Kabanata 35
Halos magmadali ako habang nagsusuklay ng buhok ko. Ilang minuto na lang at male-late na naman ako sa pinapasukan ko! Hindi ko na nga malaman kung ano ba ang uunahin kong gawin, e. Hindi pa nakasara ang dalawang butones ng blouse ko.
"Pasensya ka na at nahuli ako ng gising. Late ka na naman tuloy."
Nagulat ako dahil nandito pa rin pala si Tita Maricar. Nakita ko mula sa salamin na nakaupo siya sa bangko habang nagkakape.
Dahil sa mga gastusin, hindi ko pa rin makuhang bumili ng cellphone. Kulang na kulang na ang kinikita ko para sa mga gastusin ko dito sa bahay. Pinakiusapan ko na lang tuloy si Tita na gisingin ako kung hindi ako magigising nang maaga. At ngayon nga ay nahuli siya ng gising sa akin.
"Ayos lang 'yon, Tita. Ako na nga po nahihiya sa inyo, e," sagot ko habang nagsusuklay pa rin. Nang matapos ay kaagad kong kinuha ang bag ko.
"Bakit kasi hindi ka na lang. . ."
Bago pa niya maipagpatuloy ang sasabihin niya ay napatingin na ako sa kanya. Simula nang araw na 'yon, parati na niyang ipinipilit sa akin na sumama kay Isabelle, na tunay ko raw na ina. Sinasabi niya sa akin na mas gaganda raw ang buhay ko doon. Pero para sa akin, hindi.
Paano ba namang magiging masaya ang buhay ko doon? May asawa't anak na 'yung Isabelle na 'yon. At kahit ano pa ang sabihin nila, anak sa labas pa rin ako. Isa pa, napag-alaman kong pamilya sila ng mga artista. Hindi ako nabibilang sa kanila. Tiyak na magiging dahilan lang ako ng gulo.
Mas gugustuhin ko nang maghirap sa ganitong paraan kaysa magsumiksik sa kanila.
"Tita, napag-usapan na natin 'yan," paalala ko sa kanya. Hindi na lamang siya sumagot at nag-iwas ng tingin.
"Alis na 'ko, Tita," paalam ko sa kanya. Nahihiya naman kasi akong paalisin siya. Mukhang nasisiyahan pa siyang magkape sa bahay namin.
"Oh, sige. Ako na'ng bahala dito," sagot naman niya sa'kin. Pagkatapos ay may pahabol pa siya. "Mag-iingat ka!"
Nagmamadali naman akong nagtungo sa sakayan ng tricycle. Tinakbo ko na nga ang patungo roon. Mabuti at naka-rubber shoes ako. Sakto rin at may naabutan ako doon, kaya 'di ko na kailangang maghintay pa. Pero dahil sa kabilang baryo pa ang bakery, tiyak kong late na naman ako.
Pagdating ko sa bakery, katulad ng inaasahan ay napagalitan na naman ako ng amo ko na si Mang
Lando. Mabait naman siya, kaya lang ay ayaw talaga niya ng nale-late ng pasok. At dahil nga late ako ay makakaltasan na naman ako ng sweldo.
"Hay nako. . ." Naiiling si Yngrid nang lumabas ako sa pinaka-store. "Sabi ko naman kasi sa'yo, bumili ka na ng cellphone."
"Kung kaya lang ng budget ko, Yngrid," sagot ko naman sa kanya.
"Binebenta mo raw 'yung tricycle ng tatay mo?" tanong pa niya sa akin.
"Oo, eh. Wala na kasi talaga akong mapagkukunan ng pera. Ang hirap," sagot ko naman sa kanya.
Sa totoo nga, nangangamba ako na baka lahat na ng gamit sa bahay, e, maibenta ko na dahil sa hirap ng buhay ko ngayon. Wala na akong maaasahan kung hindi ang sarili ko.
"Hindi ko pa nga alam kung ano'ng uunahin ko. Bigas, tubig o kuryente?" problemadong sabi ko pa.
"Kung gusto mo, pahihiramin kita," alok naman niya sa akin.
"N-Naku! 'Wag na, Yngrid. Nakakahiya," kaagad ko namang pagtanggi.
"Ano ka ba! Wala lang sa'kin 'yon ano. Alam ko namang kailangang-kailangan mo, e," tugon pa niya at pagkatapos ay kinuha na nga niya ang wallet niya.
"Uy, Yngrid! 'W-'Wag na!" pagpigil ko sa kanya, pero hindi niya ako pinansin. Kumuha pa rin siya doon ng tatlong-daang pisong papel.
"Oh, heto. Kunin mo na," sabi niya sabay abot sa akin ng pera. Imbis na kuhanin 'yon ay sinenyas ko na lang ang kamay ko na 'wag na.
"Hindi ko talaga matatanggap 'yan, Yngrid," sabi ko sa kanya.
"Tsk." Kinuha niya ang kanang kamay ko at pilit na inilagay doon ang pera. "Kuhanin mo na. Kailangan mo 'to, Maureen. Ibalik mo na lang sa'kin kapag may pera ka na."
"Pero—"
"Wag ka nang makulit!"
Napangiti naman ako. Sadyang napakaswerte ko pa rin at may mababait na taong nakapaligid sa akin katulad ni Yngrid. Kung tutuusin nga, halos kakakilala pa lang niya sa akin pero heto at handa siyang tulungan ako.
"Salamat, Yngrid," sabi ko sa kanya. "Hayaan mo, babawi ako sa'yo."
"Wag kang mahihiyang lumapit sa amin kung kailangan mo ng tulong. Tandaan mo, Maureen. Hindi ka nag-iisa," paalala pa niya sa akin. Sinuklian ko naman siya ng isang matamis na ngiti.
* * *
Nang hapon ding 'yon ay masaya akong umuwi. Dahil kasi sa pinahiram sa aking pera ni Yngrid ay makakapagbayad ako ng kuryente at tubig. Makakabili rin ako ng tatlong kilong bigas. Bagaman may ipon ako, malaki rin ang naitulong ng pinahiram sa akin ni Yngrid.
Nagpalit muna ako ng damit bago ako dumiretso sa park namin. Nandoon din kasi ang munisipyo, ang bayaran ng tubig at ang bayad center kung saan ako nagbabayad ng kuryente. Inuna kouna iyon bago ako bumili ng bigas.
Pagdating ko roon ay naging mabilis lang ang transaksiyon dahil kakaunti lang ang mga tao. Madali lang tuloy akong nakapagbayad at natapos. Mabuti na rin 'yon nang makauwi ako nang maaga.
"Ito po 'yung sukli n'yo." Inusad ng babaeng nasa loob ang ilang perang papel at barya papunta sa akin.
Kinuha ko naman iyon. "Salamat po."
Matapos 'yon ay tumalikod na ako at tuluyang lumabas mula sa bayad center. Habang naglalakad ay binibilang ko pa ang sukli ko. Tinatantiya ko pa kasi kung may pera pa ba akong magagamit sa mga susunod na araw.
"Maureen!"
May biglang humila sa akin paharap sa kanya. Dahil sa pagkahila sa isang braso ko ay nabitawan ko ang perang hawak-hawak ko. Kaagad akong umupo para pulutin ang mga 'yon.
"Maureen! Ikaw nga!"
Napaangat ang tingin ko sa lalaking nakatayo sa harapan ko at halos hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Napaawang ang mga labi ko ngunit parang tinakasan ako ng salita. Hindi ko akalaing makikita ko pa siya. Ano'ng ginagawa niya dito?
Mula sa mukha niya ay nalipat ang tingin ko sa palad niyang nakalahad sa harapan ko. Nag-aalok siyang tulungan akong tumayo. Pero imbis na kuhanin ang kamay niya ay hindi ko 'yon pinansin at mag-isa akong tumayo.
Hindi ko siya kailangan.
"Maureen, let's talk. Marami akong gustong sabihin—"
Pinutol ko na kaagad ang sasabihin niya.
"Wala na tayong dapat pag-usapan pa," matapang na sabi ko sa kanya. Nagtatapang-tapangan lang naman ako, pero sa totoo ay nanghihina ako.
"Maureen, please," pakiusap pa niya at sinubukang hawakan ang balikat ko. Mabilis naman akong umiwas.
"Ano pa ba'ng dapat nating pag-usapan? Sa tingin ko wala na dahil hindi ka naman na nagpakita sa'kin," sabi ko sa kanya. At hindi ko na napigilan ang sarili kong sumbatan siya. "Alam mo ba kung ga'no katagal akong naghintay sa'yo? Naghintay ako sa wala, Zeus! Pagkatapos susulpot ka na lang bigla-bigla para kausapin ako?"
Ramdam kong nangingilid na rin ang mga luha ko at naninikip ang dibdib ko dahil sa galit at inis sa kanya. Sabi na nga ba at hindi ko talaga kayang maging matapang, eh. Siguradong iiyak na naman ako mamaya. Bakit ba napakabilis kong maiyak?
"I heard what happened that day. I am very sorry, Maureen. Pero maniwala ka—"
"Ayoko nang marinig ang kahit na anong sasabihin mo," mabilis kong sabi at kaagad siyang tinalikuran.
"Maureen! Maureen, please hear me out!"
Pilit pa niya akong hinabol, pero nagmatigas ako. Nahawakan niya ang balikat ko at pilit akong pinaharap sa kanya. Dahil mas malakas siya sa akin ay nagtagumpay siya. Nang magawa 'yon ay kaagad niyang hinawakan ang dalawang palapulsuhan ko.
"Maureen, pakinggan mo ako! Marami kang dapat malaman!"
Umiling-iling ako habang unti-unti nang tumutulo ang luha ko.
"Tama na, Zeus! Tama na!" sigaw ko sa kanya habang pilit na kumakawala sa hawak niya.
Pero mas hinigpitan pa niya ang hawak sa akin. "Hindi! Hindi ka aalis hangga't 'di ko nasasabi ang dapat kong sabihin!"
"Tigilan mo na 'ko!" pakiusap ko sa kanya habang nagpupumiglas pa rin. Pero habang pinipilit kong kumawala ay lalo lang akong nasasaktan.
"Sir! Sir, halika na po."
Mabuti na lang at dumating ang dalawa nilang tauhan. Mabilis siyang hinawakan nito sa kamay dahilan para mapabitaw siya sa akin. Hindi ko na rin hinintay pang paalisin ako ng mga 'yon at kusa na akong umalis.
"Sandali. . . Maureen! Maureen! Let me go! Maureen!"
Naririnig ko pa ang pagtawag niya sa akin, pero nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Hindi ko na siya nilingon pa ulit. Habang naglalakad nang mabilis ay pinunasan ko na rin ang luhang tumulo sa pisngi ko.
Ayoko nang marinig pa ang mga dahilan niya. Ayoko nang maniwala pa sa kanya. Para saan pa? Masyado na niya akong nasaktan at napaasa. Ayoko nang dagdagan pa ang sakit ng damdamin ko.
Oo, mahal ko si Zeus. Gustong-gusto ko siyang yakapin. May parte rin sa akin na gustong marinig ang mga paliwanag niya. Pero ayoko na. Masyado na akong nasasaktan. At sa tingin ko wala nang pag-asa pa ang pagmamahal na 'to.
* * *
"Oh, nand'yan ka na pala!"
Gulat akong napatingin kay Tita Maricar. Sa sobrang lalim ng iniisip ko ay hindi ko na napansing naroon pala siya sa harapan ng bahay namin. Mukhang hinihintay ako.
"Tita. . ." 'Yon na lamang ang tangi kong nasabi habang mahigpit pa rin ang hawak sa tatlong-kilong bigas na binili ko sa palengke.
"Sayang at hindi ka naabutan nila Ma'am Isabelle. Galing sila rito kanina lang," sabi niya sa akin.
Awtomatiko na lang akong napairap.
Sa pagkakabanggit pa lang niya ng pangalan ng babaeng 'yon ay kaagad na akong nainis. Hindi ko talaga alam kung ano ang gusto niya. Gusto lang ba talaga niya akong tulungan o gusto niyang bumawi dahil sa tingin niya, sa ganoong paraan ay mawawala ang mga kasalanan niya?
Ano man ang dahilan niya, isa lang ang alam ko: hindi ko siya kayang tanggapin bilang nanay ko. At alam ko, ngayon palang, na hindi ako magiging masaya sa piling nila kahit kailan.
"Mabuti na rin 'yon, Tita. At kung naabutan man nila 'ko, paaalisin ko lang din sila," malamig kong sabi.
Hindi ko na rin hinintay pa na sumagot si Tita at dumiretso na ako sa loob ng bahay namin. Kaagad kong isinalin ang bigas sa lalagyanan nito. Nang bumaling ako para magbihis ay nagulat ako nang makitang nandoon si Tita. Sinundan pala niya ako.
Napabuntong-hininga ako. Mukhang alam ko na kung saan patungo 'to.
"Pagod ako, Tita. Ayoko munang makipag-usap ngayon," malamig na sabi ko kay Tita.
Bumuka ang bibig ni Tita Maricar at para bang may gustong sabihin sa akin. Pero mayamaya rin ay napaikom na lang siya. Siguro ay napagpasyahan niyang huwag nang ituloy ang anumang sasabihin niya sa akin. Pagkatapos noon ay napabuntong-hininga siya ay may simpatya sa mga matang tumingin sa akin.
"Sige. Magpahinga ka na muna," sabi na lang niya at dumiretso sa labas ng bahay. Siya na rin ang nagsarado ng pintuan namin.
Nang tuluyan siyang makalabas ay nagpakawala ako ng malalim at mabigat na buntong-hininga. Matapos ay lumapit ako sa papag namin at hinang-hinang naupo roon. Pagkaupo ko ay napahilamos na lang ako sa mukha ko at nang ibaba ko ang mga kamay ko sa tuhod ko ay napaluha na lamang ako.
Ang tahimik na bahay namin ay nabalot ng mahihinang mga hikbi ko. Sa tanang buhay ko, ngayong gabi ko pa lang naranasan na maging mag-isa. 'Yung pakiramdam na wala akong kakampi. Na walang nakakaintindi sa'kin. Na walang nandito para sa'kin.
Ang isip ko, parang lalo pa akong pinaparusahan. Ayoko mang balikan ang lahat ng mga masasakit na sandaling nangyari sa'kin, patuloy naman sa pagbalik sa alaala ko ang lahat. At habang isa-isa kong naalala ang mga 'yon ay lalo lamang akong nasasaktan.
"Maureen! Maureen, please hear me out!"
"Maureen, pakinggan mo ako! Marami kang dapat malaman!"
Saglit akong napatigil sa pag-iyak nang maalala ang hindi-inaasahang tagpo namin ni Zeus kanina. Bakit ba kasi nagkita pa kami? Akala ko pa naman ay nagawa ko na siyang iwaksi sa isipan ko. Akala ko ayos na ako. . . Hindi pa rin pala.
At ngayon, hindi ko maiwasang isipin, paano kaya kung hindi ako nagmatigas? Ano kayang sasabihin niyang dahilan sa akin? Pero mabuti na ring hindi ko napakinggan ang mga dahilan niya. Dahil baka maniwala lang ako at mahulog na naman.
Ayoko na. Ayoko na nang ganito! Bakit ba kailangan pang mangyari ang lahat nang 'to sa akin? Bakit?!
"Kaya ko pa ba 'to?"
To Be Continued. . .