webnovel

Pagkagat Ng Dilim I (Peculiar Love)

Isang tipikal na babae. Iyan si Liane. Maraming problema sa buhay. Sa sarili, sa pag-ibig, sa trabaho, at ang pinakamatindi ay ang problema sa pamilya na nakaapekto na sa kanya ng husto. Hanggang sa isang araw ay nakabuo siya ng isang desisyong tuluyang makapagpapabago sa takbo ng kaniyang buhay. Makakaya kaya niyang harapin ang lahat ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari na kaniyang nasasaksihan? At magagawa ba niyang papasukin sa kaniyang puso ang katok ng pag-ibig? Gayong iba ito sa kaniyang nakasanayan. Paano kung matuklasan niya ang tunay na pagkatao ng mga ito? Kasabay ng nagbabadyang panganib sa kanyang buhay. Mananatili ba siya at buong pusong tatanggapin ang lahat? O lalayo at pipiliting talikuran at takasan ang lahat?

MissA_begail16 · แฟนตาซี
Not enough ratings
46 Chs

LIANE

"P*tang *na mo! Hayop ka! Walang hiya ka! Akala mo kung sino ka!"

"Ang aga-aga nagbubunganga na naman siya. Halos araw-araw na lang niyang minumura at inaaway si tatay kahit na wala namang ginagawa sa kaniya," bulong ko habang isinasalpak ang headphones sa magkabilang tainga ko.

"P*tang —" Ang huli kong narinig bago tumunog ang radyo ng cellphone ko. Kahit gusto ko ng bumangon para magkape ay hindi ko magawa dahil baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at masagot ko lang ito at atakihin sa puso ay maging kasalanan ko pa.

Kaya wala akong ibang magawa kundi ang tiisin ang walang humpay na pagmumura at pagbubunganga nito.

Hindi ko nga maintindihan kung bakit nagtitiis ang tatay ko sa babaeng 'yon. Malayong-malayo ang ugali niya sa nanay namin at hindi sila nag-aaway ni tatay araw-araw.

Simula nang tumira ito sa amin ay lagi na lang tensiyonado ang paligid dahil kaunting kibot lang na hindi nito magustuhan ay magmumura na agad ito.

Hindi na namin magawang makapagkwentuhang magkakapatid dahil bigla na lang nitong sasabayan ng pagbubunganga. Hindi na rin kami makakain ng maayos dahil kahit sa oras ng pagkain bigla na lang magagalit at magmumura na may kasama pang pabulung-bulong na parang isang bubuyog.

Ang akala ko noon ay makaka-recover na kami nang mamatay ang nanay namin. Pero hindi pala dahil may pumalit na mas malala pa. Dahil bawat kibot sinusumpong ng highblood at mas magastos pa.

Nang masiguro kong wala na akong maririnig na mura ay saka lang ako bumangon at doon ko lang napansing tanghali na pala. Kaya tahimik lang akong naglinis, nagluto, at naghugas. Hangga't maaari ay hindi ko na ito pinapansin at kinakausap dahil hindi ko na ito kayang kausapin o tingnan man lang.

Kung bakit kasi walang tumatanggap sa akin kapag nakikita na paika-ika ako maglakad kaya ko namang kumilos at magtrabaho. E di sana hindi ako nagtitiis na makinig sa mala-machine gun na bunganga nito.

Inaamin ko na nakakaramdam ako ng takot sa tuwing maiisip ang sinabi ng kapatid kong babae na kapag hindi na nito kinaya ay lalayas na ito. Dahil ang ibig sabihin lang niyon ay maiiwan na akong mag-isa sa lugar na iyon.

Maswerte ang dalawa ko pang kapatid dahil hindi na sila nakatira sa bahay na ito. Dahil 'yong lalaki ay may sarili ng pamilya habang ang bunso naman ay naka-dorm at nagtatrabaho.

Lumipas ang ilang araw na hindi inaaway ng madrasta ko ang tatay ko kahit na hindi na bago ang halos araw-araw na pagmumura nito. At akala ko tuloy-tuloy na iyon pero nagising na lang ako isang araw na may bago na namang isyu. At hindi ko masikmura ang mga lumalabas sa bibig nito na siguradong idinaldal na rin sa ilang kapitbahay namin.

Inaakusahan nito ang tatay namin na nakikipag-sex sa aming magkapatid. Pinagbibintangan na kaya raw laging nakasara ang pinto ng bahay namin ay dahil may kahalayan kaming ginagawa.

Matinding pagpipigil ang ginawa ko para hindi ito masagot kahit nanginginig na ang bawat himaymay ng kalamnan ko dahil sa tinitimping galit. Hinayaan ko lang itong magdaldal nang magdaldal dahil ang iniisip kong matatapos din iyon. Pero nagkamali ako dahil isang linggo na ang lumipas ay iyon pa rin ang ibinubunganga nito sa tatay namin.

Na naging dahilan para tuluyan ng mapuno ang kapatid kong babae at tuluyang maglayas. Masakit mang tanggapin na basta na lang ito umalis ay wala akong ibang nagawa kundi ang tahimik na umiyak dahilan para mas lalong lumalim ang galit at hinanakit na nararamdaman ko dahil sa sitwasyon. Wala silang alam dahil ang paalam nito ay pupunta lang sa bahay ng dating kaklase At tanging sa akin lang nito sinabi ang totoo. Mabilis na lumipas ang mga araw at inakala kong mawawala na rin ang isyu. Pero nauwi na sa pagbabantang sasaksakin nito si tatay kaya hindi ko na napigilang sagutin ito.

"Bakit ganyan ka mag-isip? Ang laswa ng utak mo at lahat na lang nilalagyan mo ng malisya? Hindi ka na nahiya! Nakakapagod ng marinig 'yang bunganga mong puro mura ang lumalabas!"

"Wala kang pakialam! Mag-asawa ka para malaman mo kung anong nangyayari! Subukan mo! Kung makakapag-asawa ka!"

"Tumigil na nga kayo! Walang matanda, walang bata sa inyo kung magsagutan kayo!" saway ni tatay na hindi ko pinansin dahil sa sinabi ng asawa nito.

"Hindi ko kailangang mag-asawa kung tulad mo lang din ang mangyayari!" Nanginginig sa galit na sigaw ko at hindi ko na napigilan ang sunud-sunod na pagpatak ng aking mga luha.

"Wala kang alam! Nakakadiri kayo! Ang bababoy n'yo! P*tang *na!"

"Ikaw lang ang madumi mag-isip! Bakit ganyan ba lahat ng tao sa inyo? Ganyan ang iniisip mo kay tatay habang doon kayo nakatira sa inyo? Lahat ng gawin at ikilos niya malaswa at nangmamanyak? Isip mo lang ang bastos! Nagmamalinis ka pero ang sama-sama naman talaga ng ugali mo! Napupuna mo ang ibang tao pero 'yang sarili mo hindi mo napapansin!"

Hindi na ito nakaimik dahil sa mga sinabi ko at basta na lang lumabas ng bahay. Sigurado akong pupunta na naman ito sa kapitbahay at magsusumbong ng mga kasinungalingan. Pero wala na akong pakialam problema na nila kung maniniwala sila rito kahit na mas kilala nila kami.

Sumunod na lumabas si tatay at hindi ko alam kung saan ito pumunta habang naiwan naman akong umiiyak. Alam kong mali ang ginawa ko at hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng pagkakonsensiya pero hindi ko na kayang tiisin ang lahat ng mga ginagawa at sinasabi nito. Umasa ako na kapag umuwi sila ay matatapos na ang isyu pero mali na naman ako. Kaya isang araw ay hindi na ako nakatiis at labag man sa loob ko ang binabalak kong gawin ay hindi ko na kayang manatili at magtiis sa sitwasyon namin. Pakiramdam ko ay mababaliw na ako kapag hindi pa ako umalis sa bahay na iyon. Lalo na kapag kaming dalawa lang ang naiiwan sa bahay dahil pumapasok ng trabaho si tatay. Nalaman na rin ng mga ito na naglayas ang kapatid ko dahil nag-text ito kay tatay na baka matagalan pa ang pag-uwi nito pero magpapadala naman daw ito ng perang panggastos sa tuwing susweldo ito.

Itinaon kong nagpunta ng palengke ang tatay at nasa kapitbahay ang madrasta namin at nakikikain ng tanghalian. Dali-dali akong nag-impake ng mga gamit na hindi naman naging mahirap dahil kakaunti lang naman ang mga damit ko. Alam kong mahirap ang gagawin kong pag-alis dahil sa sitwasyon ko lalo na at maliit na halaga lang ang perang hawak ko na naipon ko mula sa paggawa ng maliliit na basahan noong hindi pa nakatira sa bahay ang madrasta namin.

Walang patid ang pag-agos ng luha ko dahil sa halo-halong damdamin na lumulukob sa akin. Takot, kaba, lungkot, galit, dahil sa napakahirap na desisyong kailangan kong gawin. Ayaw ko mang iwan si tatay pero wala akong ibang pagpipilian dahil mukhang wala silang balak na maghiwalay kahit toxic na ang pagsasama nila. Nag-iwan lang ako nang isang maikling sulat na ipinatong ko sa ibabaw ng t.v. para madali nilang makita at siniguro kong nakalagay ang dahilan kung bakit napilitan akong umalis.

Alam kong para sa iba ay mababaw na dahilan lang iyon pero naisip ko na siguro kaya nagrerebelde ang ilang kabataan na nasa magulong pamilya ay dahil nakakabaliw ang araw-araw na awayan at murahan dahil iyon ang nararamdaman ko lalo na at hindi kami lumaki sa maingay at magulong bahay. Habang naglalakad palayo sa lugar kung saan ako lumaki at nagkaisip ay walang patid ang pag-agos ng mga luha ko. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin dahil ito pa lang ang unang pagkakataon na aalis ako at magsasarili.

Wala sa sariling naglakad ako sa gitna ng katirikan ng araw patungo sa pinakamalapit na terminal ng jeep at sumakay sa nag-iisang sasakyang nakaparada roon at hinintay na mapuno habang nakatitig sa kawalan. Wala na akong pakialam kung saan man ako mapadpad dahil wala rin naman akong malalapitang kaibigan. Dahil ang mga dati kong kaibigan ay may kani-kaniya ng mga buhay at ayokong maging pasanin pa sa kanila. At dahil wala akong tiyak na destinasyon ay wala akong maisagot sa driver nang paulit-ulit ako nitong tanungin kung saan ako bababa.

"Ineng, hindi mo ba talaga alam kung saan ka pupunta?" usisa ng driver habang bumabyahe at tanging ako na lang ang pasahero.

"Opo. Pasensiya na ho kayo. May byahe pa ho ba kayo? Doon na lang ako bababa sa huling lugar na pupuntahan ninyo."

"Naku... Ineng, pagarahe na ako dahil gabi na at malayo pa ang uuwian ko."

"Gano'n po ba? Doon na lang din po ako."

"Sigurado ka ba?" Nag-aalangang tanong nito. "Alam mo kasi bihirang-bihira lang ang may nakakapasok na tagalabas sa lugar namin. Hindi ko sigurado kung pupwede ka roon."

Natigilan ako sa sinabi nito at nahulog sa malalim na pag-iisip habang nakatanaw sa labas ng bintana. Hindi ko na alam kung saan ako bababa lalo at madilim na ang kalsada baka kung ano pa ang mangyari sa akin.

"Sabihin mo nga, naglayas ka ba sa inyo?" basag nito sa katahimikan.

"Opo… Paano n'yo po nalaman?" Nagtatakang tanong ko rito na ikinatawa naman nito.

"Hinulaan ko lang dahil bukod sa dala mong bag pack, nakailang baba at sakay na ako ng pasahero ay narito ka pa rin."

"Ahm..."

"Sige, ganito na lang. Susubukan ko kung pwede kang makapasok sa lugar namin. Pero kung hindi ipaparada ko sa labasan itong jeep ko para may masilungan ka ngayong gabi. Baka mapahamak ka pa kapag ibinaba na lang kita basta."

"Sa-salamat po. Magkano po ang babayaran ko sa pamasahe?"

"Huwag ka ng magbayad. Tulong ko na iyon sa iyo."

"Maraming salamat po." Hindi ko na napigilan ang paghagulgol dahil kahit papaano ay hindi ako matutulog sa kalye sa gabing iyon.

"Wala iyon."

At muling binalot ng katahimikan ang loob ng sasakyan kaya naman itinuon ko na lang sa dinaraanan namin ang atensiyon ko. At doon ko napansing halos puro puno na ang magkabilang gilid ng kalsadang tinatahak namin at tanging liwanag na nagmumula sa bilog na buwan ang tumatanglaw sa daan. At napansin ko ring wala kaming kakasabay o nakakasalubong na ibang sasakyan kahit matagal na kaming nasa daan. Hindi ko maiwasang makaramdam ng antok dahil sa napakatahimik ng lugar na sinabayan pa ng malamig na ihip ng hangin na dumadampi sa mukha ko. Hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako.