webnovel

2 - BIRTHDAY PARTY

"MARE, bakit ngayon ka lang? Uyy! kasama mo pala si Pogi eh," ngiting bati sa amin ni Ate Issa nang makarating kami sa bahay nila. 

"Nagsarado pa kami ng bigasan eh… Para kay Cindy," inabot ng aking tiyahin ang dala nyang regalo at isang bilaong puto na binili na amin sa aming nadaanan. 

"Ikaw talaga mare, nag-abala ka pa."

"Pasok ka," aya sa akin ni Ate Issa. Para akong nakuryente nang hinawakan nya ako sa likod sa may bandang bewang para igiya papasok ng bahay nila.

Ang ganda-ganda talaga ni Ate Issa kahit pawis at medyo magulo ang pagkakapuyod pataas ng buhok sa pag-aasikaso sa kusina at pag-eestima sa mga bisita. Ngayon ko rin lang sya nakitang naka-maiksing shorts. Ang kinis at ang puti ng kanyang mga hita. Parang labanos na mura pa. 

Kinilig ako nang sandukan nya ako ng makakain sa malaking mesa na puno ng handa. 

"Ano'ng gusto mo? 'eto masarap 'to, ako ang nagluto nito," sabi nya sa akin. 

"Kahit po ano," para akong lulubog sa hiya. Ngayon lang kasi ako nakadalo sa handaan mula noong lumuwas ako ng Maynila at kami na rin lang ni Tiya Dela ang bisita na kumukuha ng pagkain. Sinasandukan pa nya ako. 

"H'wag kang mahihiya, no? Kanina ko pa kayo hinihintay eh," ngiti sa akin ni Ate Issa. Pakiramdam ko napakaswerte ko at isinama ako ni Tiya Dela. Nabuo na ang araw ko. 

Maraming tao sa labas ng bahay nila, pawang mga bisita ng may birthday. Halos lahat hindi nalalayo sa edad ko. 

Siniko ako ni Tiya Dela nang may dumaang babae na may dalang softdrinks at bote ng alak. 

"Ayun si Cindy, 'yung may birthday," bulong ni Tiya Dela. 

"Happy Birthday, Cindy!" bati ng aking tiyahin sa babae. 

"Salamat po Aling Dela," nagpasalamat sya sa aking tiyahin pero sa akin nakapako ang tingin nya, "anak nyo po?"

"Pamangkin ko, Janjan ang pangalan nya, kaluluwas lang noong nakaraang bwan galing Leyte."

"Hello, Janjan," ngiting-ngiti na niyakap nya ang bote ng alak para makipagkamay sa akin. Kagyat kong pinunasan ang aking kamay na nalagyan ng sebo ng kutsarang ginagamit ko saka ko inabot ang kamay nya.

"Happy birthday, Cindy!" bati ko sa kanya. 

Maganda si Cindy, maputi rin gaya ng nanay nya. Matangkad at balingkinitan ang katawan. Pero hindi hamak na mas maganda si Ate Issa sa kanya. Mas maamo ang mukha ni Ate Issa at mas maganda ngumiti. Kumpara kay Cindy na parang masungit ang dating sa unang tingin.

"Pagkatapos mong kumain, labas ka, inom tayo. Ipapakilala kita sa mga friends ko," nguso nya sa labas. 

"S-sige lang, hindi ako gaanong umiinom eh."

"Tuba lang kasi ang alam nyang inumin! Hahaha!" singit ni Tiya Dela. 

Grabe naman 'tong si Tiya Dela,lagi na lang akong inaalipusta, kunway irap ko sa aking tiyahin.

"Oo nga Pogi, mamaya makiupo ka sa kanila," wika ni Ate Issa galing sa kusina. May dala itong isang mangkok ng fruit salad. Inilapag nya iyon sa harap naming mag-tiyahin.

"Mamaya po," nagdabog ang loob ko. Ayoko naman makihalo sa mga kaibigan ni Cindy. Si Ate Issa lang ang gusto kong kausap. Sya lang naman ang ipinunta ko dito. 

*************************************

ANG sarap ng tawa ni Tiya Dela, ano kayang pinag-uusapan ng dalawa?

Sipat ko sa kanila sa bintana habang nakaupo ako sa labas kasama ni Cindy at mga kaibigan nya. Nakakainggit ang tawa ng aking tiyahin habang nakikita kong nagsasalita si Ate Issa, siguro ay may kinukuwento ulit ito na nakakatawa. Mas gusto kong maupo doon at makinig kay Ate Issa kesa sa barkada ni Cindy. Hindi ko naman maintindihan ang mga usapan nila. Sabihin na nating probinsyano nga kasi ako, hindi ako nakasunod sa mga bagong uso ngayon. 

Tumayo ako sa upuan at akmang papasok na sa loob. 

"Sa'n ka punta?"

"Ah eh… may tatanungin lang ako sa Tiya ko," pagdadahilan ko kay Cindy. Namumungay na ang kanyang mga mata, lasing na ang may birthday. 

"Balik ka ha," malambing nitong sabi.

"Oo, sandali lang ako."

*************************************

"Oh, bakit pumasok ka na?" tanong ni Tiya Dela pagpasok ko ng sala kung saan sila masayang nagkukwentuhan.

"Hindi ka ba nag-eenjoy doon?" ani Ate Issa. Tila nababasa nya ang isip ko. 

"Hindi naman po, hindi ko lang maintindihan kasi ang kwentuhan nila," kamot ko sa ulo. 

Humalakhak ang dalawang magkumare. 

"Napakamahiyain mo rin kasi. Hayaan mo na. Mababait naman 'yang mga kabarkada ni Cindy," wika ni Ate Issa, hinawakan nya ako ulit sa may bewang. Ewan ko ba bakit pakiramdam ko kiliting-kiliti ako sa paghawak nya sa bewang ko pero ayokong umiwas.