yung mga Dela Rama, 'yon ang pamilya ni Isabelle. Malaking gulo ang ginawa niya, pero sinigurado pa rin nilang hindi makakarating 'yon sa ibang tao. Kaya naman pinalabas na lang nila na may sakit si Isabelle at nagpapagaling lang."

Mas lalo pa tuloy itong nakadagdag sa bigat ng nararamdaman ko. Ang hirap lang isipin na napakalaki pala ng gulong ginawa ko dati, kahit hindi pa man din ako naisisilang sa mundo. Sana pala, hindi na lamang ako nabuhay. Sana maayos pa ang lahat.

"Nakakaawa din ang Itay mo noon. Binalak siyang kasuhan ni Frederick at maging ng nanay ni Isabelle. Buti na nga lang at nakumbinsi sila ni Isabelle na huwag na," pagtatapat pa sa akin ni Tita Maricar na siyang ikinagulat ko.

Noon ko pa pala inilagay sa panganib si Itay. Mabuti at hindi siya tuluyang nakulong.

"Alam mo, mahal na mahal ka ni Isabelle. Kahit pa nagalit sa kanya ang lahat, pinili pa rin niyang dalhin ka. Ginusto pa rin niyang alagaan ka. Kaya nga lang, ayaw sa'yo ng pamilya niya. Kaya nang ipanaganak ka niya, agad-agad ay dinala ka ni Frederick at ng nanay ni Isabelle dito."

Sa pagkakabanggit niya na mahal na mahal ako ni Isabelle ay naalala ko ang panaginip ko kanina. Parang totoong-totoo iyon at damang-dama ko talaga ang yakap niya. Mahal nga ba talaga niya ako? Nangungulila nga ba siya sa'kin?

"Pinili ng tatay mo na isikreto na lang sa'yo ang lahat. Kaya no'ng nagsimula kang magtanong kung nasa'n ang nanay mo, nagsinungaling na lang siya at sinabing si Cynthia ang nanay mo. Pero ang totoo ay hindi naman," pagtatapos niya sa kwento niya.

Nanahimik ako nang ilang sandali. Pilit kong isinasaayos sa isip ko ang mga detalyeng sinabi sa akin ni Tita Maricar. Noon, puno ng galit at hinanakit ang puso ko. Hindi ko maisip kung bakit nagsinungaling sa akin si Itay. Hindi ko rin lubos matanggap na anak ako sa labas.

Pero matapos marinig ang lahat ay para bang may parte na sa puso ko na gustong intindihin sila—ang nanay at tatay ko.

"Ano? Naging malinaw na ba sa'yo ang lahat?" mayamaya ay tanong ni Tita matapos ibaba ang tasa niyang wala nang laman sa papag namin.

"Salamat, Tita. Kahit papa'no, nabawasan ang galit ko. Naintindihan ko si Itay," sagot ko sa kanya. Pagkatapos ay sinundan ko naman ng mga tanong na noon ko pa rin gustong itanong sa kanya. "Pero, Tita, kahit kailan, hindi mo naisip na sabihin sa'kin? Pa'no kung. . . Kung hindi niya 'ko pinuntahan? Isisikreto mo pa rin sa'kin?"

"Noon pa lang, Maureen. Noon pa lang, gustong-gusto ko nang sabihin sa'yo ang lahat. Kaya lang, hindi ko alam kung ano'ng magiging resulta no'n, kaya pinigilan ko na lang ang sarili ko," paliwanag ni Tita. Pagkatapos ay hinawakan niya ang dalawang kamay ko. "Maureen, sana mapatawad mo 'ko. Hindi ko lang din alam ang gagawin ko."

Napabuntong-hininga naman ako. "Hayaan mo na 'yon, Tita. Tapos naman na ang lahat."

"Hindi, Maureen. Hindi pa," sagot naman niya, kaya napakunot ang noo ko.

"Ano'ng ibig mong sabihin, Tita?" naguguluhang tanong ko.

"Hindi ka pa sumasama kay Isabelle. Hindi mo pa siya binibigyan ng pagkakataon na alagaan ka," sagot niya sa'kin.

"Tita, kailangan ko po ba talagang gawin 'yon? Hindi ba pwedeng magpatuloy na lang kami sa mga buhay namin?" tanong ko naman.

"Maureen, isipin mo na lang, ina si Isabelle. Kahit sinong nanay, hindi gugustuhin ang malayo sa anak nila. Kahit sinong ina, gustong arugain at mahalin ang anak nila. 'Yan ang nararamdaman ni Isabelle," paliwanag pa niya sa akin.

Napaiwas na lang ako ng tingin, pagkatapos ay binawi ko ang kamay ko sa kanya, at saka ako tumayo.

"Sige na, Tita. Salamat ulit. Kailangan ko pang pumasok," sabi ko na lang para matapos na ang usapan.

Narinig ko ang pagtunog ng tasa ni Tita kasunod ng paglangitngit ng papag. Indikasyon iyon na tumayo na siya mula roon at siguro ay uuwi na siya sa bahay nila.

Pero bago 'yon ay may pahabol pa siyang bilin sa akin, "Pag-isipan mong mabuti, Maureen. Unawain mong maigi."

Hindi na lamang ako sumagot at hinayaan siyang makalabas. Matapos naman 'yon ay nagsimula na akong maghanda para pumasok sa bakery. Alam kong marami pa akong dapat na isipin, pero sa ngayon, kailangan ko munang magtrabaho para kumita ng pera. Bukas naman ay makakapagpahinga ako dahil Linggo.

Pagdating ko sa trabaho ko ay itinuon ko na lang muna ang atensyon ko sa mga bumibili sa amin. Marami akong bagay na dapat isipin, pero baka mamaya ay maging mali-mali na naman ako. Nahihiya na rin naman kasi ako kay Mang Lando. Pakiramdam ko ay masyado na akong nagiging sakit ng ulo sa kanya.

"Maureen, halika."

Napaangat ang tingin ko kay Monet na hawak-hawak ang cellphone niya. Sinesenyasan pa niya ako na lumapit sa kanya. Kaagad ko naman siyang sinunod kahit pa hindi alam ang dahilan.

"Kakausapin ka raw nila Danica," sabi niya pagkalapit ko at iniabot sa akin ang cellphone niya.

Sa dami ng nangyari simula nang mapaalis ako doon sa mansyon, halos minsan ko na lang nakakasama ang dalawa kong kaibigan na 'yon. Hindi rin kasi kami halos nagkakakitaan nitong mga nakaraang linggo. Huling pagsasama-sama pa yata namin ay noong burol ni Itay.

"Hello?" bati ko.

"Maureen! Kamusta ka na? Miss na miss ka na kita!" bungad sa akin ni Danica. Napakasigla ng boses niya, kaya naman hindi ko rin mapigilan ang mapangiti.

"Danica! Ayos naman ako. Ang tagal na nating 'di nagkita," sagot ko naman.

"Oo nga, e," may bahid ng lungkot na pagsang-ayon niya sa'kin. "Pero 'wag kang malungkot! May plano kami ni Jacob."

"Ha? Ano'ng plano?"

"Di ba wala ka namang pasok bukas?" tanong pa niya sa'kin.

"Oo," sagot ko naman. "Bakit?"

"Kasi, nagpaalam ako kay Ma'am Helen na bukas na lang din ako magde-day off. Tapos pasyal tayong tatlo," sabi niya sa akin.

"Ha? E, wala akong pera," sabi ko naman dahil 'yon naman talaga ang totoo. Gustohin ko man na sumama sa kanila, kaya lang ay kulang na kulang talaga ako.

"Ano ka ba? Syempre, sagot ka na namin ni Jacob!" kaagad naman niyang sabi.

"T-Talaga?" tuwang tanong ko.

"Oo! Ano? Bukas ha!" paalala pa niya sa'kin.

"Oo! Oo, sige!" sagot ko naman.

"Sige, kitakits!" tugon nama niya. "Oh siya, bigay ko na uli 'to kay Junard, a?"

"Sige. Ingat ka d'yan," habol ko pa.

"Ikaw rin," tugon niya. Matapos 'yon ay ibinalik ko naman na uli kay Yngrid ang cellphone niya. "Salamat."

"Ano'ng sabi sa'yo?" tanong pa niya.

"Niyaya akong pumasyal bukas. Kami nila Jacob," sagot ko naman sa kanya.

Napatango naman siya at napangiti. "Maganda 'yan! Para naman mabawasan 'yang lungkot mo."

"Oo nga, e," sang-ayon ko sabay ngiti.

Mabuti at naisipan 'yon nila Danica. Siguro nga kailangan kong magliwaliw muna para naman hindi puro problema ang iniisip ko. Siguro, kailabgan ko ring humingi sa kanila ng opinyon tungkol sa mga agam-agam ko.

* * *

Kinabukasan ay namasyal nga kaming tatlo nina Danica at Jacob katulad ng plano namin. Maaga silabg umuwi para raw makaabot pa kami sa pangalawang misa sa simbahan ng Doña Blanca.

"Katawan ni Kristo," sambit ng pari nang itaas ang ostiya sa harapan ko.

"Amen," sagot ko at matapos no'n ay inilapag niya sa nakalahad kong kamay ang otsiya.

Kinuha ko naman 'yon gamit ang kanan kong kamay at isinubo. Pagkaraan ay umusog ako pakaliwa upang makausad ang nasa likuran ko. Ngunit hindi pa muna ako umalis dahil nag-krus muna ako habang nakatingin sa altar. Pagkatapos noon ay saka lamang ako bumalik sa kinauupuan namin..

Pagkarating ko roon ay nagdarasal na sina Jacob at Danica na nauna sa akin. Lumuhod na rin ako sa luhuran at muling nag-krus saka pinagdaop ang mga kamay. Matapos ay pumikit na ako at umusal ng dasal.

"Diyos ko, hindi ko po alam kung bakit ibinibigay N'yo sa'kin ang mga pagsubok na 'to. Pero nakikiusap po ako sa Inyo, tulunga N'yo po sana ako sa mga problema ko. Tulungan N'yo po akong piliin ang tamang desisyon para sa akin. 'Yun lamang po," dasal ko sa isipan ko.

Pagkatapos noon ay minulat ko ang mga mata ko at diretsong tumingin sa altar ng simbahan. Sa gitna ay naroon ang imahen ni Hesus na nakapako sa krus.

Alam kong may awa ang Diyos at hinding-hindi Niya ako pababayaan. Sa Kanya na lamang ako kumakapit ngayon.

Pagkatapos ng misa ay dumiretso naman kami sa pinakamalapit na lugawan doon. Kahit maliit na kainan lamang ay marami ring tao ang kumakain doon. Sabi ni Jacob ay masarap daw kasi talaga ang pagkain doon. Maging ang palabok, spaghetti at sopas na inaalok din nila.

"Pasensya ka na, Maureen, ha? Ito lang ang kaya kong ilibre sa inyo, e," sabi ni Jacob matapos umupo sa harapan namin. Kaka-order lang niya ng LTB (Lugaw, Towa, Baboy) para sa aming tatlo.

"Sus! Ano ka ba naman, Jacob? Ang mahalaga, libre," pabirong sabi naman ni Danica.

"Oo nga, Jacob. Tsaka masarap naman 'to, e," segunda ko naman.

"Wag kayong mag-alala. Pagyaman ko, isang kalderong lugaw ang ibibili ko sa inyo," biro pa ni Jacob dahilan para mapatawa ako.

Ilang sandali pa ay inihatid na samin ng isang babaeng trabahador doon ang order namin. Umuusok-usok pa ito nang ilapag niya sa mesa namin. Nakahiwalay naman ang tokwa't baboy sa lugaw namin. May mga platito rin para sa sawsawan nito.

"Oh, kain na kayo hangga't mainit!" sabi ni Jacob matapos niyang gumawa ng sawsawan para sa aming lahat.

Syempre, sinunod na rin naman namin siya. Nilagyan ko muna ng calamansi ang akin bago ako kumain. Nang matikman ko 'yon ay nalaman ko na kung bakit nga ito pinagkakaguluhan ng mga tao. Masarap talaga siya at hindi lang puro sabaw!

"Hmm! Ang sarap talaga kapag libre!" komento ni Danica, kaya naman natawa ako.

Napailing naman si Jacob. "Kumain ka na nga lang d'yan! Kung ayaw mong ikaw ang pagbayarin ko."

Nagtawanan kaming tatlo at pagkatapos ay tahimik lang kaming kumain. Pagkatapos naman noon ay nag-aya si Jacob na maglakad-lakad na lang daw muna kami sa park at pumayag naman kaming dalawa ni Danica.

"Nag-enjoy ka naman ba?" tanong sa'kin ni Danica habang naglalakad-lakad kami.

"Hmm!" sagot ko habang nakangiting tumatango-tango. "Ngayon nga lang ako ulit kumain nang may kasabay, e."

"Mabuti naman kung gano'n," sagot ni Jacob. "Nag-aalala na kaya kami sa'yo."

"Oo nga. E, ang daming nangyari sa buhay mo," sang-ayon naman ni Danica. "Nasabi nga sa'kin ni nanay 'yung. . ."

Napatigil si Danica sa pagsasalita. Siguro ay ayaw niyang banggitin dahil baka magbago pa ang mood ko. Napayuko na lamang ako.

"Tara, upo tayo do'n oh!" pagyaya ni Jacob sabay turo sa mga sementadong upuan sa malapit.

"Sige, tara," sabi ni Danica at hinila ako.

Pagkaupo namin doon ay dinama ko na lang ang manaka-nakang pag-ihip ng hangin. Ngayong nakapamasyal ako, medyo nalibang naman ako. Dahil doon ay gumaan ang pakiramdam ko kahit papaano. Mabuti na lang talaga at may mga kaibigan akong ganito.

"Grabe 'no? Pwede pala talaga 'yung sunod-sundo 'yung dating ng kamalasan sa'yo? Na parang ibinabato na lang sa'yo lahat ng problema sa mundo," pagbasag ko sa katahimikan.

"Hindi ka naman sobrang malas, Maureen. Malay mo akala mo lang pala malas 'yon, ta's 'yon pa pala swerte mo," sabi naman ni Jacob sa akin.

"Oo nga, Mau! Isipin mo parang noon lang pinapanood lang natin sa TV si Mercedes. Tapos ngayon. . . Hay! Hindi rin ako makapaniwala!" sabi naman ni Danica. "Ikaw? Ano'ng naramdaman mo no'n?"

Nagkibit-balikat ako. "Iba-iba. Pero hindi ko magawang matuwa. Naguguluhan kasi ako, e. Nagulat. Ewan."

"Normal lang naman 'yan," komento ni Jacob.

"E, ngayon?" tanong pa ni Maureen.

"Naguguluhan pa rin ako. Aaminin ko, alam kong giginhawa ang buhay ko sa kanila. Pero magiging masaya ba 'ko?"

Napabuntong-hininga si Danica bago sumagot sa'kin, "Hindi natin alam ang sagot d'yan, Maureen. Ang hirap kasi ng sitwasyon n'yo, e."

"Kaya nga nahihirapan akong magdesisyon," malungkot na saad ko.

"Ano ba'ng gusto mo talaga?" tanong naman ni Jacob.

"Hindi ko rin alam kung ano nga ba, Jacob. May parte rin kasi sa'kin na napapaisip kung ano'ng pakiramdam nang may nanay. Pero natatakot ako, e. . . Ayoko nang masaktan," pag-amin ko sa kanila.

Dahil sa panaginip ko kahapon, napagtanto ko rin 'yon. Ang tagal ko na ring naghahanap ng kalinga ng isang nanay. Noong bata ako, gustong-gusto kong magkaroon ng nanay. Palagi kong iniisip kung ano kaya'ng pakiramdam na may nanay ako?

Kaya nga lang, ngayon na nand'yan na at may pagkakataon na akong magkaroon ng nanay, magulo naman ang sitwasyon. Ngayon pa lang ay alam kong hindi magiging madali para sa'kin ang lahat.

Naramdaman ko naman ang pagtapik ni Danica sa balikat ko. "Sabi nga nila, face your fears!"

"Oh, ano'ng ibig sabihin no'n?" tanong naman ni Jacob sa kanya.

"Di ko rin alam. Maganda lang sa pandinig, e," sagot naman ni Danica. Kahit tuloy nakasimangot ako ay bahagya akong napangiti.

"Uy, ngumiti siya!" tuwang sabi ni Danica.

"Maureen," seryosong pagtawag naman sa'kin ni Jacob. "Minsan may mga bagay na kahit ayaw natin, kailangan nating gawin. Kung wala na tayong pagpipilian pa, e. Sa buhay, kahit ayaw mong masugatan, madapa. . . Hindi pwede. Kasi 'yon lang din ang magpapalakas sa'yo."

Napatahimik na lang ako sa sinabing 'yon ni Jacob. Sa aming tatlo, siya ang maagang sumabak sa hirap. Siya rin ang una pa lang ay puro na pagdurusa at problema. Kaya siguro gano'n na lang ang nasabi niya sa akin, dahil siya rin mismo ay may pinanghuhugutan.

Dapat ko na nga bang harapin ang totoong kapalaran ko kahit maaaring ikasakit ko ito?

Itutuloy. . .

*Sabi ng pari sa amin, pagkatanggap mo raw ng komunyon, hindi mo na kailangang lumuhod. Dahil tinanggap mo na raw ang katawan ni Kristo, naroon na siya sa katawan mo o sa kaloob-looban mo. Kaya kapag nagdasal ka, dapat nakaupo lang. PERO karamihan sa mga tao ay nakasanayan na ang lumuhod bilang pagpapakita ng respeto.